"Talaga?"
At muling tumango si Hail.
"Totoo talaga? Hindi ka ba... nagbibiro?" pag-uulit ni Fate.
"Mukha ba akong nagbibiro? Nasa lahi ba ng mga taga-Fantanavia ang magbiro?"
"Ibig sabihin, totoo talaga?" tinitigan na lang ni Hail si Fate. Hindi pa rin naniniwala sa sinabi.
"Ah, kailan ka pwede? Kailan tayo pwedeng pumunta sa lugar na sinasabi mo?"
"Kahit kailan mo gusto." sagot ni Hail.
"Sige! Mamaya, may libreng oras ako. Pumunta tayo sa lugar na sinasabi mo."
Tumango si Hail at biglang naglaho sa harap ni Fate. Si Fate naman ay nagmadaling gawin ang trabaho niya. Ang sabi ni Hail sa kanya, may nakita daw itong isang lugar na pwedeng kinaroroonan ni Kin. At dahil doon, pwedeng makapagbigay sa kanila ng balita kung nasaan ito ngayon. Kanina pa umalis si Zinc para sa trabaho nito. Tapos mamaya ay may break time si Fate sa kanyang trabaho kaya naman ay hindi siya mahihirapan na umalis.
"Fate, may customer yata sa Bean area, naghahanap ng tao," napatingin si Fate sa katrabaho niya. Bawat pumapasok na customer ay naasikaso naman ng mga katrabaho niya kaya wala naman sigurong problema kung aalis muna siya sa counter.
"Sige," ngumiti ito at naglakad patungong Bean area.
Nang makita niya ang isang customer ay agad niya itong pinuntahan.
"Binibini, anong maipaglilingkod ko sayo?" ani Fate.
Tumayo ang babae. Maganda ang postura nito, maayos ang pananamit at mukhang mayaman.
"Kanina ko pa hinihintay ang cake na binili ko. Bakit ba ang bagal ninyong kumilos?" dahil sa tono at lakas ng boses ng babae, agad niyang nakuha ang atensyon ng iba pang mga costumer na nasa paligid.
"Ah, pasensya na po. Sige po, kukunin ko lang," halos bilisan na ni Fate ang paglalakad niya para maibigay sa babae ang binili nito. Kaso nang malapit na siya sa babae ay hindi inaasahang madudulas siya at matapon ang dala-dalang pagkain.
"Ano ba naman 'yan! Hindi mo na nga naibigay sakin ang order ko sa tamang oras, tapos sinayang mo pa. Wala ka na ba talagang nagagawang tama? I want to talk to your manager, now!" malinaw na nakatatawag ng pansin na ang paninigaw ng babae kay Fate kaya kahit hindi pa ito nakakabangon sa pagkakadulas ay sumulpot na ang manager at tinanong kung anong nangyari.
"Kung ako sa inyo, dapat hindi kayo nagpapapasok ng mga empleyado na hindi naman maayos sa pagtatrabaho!" matapos makipag-usap ng maayos ang manager sa babae ay nagwalk-out ito.
"Binibini, pasensya na talaga. H-hindi ko naman kasi sinasadya na..."
"Fate, sige na. Magbreak time ka muna. Kailangan munang magpalamig siguro," pumasok ang manager sa Book area.
Walang nagawa si Fate at nag-ayos na lang para makaalis muna. Pumunta siya sa lugar kung saan magkikita sila ni Hail, akala niya maghihintay pa siya doon para hintayin si Hail kaso laking gulat niya nang nandoon na ito.
"Ang aga mo naman yata?" ani Fate.
"Ikaw nga ang maaga eh. Bakit?"
"Nagkaroon kasi ng problema eh. Pinaalis muna nila ako."
"Ah."
"Ikaw, kanina ka pa nandito?"
"Hindi. Naramdaman ko lang kasi na baka nandito ka na kaya pumunta na ako," tumango-tango si Fate matapos ay nawala sila pareho. Sa sumunod na lugar na pinuntahan nila ay nasa harapan na sila ng isang bahay-ampunan.
"Nasaan tayo?" tumigil sila sa harapan at hinayaan ni Hail na pagmasdan ni Fate ang nasa harapan niya.
"Ang tawag ng mga tao dito ay bahay-ampunan. Ito ang lugar kung saan dinadala ang mga bata na wala ng magulang para maalagaan."
"Ibig sabihin, si Kin ay..."
"Hindi pa tayo sigurado kung isang bata si Kin, o kung ilang taon na siya ngayon. Habang naglalakad ako ay may narinig ako sa usapan ng dalawang tao at nabanggit nila ang lugar na ito kaya naman pinuntahan ko ito at binisita."
"Salamat," ikinumpas ni Hail ang kanyang kamay at sa isang pitik ay nagbago ang anyo nilang dalawa.
"Anong sasabihin natin para makapasok tayo sa loob?"
"Huwag kang mag-alala, akong bahala. Magagawan ko ng paraan 'yan," ani Hail at saka sila pumasok sa loob.
Naghiwalay sila Fate at Hail pagpasok. Si Hail kasi ay nakipag-usap sa mga taong namamahala sa loob at si Fate naman ay pumunta sa garden ng orphanage at nakita niya ang mga bata na naglalaro.
Nakapangungulila pala ang Fantanavia. Pati ang mga masasayang batang fairy doon na naglalaro umaga pa lang.
"Fate."
"Hail, anong sabi nila?"
"Ayos na. Kausapin mo na sila," tumango si Fate at pumunta sa mga taong namamahala sa bahay-ampunan.
"Binibini, may naipasok ba dito na batang nagngangalang Kin Norwester?" ani Fate.
"Sandali lang po, Ma'am. Titignan ko lang po sa listahan namin," tinanguan ni Fate ang babae habang nagdadasal na sana ay makita nila ito sa ampunan.
"Ah, Ma'am. Meron pong Kin Norwester na naipasok dito pero po wala na siya dito. Matagal na siyang inampon ng isang mag-asawa. Dalawa po ang naging record niya dito sa amin. Yung una ay isang buwan lang sila dito ng kapatid niya tapos nakatakas sila. Tapos pagkatapos ng ilang buwan ay nahuli sila at ipinadala ulit dito, pero nakaalis po sila dahil may umampon po sa kanila."
"Ah. Maaari ba naming makuha ang pangalan ng dalawang taong umampon sa kanila ng kapatid niya?"
"Opo, ito po," mabilis na tinandaan ni Fate ang pangalan na ibinigay sa kanya tapos ay lumabas na silang dalawa ni Hail.
"Paano mo napaniwala ang mga tao na mapagkakatiwalaan tayo?"
Sa pagkakaalam ko pa naman, hindi madaling linlangin ang mga tao sa mundo nila.
Sa isang mabilis na paggalaw ng mga daliri ni Hail ay bumalik ang anyo nilang dalawa sa dati. "Mahika."
Tumango-tango si Fate. "Pinayagan ka nilang gumamit dito?"
Ang tinutukoy ni Fate sa kanyang pahayag ay ang mga nilalang sa Fantanavia. Alam kasi niyang istrikto ang mga fairy doon.
"Oo, ikaw lang naman ang hindi."
"At pumayag din sila na tulungan mo ako dito?"
"Oo, pero hanggang dito lang. Hindi maaaring ako ang gumawa sa karamihan ng parte ng misyon mo. Baka kasi ako na ang pagbigyan nila ng gantimpala imbes na ikaw," humalakhak silang dalawa sa sinabi ni Hail.
Habang naglalakad pabalik sa Bean in book ay nagkukwentuhan sila.
"Kamusta naman sa Fantanavia, maayos pa rin ba kayo doon?" panimula ni Fate.
"Oo, maayos naman. Mas naging istrikto lang ang Ama."
"Ha? Bakit?"
"Naghihigpit lang siguro iyon dahil sa mga nangyayari sa fairy sa labas ng mundo natin."
"Kasama na ako?" dahan-dahang tumango si Hail bilang sagot sa sinabi ni Fate.
"Pero huwag kang mag-alala, kaya nga ako nandito sa mundo ng mga tao para matulungan ka."
Bumaling si Fate kay Hail. "Pero nagtataka lang ako, ang iba din bang mga fairy na nasa mundo ng mga tao ay may tumutulong din ba sa kanila?"
Hindi maaari.
Hindi napigilan ni Hail ang magulat sa sinabi ni Fate. Halatang ikinagulat nito ang sinabi ng kasama.
"Hindi. Siguro yung iba, meron. Yung iba naman ay wala. Depende siguro."
"Nangungulila ka sa Fantanavia, noh?" pagtatanong ni Hail.
"May mga oras na oo, at mayroon din na nakakalimutan ko. Kasi naman, ang mundo natin at ang mundo ng mga tao ay magkaibang-magkaiba. Pati na ang mga nilalang, iba din."
"Oo, sumasang-ayon ako sa sinabi mo. Noong una akong nakapunta dito ay nagulat din ako."
"Ang sabi nila, mababait daw ang mga tao. Pero ang unang taong nakilala ko dito sa mundo, binago ang perspektibo ko tungkol sa kanila."
Natawa si Hail sa sinabi ni Fate. "Talaga? Si Ginoong Zinc?"
"Oo. Mabuti na nga lang at fairy ako at hindi tao."
"Bakit, ano ba sa tingin mo ang pagkakaiba natin sa kanila?"
"Mas naiintindihan natin ang mga bagay. Hindi tayo madaling magalit, mawalan ng pag-asa, maubusan ng pasensya. Hindi tayo tulad nila..."
"Hmmm. Ibig sabihin, kung papipiliin ka ng Ama, pagiging fairy pa rin ang pipiliin mo?"
Tumango si Fate. "Ipinanganak ako sa Fantanavia. Isa akong fairy. At dapat, mamamatay din akong fairy dahil dala-dala ko ang mga prinsipyo ng pagiging fairy."
"Pero nabalitaan mo na ba na may isang fairy na nabigyan ng misyon sa mundo ng mga tao? Pagkatapos daw siyang mabigyan ng misyon at magawa niya iyon ay hiniling niya sa Ama na maging tao siya."
Napalingon si Fate kay Hail. "Talaga? May balita na ganun?"
Ang totoo, Fate? Wala.
Hail cleared his throat before saying, "oo, meron."
"Tapos, anong nangyari?"
"Pinagbigyan siya ng Ama."
"Pinagbigyan? Ibig sabihin, naging tao nga siya? Anong pangalan? Puntahan natin? Saan na siya ngayon nakatira?" punong-puno ng interes ang tono ni Fate.
"Hindi pwede eh..." ani Hail.
Ay, hindi pala pwede.
"Sayang naman. Siguro bawal siyang makilala noh?"
"Namatay na siya," bulgar ni Hail.
"Namatay? Yung fairy na naging tao? Bakit? Anong nangyari?"
"Isang buwan matapos niyang maging tao, hindi kinaya ng lakas niyang pisikal, ng katawan niya. At kung iniisip mo kung saan siya nilibing dahil tao nga siya, hindi natin makikita dito."
"Bakit?"
"Alam mo kung paano namamatay ang mga fairy, Fate," hindi maitatago ang panlalaki ng mata ni Fate sa sinabi ni Hail.
"Ano? Pero tao siya. Tao na siya. Papaanong namatay siya sa pamamagitan ng..."
"Fate, naging tao man siya, ang kaluluwa niya pa rin ay nananatiling fairy," patuloy na walang reaksyon si Fate.
"Nagkaroon siya ng komplikasyon sa baga, at dahil hindi na kinaya ng kanyang katawan ay sumuko siya."
Pagkamatay...
Nagpaulit-ulit kay Fate ang alaala niya nang una siyang makakita ng fairy na mamamatay. Lumilipad siya noon sa parang nang may makakita siya ng isang babae na nahihirapang huminga. Silang dalawa lang ang nilalang doon kaya naman lumipad siya at humingi ng tulong. Pero hindi pa man siya nakalalayo ay narinig niya na ang sigaw ng babae kaya naman binalikan niya ito. At dito niya nakita ang pagkamatay ng babaeng fairy. Unti-unting nauubos ang pakpak nito, hanggang sa umabot sa likuran ng babae, at sa isang iglap ay naging abo ito na hindi na muli pang nakita.
"Anong tingin mo?" tanong ni Hail.
"Saan?"
"Sa nangyari."
"Malungkot."
"Dahil namatay siya?"
"Oo, pero mas nalulungkot ako dahil ninais niya na maging tao."
Gulat na napatingin si Hail kay Fate. "Talaga?"
"Oo, kasi ibig sabihin lang no'n ay hindi naging sapat sa kanya ang Fantanavia at ang pagiging fairy niya. Ninais niyang maging makasalanan na rin."
"Pero... hindi mo ba siya... naiintindihan? Ibig kong sabihin, wala ka bang nakikitang dahilan kung bakit niya ginawa iyon?"
"Siguro yung kalayaan. Dito kasi sa mundo ng mga tao, maraming temptasyon. Maraming tukso. Magagawa mo ang lahat ng gusto mo, pero pagkatapos naman no'n ay mahihirapan ka. Pero hindi nila nakikita iyon."
Matagal bago may nagsalitang muli sa kanila. "Halika na, bumalik na tayo at baka hinahanap na ako."
Tumingin muna si Hail kay Fate bago sila pumunta sa coffee shop.
Sana nga, Fate. Sana nga ay wala kang makitang magandang dahilan para maging isang tao. Dahil kapag nangyari iyon, sigurado akong hindi mo magugustuhan ang mangyayari sayo.
Sa isang iglap ay nasa harapan na sila ng Bean in book. Nagpaalam na muna si Fate kay Hail dahil magtatrabaho na ito. Nang pumasok si Fate ay...
"Bullshit!" at ikinagulat ni Fate ang pagsugod ni Zinc sa kanya.
"Saan ka ba nagpupupunta? Bakit umaalis ka ng Bean in book ng walang paalam, ha?!"
"S-sandali, b-bakit nandito ka?" bahagyang hininaan ni Fate ang lakas ng boses niya dahil pinapanood sila ng manager at ng mga katrabaho niya.
"Hindi ba't nasa—"
"Hindi na mahalaga 'yon! Ang tanong, bakit ngayon ka lang? Saan ka ba nagsususuot?"
"Break time ko ngayon kaya pwede akong umalis ng Bean in book kahit saan ko gusto. Hindi ba't iyon ang paliwanag sakin ni manager?" dahil sa inis ay hinila ni Zinc si Fate sa labas ng coffee shop at pinasok sa kotse tsaka pinaandar.
"Saan tayo pupunta?"
"Uuwi na tayo."
"Sandali, bakit? Tsaka bakit ka pumunta sa Bean in book samantalang nagtatrabaho ka?" mabilis na pinaandar ni Zinc ang kotse niya. Tila dikit na dikit ang mga mata nito sa kalsada at ayaw tignan ang nagsasalitang katabi.
"Wala ka ng pakialam! Pagmamay-ari ko 'yon kaya pwede ko yung puntahan anumang oras ko gusto! At ikaw, saan ka ba pumupunta?! Lagpas na ang oras ng break time mo, hindi ka pa bumabalik!"
"May pinuntahan kami ni Hail. Pasensya na kung hindi ako nakapagpaalam."
"Oh, at kasama mo pala siya? Saan kayo nagpunta? Kaya pala nakalimutan mo ang oras dahil magkasama kayo. What a nice day," sarkastikong pahayag ni Zinc sa kasama.
Bwisit.
"Inasikaso namin ang misyon ko," tila pumasok at lumabas lang ang mga sinabi ni Zinc sa tenga ni Fate, ni hindi man lang siya nagdamdam sa mga sinabi nito.
"Saan nga kayo pupunta?"
"Hindi mo maaaring malaman, Ginoong Zinc. Pasensya na."
Tss.
Huminto ang kotse ni Zinc kaya napalingon si Fate sa kanya. Wala pa naman sila sa condo kaya bakit ito huminto?
"Pumunta ako sa Bean in book kanina kasi may gusto akong sabihin sayo," ani Zinc na nakatingin pa rin sa kalsada.
"Ano?"
"Hinahanap ka ni Aian kanina."
"Aian? Akala ko ba, hindi na ako isinali sa pagmo-model ba 'yon? Kasi dahil sa... ginawa mo dati...?"
"Hindi 'yon dahil doon."
"Ano?"
"Niyayaya ka niyang makipagdate."
Nalukot ang noo ni Fate. "Date, ano 'yon?"
Inikutan siya ni Zinc ng mata at sinabing, "date. Iyon yung may kasama kang isang tao sa isang espesyal na lugar tapos kakain kayo at mag-uusap."
Creepy. Duh.
"Ah..."
Sinulyapan ni Zinc si Fate habang nakahawak pa rin sa manibela. Nakita niya itong nag-iisip pero nakatingin lang sa diretso.
"Ano, papayag ka ba?"