"Masakit pa ba?"
"Tss," inilayo ni Zinc ang kamay niya kay Fate. Ito kasi ang gumagamot sa sugatan niyang kamay.
"Akin na nga," kinuha ulit ni Fate ang kamay niya at ipinagpatuloy ang ginagawa.
Nasa kotse sila ngayon. Ayaw pang umakyat ni Zinc papunta sa condo niya at hindi alam ni Fate kung bakit.
Hindi na sila nakapagpaalam ng maayos sa mga tao sa set. Kitang-kita ang gulat sa mukha ng bawat isa kung bakit nagkaganun si Zinc. Hindi nila alam kung bakit bigla na lang itong sumugod sa lalaking model-natural, ako lang naman kasi ang nakakita sa kabulastugang ginagawa ng lalaking 'yon.
"Ano ba kasi yung... ginawa mo kanina?" dahan-dahang tanong ni Fate. Hindi niya tinitignan ang mga mata ng lalaki dahil alam niyang puno na naman ito ng galit.
"That is none of your business," ani Zinc.
"Alam mo namang hindi kita naiintindihan pero patuloy ka pa ring nagsasalita dyan."
Zinc just rolled his eyes.
"Kawawa naman yung lalaki kanina. Wala naman siyang ginagawang masama tapos sinugod mo."
"At siya pa ang kakampihan mo? Damn that asshole. Fuck."
"Kung sana, sinabi mo kung ano ang ginawa niya na ikinagalit mo, may posibilidad sana na kakampihan kita. Kaso, alam ko ba?" diretsong pahayag ni Fate kay Zinc.
Si Zinc naman ang umiwas ng tingin ngayon. Simula kanina, naka-ilang tanong na si Fate sa kanya kung bakit niya ginawa 'yon sa lalaki. Nainis siya na ganun ang ginawa ng lalaki kay Fate, nambabastos ito. Pero yung malalim na dahilan kung bakit, hindi niya alam. Maging siya sa sarili niya ay nalalabuan na rin.
"Sasabihin mo na ba sa 'kin?" nang mapansin ni Fate na parang malalim na ang iniisip ni Zinc. Tapos niya ng balutan ng tela ang sugatang kamay ni Zinc.
Zinc heaved.
"No," binawi niya ang kamay niyang tapos ng gamutin ni Fate. Bigla kasing nanginig ang kamay niya nang makita niyang hawak-hawak ito ni Fate. Iyon bang hawak na iniingatan ang kamay niya dahil delikado ito.
"Umakyat ka na sa taas."
"Hindi ka... sasama? Saan ka pupunta? Anong gagawin mo?" marami pang tanong na ibinato si Fate kay Zinc.
"Hindi ako aalis. Dito lang ako sa parking lot. Magpapahinga lang ako."
"Bakit hindi ka na sa kwarto mo ikaw magpahinga?"
"Gusto ko dito. Tahimik."
Itinaas ni Fate ang kanang kamay na parang manunumpa, "tatahimik ako!"
Umikot na naman ang mata ni Zinc. "Ayoko nga roon. Bakit ba gusto mo akong nandoon?" May bahid na ng irita sa boses niya.
"Eh kasi... nakakalungkot kung wala akong kasama."
Tss. Nagdrama na naman.
"Pupunta ako doon. Mga kalahating oras lang ako dito tapos aakyat na ako. Sige na, umakyat ka na," walang nagawa si Fate kundi sundin siya.
Pagkarating ni Fate sa condo unit ni Zinc ay nagpalit kagad siya ng damit. Nanood siya ng TV kaso hindi maiwasang lumipad ng utak niya.
May ginawa kayang gamit ang tao para mahanap ang gusto nilang mahanap? Tamang-tama, pagbalik ni Zinc, tatanungin ko siya kung may ganun ang mga tao. Para na rin mahanap ko na si Kin.
Iniwan niyang nakabukas ang TV at pumunta siya sa kwarto ni Zinc para makapaghanap ng kahit anong ginawa nitong kwento na pwedeng basahin.
Kaso imbes na makahanap ng libro, nakakita siya sa mesa nito ng mga napagsulatang papel. Halata sa papel na ito na luma na at sa pagkakasulat ng mga letra na magulo pa.
"Ito na lang ang babasahin ko," aniya at naupo sa upuan ni Zinc sa kanyang kwarto.
~~~
Flashback
"Pakawalan niyo ko dito!" hinawakan ko ang rehas na nasa harapan ko, ang bakal na naghihiwalay sakin sa Fantanavia, ang lugar namin.
Subalit nang hawakan ko ang mga bakal ay may kung anong matinding sakit na dumaloy sa katawan ko, tiyak na pinagana na naman ng Ama ang kanyang kapangyarihan.
"Kung ako sayo, huwag ka ng magpagod. Wala ka din namang magagawa at patuloy mo lang masasaktan ang sarili mo."
Naupo na lang ako. Wala na akong magagawa. Inilibot ko ang tingin ko sa lugar kung nasaan ako. Tophet.
Nasa Tophet ako.
Ang kulungan ng mga nagkasalang fairy sa Fantanavia. Parte pa rin ito ng Fantanavia pero madilim na ang lugar na ito at maraming gnome ang nagbabantay.
Bakal at ginamitan ng itim na mahika ang kulungan namin. Bawat isang fairy na nagkasala ay may isang kulungan. Nakalutang ang mga kulungan namin sa ibabaw ng mga matataas na bundok. At sa bawat pagitan ng matataas na bundok ay ang katakot-takot na pagbabasagkan namin kung may mali kaming ginawa. Hindi namin alam kung ano ang nasa ibaba ng bundok dahil natatakpan iyon ng usok. Usok na kailanman ay hindi nawawala. May mga nagsasabi na sa ilalim ng mga usok ay dagat, malalim na tubig na kung babagsak kami ay hindi kahina-hinalang mamamatay kagad kami.
"Wala naman akong ginawang masama ngunit bakit nila ako kailangang parusahan ng ganito?" ang bawat kulungan ay may nagbabantay na isang gnome. Maswerte na nga lang dahil may kausap ako kahit papaano.
Hindi naman talaga dapat isang gnome ang siyang magbabantay sa mga kulungan sa Tophet. Kaso katulad ng mundo ng mga tao, hindi din naging makatarungan ang mga nakatataas sa kanila. Ang mga gnome ay dating nagbabantay lang ng mga kayamanan sa mga tagong lugar. Hindi sila ang mga nagmamay-ari at tagabantay lang sila. Sinasabing ang mga gnome noon ay ang pinakamapagkakatiwalaang nilalang sa buong mundo. Kung ano ang iniutos mo sa kanila ay gagawin nila anuman ang mangyari. May isang salita sila.
Pero hindi naging maganda ang kapalaran ng mga gnome dahil kinuha ang lahat ng mga kayamanan na binabantayan nila ng Ama, hinawakan sila sa leeg at inutusang bantayan ang Tophet. Bilang kilala sila na tumutupad sa utos, gusto man nila o hindi, ay wala silang magagawa. Mula noon ay tila wala na silang buhay, wala na silang lakas at karamihan ay hinihintay na lang nila ang katapusan nila para magwakas na ang paghihirap nila sa kamay ng Ama.
"Alam mo ba ang naging kasalanan mo?" tanong niya sakin.
"Hindi kasalanan ang nagawa ko."
"Pero hindi iyon ang nakita nila."
"Paano nila makikita ang ginawa ko, sarado ang mga isip nila," nakita ko ang pagtikom ng bibig ng gnome. Nakikita kong ayaw niyang magsalita. Isa lang ang dahilan no'n. Wala siya lakas ng loob dahil natatakot siya.
Kamusta na kaya si Fate sa mundo ng mga tao? Maayos kaya siya?
Sabi nila, ang mundo daw ng tao, tinatawag nilang Earth, ay kompletong kasalungat ng Fantanavia. Wala itong mahika. Pare-pareho ang kakayahan ng mga tao. Hindi tulad ng lugar namin.
"May mga bruha!" nanlaki ang mata ko nang marinig iyon. Nadagdagan pa ng mga sigawan.
"Anong nangyayari?" tanong ko sa bantay.
"Sandali, titignan ko," lumipad ang gnome hanggang sa hindi ko na siya makita. May mga usok kasi at hindi ko na makita ang iba pang mga nakakulong at ang mga gnome nila dahil natatakpan na ng usok. Hindi ko naman napansin dahil marami akong iniisip kanina.
"Sumama ka sa 'min."
"S-sino kayo?!" umatras ako hanggang sa dulo ng kulungan na kinasadlakan ko. Nabuksan na nila ang pinto ng kulungan ko at mas madali na nila akong makukuha.
"Hahahahaha! Inutusan kami ng Ama ninyo na kunin ka dito. Hahahahaha!" mga witch sila, bruha din kung tawagin. Mula sila sa lugar ng mga Verdania.
"Imposibleng utusan kayo ng Ama na kunin ako dito! Umalis na kayo!"
"At bakit hindi posible? May ipagagawa sayo ang Ama ninyo kaya ka niya kailangan sa kanyang kaharian! Hahahahaha!" kailan pa humalik ang mga tao ng Verdania sa Fantanavia?
"Kunin niyo na siya! Hahahahaha!" may dalawang bruha na pumasok sa kulungan ko at kinuha ang braso ko.
"Tumigil kayo! Wala akong ginawang kasalanan!"
"Tumigil ka, lalaki!" pinasakay nila ako sa walis nila. Hindi ko maigalaw ang mga kamay at paa ko, gawa ng mahika na naman siguro.
"Kung patuloy kang gumawa ng hakbang para makatakas sa amin, mapipilitan kaming kaladkarin ka papunta sa kaharian! Hahahahaha!"
"Pakawalan niyo 'ko!" kahit gaano man ang paglaban na ginagawa ko ay nakarating pa rin kami sa Fantanavia. Bago makapasok sa kaharian ay inayos nila ang itsura ko, nilinis nila at pinagmukhang disente. Parang hindi nagmula sa Tophet.
Nagbukas ang malaking pinto ng kaharian ng Ama, at sumalubong sakin ang pulang tela na nakalatag sa sahig, patungo ito sa trono niya.
Nakarating na ako dito, iyon ang pagkakataon na nahuli nila ako na susunod kay Fate sa mundo ng mga tao at yun din ang araw na hatulan ako ng pagkakulong.
Habang naglalakad ako ay ramdam ko ang mga titig ng mga sundalo, at ibang nilalang sa aking gilid. Bago pa ako maglakad ay ikinulong nila sa tanikala ang mga kamay ko para iwasan ang panlalaban.
"Kamusta, Ginoong Hail?" dumagundong ang boses ng hari sa buong silid. Inangat ko ang tingin ko sa kanya, tikom ang bibig.
"Wala akong kasalanan."
Tumaas ang isa niyang kilay, "pag-uusapan pa ba natin ang tungkol diyan?"
"Ipinatapon niyo ako sa Tophet, kayo ang nagkamali."
"Hindi mo talaga ako naiintindihan kung bakit kita inilagak doon, ano?"
"Kailanman ay hindi."
"Tinangka mong sumunod kay Fate, iyon ang pagkakamali mo!"
"Hindi siya dapat nandoon! Alam ko ang mangyayari! Nakita ko! Pahihirapan mo lamang siya! Ikaw ang nagkamali!" wala na akong pakialam pa kung siya ang Ama at sinisigawan ko siya.
"Wala kang galang, Ginoo. Baka nakakalimutan mo kung sino ang—"
"Sasaktan mo lamang siya!"
Nakita ko ang pagguhit ng ngiti sa kanyang labi, "ipadadala kita sa mundo ng mga tao."
Natigilan ako sa sinabi niya. "Ngunit kailangan mong sumunod sa sasabihin ko sayo."
"Masama ka."
"Ipadadala kita upang tulungan si Fate sa kanyang misyon para maiwasan ang nakita mong mangyayari sa kanya."
"Ibig sabihin, hindi siya mamamatay?"
"Posibleng hindi siya mauwi sa kamalasang iyon."
"Pero kung hindi...?"
"Pero kung hindi, mamamatay ka at ikukulong ko siya sa Tophet habambuhay."
"Walang hiya ka."
"Ano, tinatanggap mo ba?"
Sinamaan ko siya ng tingin. "Handa ako."
Inutusan ng Ama na kalagan ako. Pinakain at inayusan ako para sa pagpunta ko sa mundo ng mga tao. Pero hindi ko pa rin maiwasan ang pag-iisip na may ibang dahilan kung bakit ako ipapadala kay Fate.
"Handa ka na ba?"
"Oo."
"Sige, ngunit bago ka umalis, may sasama sayo."
Mula sa likuran ng Ama ay ang kanyang anak. Simple ang ayos nito kumpara sa normal.
"Sasama sayo si Desire at kailangan niyong umarte na hindi kayo magkakilala."
Patuloy ang pagkagulat sa mukha ko. "Anong... anong gagawin niya? Bakit sasama siya?"
"Wag mo na siyang alalahanin. Alam niya na ang gagawin niya," pinauna nila akong lumabas ng pasilyo. Pero habang palapit ako ng palapit tungo sa lagusan papunta sa mundo ng mga tao, iba ang nararamdaman ko.
Mahirap ito. Pakiramdam ko ay may masamang mangyayari. At pakiramdam ko, hindi ko mapipigilan ang mangyayaring iyon.