"Bakit ka umalis doon? Hindi pa naman yata kayo tapos sa pag-uusap niyo ah," ani Fate. Pasakay na sila ng kotse.
"Tapos na."
Hindi pa naman eh, ani Fate sa kanyang isipan.
"Paano ka napunta sa room na 'yon kanina?" pagtatanong ni Zinc. Pinaandar na niya ang kotse.
Nagkibit-balikat si Fate. "Hindi ko nga alam eh. Samantalang pinag-isipan ko naman ng mabuti ang lugar na pupuntahan ko ngunit kataka-taka na bumagsak pa rin ako sa lugar na hindi dapat."
"Baka may problema sa... kapangyarihan mo? Hindi kaya?"
Malalim ang pinakawalan ni Fate na buntong-hininga.
Maaari.
"Pero bakit? Hindi maaaring magkamali ang kapangyarihan ko."
"Sandali... ahm... baka pwede mong tanungin si Hail tungkol dito."
Tumingin si Fate sa bintana. "Umalis na si Hail. Bumalik na siya sa Fantanavia."
"Ha? Akala ko mananatili siya dito hanggat nandito ka?"
"Hindi. Bumaba lang siya para tulungan ako."
"Ah akala ko... anyway, wala ka bang mapagtatanungan kung anong nangyayari...?" batid ni Zinc ang delikadong nangyayari. Katulad na lang ng nangyari kanina, kung nakita ng mga ka-meeting niya ang biglaang pagsulpot ni Fate sa kwarto kung saan sila nag-usap ay magtataka din ang mga ito at matatakot pa nga.
Umiling si Fate. "Wala."
"Eh yung mga nasa lugar niyo, wala ka bang makakausap sa kanila?"
"Hindi maaari. Mas kailangan kong pagtuunan ng pansin ang misyon ko kaysa sa nangyayari sa kapangyarihan ko."
Tumango si Zinc. "Nga pala, anong nangyari sa misyon mo? May... nangyari ba na maganda?"
Ngumiti si Fate habang naaalala ang mga nangyari. "Oo. Kahit papaano naman ay may mabuting nangyayari."
"Hindi ko ba talaga pwedeng malaman kung ano yung misyon mo? Kasi baka may maitulong ako."
"Ginoong Zinc, narinig mo na ba ang kwento ng fairy na nagpatulong sa isang tao at pagkatapos niyang maisagawa ang kanyang misyon ay namatay siya?"
Tila naubusan ng boses si Zinc sa kanyang lalamunan. Hindi makapagsalita.
"Biro lang. Hahahaha," malakas na tawa ang binato ni Fate kay Zinc.
Irap naman ang isinagot ni Zinc dahil dito. Bwisit.
Pagkatapos ng katahimikan ay naka-recover din si Zinc. "Huwag mo nang uulitin ang biro mo ah. Hindi nakakatuwa. Tss."
Hininto ni Zinc ang kotse niya sa isang parke na walang masyadong tao. Gumagabi na rin kasi at malayo ang lugar na iyon sa sentro ng lungsod.
"Halika," lumabas si Zinc sa loob ng kotse na sinundan naman ni Fate. Umihip ng malakas at nagsayaw ang mga dahon ng puno.
"Nagugutom ka na ba?"
Tumango si Fate. "Medyo. Naalala kong hindi pa pala ako kumakain."
"Sige, sandali," tinakbo ni Zinc ang kotse niya at naglabas ng pagkain. Naglatag siya ng tela sa damuhan ng parke at nilagay ang mga pagkain. Naupo sila sa ibabaw ng nailatag na tela at nagsimulang kumain.
"Paano mo nalaman ang lugar na ito?" ani Fate.
"Dati kasi... nadadaanan ko 'to. Gusto ko nga sanang pumunta dito kaso lagi akong walang oras. Busy eh."
"Nakuha ko na!"
"Ang alin?"
"Noong una, pumunta tayo sa Secret Garden. Tapos pangalawa ay dito. Mahihilig ka pala sa mga lugar na tahimik at payapa!" na siyang sinundan ni Fate ng tawa. Nginitian lang ni Zinc.
"Kaya ka rin naman pala tahimik. Tapos malayo ang loob mo sa ibang mga tao."
"Hindi ganun."
"Matanong ko lang, nasaan nga pala ang mga magulang mo, Ginoong Zinc?"
Naglaho ang mga ngiti ni Zinc. Kaya naman ay naramdaman ni Fate na hindi handa si Zinc sa pag-uusap tungkol dito.
"Sige. Mag-usap na lang tayo ng ibang bagay."
"Ano?"
"May nabanggit si Ginoong Aian tungkol sa isang babae..." naalala man ni Zinc ang pangalan ng babae ay hindi niya ito pinaalala kay Fate. Ayaw niya ng maalala si Luna.
"Ano nga ang pangalan ng babaeng iyon? Naalala mo na ba, Ginoong Zinc?"
Umikot ang mata ni Zinc. "Ang sabi mo, pinag-usapan niyo ni Aian. Ibig sabihin, wala ako doon. Kaya paanong mangyayari na malalaman ko ang pinag-usapan niyo eh kayo lang naman ang nag-usap."
Tumaas ang kilay ni Fate sa sinabi ni Zinc. "Nandoon ka."
Kumunot ang noo ni Zinc. Naguguluhan sa sinabi ng kasama.
"Ha? Ano?"
"Nandoon ka kaya alam mo ang babaeng binanggit ni Ginoong Aian sa akin."
"Saan? Nasaan ako?"
"Noong kumain kami sa isang magarang lugar." uminom si Fate ng tubig.
Nanlaki ang mga mata ni Zinc. Gulat na gulat sa narinig. "Ano? Wala ah!"
Ibinaba ni Fate ang basong iniinom ang tinuon ang mata sa pagkain.
"Nandoon ka. Huwag ka ng magsinungaling."
"Wala. Ako. Doon."
Isang malakas na malalim na paghinga mula kay Fate. "Malapit ka sa mesa kung saan kami kumain. Inilabas mo ang iyong telepono at nag-aktong may tinitignan ngunit ang totoo ay nakikinig ka sa pinag-uusapan namin. Sinadya mo pang basain si Ginoong Aian. Tapos marami kang biniling pagkain para magkaroon ka pa ng dahilan para manatili sa lugar."
Tumaas ang kilay ni Zinc. f**k. Bistado na ako.
Ngumiti si Fate. "Bistado ka na. Huwag ka ng magsinungaling."
"Binabasa mo ang isipan ko. Bawal iyan."
"Kasi naman, huwag ka ng magsinungaling. Gaano ba kahirap ang umamin?"
Umikot ang mata ni Zinc. "Oo na. Nandoon ako. Masaya ka na?"
Ngiti ang gumuhit sa labi ni Fate. "Ano nga ulit ang pangalan ng binibini?"
"Luna."
Tinapos ni Fate ang pagkain niya habang si Zinc naman ay umiinom ng kanyang soda. Patuloy lang ang paghangin sa kanilang kapaligiran at lumalamig na sa buong parke.
"Magkwento ka," ani Fate.
Tumayo si Zinc at naupo sa isang parte ng seesaw. Uminom si Fate ng tubig at sumunod kay Zinc.
"Magkaibigan kami ni Luna dati. Nagkakilala kami sa palengke noon. Pag-aaway ang aming naging simula dahil naputikan ko siya. Katatapos lang kasi ang ulan noon at galing ako sa labas. Matapos noon ay hindi ko na inaasahan na magkikita kami. Pareho kaming nakapagtrabaho sa iisang lugar. Naging magkaibigan. Tapos nalugi ang maliit na kompanya na pinagtatrabahuhan namin at pareho kaming umalis. Tapos nakilala ko si Aian. Ang kanyang ama ang nagpasok sakin sa pinagtrabahuhan namin dati at ang kanyang ama din ang nagpasok sa kung saan nagtatrabaho si Aian. Noon pa man, nakakainis na talaga ang ugali ni Aian. Mayabang, matapobre, makasarili, lahat na yata ng masama ay nasa kanya na. Tapos nakilala niya si Luna."
"At... nagustuhan niya?"
"Oo. Niligawan ni Aian si Luna. Wala akong magagawa. Mas may lakas ng loob si Aian para sabihin kay Luna ang nararamdaman nito."
"Mas may lakas si Aian...? Ibig sabihin ay mayroon ka na ring nararamdaman para sa dalaga?"
Dahan-dahang tumango si Zinc. "Naramdaman ko na lang nang sila na."
"Kung ganun... nasaan na ngayon si Binibining Luna? Bakit hindi na sila magkasama ni Ginoong Aian?"
"Kinuha si Luna ng mga magulang niya papuntang ibang bansa. Wala siyang nagawa kaya sumama siya."
"Gaano na siya katagal na wala?"
"Mga ilang taon na rin. Tatlo na yata."
"At hanggang ngayon ay galit ka pa rin kay Ginoong Aian dahil doon?"
"Ano ba, nakamove on na ako."
"Ngunit bakit ganun pa rin ang pakikitungo mo kay Ginoong Aian?"
"Hindi ko kasi kayang makipagplastikan sa kanya. Ang ibig kong sabihin, hindi ko kayang itago ang tunay kong nararamdaman kapag nandyan siya at nakikipag-usap sakin. Ayaw ko sa kanya at ayaw kong itago iyon sa kanya. Tsaka isa pa, alam naman niyang ayaw ko talaga sa kanya so bakit ko pa itatago."
"Kung bumalik si Luna at piliin ka niya, papayag ka ba?" ikinagulat ni Zinc ang pagtatanong ni Fate.
Kumunot ang noo niya. "Ano bang sinasabi mo? Hindi na siya babalik. Asensado na iyon sa ibang bansa."
Ngumiti si Fate. "Babalik na ako sa trabaho bukas."
"Sige."
"Nga pala, ito ang lahat ng pera na binigay sakin ni Ginoong Aian kapalit ng pagtatrabaho ko." inabot ni Fate ang sobre kay Zinc. Pero hindi iyon tinanggap ng huli.
"Gamitin mo iyan sa misyon mo. Hindi naman kita sinisingil eh."
"Pero ang sabi mo ay magbabayad ako—"
"Fate, hindi kita sinisingil. Itago mo iyan," ngumiti si Fate sa sinabi ni Zinc na napansin naman ng lalaki.
"Bakit?"
"Tinawag mo ako sa aking pangalan."
"Dati ko pa iyon ginawa."
"Pasensya na, ngayon lang tumatak sa akin," sinundan niya ng mahinang tawa ang kanyang sinabi.
"Gusto mo ng umuwi?"
Tumango si Fate. "Medyo pagod na rin ako."
"Halika na," inayos muna nila ang kanilang pinag-kainan.
"Ako na dito. Pumasok ka na sa kotse at malamig."
"Sigurado ka?"
"Oo. Dali na," tumungo si Fate sa loob ng kotse habang si Zinc ay nag-aayos pa ng kanilang pinag-kainan. Pagpasok niya sa kotse ay nadatnan niya si Fate na natutulog, nakahilig na sa bintana. Tinitigan niya muna ito.
Ayoko sanang maulit ang nangyari samin ni Luna. Ngunit iwasan o pigilan ko man ang mangyayari, horrid things are bound to happen. Mawawala ka din Fate. Gustuhin ko man o hindi.