Nagising si Fate sa kahol ng aso na si Caramel. Pagbangon niya ay sakto namang inilalapag na ni Zinc ang niluto nitong sinangag, pritong itlog at hotdog. Umupo lang si Fate sa sofa habang nakatingin sa ginagawa ni Zinc, tinitignan niya kung ano ang susunod na gagawin ni Zinc.
Umupo si Zinc sa upuan at pinakain si Caramel. Nagsimula na din si Zinc na kumain. Pero nang sumubo na siya sa pangatlong beses, tumigil siya, at tumingin ng magkasalubong ang kilay kay Fate.
"Anong tinitingin-tingin mo dyan?" tanong ni Zinc.
Natauhan si Fate, "ah wala."
Lumihis ang tingin niya kay Zinc at tinuon ang pansin sa ibang bagay.
"Saluhan mo kami dito."
Nanlaki ang mga mata ni Fate sa sinabi ni Zinc, "talaga? Totoo ba iyan?"
"Kung ayaw mo, e di wag. 'Di ka pinipilit!"
"Hindi! Gusto ko. Gustong-gusto," agad na tumungo si Fate sa hapag.
"O' teka, mag-toothbrush ka muna! Tsaka di ka pa nga naghihilamos eh!" masungit na sabi ni Zinc.
"Ah... P-paano ba... mag-tooth... ano? Ano ulit yung sinabi mo?"
"Toothbrush—" natigilan si Zinc at may naisip.
Oo nga pala, wala pa nga pala siyang toothbrush. Tsk.
"Maghilamos ka na nga lang."
"Bakit? Hindi ba't may sinabi ka pang gagawin ko?"
"Tsaka ka na mag-toothbrush. Bibili pa tayo para may magamit ka."
"Bibili pa tayo? Hindi ba't sayang sa pera?"
"Baliw ka ba? Alangan namang hindi ka mag-toothbrush? Kasama 'yon sa hygiene ng tao!"
Lihim na napangiti si Fate. Nagmamalasakit na siya sa pagiging tao ko.
"Sige," tumayo si Fate at pumasok sa banyo. Lihim na pinapakinggan ni Zinc kung ano ang gagawin ni Fate sa loob pero nang wala siyang marinig na pagbasa ng tubig ay nagtaka na siya.
Bigla namang lumabas si Fate sa loob ng banyo at tumungo kay Zinc, "ah... paano ba ang maghilamos?"
Sinasabi ko na nga eh.
Zinc rolled his eyes. Tumayo ito at pumasok sa banyo. "Halika nga!"
Napangiti si Fate.
"Ganito..."
Binuksan ni Zinc ang gripo. Pinagdikit niya ang kamay niya at nag-iwan ng espasyo para sa paglalagyan ng tubig. Nang maging sapat na ang tubig sa kanyang kamay ay dahan-dahan niyang binuhos sa kanyang mukha.
"Ano, kaya? Ikaw nga!" ginawa ni Fate ang tinuro sa kanya ni Zinc, kaso nang tumama ang tubig sa kanyang mukha ay natamaan din si Zinc at nabasa din ito.
"Uy! A-ano bang ginawa mo!" wika ni Zinc habang pinupunasan ang nabasang parte ng kanyang damit.
"Paumanhin, paumanhin, Ginoong Zinc!" tumulong din si Fate sa pagpupunas ng mga nabasang parte sa damit ni Zinc. Natigilan si Zinc nang mapadpad ang kamay ni Fate sa dibdib niya, manipis pa naman ang damit nito at lalo pang bumakat ang hubog ng katawan.
"H-hoy! T-tigilan mo na nga 'yan! Maghilamos ka na! Tas magmumog. Ang baho ng bibig mo!"
Tinapat ni Fate ang kamay sa bibig at naglabas ng hangin, tapos inamoy niya ito.
"Wala namang amoy, amuyin mo," walang kagatol-gatol na pinaamoy ni Fate ang kamay niyang hinihingahan niya kay Zinc.
"Yuck! Bad breath sucks!" tapos tumakbo si Zinc palabas ng banyo.
"Wala namang amoy ah," inosenteng wika ni Fate.
"Of course, you'll say that. It's your own smell!"
Hindi na nag-react si Fate at pumasok na sa loob ng banyo. Bumalik si Zinc sa mesa at kumain na ulit, "may mouthwash dyan, 'yon na lang ang gamitin mo."
At ipinaliwanag ni Zinc kung paano gamitin 'yon, "basta 'wag mong lulunukin ah! Malalason ka dyan, nako!"
Nang matapos na si Fate ay tumungo na rin ito sa mesa.
"Sinangag 'to," turo ni Zinc sa fried rice. "Itlog, tapos hotdog. Eat."
"Parang may kakaiba," wika ni Fate.
"Ano na naman?" uminom si Zinc ng tubig habang nakatingin kay Fate.
"Para kasing... nakita ko na 'to dati," sabay turo sa itlog at hotdog.
"Hindi eksaktong ganito pero parang may kahalintulad ito."
"Saan mo naman nakita?"
"Sa... tao...?" wika ni Fate. Biglang nabulunan si Zinc nang marinig niya ito.
"Pwede ba kumain ka na lang? Dami mo pang satsat!" sabi ni Zinc.
Siguro nagkakamali lang ako, isip ni Fate.
Sumandok si Fate ng sinangag sa plato at sumubo. "Hindi! Dapat magsama ka ng ulam! Fried egg o hotdog! Tapos kung gusto mo, dagdagan mo ng ketchup o toyo. Pero try mo yung toyo sa itlog, masarap."
Kinuha ni Fate ang toyo at nilagay ito sa ibabaw ng itlog, kaso nang makita ni Zinc ang paglagay ni Fate ay nag-freak out siya.
"Bakit ang dami?! Maalat na 'yan! Parang pinaliguan mo na yung itlog!" agad na inilayo ni Zinc ang lalagyanan ng toyo kay Fate. Humiwa si Fate ng itlog at sinubo ito.
"Ano, sobrang alat na noh?"
"Hindi, masarap naman."
Tinuunan naman ng pansin ni Zinc ang pagkain niya. Pero ilang saglit lang ay nagulat siya nang may tumalsik na ketchup sa damit niya, tapos sa mukha niya, sa kamay, at sa pagkain.
What the...
"Ayan, mukhang masarap na," ani Fafe na punong-puno din ng ketchup ang kamay niya.
Nanlaki ang mga mata ni Zinc nang makita niyang isusubo ni Fate ang isang hiwa ng itlog at hotdog na naligo na yata sa toyo at ketchup. Pipigilan niya sana ito kaso nakita niyang parang gustong-gusto itong tikman ni Fate.
"Yuck..." bulong niya.
"Mmm... Masarap!" wika ni Fate na parang may sarili ng mundo sa pagkain.
"You like it?" tanong ni Zinc na parang nandidiri sa nakikita niya.
Hindi na siya pinansin ni Fate. Huli niya ng naisip na english nga pala ang sinabi niya kaya hindi nito maintindihan ang pahayag. Winala na lang ni Zinc ang paningin niya at kumain na lang.
"Pupunta ka ba sa iyong trabaho?" tanong ni Fate habang naghuhugas si Zinc.
"Hindi, nag-leave muna ako."
"Sa anong dahilan?"
"Bibisitahin ko yung Coffee shop ko."
"Co... ano?"
"Coffee shop! Iyon yung parang maliit na lugar na may binibentang mga kape."
"Ah... Ikaw ang may-ari?" tumayo si Fate at tumulong na pinunasan ang mga katatapos lang na mahugasan na mga plato.
"Oo, sino pa ba? Sabi ko nga di ba, 'ko'?"
"Ah. Mayaman ka pala."
"Tsk."
"Sa C-coffee shop mo, ikaw lang ba ang nagtatrabaho doon?"
"Hindi ah! Kita mo namang may trabaho pa ako eh! Tanga ka ba?"
"Ano yung tanga?" nang marinig ni Zinc iyon ay natigil siya sa paghuhugas.
"Wala! Tsk!"
"Ano nga?"
"Tsk. Wag mo ng alamin. M-masama 'yon."
Oops, wrong word, Zinc.
"Masama? Masama pala ngunit bakit sinabi mo?"
Sabi ko na eh.
"Basta! Bakit ka ba nangungulit?!"
Nagalit na naman, isip ni Fate.
"Doon ba sa Coffee shop mo, anong ginagawa ng mga nagtatrabaho doon?"
Matagal na tinitigan ni Zinc si Fate, "gumagawa ng kape tapos binibigay nila sa bumibili."
"Ah."
"Bakit mo natanong?"
Maaari na siguro 'yon, isip ni Fate.
"Maaari ba akong magtrabaho sa Coffee shop mo?"
Tinaasan kagad ng kilay ni Zinc si Fate, "bakit?"
"Para magkaroon ako ng sarili kong pera."
"At aanhin mo 'yon?"
"Para magkaroon ako ng sarili kong tirahan tulad mo," ngumiti si Fate. "At para na rin magawa ko yung misyon ko."
"Tirahan?"
"Oo, naisip ko kasi na hindi naman ako maaaring manatili ng matagal dito. Maliban na lang kung papayag ka," inosenteng sabi ni Fate.
Umirap si Zinc sa narinig. Drinamahan pa ko.
"Bawal."
"Bakit?"
"Masyado na kong maraming trabahador doon. Pamparami ka pa kung sisingit ka roon," tumango-tango si Fate.
"Sige."
Siguro maghahanap na lang ako ng trabaho.
Nang matapos na sila sa kanilang ginagawa...
"Maliligo na ko. Sasama ka sa akin," sabi ni Zinc.
"A-ano? H-hindi ako m-maaaring sumama sayo."
Natigilan si Zinc sa sinabi ni Fate.
"Bakit?"
"Hindi ba't bawal magsabay ang lalaki at babae sa... banyo?"
"A-ano?" namula bigla ang tenga niya.
Nang ma-realize niya kung ano ang sinabi niya kanina, napamura siya ng mahina, "what the f**k, anong iniisip niya?"
Inirapan lang ni Zinc si Fate. Pumasok ito sa kwarto niya at namili ng damit na pwede niyang ipasuot kay Fate. Pagkatapos, hinagis niya 'to kay Fate, "suotin mo 'yan. Mamaya ka na maligo pagkatapos ko."
"Masusunod," pumasok na si Zinc sa banyo.
Nang maayos na ang lahat, bumaba na sila at sumakay sa kotse. Papasok sana sa likurang bahagi ng sasakyan si Fate nang pigilan siya ni Zinc, "gagawin mo ba akong driver ulit? Dito ka!" sabay turo ni Zinc sa front seat.
Tumango lang si Fate, "saan tayo pupunta?"
"Sa mall. Bibili tayo ng mga gamit mo."
"Ano? Pero wala akong dalang pera."
Pinaandar na ni Zinc ang kotse.
"Huwag mong sabihing ikaw ang gagastos?"
"Utangin mo muna."
"Pero... pwede namang huwag na lang bumili. Abala pa 'yon sayo."
"Ano? Ayoko nga. Alangan namang araw-araw mong gagamitin yung mga damit ko, tapos hindi ka magt-toothbrush dahil wala kang toothbrush. Tapos maririnig ko na sisitahin ako ni Aian na—"
"Sige," ani Fate.
Tahimik sila habang bumabyahe. Nakatatak na sa isip ni Fate na kapag wala siyang gagawin bukas, magsisimula na siyang maghanap ng trabaho at ang taong kailangan niya.
Nang mahinto ang kotse nila sa malaking arkitektura, lumabas si Zinc at sinabihan si Fate na, "baba."
Kaso nang makita ni Zinc na nahihirapan si Fate sa pagbukas ng pinto, inirapan niya ito at saka pinagbuksan ng pinto.
"Salamat. Nasaan tayo?"
"Seriously, hindi mo talaga alam?" naiinis na sabi ni Zinc. Tinitigan lang siya ni Fate.
Huminga ng malalim si Zinc. "Nandito tayo sa mall. Maraming pwedeng bilhin dito. Actually, kahit na anong maiisip mo na bilhin, pwede."
"Talaga? Nakakatuwa naman! Halika't pumasok na tayo!"
"'Wag kang magmadali, okay? Makakarating din tayo!" pero parang walang narinig si Zinc dahil hinila na siya papasok ni Fate. Kaso, kakapasok pa lang nila ay may narinig na kagad si Zinc mula sa malayo.
"'Di ba si Zinc 'yon? 'Yung sumulat ng Divulged?"
"Oo nga! Tara, pa-autograph tayo!"
Narinig si Zinc ang pag-uusap ng dalawang babae kaya naman kagad niyang hinawakan ang pulso ni Fate at hinila papunta sa lugar kung saan hindi sila makikita ng dalawang babae kanina.
"Bakit tayo nandito?" ani Fate.