Chapter 5
KYLES's Point of View
"Anong nangyayari sa'yo. Lagi kang hot!" hinaplos ni Anne ang dibdib ko saka niya nilalapirot ang pinkish kong u***g. Nakaunan na siya noon sa bisig ko at nagpapahinga pagkatapos ng aming mainit na p********k.
Tumingin lang ako sa kaniya saka ko hinalikan ang kaniyang noo. Sinuklay-suklay ang mahaba niyang buhok. Kasunod iyon ng isang malalim na hininga. Kung kaya ko lang sana sa kaniyang aminin ang dahilan. Sa tuwing naiisip ko kasi ang nangyari sa pagitan namin ni Andrei sa loob ng cubicle na iyon ay may nabubuhay na kung ano sa aking dugo. May kakaibang pakiramdam na gumigising sa aking p*********i at tanging kay Anne ko lang naibubuhos ang init na aking nararamdaman. Iyon ang alam kong dapat at tama. Kahit pa pakiramdam ko ay may kulang, may hindi naibibigay si Anne sa akin para tuluyan akong makuntento. May hinahanap akong kaibahan.
May sapat na akong gulang para maintindihan kung anong mali sa tama. Nasa tamang edad na ako para paglabanan ang kung anumang kakaibang nangyayari sa akin ngayon. Hinding-hindi ako bibigay. Kahit kailan, hindi puwede ang kakaibang nararamdaman ko lalo pa't alam kong di rin naman papayag si Andrei. Katulad ko din kasi siyang tigasin, barumbado at palaban. Walang kahit anong pagdududa ko sa kaniyang kabuuan. Magmumukha akong katawa-tawa. Isa pa, siya ang magiging hadlang sa mga pangarap ko. Siya na nga ang nagpahirap para makuha ko ito at ngayong nasa akin na iyon, hinding-hindi ako papayag na maagaw niya kung anuman ang pinaghirapan kong angkinin. Kung gusto niyang makaabot sa kung nasaan ako ngayon, hindi magiging madali sa kaniyang abutin iyon.
Kaya kong labanan ang maling umuusbong sa akin. Wala akong hindi kayang suwayin. Kaya ng utak kong turuan ang binubulong ng aking damdamin.
"Okey ka lang honey?" tanong ni Anne sa akin nang mapansin niya ang pananahimik ko at madalas na pagbunot ng malalim na hininga.
Ngumiti muna ako sa kaniya.
"Oo naman." Isinuksok ko ang mga daliri ko sa pagitan ng kaniyang mga parang kadilang mga daliri. "Hindi ka ba talaga puwedeng sumama ngayon?"
Umiling siya. Bumitiw siya sa pagkakahawak ko sa kaniya.
"Want you to be there for me." paglalambing ko. Maagap kong pinigilan ang palad niyang padausdos na dapat sa gitna ng aking hita.
"You know that I can't. Di ba nga may taping kami ngayon?" dumapa siya at umibabaw sa akin. Mahirap nga talaga kung sikat na celebrity ang girlfriend mo. Ngunit ramdam kong mahal na mahal niya ako at mahal ko din siya kaya hindi iyon magiging dahilan para bibitaw ako.
Naglakbay ang palad ko sa likod niya. Muli ko siyang tinitigan. Mukha ni Andrei ang parang nakikita ko.
Pumikit ako. "Bago pa man lumala ito Andrei, kailangan ka nang mawala pa sa paningin ko, sa mundong ginagalawan ko." bulong ko sa aking sarili.
"Yes hon? May binubulong ka?"
"Wala. Sabi ko, kailangan na nating magpalit dahil baka late na ako sa pangalawang laro namin sa pagkuha ng bagong ka-team."
"Andrei Teng is cute. Actually he's young and so gwapo, hon." wika ni Anne pagkabangon niya.
"Gwapo? Pa'nong naging gwapo 'yun. Mas gwapo pa ako do'n eh." May bigat kong tinuran.
"Bakit may galit ka yata or something kay Teng. Iba yung dating ng pagkasabi mo hon. May diin." biro ni Anne.
"Ikaw kung anu-anong sinasabi mo. Anong something? Magpalit ka na nga't makaalis na tayo. Ma-late na ako." hinablot ko ang puting tuwalya at ibinalabal ko iyon.
"Defensive? Anong meron?" pang-aalaska parin ni Anne sa akin.
Hindi ko na siya sinagot. Huminga ako ng malalim. Kailangan ko na ngang madaliin ang pagpapaalis kay Andrei sa mundo ko. May plano na ako kung ano ang hakbang na gagawin ko.
Pagdating ko sa gym kung saan namin gaganapin ang second game ay nakita ko na kaagad si Andrei kalambingan niya ang isang babae. Napakagat ako sa aking labi. Naghanap ako ng ibang malulusutan ngunit huli na. Nakita na yata ako ng kasama niyang babae. Minabuti kong ayusin ang aking sarili.
Walang nangyari doon sa plano kong huwag tignan si Andei sa kaniyang mga mata o yung balak kong iignore siya sa labas ng court. Kailangan ko lang gumawa ng paraan para hindi ako mapaghinalaan sa binabalak ko. Ngunit nang lumingon siya sa akin o sa amin ng baby niya para kukunan ng litrato ay parang may kung anong gumulat sa akin. Bumilis ang t***k ng aking puso. Iba yung naramdaman ko at para bang may ipu-ipong humihigop sa akin. Nakapanlalata.
Hindi ko alam kung anong nararamdaman niya sa mga sandaling nagkatitigan kami. Basta alam kong hindi tamang bigyan ko ng kahulugan iyon. Kailangan kong labanan ang kakaibang umuusbong na iyon. Kung sa paraan pagsiga-sigahan at pagiging hindi patas sa laban ay gagawin ko kapalit naman iyon ng tuluyan pagbabalik ng dating ako bago pa man siya muling sumulpot sa buhay ko.
Bihasa naman ako sa paglalaro sa damdamin ng iba. Kaya kong palambutin kahit gaano pa katigas ang puso ng kaaway ko. Iyon ang kailangan kong gawin sa ngayon. Kailangan kong malaro ng maayos ito.
Nang pumasok si Andrei sa locker room ay sandali kaming nagkatitigan. Ngunit hindi ko intensiyong palaging makipagtitigan sa kaniya. Hindi niya lang alam na kumukuha ako ng tiyempo kung paanong makuha ko ang inhaler niya bago pa man niya magamit sa laban. Nahuli ko siya nang unang laban naming na gumagamit siya no'n at iyon ang pupuntiryahin ko para masira ang kaniyang laro. Malakas ang kutob kong may hika siya at hindi niya iyon sinasabi sa coach namin at kay Governor. Naglihim siya at iyon ang sa tingin kong malaking hihila sa kaniya pababa. Hindi siya dapat nagtatago sa kaniyang kondisyon lalo pa't bago pa man siya kukunin ng team ay paniguradong tinanong na siya kung may iniinda ba siya o may problema ba sa kaniyang kalusugan. Marahil nagawa niyang dugasin ang kaniyang medical noon ngunit ngayon, ilalabas ko iyon sa gitna ng laban.
Pumasok siya sa loob ng shower room para siguro magpalit at naiwan niya ang locker niyang bukas. Pumapanig nga talaga sa akin ang pagkakataon. Nagmatyag akong sandali sa paligid bago ko hinanap ang inhaler niya. Nang makuha ko iyon ay dali-dali akong lumabas at naghanap ng mapagtatapunan.
"Oh, anong ginagawa mo dito?" nanlaki ang mga mata ko nang bigla na lang sumulpot sa likod ko ang girlfriend ni Andrei.
"I'm sorry idol, papipirmahan ko lang ho ito. Nakalimutan ko ho kasi kanina." Namumula si Carla. Iniabot niya sa akin ang pen at ang may kalakihan kong picture.
Kinabahan ako sa bigla niyang pagsulpot ngunit nagawa kong maging kalmado agad-agad. Hindi puwedeng makahalata siya.
"Thank you." Nakangiting inabot ni Carla ang katatapos ko lang pinirmahang picture ko. Naisip ko, uso pa pala 'yun? Hindi ko tuloy mapigilan ang sarili kong mapangiti dahil may pagka "manang" lang pala ang girlfriend ni Andrei.
"Welcome. I have to go. Enjoy the game." Nakangiti kong paalam saka ko siya iniwan.
Hindi ako ganun katigas para hindi makaramdam ng takot sa ginagawa ko ngunit hindi na lang kasi yung kagustuhan kong pahirapan siyang makuha ang kaniyang pangarap ang nanaig ngayon sa akin. Natatakot ako sa maaring mangyari. Gusto kong tuluyan na siyang mawala sa buhay ko habang hindi pa malala ang lahat. Hindi ko gusto ang kung anong pumapasok sa isip ko at lalong kinamumuhian ko kung anuman kabalbalang nararamdaman ko.
Paglabas niya ay nakita kong hindi siya kampante. Nakita kong hindi buo ang loob niyang maglaro at alam kong iyon ay dahil sa alam niyang hindi niya kayang makipagtagalan sa court. Pinagbuti ko ang pagpapanggap. Kailangan kong paniwalain siyang okey kami. Na ibang Kyle ang kaharap niya ngayon. Kung alam lang niya kung gaano kalakas ang kabog ng aking dibdib sa tuwing naglalapat ang kaniyang katawan sa akin. Kung alam lang niya kung gaano ko pinaglalabanan ang kakaibang nararamaman ko para lang hindi tuluyang mangatog o kaya panlamigan. Ngunit nanaig sa ngayon ang kagustuhan kong burahin siya sa buhay ko. At wala ni sinuman ang makapagpipigil sa aking isakatuparan iyon. Papagurin ko siya, ibibigay ko sa kaniya ang laban. Pagbibigyan ng madalas sa pagdala at pagtira ng bola.
Napakaliksi niya sa mga unang minuto ng aming laro. Halatang ginaganahan siya. Nagiging maayos ang laro naming dalawa at napansin kong amin ang laro kung kaming dalawa ang magkasangga. Natambakan namin ang kalaban. Bawat assist ko sa kaniya, swabe. Bawat tira niya, pasok! Nakita ko kung paano siya palakpakan ng kaniyang mga spectators. Pakiramdam ko tuloy hindi kumagat ang plano ko. Na mawawalan ng kuwenta ang lahat ng aking binalak.
Hanggang sa halata ko nang hinihingal siya at namumula. Hindi na niya halos maitakbo pa ang bola. Nabibitiwan niya iyon at hindi siya nakakasabay sa pagtalon at pagtakbo. Napangiti ako. Umeepekto na nga ang aking plano.
Nagtime-out si coach. Tinawag niya si Teng. Simple ang ginawa kong pag-aali-aligid para marinig lang ng pahapyaw ang kanilang pag-uusap.
"Teng, okey na yung unang bahagi ng laro mo. Anong nangyayari sa'yo?"
"Ayos lang ako coach." Matipid niyang sagot.
Napangiti ako. "Sige lang, magsinungaling ka pa." bulong ko sa aking sarili.
"Are you sure? Baka pagod ka na, o kinukulang ka ng hangin? May gusto ka bang sabihin sa amin?"
Sandaling tumahimik si Andrei. Umupo ako sa kalapit na bench at tumungga ng tubig.
"Don't worry..." hingal. "Ayos lang ako coach." Hingal uli.
Napailing ako. Nagpunas ako ng aking pawis
Nagpatuloy ang aming laro na hindi ka nagsabi ng totoo. Naisip kong matibay nga ang loob niya. Palaban at hindi basta-basta napapasuko ngunit alam kong ilang minuto na lang ay bibigay na din siya.
Nang naagaw ko ang bola mula sa kalaban at nang nakita kong puwede ko siyang pasahan kahit pa alam kong alisto si Benjie sa pag-agaw niyon na nasa tabi lang niya ay ipinukol ko sa kaniya ang bola. Tumalon man siya ngunit hindi nagiging sapat dahil mas nagiging maliksi si Benjie. Naagaw nito ang bola.
"Teng ano ba! Ang open mo ah!" singhal ko.
HIndi siya sumagot. Alam kong ginagawa niya ang lahat ng kaniyang makakaya para maagaw niyang muli ang bola ngunit malabong magagawa pa niya iyon. Halata ang kaniyang panghihina.
Tinira ni Benjie ang bola. Pasok.
Muli, sa amin ang bola. Kailangan kong ipasa kay Andrei para siya ang magdala ng bola hanggang sa ring court namin. Ngunit nasa gitna palang kami nang nakita kong hindi na niya iyon pa kayang i-dribble. Tumalbog ang bola palayo sa kaniya ngunit pinanood na na lang niya iyon habang hinihingal siya ng husto. Mabilis ko iyong nakuha. Nakatingin siya sa akin na halatang nakikiusap ang kaniyang mga mata.
Nilapitan ko siya.
Itinukod na niya ang kaniyang mga kamay sa kaniyang tuhod. Hinahabol niya parin ang kaniyang hininga.
"Ano? Hahayaan mo na naman bang agawin ang bola sa'yo?"
Hindi siya nagsalita.
Puno ang pawis ang namumula niyang mukha. Nakita ko din ang sobrang pamumula ng kaniyang mga mata. Ang mabilis niyang pagsinghap ng hangin hanggang sa inilagay na niya ang kaniyang kamay sa kaniyang dibdib habang nakayuko siyang halata na ang pagsuko.
"Aba, pinagbibigyan na kitang magpakitang gilas sa kanila ta's hinahayaan mo lang yung pagkakataong ito. Kaya mo 'yan." bulong ko.
"Kaya ko." napalunok siya. "Kayang-kaya pa." sinisikap niyang huminga ng malalim.
Alam kong utak lang niya ang nagsasabing kaya pa niyang maglaro ngunit nahihirapan na siyang labanan ang pag-atake ng kaniyang hika.
"Kaya mo pa ba talagang maglaro? Anong nangyayari sa'yo?" tanong ko kahit alam ko namang hinihika na siya. Gusto ko lang palabasing wala akong kaalam-alam.
Bigla muli siyang tumigil at muling niyang itinukod ang kaniyang mga kamay sa kaniyang tuhod.
"Kyle...Hin-di a..." humawak siya sa braso ko. Hingal na hingal. Halatang nauubusan na ng hangin.
"Ano? Kaya mo pa ba o hindi na?" Tinanggal ko ang kamay niya sa aking braso. "Pahawak-hawak ka pa eh!"
Dahil doon ay wala siyang makapitan kaya siya tuluyang napaluhod. Pilit niyang itinaas muli ang kaniyang mga kamay para hawakan ang aking mga binti para muling makatayo ngunit humakbang ako palayo sa kaniya. Hanggang sa tuluyan na siyang natumba.
Nagkagulo na ang lahat. Naririnig ko ang sigaw ni coach na tumawag ng medics.
Lahat ay nagsilapitan. Ngunit mas mabilis akong rumosponde sa kaniya. Hindi dahil gusto kong magmukhang inosente kundi iyon talaga ang gusto ng aking damdamin.
"Andrei! Anong nangyari?" napaluhod akong inalalayan siya.
Hindi siya sumasagot.
"Drei, uyy, ano ba?" nanginginig ang mga palad ko.
Gusto ko pa din magmatigas at ituloy ang pagpapabagsak sa kaniya ngunit hindi ko na kinakaya pa. Parang nawala lahat yung kaastigan ko.
Minabuti kong buhatin siya lalo pa't pinalibutan na kami ng mga kalaro namin. Nagtataka sila kung anung nangyayari sa kaniya. Nakatitig ako sa kaniyang mukha habang mabilis ko siyang itinatakbo. Natatakot na ako na may masamang mangyari sa kaniya. Napakalakas ng kabog sa aking dibdib. Habang nagmamadali akong dalhin siya sa isa sa mga upuan ay nakita ko ang pagtakbo ni Carla palapit din sa amin.
Mistula nang hindi humihinga si Andrei. Hindi na lang ako kinakabahan nang mga sandaling iyon. Para hindi matumba sa pagpapaupo ko sa kaniya ay halos nakayakap na ako sa kaniya.
"Drei, please... kaya mo 'yan." bulong ko sa kaniya.
Tinabihan ko siya. Hawak ko noon ang kaniyang pisngi para hindi iyon susubsob sa kanyang dibdib at lalong mahihirapang huminga. Ang isang kamay ko naman ay nakayakap sa kaniyang likod. Pinasandal ko siya sa upuan. Parang may bumubulong sa akin na kunin ko na ang inhaler niya na itinapon ko. Iyon lang ang alam kong makakaligtas sa buhay niya.
Humarap ako sa kaniya at hawak ng dalawang palad ko ang kaniyang maamong mukha. Nakapikit pa din siya kasabay ng paghingal niya. Buhay pa siya. Kasalanan ko ito. Kung di sa makasarili kong hangarin, hindi aabot sa ganito. Anong gagawin ko? Bahala na, babalikan ko ang inhaler niya.
Napalunok ako.
"P're. Sandali lang ha. Pakihawakan na muna siya Please?" pakiusap ko sa isang kateam namin. Tatayo palang sana ako nang biglang naroon na si Carla sa harap ni Andrei.
"Baby, ito na yung inhaler mo. Sige na baby hinga pa. Huminga ka please?" lumuluha si Carla habang sinasabi niya iyon.
Suminghap si Andrei sa hawak ni Carla na inhaler, naulit pa ng naulit ng naulit.
Pagtingin ko kay Carla ay nahuli ko ang masama niyang pagkakatitig sa akin.
Hinawakan ko ang isang braso ni Andrei para alalayan siya habang sumisinghap na sa inhaler na dala ni Carla.
"Bitiwan mo siya, please." may dating ang sinabing iyon ni Carla. Siya mismo ang nagtanggal sa mga kamay ko.
Hindi ako tanga para hindi makuha ang ibig sabihin no'n. Napagtagpi-tagpi ko na kung bakit siya sumunod kanina at nagpaiwan pa doon. Nakita siguro niya ako.
Naglakad ako palayo. Kahit hindi ko titignan si Carla, alam kong galit siya sa akin. Lalo kaming magkagulo ni Andrei. Hindi ko nga lang alam kung paano ko lulusutan ito. Nilingon ko sila. May gumuhit na ngiti sa labi ni Andrei ngunit galit ang nasa mukha ni Carla. Alam kong babalik sa akin ang ginawa ko kung magsusumbong sila ngunit si Andrei man din ay paniguradong sasabunin ng aming Coach at Governor na hindi siya nagiging totoong aminin ang kaniyang kalagayan.
Hindi na muna itinuloy ang laro. Dinala pa din kasi si Andrei sa hospital nang dumating ang ambulansiya. Kami ng mga kasama ko ang naiwan para magshower at magpalit.
Lahat sila may mga sinasabi. Ngunit wala akong naiintindihan bagamat naririnig kong nag-uusap-usap sila. Masyadong malalim ang iniisip ko para pakinggan pa sila. Nang makapagshower na ako at nakapagpalit ay hindi pa din ako matahimik. Nasasaktan ako. Nakokonsensiya. Kailangan kong gumawa ng paraan para mawala yung guilt na nararamdaman ko. Paano na lang kung natuluyan siya?
Bahala na pero sa ngayon, kailangan kong gawin sa tingin ko ang tama.
Tinawagan ko si coach at nagtanong.
Nagdadalawang isip man ako pero nasa harap na ako ng pintuan. Kumatok muna ako ng limang beses sa pintuan bago ko pinihit ang seradura. Pagbukas ng pinto ay nakita ko siyang nakahiga sa kama at mag-isa. Matamis ang kaniyang pagkakangiti sa akin na parang walang nangyari. Wala pa kaya siyang alam?
"Oh, p're! naligaw ka yata?"
"Dito talaga ang sadya ko." parang may bumara sa lalamuna ko kaya tinanggal ko muna iyon. "Ikaw talaga ang sadya ko." Alam kong nakita niya kung paano ako namula.
"E, anong ginagawa mo dito. Pasok." umayos siya ng pagkakasandal niya sa unan.
Tinignan ko ang dala kong mga fruits at chocolates. Bago sa akin ang ganoon. Hindi ko ni minsan ginawa ang magdala ng kahit ano sa binibisita ko sa hospital. Kay Andrei ko lang una ginawa iyon at hindi ko alam kung paano ko iyon iaabot sa kaniya.
"Dami mong dala ah! Pakipatong mo na lang diyan sa mesa p're."
"Sa mesa..." napakamot ako. "Oo nga, siyempre ilalagay sa mesa."
Wala ba talaga ako sa aking sarili o naninibaguhan sa ginagawa ko ngayon na ni hindi sumagi sa isip kong magagawa ko ang lahat ng ito.
" Salamat ha."
"Naku, prutas lang 'yan saka chocolates." sagot ko. Hindi ko alam kung ngingiti ako.. mananatili bang nakatayo o uupo. f**k! Ngayon lang ako kinakabahan at nalilito ng ganito.
"Hindi lang naman diyan sa mga dala mo ako nagpapasalamat, p're. Kundi pati na din sa pagbuhat mo sa akin at pagtulong mo sa akin kaninang inatake ako ng hika. Salamat uli." inilahad niya ang kaniyang kamay.
Tinanggap ko iyon ngunit mabilis niya akong hinila kaya naglapat ang aming mga dibdib. Naramdaman ko ang pagtapik niya sa aking likod habang halos nakapatong na ako sa kaniya.
"Utang na loob ko na naman ang ginawa mo kanina. Baka lalong sasama ang pakikitungo mo sa akin niyan." natawa siya.
Parang may kung anong kumurot muli sa puso ko nang sinabi niya iyon. Huminga ako ng malalim saka ako umupo sa gilid ng kaniyang kama.
Nanaig muli ang katahimikan. Wala akong maisip na sabihin sa kaniya. Nandiyang kapag titignan niya ako ay maagap kong iiwas ang aking mga paningin tapos kapag alam kong hindi na siya sa akin nakatingin ay saka ko idadaan ang aking paningin sa kaniya.
"Bigla ka yatang natatahimik. Pareng Kyle, palabas na din ako, hinihintay ko na lang..."
Bumukas ang pinto. Sabay kaming napalingon doon.
"Oh nandiyan na pala ang baby ko eh. Baby, look who's here?" masiglang tinuran ni Andrei.
"Anong ginagawa niyan dito?" halata ang galit hindi lang sa boses kundi pati sa mukha ni Carla.
"Baby, hindi ka ba masayang nandito siya? Si Idol."
"Idol? Puwedeng noon pero mukhang malabo na ngayon." mahina lang iyon pero dinig na dinig ko ang pagkakasabi no'n ni Carla.
"Baby, okey na kami. Dapat masaya ka no'n na bati na uli kami." halatang kunyari ay hindi niya narinig ang mga sinasabi ni Carla laban sa akin. Umupo din siya sa kama at inilapit niya ang katawan niya sa akin.
Inakbayan niya ako.
"Masaya? Bakit kailangan ko bang maging masaya na andito siya? Saka dati ba may away kayo? Pa'nong naging okey na kayo e wala ka naman nakukuwento sa aking nag-away kayo?" nakahalukipkip si Carla na humarap sa amin.
Nagkatinginan muna kami ni Andrei ngunit nagsimula na akong kabahan. Naglabasan ang buu-buong pawis ko kahit pa malakas ang buga ng aircon.
"Medyo hindi maganda yung unang laro namin noong nakaraan e." nilingon niya ako saka siya kumindat. "Pero baby, bumabalik na ang dating Kuya Kaloy ko noon. Naalala mo ung kuwento ko sa'yo ta's sabi ko pa na baka nga ang Kuya Kaloy ko noon at si Kyle ay iisa? Hindi nga ako nagkamali baby, siya nga."
"Ahh, siya nga ba? Yung kuya Kaloy mong nagligtas sa'yo sa kamatayan? Yung paulit-ulit mong sinasabi na kaisa-isang superhero ng buhay mo. Anong nangyari ngayon sa kaniya? Siya pa kaya 'yan ngayon?" Tumitig si Carla sa akin.
Napayuko ako.
"Ang weird mo na baby ah. Hindi kita maintindihan. Kanina kilig na kilig kang makita siya at makasama sa picture ta's ngayon lumalabas ang kamalditahan mo. Umayos ka nga, nakakahiya." Tumayo si Andrei at nilapitan ang girlfriend niya. Inakbayan pa niya ito.
"Bakit kailangan ko ba talaga siyang pakitunguhan ng maayos?"
"Baby ano ba?" dumiin ang pagkakahawak ni Andrei sa braso ng kaniyang girlfriend.
Si Carla ay nanatiling nakatitig sa akin.
"Bakit hindi mo siya tanungin kung paanong nagbago ang tingin ko sa kaniya?"
"Pasensiya na p're. Medyo may pagkamoody ang baby ko." Niyakap niya si Carla saka siya kumindat sa akin.
Napakalakas na ng kabog ng aking dibdib. Alam kong ngayon na sasabihin ni Carla ang lahat at hindi ko alam kung paano ko dedepensahan ang aking sarili dahil kahit saang anggulo ay mali nga ang ginawa ko.
"Ano pang hinihintay mo, Mr. Kyle Santos na hinangaan ko pa man din ng husto? Ikaw na ba mismo ang magsasabi kay Andrei sa ginawa mo o ako?"
"Sandali, anong nangyayari dito?" tanong ni Andrei.
Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa amin.
Pakiramdam ko nanunuyo ang lalamunan ko. Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang pag-amin sa totoo at kung ano ang magiging reaksiyon ni Andrei sa maling nagawa ko.