REBOUND OF FOUL HEARTS
Chapter 6
Andrei's Point of View
"Ano pang hinihintay mo, Mr. Kyle Santos na hinangaan ko pa man din ng husto? Ikaw na ba mismo ang magsasabi kay Andrei sa ginawa mo o ako?" lumabas ang pagiging palaban ng girlfriend kong si Carla.
"Sandali, anong nangyayari dito?" tanong ko.
Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa. Nalilito ako. Nakita ko agad sa mukha ni Kyle ang takot. Kinutuban na ako ng hindi maganda. Buong akala ko kasi, na kay Carla lang ang inhaler ko ngunit sa mga naririnig at nasasaksihan ko ngayon, nagdududa na akong may kinalaman si Kyle.
Napabuntong-hininga lang si Kyle.
Ibinulsa niya ang kaniyang dalawang kamay saka siya dahan-dahang tumingin sa akin. Nagkatitigan kami. Naghihintay ako ng kaniyang pagpapatotoo sa mga duda ko.
"Andoy," tinawag niya ako sa pangalan ko noong bata pa ako. Nakita ko sa kaniya ang dating Kaloy na hinangaan ko. Ang Kaloy na napakatagal na panahon ko nang hinanap.
"I'm sorry." pabulong iyon. Kasunod ng paggagap niya sa kamay ko.
Unang pagkakataon iyong hinawakan ako sa palad ng kapwa ko lalaki. Oo, nakikipagkamay ako ngunit hindi sa paraan kung paano niya hawakan ang aking kamay. Ang pisil niya, ang kaniyang pagtitig sa aking mukha. May kakaibang dating sa akin.
Napalunok ako. Lumalakas ang kabog ng aking dibdib. Iyon ay dahil mukhang tumatama ako sa aking hinala. Ngunit gusto kong marinig muna sa kaniya ang pag-amin.
"P're, bakit ka humihingi sa akin ng tawad. Anong ginawa mo?" bumangon na ako.
Nagsimulang namuo ang aking mga kamao. May galit sa aking mga mata habang nakatingin sa kaniya. Lumapit sa akin si Carla. Naramdaman ko ang marahan niyang paghaplos sa aking likod.
"Andoy, hindi ko naman kasi alam na aabot pala sa ganito. Ang akala ko lang, kapag maramdaman mong hinahapo ka na, ikaw na mismo ang uupo at magpahinga." pagpapaliwanag niya. Biglang parang naging maamo siyang tupa. Nakita ko pa ang pagpunas niya ng pawis sa kaniyang noo.
"Hindi ko hinhingi ang paliwanag mo p're." sinikap kong ibuka ang aking kamao. Hindi ko siya sasaktan. Hindi ako magagalit. Iyon ang sinasabi ko sa sarili ko. Muli ko siyang tinitigan. "Ang tinatanong ko lang ay kung ano ang ginawa mo?"
Hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakatitig sa akin.
"O gusto mong ako mismo ang magtatanong sa'yo ha! Ako mismo ang magsasabi sa'yo kung ano sa tingin ko ang ginawa mo na kamuntikan ko ng..." huminga ako ng malalim. Pakiramdam ko hinihika uli ako dahil sa galit. Biglang bumalik lahat sa akin yung mga ginawa niyang paghuli sa loob ko bago at habang naglalaro kami. Mga akbay, mga kabaitan, taktika pala niya ang mga iyon para bulagin ako at hindi siya pag-isipan ng masama.
Humarap ako sa kaniya. Nilapitan ko siya at tinitigan siya sa kaniyang mga mata. Mas matangkad ako sa kaniya kaya medyo nakatingala siya sa akin at siya ang unang nagbaba ng kaniyang tingin.
"Ano, ha! Ikaw ang kumuha ng inhaler ko di ba? Ikaw ang nakakita sa akin noon nang ginamit ko iyon noong unang laro natin. Kaya ka nagbabait-baitan sa akin bago ang ating pangalawang laro para hindi ako magdududang ikaw ang may pakana sa pagkakawala ng inhaler ko. Mahirap bang aminin 'yon? Mahirap bang sabihin kung anong naging kasalanan mo?" singhal ko.
Umatras siya. Tumango tanda ng pag amin.
"Tang ina lang P're! Tang ina lang!"
"Sorry." matipid niyang sagot. Hindi na siya yung Kyle na kilala kong palaban. Parang bumalik siya sa pagiging Kaloy niya noon. Palaban at astig ngunit may puso. Ngunit hindi iyon kayang tupukin ang lumalagablab kong galit.
Nahihirapan akong huminga.
"Eto, gamitin mo 'to. Relax ka lang." si Carla. Kinuha ko ang inhaler sa kaniyang kamay. Umupo muna ako pagkasinghot ko saka ako muling tumingin sa kung saan nakatayo si Kyle. Tahimik lang siyang nakatalungko.
"Bhie, puwede bang iwan mo muna kaming dalawa?" hinawakan ko ang palad ni Carla. Pinisil ko iyon.
"Sige, maghihintay na lang ako sa labas." Nilingon niya si Kyle na noon ay nakaharap sa malaking bintana ngunit sarado ang salamin nito pero walang kurtina para haharang sa magandang view sa labas. Alam ko kung gaano kapalaban ang girlfriend ko kaya bago siya makapagsalita ay muli kong pinisil ang kaniyang kamay para sabihing huwag na lang siyang mangialam. Bumunot ito ng malalim na hininga bago tuluyang lumabas.
Tumayo ako at pumuwesto ako ng tatlong hakbang ang layo sa kaniya. Nagawa ko nang kontrolin ang aking emosyon. Kapwa kami nakaharap sa saradong salaming bintana.
"Babawi ako." mahina niyang tinuran kasabay ng paglingon niya sa akin. Namumula ang kaniyang mukha.
"Hindi p're, dapat ang sabihin mo, "nakabawi na ako". Bawing-bawi ka na. Niligtas mo ang buhay ko noon, inilagay mo sa alanganin ngayon. Ang pagkakaiba nga lang, aksidente yung una at sinadya mong bawiin iyon ngayon sa pangalawa."
"Hindi gano'n yun, Doy."
"Huwag mong gamitin ang pangalan ko noong bata pa tayo para lang maging maayos tayo. P're, noong una tayong nagkita pagkatapos nating magkalayo ng mahabang panahon, wala akong ibang hinangad kundi sana maipagpatuloy natin yung naudlot nating pagkakaibigan. Tinawag pa nga kitang Kuya Kaloy pero ngunit ibang katauhan ang nakita ko sa'yo. Nawala yung Kuya Kaloy ko at ang nakikita ko na lang ngayon ay ang isang Kyle na hindi ko na lubusang kilala."
Huminga siya ng malalim. "Anong gusto mong gawin ko?" humakbang siya palapit sa akin.
"Wala akong hihilingin. Pero p're, kung ako ang nasa kalagayan mo noon, ako yung mas matanda sa'yo at ako ang may kakayahang sagipin ka, gagawin ko iyon ng paulit-ulit ngunit hindi ako magagalit sa batang tinulungan ko, pagkatapos. Hindi ko alam kung iyon ang dahilan kaya ka ganyan sa akin ngunit wala na akong ibang maisip pa na rason para kamuhian mo ako ng ganyan. Ano bang kasalanan ko sa'yo? Anong ginawa ko sa'yo para gawin mo sa akin ito?"
"Maraming nagbago sa buhay ko, Drei pagkatapos ng aksidenteng iyon. Hindi mo alam kung paanong paghihirap ang pinagdaanan ko." maalumanay ang boses niya.
"Yun na nga eh! Hindi ko alam. Wala akong naging alam kung anong naging paghihirap mo noon. Ibig sabihin wala akong kamuwang-muwang para gantihan mo. P're, hindi ko hininging iligtas mo ako at malagay ang buhay mo sa alanganin. Ngunit yung ginawa mo sa akin ngayon, yung sinadya mong gawin sa akin ang gano'n para ano? Para hindi ako ang pipiliin ng team ninyo, para pahirapan bilang kabayaran ng paghihirap mo dahil sa aksidenteng nangyari noong bata pa ako? Binugbog mo na lang sana ako pagkatapos mong ikuwento sa akin ang lahat ng paghihirap mo dahil sa pagligtas ng buhay ko. Pagbibigyan naman kitang gawin 'yun pre. Hindi ako gaganti. Mas tatanggapin ko pa 'yun. Hindi yung bawian mo ako sa isang bagay na tanging hinangad ko't pinangarap."
"Iyon na nga eh! Gusto ko din sanang pagdaanan mo din yung hirap na abutin ang pangarap mo hindi man katulad ng paghihirap ko basta sana gusto kong maranasan mo din iyon. Pero kaya ako nandito ngayon Doy kasi naisip kong mali. Na sarili ko pa din ang pinahihirapan ko." Naramdaman ko ang pag-akbay niya sa akin at ang paghila niya para maglapat ang aming katawan.
Tinanggal ko ang nakaakbay niyang mga kamay sa balikat ko.
"Patas na. Wala ka ng dapat pang ikabahala pa. Okey na tayo. Pinapatawad na kita kapalit ng pagsagip mo noon sa buhay ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa akin ni Coach pero nakahanda na akong harapin iyon. Nagsinungaling din naman ako sa kanila at kailangan ko yung harapin." kasabay iyon ng pagbunot ko ng malalim na hininga.
"Salamat." inilahad niya ang kaniyang mga kamay.
Hindi ko iyon tinanggap. Dahan-dahan niya iyong ibinaba. Narinig ko ang kaniyang buntong-hininga.
"Ako na ang bahalang magsabi sa kanila ng totoo. Aamin ako sa kanila sa pagkakamali ko. Ipagtatanggol kita sa kanila, p're."
Ngumiti ako. Muli akong sumandal sa aking unan saka ko siya nilingon.
"Huwag na. Wala kang alam sa nangyari. Gusto kong maging malinis ka pa din sa lahat. Hindi mababahiran ang pangalan mo. Nahirapan ka kamo na makamit ang pangarap mo dahil sa akin di ba? Sapat na 'yon. Wala kang ginawa ngayon. Kasalanan ko ang lahat dahil di ako sa kanila nagsabi sa tunay na kalagayan ng kalusugan ko."
"Paano kung..."
"Paano kung di ako ang mapili?" pamumutol ko sa kaniyang sasabihin.
"Oo." huminga siya ng malalim.
"Ginawa mo na ang lahat para hindi ako ang pipiliin di ba? Ni hindi ko nga alam kung totoo ka na sa ipinapakita mo ngayon o panibagong taktika para sa ikatlong laban natin. Iyon ay kung may third game pa at pagbibigyan pa ako nina coach na maglaro."
"Meron pa naman siguro. Gawan ko ng paraan..."
"Nasira na ako sa kanila, hayaan mong ako na lang ang masisira. Gusto kong ipagpatuloy natin ang malinis mong record kapalit ng paglayo mo sa akin, kapalit sana ng pagsisimula muli ng buhay nating dalawa sa loob ng mundo natin sa basketball na hindi na magkakasiraan o yung buhay na hindi mo ako nakilala at ganoon din ako sa'yo. Marami pang ibang team diyan. Yung nasisiguro kong walang lamangan dahil ang pagkakaalam ko, kaya nga tinawag na team iyon para magtulungan."
Kinagat niya ang labi niya. Sandali siyang nag-isip habang titig na titig siya sa aking mga mata. Lumaban ako samga titig niya. Gusto kong ipakita sa kaniya na matigas ako sa desisyon ko.
"Yan ba talaga ang gusto mo?" tanong niya.
"Iyon ang sa tingin ko ang kailangan nating dalawa. Deal?" tanong ko.
"Gusto mong magmula sa araw na ito, kalimutan na lahat natin. Walang nangyari sa nakaraan at hindi din tayo puwedeng magkaibigan pa." Bumunot siya ng malalim na hininga. Sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Tumango-tango siya.
Napalunok ako.
"Gusto ko 'yan. Deal?" nakangiti niyang nilahad ang kaniyang kamay.
Nagdadalawang isip ako kung tatanggapin ko 'yun pero kailangan para masarado ang usapan.
"Deal." sagot ko nang naglapat na ang aming mga kamay.
"Deal." mahinang sagot niya habang nakatitig siya sa aking mukha. Naramdaman kong mas humigpit ang pagkakahawak niya sa palad ko.
"Deal." mahina ko ding sagot habang nakatitig sa noon ay tingin ko napakaamo niyang mukha.
Hindi ko alam kung anong meron pero wala sa amin ang gustong bumitaw.
"Deal..." lumapit ang katawan niya sa akin.
"Deal..." sagot ko pero hinila ko na ang aking mga kamay.
Para din siyang nahimasmasan.
Tinalikuran ko siya.
Nagulat lang ako sa bilis ng kabog ng aking dibdib nang naramdaman ko ang paglapat ng katawan niya sa katawan ko.
Katahimikan.
Ngunit alam kong naroon lang siya. Nanginginig ako sa hindi ko alam na kadahilan. Kanina lang galit ako sa ginawa niya sa akin ngunit pagkalito na ngayon ang nangingibabaw.
Gusto ko ang deal namin. Gusto kong tuluyan na siyang mawala sa buhay ko. Gusto kong maglaro ng walang kaaway. Papatawarin ko siya. Kakalimutan ang lahat nguit hindi nangangahulugang hindi ko siya lalabanan sa loob ng basketball court. Magkakampi man kami o hindi, gusto kong ipamukha sa kaniya na kaya ko siyang tapatan, kaya ko din namang mapabilang sa kaniyang team.
"Puwede ka nang mauna." garalgal ang boses ko.
"Sige. Tuloy na ako. Makakaasa kang ito na ang huling mag-uusap tayo bilang..." tumigil siya.
Ako man ay napaisip.
Magkaibigan pa kaya kami?
Noon 'yun... nitong mga huling araw, hindi ko na naramdamang naging magkaibigan pa kami.
Ipinatong niya ang palad niya sa aking balikat.
Nanginginig ang palad ko. May kung ano sa akin na nagsasabing ipapatong ko ang kamay ko sa kamay niyang nasa balikat ko. Bahagyang tumaas ang kamay ko ngunit mabilis niyang tinanggal iyon.
"Salamat sa pagpapatawad. Makakaasa kang titigilan na kita." wika niya.
"Kung magkita man tayo sa labas, hindi kita ituturing na kaaway, hindi din bilang isang kaibigan. Hindi tayo mag-uusap." garalagal ang boses kong sinabi iyon.
"Sure." sagot niya. "Sige p're."
Napalunok ako. Ako ang gumawa sa deal na iyon. Bumunot ako ng malalim na hininga. May kung anong sumabit doon. Gano'n kaya kadaling gawin iyon? Bakit parang pakiramdam ko hindi siya kasindali ng pagkakasabi ko?
*****
"Ang point ko lang naman Teng, bakit ka sa amin naglihim?" tanong ni coach sa akin nang nagkaharap kami.
Hindi ko alam kung bibigyan pa niya ako ng pagkakataong maglaro kasi sa una at pangalawang game namin, siguradong nakuha na ni Benji ang puntos. Ito pa't nabunyag din na may hika ako. Hindi na ako umaasa pang makuha pa sa team. Okey na rin siguro iyon para tuluyan ko na ding maiwasan si Kyle.
"May dahilan ka ba, Teng?" tanong niya muli nang hindi niya ako mahintay na sumagot.
"Matagal na po kasi akong naglalaro coach, Elementary palang ho ako, naglalaro na at mula no'n meron na din ako ne'to at ni minsan hindi naging hadlang o problema sa akin ang hika ko." pagsisimula ko. "Pasensiya na ho, akala ko kasi hindi magiging hadlang sa akin ang sakit ko para maging bahagi ng team ninyo. Noon lang ako hindi nakagamit ng inhaler ko coach. Kung iyon ang magiging dahilan para hindi na ako mapapabilang sa team ninyo, maluwag po sa akin tanggapin ang desisyon ninyo. Pero sana, mabigyan pa ninyo ako ng isang pagkakataon para patunayan ang kakayahan ko sa kabila ng pagkakaroon ko ng asthma. Sana mapatawad din ninyo ako sa nagawa kong paglilihim." mahaba kong paliwanag.
Nag-isip sandali si coach.
"Actually, sinabi ni Governor sa akin na ako ang magdedesisyon kung bibigyan ka pa namin ng isang huling game." Bumunot siya ng malalim na hininga. PInagsaklob niya ang kaniyang dalawang palad.
"Maswerte kang napanood lahat ni Governor ang laro mo noon bago itong dalawang huli mong laro na hindi siya na-impress sa ipinakita mo." Tumayo siya at umikot mula sa kaniyang upuan.
"Sa totoo lang, nakita naming magaling ang team-up ninyo ni Santos. Nang mga unang laro nang hindi ka pa hinihika, bilib kami sa inyong dalawa. Iyon yung unang pagkakataong nakapanood kami na para bang nag-uusap kayo sa loob ng ring. Na alam ng bawat isa ang gagawin ng bawat isa." Nakatayo na siya noon sa harap ko kaya tumayo na din ako bilang pagbibigay galang.
Inilahad niya ang kamay niya.
"Good luck for the third game. Ipakita mo sa amin na ikaw ang karapat-dapat naming piliin."
"Salamat coach!" para akong nabunutan ng tinik sa dibdib. Sobrang saya kong tinanggap ang pakikipagkamay niya sa akin.
*****
Pangatlong laro. Sumama muli si Carla sa akin. Gusto ko kasing lagi kaming magkasama. Basta takot ako sa maaring mangyari kung mawala siya sa tabi ko... mali... hindi ko gusto yung isang araw, mawala na lang bigla yung nararamdaman ko sa kaniya. Iyon ang bagay na ayaw kong mangyari. Nakapangako ako at sa abot ng aking makakaya, gusto kong tuparin iyon, gusto kong maging lalaki sa lahat ng binibitiwan kong salita.
Sa isang bench ay nakita ko agad sina Kyle at Anne. Nakita din naman sila ni Carla at kahit wala siya nang nag-uusap kami ni Kyle ay sinabi ko din naman sa kaniya ang aming mga napag-usapan.
Masaya sila, nakita ko pa ang pagbuhat ni Kyle kay Anne at inikot niya ito saka niya ito ibinaba at pinaupo. Bago pa man ako malingon ni Kyle ay hinarap ko na si Carla. Hindi puwedeng magtagpo ang aming mga mata. Hindi kami magkaibigan, hindi din magkaaway. Walang dahilan para mag-usap kami sa labas ng laro.
"Paano, panoorin mo na lang ako ha? Kailangan ko nang magpalit. Wish me luck!" niyakap ko si Carla. Binunggo ko ang ilong ko sa matangos niyang ilong pagkatapos ay saka ko mabilis na inilapat ang labi ko sa kaniyang labi.
"Make me proud bhie! Alam ko, kaya mo 'yan." Tinanggal niya ang nakasukbit sa kaniyang balikat. "Here's your bag." Niyakap niya ako. Niyakap ko din siya at hinaplos ko ang likod niya. Nakita ko ang paglingon ni Kyle sa amin bago siya pumasok sa locker at shower room namin.
Magulo't maingay ang lahat pagpasok ko. Nagtanong ang ilan kung kumusta na ang pakiramdam ko. Sinalo ko ang pakikipag-apir nila sa akin. Hindi ko man nakikita si Kyle pero parang sa sulok ng isip ko ay alam kong nakatingin siya sa akin. Hindi ko din maintindihan kung bakit kailangan dapat cute ako. Dapat tama ang sukat ng ngiti ko, lalaking-lalaki ang bawat kilos ko at astig ang lahat ng lumalabas sa labi ko. Ano bang dapat kong patunayan e, lalaki naman talaga ako. Basta ang alam ko, naroon si Kyle, maaring nakatingin sa akin. Ngunit ang laging tinatanong ng isip ko, kailangan ko ba talaga magpaimpress? Mahirap ngunit sinadya kong huwag lingunin kung saang banda ang locker niya. Mahirap nang mapansin niyang tinitignan ko siya.
Nagtanggal ako ng damit ko. Kailangan tigasan ko ang katawan ko. Lalabas ang abs, maitago ang tiyan. Baka kasi pinagmamasdan niya ang katawan ko. Pigil lang ang paghinga basta lumabas ang abs, iyon ay kung sana meron lang talaga ako.
Anak ng... di ba nga, wala nang pakialaman sa isa't isa? Deal 'yun ah! Ano itong..fuck it!
Nag-isip ako kung doon na lang ako magpapalit ng shorts. Boxer brief lang kasi ang suot ko. Kinuha ko ang tuwalya at inhaler ko. Doon na lang ako sa shower room magpalit.
"P're una na kami sa labas. Bilisan mo!" si Benji.
"Sige p're, sunod ako." lingon ko habang nagmamadaling tinungo ang pintuan ng mga hilera ng shower cubicles.
Huli na nang titingin ako sa dinadaanan ko. Bumunggo ang katawan ko sa isang katawan ding hubad ang pang-itaas. Naglapat ang aming mga dibdib. Halos magkahalikan na kami sa lapit ng mukha niya sa akin. Kapwa kami natigilan nang mapagsino ko kung sino ang nabangga ko.
Si Kyle.
Walang kahit anong namutawi ng aming mga labi. Iba yung nararamdaman kong silakbo.
Mabilis akong umiwas.
Pakanan.
Kumanan din siya.
Pakaliwa.
Kumaliwa din siya.
Fuck!
Hinawakan niya ang magkabilang balikat ko. Wala pa ding nagsasalita sa amin ngunit nagkakatitigan kaming dalawa. Malamig ang halatang nanginginig niyang kamay sa balikat ko. Hindi ko alam kung bakit niya ako hinawakan at kung ano ang magiging reaksiyon ko. Bago sa akin ang lahat ng ito. May mali nga ba talaga sa akin? Sa pagkatao ko... Putcha!!
Nang tumigil ako sa paghawak niya sa balikat ko ay alam ko na kung bakit niya iyon ginawa. Para tumigil ako at maayos siyang makakadaan. Wala man sa amin ang nagsalita, hanggang titigan man kaming dalawa ngunit may kung naiwan sa aking parang kanser na unti-unting sumisira sa akin. Ngunit hindi iyon kailanman "welcome" sa akin. Hindi pupuwede!
*****
Si Kyle muli ang magdedesisyon kung saan team siya mapapabilang. Matagal siyang nagdesisyon. Tumitingin siya sa akin. Nakita ko sa mga mata niya... yung tanong kung okey lang bang magkateam kami. Nakita ko sa unang pagkakataon na naguguluhan siya kung saang team siya aanib. Ngunit may naging kasunduan kami. May isang deal na ngayon ay haharang sa pagitan naming dalawa. Hindi ko ikinagulat na kay Benji siya aanib. Iyon sa tingin ko ang dapat. Ipapanalo ko ang laro ko ngayon. Binigyan ako ng huling pagkakataon at hindi ko iyon sasayangin. Makikita nila ang bagsik ko.
Nang magsimula ang laro ay wala na sa isip ko ang kahit anong distraksiyon. Kailangan kong mag-focus sa laro ko. Si Benjie ang naging guard ko nang una. Gusto kong palabasin sa lahat na wala siyang panama sa akin. Ipapakita ko sa kanilang hindi ang tipo ni Benjie ang tatapat sa husay ko sa paglalaro.
Mukhang sumusunod din naman si Kyle sa aming usapan. Professional siyang naglaro at ganoon din ako. Gitgitan ang laban. Mahusay kong naipakita ang liksi at galing ko sa paglalaro. Bawat bitaw ko ng bola ay laging pasok. Ganoon din naman ang laro ni Kyle. Sa pagkakataong iyon, napansin kong hindi na pinagbibigyan ni Kyle si Benjie. Nilalaro na namin ang dapat at tama. Walang lamangan. Walang dapat panigan sa dalawang kumukuha ng spot sa team. Ako ang lumalabas na malakas na pambato ng temporary na team ko at si Kyle sa kabila. Naungusan namin sila ng puntos kaya nang bumalik kami sa second half ay si Kyle na ang naging guard ko. Utos iyon ni coach. Ang pagtapatin kaming dalawa.
Sa bawat pagdribble ko ng bola at nasa harapan ko siyang pawisan na nakatingin sa akin ay hindi ko magawang iwaksi ang tingin ko sa kaniyang mukha. Iba eh! Kung ano yung kaibahang iyon, hindi ko kayang ipaliwanag. Bago sa akin iyon.
Kumindat siya.
Kung di lang ako pagod at pinagpapawisan siguro nahalata niyang namula ako.
Sa tuwing inilalalayo ko ang bola sa kaniya at aksidenteng bubunggo siya sa akin ay may kung anong kuryenteng nabubuo.
Napansin ko din iyon sa kaniya sa tuwing siya ang nagdadala ng bola.
Kinagat ko ang labi ko habang nakatitig sa kaniya kasunod ng paggalaw ng isa kong kilay.
Halata ko ang pagkaasiwa niya.
Nahuli ko din ang kahinaan niya. Hindi maka-focus sa tuwing titig na titig ako at ginagawa ko iyon habang dinadala niya ang bola. Madalas tuloy na naaagaw ko ang bola sa kaniya. Hindi iyon ang Kyle na napapanood ko noon sa TV at sa mga nauna naming mga laro.
"Bakit ka ba ganyan makatingin." bulong niya nang naging gitgitan na ang laban at patapos na ang aming laro at mukhang kami na ang mananalo.
Hindi ako sumagot ngunit kumindat ako.
"Hindi kayo mananalo, Teng."
"Talaga? Tignan natin. Mukhang kami na ang mananalo." buo ang kumpiyansang sagot ko.
Nasira ang deal. Nagkaroon ng pag-uusap.
Ngunit sa loob ng basketball court iyon.
Exception to the rule, naisip ko.
"May oras pa." pabulong iyon. "Huwag kang umasa." kasunod iyon ng maliksi niyang paglusot sa akin tuluy-tuloy hanggang sa tinira niya ang bola.
Ringless.
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Anne.
"Go honey! Go!" may flying kiss pa iyong kasunod.
Nag-flying kiss din siya kay Anne.
May ibang dating iyon sa akin.
Ipapanalo ko ito. Lakas sa lakas. Mas kailangan ko ito ngayon kaysa sa kaniya.
Nang hawak ko na ang bola at nasa harapan ko siya ay muli kaming nagkatitigan.
Kumindat siya sa akin saka lumabas ang kakaiba niyang ngiti.
Kasunod ng pagkagat niya ng kaniyang labi.
Huli na nang napansin kong nasa kaniya na ang bola. Dinala na niya iyon sa kanilang court. Hinabol ko siya.
Nakita ko ang orasan.
11 seconds left.
Isang puntos na lang pala ang lamang namin sa kanila kaya kung maitira niya ang bola at pumasok, kami ang uuwing luhaan bagay na hindi ko basta-basta ipamimigay. Isa pa, ako ang naagawan ng bola at kung naitira ng team namin iyon panigurado na sana ang panalo namin.
Nairita ako sa sarili ko ngunit hindi ko dapat hayaang maitira niya ang bola. Sa kahit anong paraan, hindi ko siya papayagan. Oras ang kalaban niya at ako ang hahadlang sa kaniya.
7 seconds left.
Lahat ng paraan ginagawa ko para hindi lang niya maitira ang bola. Magkabungguan man basta guwardiyado ko dapat siya.
Hanggang sa naipasa niya iyon sa iba niyang kasamahan.
Tumakbo siya sa kung saan siya makalibre ng tira.
5 seconds left.
Ibinalik sa kaniya ang bola.
Lumapit ako para harangan siya.
3 seconds left.
Alam kong sa kanit anong paraang ititira niya iyon.
Sabay kaming pumagitna.
Sigurado akong I-layup niya ang bola kaya nang tumalon siya ng sobrang taas ay sumabay ako para mapigilan siya.
Kitang-kita ko ang pag-ikot ng bola sa ring nang binitiwan niya iyon.
2 seconds left.
Sabay kaming nasa taas at dahil nasa baba niya ako at humarang ako sa kaniya ay hindi niya magawang ayusin ang kaniyang pagbagsak.
1 second left.
Pumasok ang bola.
Nagsigawan lahat.
Ngunit hindi si Kyle.
Tahimik lang siyang bumagsak.
Nakita kong unang tumama ang kaniyang ulo.
Natakot ako.
Kinabahan nang hindi na siya kumikilos.