Chapter 7: Rumors

1326 Words
Isang linggo na ang nakalipas simula no'ng may nangyari sa pagitan naming dalawa ng lalaking 'yon. At mag-iisang linggo na rin akong pinagtsitsismisan ng mga tao rito sa amin. Mga tsismis na hindi naman totoo pero nakakasira ng pagkatao. Dahil sa pangyayaring 'yon, akala ng lahat nagtatrabaho ako sa bar para ibenta ang katawan ko, sa madaling salita p*okpok. Ewan ko kung bakit humantong sa gano'n. Tanging si tiya Rosa at Vanessa lang ang sinabihan ko pero paanong umabot sa buong barangay namin? Wala namang pinagsabihan si tiya Rosa o maging si Vanessa pero nagkalat ang gano'ng tsismis. "Anak, kumusta ang pakiramdam mo?" Tanong ni tiya Rosa nang makita ako nitong pababa ng hagdan mula sa kwarto ko. "Gano'n pa rin po, tiya, pero ayos lang po ako. Huwag na po kayong mag-alala sa'kin," tugon ko Kakagising ko lang dahil sa masama ang pakiramdam ko. Ewan ko ba kung bakit pero sa tingin ko dahil lang 'to sa pagod at puyat. "Mabuti naman kung gano'n pero mamaya 'wag ka munang uminom ng gamot, kahit ngayong araw lang," aniya na ipinagtaka ko. "Bakit po tiya?" Nagtataka na tanong ko, umiwas siya ng tingin sa akin at kaagad na nagtungo sa kusina na parang may iniiwasan. "Basta, sundin mo nalang ang sinabi ko, kailangan mong mag-ingat dahil baka .." "Baka po ano?" Putol ko sa kan'ya, hindi siya sumagot pero nakita ko siyang napabuntong hininga ng malalim. May hindi siya sinasabi sa'kin pero ano kaya 'yon? Gusto kong malaman dahil sigurado akong tungkol 'yon sa nararamdaman ng katawan ko. "Huwag mo na lang pansinin ang sinabi ko. Uhm, siya nga pala, si Vanessa pumunta rito kanina habang tulog ka pa. Nagdala siya ng pagkain at isang basket ng prutas. Kumain ka nang marami, makakatulong sa'yo 'yon para bumilis ang paggaling mo." Hindi na 'ko nagtanong pa, sinunod ko na lamang ang sinabi niya at hindi na inisip pa ang ilan sa mga sinabi niya. "Hays, nagsisilabasan na naman ang mga marites," wika ni tiya Rosa nang umupo siya sa tabi ko. Napatingin ako sa labas ng bahay, tama nga si tiya, nagtitipon-tipon na naman ang mga marites para maki-tsismis. "Huwag mo na silang pansinin, kumain ka nalang d'yan. Ako na ang bahala sa mga 'yan mamaya," sabi ni tiya Rosa nang mapansin ako na nakatingin sa labas ng bahay. Tumango na lamang ako bilang sagot at nagpatuloy na lang sa pagkain. Pero nakakawalang-gana kapag gan'to ang bumubungad sa'yo tuwing umaga. Sa totoo lang, kahit hindi totoo 'yon, naapektuhan at nasaktan ako. Pinagsasabihan ako ng mga tao ng masasakit na salita, hinuhusgahan, iniinsulto, at ang mas malala pa ro'n dinadamay nila ang tiyahin ko dahil lang sa pagkakamali kong 'yon. Kesyo raw mali ang pagpapalaki niya sa akin at siya raw mismo ang nag-utos sa akin para gawin 'yon. Mga sabi-sabi na hindi naman totoo at puro kasinungalingan lang pero pinaniniwalaan ng maraming tao. Hindi lang ako ang nasaktan at naapektuhan kundi pati na rin ang tiyahin ko. "Ang bata pa nga pero ang landi na." "Balita ko, bago raw namatay ang nanay niya minsan na rin daw nagtrabaho 'yon sa bar. Nagmana nga naman sa nanay niyang p*kpok." "Sayang siya, matalino at maganda pa naman pero 'yan pa ang pinasok na trabaho. Hays, ang mga kabataan nga naman ngayon, hindi na nag-iisip ng maayos." Bakit masama agad ang tingin ng ibang tao kapag ang isang babae nagtatrabaho sa isang bar? Hindi na ba p'wede 'yon? Sa panahon ba ngayon, bawal na ang mga babae na magtrabaho sa bar? At gano'n na agad ang iisipin? Binebenta ang sarili? P*kpok? Huhusgahan na agad dahil lang sa gano'ng trabaho? Hindi ko na talaga maintindihan ang ibang tao ngayon, mahilig manghusga kahit hindi pa nila alam ang buong kuwento kung bakit ang ibang babae pinasok ang gano'ng klase ng trabaho. Ayoko na lang lumaban, ayoko na lang magsalita, at mas pipiliin ko na lang ang tumahimik kahit na gustong-gusto kong ipaglaban ang sarili ko at itama ang mga sinasabi nila. "Hoy! P'wede ba magsi-alisan na kayo? Wala na kayong ibang ginawa kundi ang magtsismisan d'yan. Mga buhay niyo na lang ang intindihin ninyo, hindi 'yong nangingialam pa kayo sa buhay ng iba. Mga tsismosa!" Galit na sigaw ng isang pamilyar na boses. Nag-angat ako ng tingin at napatingin sa pinanggagalingan ng boses. Laking gulat ko na makita si Kapitana Lydia na pinapagalitan ang mga tsismosa na nakatayo malapit sa bahay. "Wala na kayong gagawing matino?! Kayo imbis na mga anak ninyo ang atupagin niyo, ibang anak ang inaatupag ninyo. Maglinis na lang kayo ng mga bahay ninyo kaysa sa magtsismisan d'yan." Dugtong pa ni Kapitana, nagsialisan naman agad ang mga tsismosa pero halatang napahiya sila dahil sa mga sinabi ni Kapitana. Ni-real talk ba naman ng ninang ko. Nasa bakuran kami ni tiya Rosa, nagtatanim ng mga binili niyang bulaklak sa palengke. Pagkatapos naming kumain inaya niya 'kong magtanim para daw may pagkakaabalahan ako. Pumayag naman ako agad dahil gusto ko ring gawin 'yon para maiwasan kong isipin ang nangyari noong nakaraang linggo. "Magandang umaga ninang," bati ko sa kan'ya nang makapasok na siya rito sa bahay. Isa siya sa mga ninang ko noong bininyagan ako. Matalik na kaibigan siya ni mama simula no'ng mga bata pa sila. "Magandang umaga rin inaanak ko, magandang umaga rin Rosa. Hays, ang aga-aga nagagalit ako dahil sa mga tsismosa nating ka barangay. Mabuti na lang dumating ako kung hindi baka umabot na sa buong barangay ang tsismisan nilang tatlo," wika ni ninang Lydia. Med'yo natawa ako sa sinabi niya pero halatang galit na galit nga siya. "Kumusta ka? Okay ka lang ba?" Nag-aalala na tanong ni ninang. "Opo, okay lang po ako ninang. Wala na po sa'kin 'yong mga sinasabi nila kasi hindi naman po totoo. Pero ang ayoko lang po ay 'yong idamay nila si tiya Rosa at mama," malungkot na tugon ko. Ayos lang sa'kin na husgahan o insultuhin nila ako pero ang pinakaayoko lang talaga ay 'yong pati tiyahin ko at ang yumao kong ina ay husgahan din nila at pinagsasabihan ng mga kung anu-ano. "Huwag kang mag-alala pagsasabihan ko sila. Alam ko naman na hindi mo kayang gawin 'yon. Naniniwala ako sa'yo kaya 'wag mo na lang isipin at intindihin ang mga sinasabi sa'yo ng ibang tao," wika ni ninang Lydia at niyakap ako nito. Sana ang ibang tao katulad niya, marunong umunawa at hindi mapanghusga. Pero wala na 'kong magagawa kung gano'n ang mga iniisip sa'kin ng ibang tao. Opinyon nila 'yon at nirerespeto ko pero lalaban na 'ko kapag dinamay na nila ang mga mahal ko sa buhay. "Para kanino po 'yan, kuya?" Tanong ko kay kuya rider nang makalabas na 'ko ng bahay. Nagpapahinga ako sa loob nang may narinig akong tumatawag sa labas ng bahay kaya pinuntahan ko na agad para matingnan. Hindi ko inaasahan na delivery boy ang bubungad sa akin. "Para po kay Athena Sandoval," tugon nito na ikinagulat ko. Para sa'kin? Eh, wala naman akong in-order. "Kanino po galing?" Tanong ko ulit. "Bawal pong sabihin ang pangalan ni sender, ma'am. 'Yon po ang bilin sa akin," sagot niya. "Ah sige po kuya, salamat." Pagkatapos kong pumerma, pumasok na ako agad sa bahay dala ang isang kahon. Hindi ko alam kung ano ang laman nito pero med'yo mabigat. Sino naman kaya ang nagpadala nito? Binuksan ko na agad ang laman ng kahon pagkarating ko sa loob ng kwarto. Napuno ito ng mga tsokolate, isang blue stuffed toy, at isang CD. Halos lahat paborito ko pero para saan naman kaya itong CD? "I hope it helps to lighten up your mood. I'm always on your side and I just want to say, I'm sorry. From Mr. Z." 'Yon ang laman ng sulat. Galing na naman sa kan'ya. Pero bakit sa tuwing may okasyon, nagkakaproblema ako o malungkot, saka siya nagpapadala ng mga kung anu-ano sa'kin? I'm sorry? Para naman saan? Pero paano niya naman nalaman? Hindi kaya .. alam niya ang mga nangyayari sa buhay ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD