Kaagad akong bumaba ng hagdan at napayakap ng mahigpit kay tiya Rosa. Parang bigla akong natauhan dahil sa sinabi niya.
Dahil sa sakit at lungkot na nararamdaman ko, nakalimutan kong may munting supling na nasa loob ng tiyan ko.
"P-Patawad tiya .. hi-hindi ko po sinasad'ya," umiiyak na sambit ko.
Ang sama ng ginawa ko. Hindi ko man lang naisip na may bata sa loob ng tiyan ko at magiging ina na 'ko. Wala siyang kasalanan dito pero dinamay ko siya sa lungkot at galit ko. Lubos kong pinagsisihan ang ginawa ko ngayon.
"Heto, uminom ka muna ng tubig." At inabot ni tiya Rosa ang isang basong tubig sa akin. Tinanggap ko naman ito agad at ininom.
Bigla akong napahawak sa tiyan ko at napaisip.
Kapit ka lang d'yan baby, hindi na gagawa ulit ng isang pagkakamali si mama para saktan ka.
"Ayos ka lang ba?" Malungkot na tanong ni tiya Rosa at hinawakan nito ang dalawang kamay ko.
Maliit akong ngumiti at tumango bilang sagot sa kanya. "Opo, ayos lang ako. Pasensiya po sa ginawa ko, hindi ko na po uulitin 'yon."
"Sana nga hindi mo na gawin 'yon. Ayoko na may mangyaring masama sa'yo. Bago ka gumawa ng isang bagay na pagsisisihan mo, isipin mo muna na may bata sa loob ng tiyan mo. Naintindihan mo ba 'ko?"
"Opo, naintindihan ko po."
"Mabuti, kaligtasan mo lang at ng magiging anak mo ang iniisip ko. Nandito lang ako kaya huwag kang mawawalan ng pag-asa," aniya at niyakap ako nito.
Kahapon ko lang nalaman na buntis ako. Hindi ko na kasi maintindihan ang nararamdaman ng katawan ko. Tuwing gigising ako kinabukasan, bigla na lang akong nagsusuka at nahihilo. Pagkatapos, napapadami na ang kain ko at parang naglilihi, na kung anu-ano na lang ang gustong kainin. At ayun nga, biglang pumasok sa isip ko na baka buntis ako.
Sinabihan ko kaagad si tiya Rosa tungkol do'n. Kaya tinulungan niya 'ko kung ano ang mga dapat gawin para malaman kung buntis nga ba talaga ako. No'ng tanghali, binilhan ako ni tiya Rosa ng pregnancy test. Hindi ko alam kung ano ang una kong gagawin kasi wala rin naman akong ideya kung paano gamitin. Binasa ko na lang ang mga nakasulat sa instructions at ayun nga, dalawang guhit ang lumabas. Nang malaman ni tiya Rosa, kaagad kaming nagpa-check up at doon ko nalaman na isang linggo na 'kong buntis.
Inaasahan ko na gano'n ang magiging resulta pero hindi kayang tanggapin ng sarili ko. Bigla akong nawalan ng pag-asa, biglang nanghina, at bigla na lang sumuko. Hindi ko alam kung kakayanin ko. Ang bata ko pa para harapin ang ganitong responsibilidad. Ang maging ina sa murang edad. Pero hindi ko na matatakasan 'to, dapat ko itong harapin at panindigan hanggang sa huli.
"Ubusin mo 'yan ah, ako nagluto niyan para sa'yo at kay baby," wika ni Vanessa habang isa-isang binaba ang mga pagkain na nasa loob ng paper bag.
Kararating niya lang dito sa bahay at gusto niya na 'kong pakainin. Hindi siya pumasok sa school para lang paglutuan ako ng pagkain at bisitahin dito sa bahay.
Nakakatuwa at masarap sa pakiramdam na may ganito akong kaibigan, na meron akong siya.
"Ang dami naman, baka hindi ko maubos 'yan," sabi ko. Bukod kasi sa mga pagkain meron pa siyang dalang mga prutas.
"Eh ayos lang yan, kapag hindi mo naubos edi save it for later," aniya 'tsaka tumawa. Loka talaga, balak niya lang akong patabain kasi ang laki daw ng pinayat ko.
"Kailangan mong kumain ng madami kasi hindi lang naman sarili mo 'yong pinapakain mo kundi pati na rin si baby. Kaya kumain ka na bago pa lumamig 'yan," dugtong pa niya.
Sinunod ko na lang ang gusto niya kasi baka magtampo pa. Siya pa naman ang nagluto ng mga 'to kaya kailangang kainin at ubusin.
"Ikaw ba talaga ang nagluto neto?" Tanong ko na may halong pang-aasar.
"Syempre naman, ano pang silbi ng course ko kung hindi ko lang naman gagamitin?" Mataray na sagot niya at umupo na sa kaharap kong upuan.
Culinary ang course ni Vanessa, magaling siyang magluto at masarap ang mga niluluto niya. Mapa Filipino cuisine man 'yan or international cuisine kaya niyang lutuin.
"Joke lang, binibiro lang naman kita," natatawang sambit ko. Bigla siyang sumimangot habang kumukuha ng pagkain.
"Anyways, maiba tayo ng topic. Nakalimutan kong sabihin sa'yo na hinahanap ka ni sir Lim at gusto ka niyang makausap."
Napatigil ako sa pagkain dahil sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan 'yon, na hahanapin ako ni sir Lim. Siya si boss Yael, ang nagmamay-ari ng bar na pinagtatrabauhan ko.
"Ang sinabi ko na lang na may lagnat ka at hindi mo pa kayang pumasok. Mukhang naniwala naman siya sa sinabi ko at hindi na rin siya nagtanong. Alam mo, parang malungkot na nagsisisi 'yong mukha niya habang kausap ako. Pero ... gusto mo ba siyang makausap? Gusto niya 'atang humingi ng tawad sa'yo."
Napabuntong hininga muna ako bago sumagot. "Ewan ko, parang ayoko pa siyang makita. Hindi ko naman siya sinisisi sa nangyari pero hindi ko pa talaga kayang harapin siya."
"Naintindihan ko naman kung bakit ayaw mo pa siyang makausap. At siguro naman maiintindihan ka rin niya. Pero kapag ready ka nang kausapin siya, sabihan mo lang ako para masabihan ko siya." Maliit akong ngumiti kay Vanessa at tumango na lang bilang sagot.
Tumigil na 'ko sa pagtatrabaho sa bar. Hindi ako nakapagpaalam kay boss Yael kasi parang hindi ko kaya. Hindi ko siya kayang harapin pagkatapos ng mga nangyari. Hindi ko siya sinisisi pero may parte ng puso ko na galit ako sa kan'ya.
Ewan ko kung sinabihan siya ng kaibigan niya pero sana hindi. Kasi ayoko nang may makaalam tungkol pa do'n ngayong nagbunga na ang isang gabing pagkakamali na 'yon.
"Thena .. huwag ka sanang magagalit sa itatanong ko."
"Sige, ano ba 'yon?"
Napalunok muna siya bago nagsalita. "Hindi mo ba sasabihan 'yong lalaking nakabuntis sayo?" Tanong niya na ikinatahimik ko.
"Hindi," maikling sagot ko pagkatapos ng ilang segundong katahimikan. "Hindi niya 'ko kilala kaya hindi na kailangan na sabihin pa sa kan'ya," seryosong sambit ko.
Parang bigla akong nakaramdam ng galit nang maalala 'yong nangyari no'ng umagang iwan ako ng lalaking 'yon sa condo niya na parang isang bayarang babae.
"Paano kung sinabihan siya ni sir Lim na ikaw ang naghatid sa kan'ya? 'Di ba may possibility na malaman niya?"
Hindi ko naisip ang tungkol do'n pero tama si Vanessa. Posible ngang mangyari 'yon pero ipagdarasal ko na sana hindi kasi ayoko na makilala niya 'ko.
"And what if nakilala ka na niya? Ano'ng gagawin mo?" Tanong niya, hindi ako nakasagot.
"Wala akong gagawin kasi paniguradong hindi naman ako hahanapin n'on para magpasalamat na hinatid ko siya o humingi ng tawad dahil sa ginawa niya sa'kin," tugon ko at pinakalma ang sarili.
May namumuo nang galit sa katawan ko ngayon. Parang gusto kong manampal o edi kaya manapak ng tao para lang mapagbuntungan ng galit ko. Ewan ko, ngayong buntis ako parang ang bilis ko lang magalit.
"At hindi niya p'wedeng malaman na buntis ako," matigas na sambit ko.
Hinding-hindi niya malalaman ang tungkol do'n, hindi ako makakapayag.