Friday na ngayong araw at ngayon na rin gaganapin ang meeting sa school ni Aaron. Kaya maaga akong nagising at nag-asikaso para do'n. Mabuti na lang day-off ko ngayon kaya hindi ako mag-aalala at hindi ko iisipin ang mga naiwan kong trabaho sa office. At hindi ko makikita buong araw ang boss ko.
Ang sarap lang sa pakiramdam ng gano'n. Kaya sana ibigay na sa'kin ni lord ang araw na ito para hindi siya makita. Kasi gusto ko muna siyang iwasan at huwag isipin kahit ngayong araw lang.
I need to focus sa meeting kasi para 'to sa kaligayahan ng anak ko. At ayokong masira ito dahil lang sa kakaisip sa lalaking 'yon.
"Mommy, okay lang po ba na makipaglaro ako sa mga classmates ko habang nasa meeting ka po?" Tanong ni Aaron habang naglalakad kaming dalawa papunta sa classroom niya.
Kararating lang namin sa school at med'yo napaaga ang punta namin. Parang ako pa lang 'ata ang parent dito pero ayos lang kesa naman teacher pa ang maghihintay sa amin.
"Oo naman, anak, basta huwag kang lalayo at makikipag-usap sa hindi mo kilala, okay?" Sagot ko at tumango siya bilang sagot sabay na ngumiti sa akin.
"Promise po, mommy. Thank you po," aniya.
"You're welcome," nakangiting sambit ko at yumuko para halikan siya sa pisnge.
Nakarating na nga kaming dalawa sa classroom niya. Nandito na pala ang mga magulang ng iba niyang mga kaklase at nakarating na rin ang teacher niya. Binati ko naman ito pagkapasok naming dalawa gano'n din ang mga magulang na nandito sa loob.
Sa totoo lang, nahihiya ako. Ito pa lang kasi ang unang beses na um-attend ako ng meeting. Kasi si tiya Rosa ang laging pumupunta kapag nagpapatawag ng meeting ang teacher ni Aaron. Hindi kasi ako nakakapunta dahil sa trabaho ko pero naiintindihan naman 'yon ng anak ko.
"Good morning, parents, we'll start our meeting by 9 am. Hintayin lang po natin na makarating 'yong iba then if na kompleto na po kayo saka po tayo magsisimula," sabi ni Teacher Eva.
Tumango naman kami bilang sagot at nagpaalam siya na lalabas muna para pumunta ng faculty.
Okay na ang maghintay kesa kami ang hinihintay.
"Aaron, let's go sa playground," aya sa kan'ya ng babae niyang kaklase. Hindi siya sumagot sa halip ay tumingin sa akin.
"Sige na anak, sumama ka na sa kan'ya. Basta ang bilin ni mommy 'wag kakalimutan," sabi ko at bigla niya 'kong niyakap ng mahigpit. Napangiti na lang ako at tumugon din sa yakap niya.
"Okay mommy, tara Amy," natutuwang sambit nito at lumabas na rin silang dalawa ni Amy sa classroom.
Pagkalipas ng ilang minuto, nagsidatingan na ang ibang mga magulang hanggang sa na kompleto. Nagsimula na rin ang meeting at diniscuss na rin ni Teacher Eva ang tungkol sa event next month. Nakikinig ako ng maayos at nakatuon talaga ang buong atensiyon ko sa mga sinusulat niya sa pisara. Nagsusulat din ako para hindi ko makalimutan.
"Color blue po pala ang naka-assign na kulay sa buong section ng grade 1. So, 'yon po ang kulay ng damit na susuotin natin. Don't worry po, ang school ang magpo-provide niyon para po sa inyo at para sa mga bata," saad ni Teacher Eva.
"Hindi na po ba kailangang magbayad para do'n, ma'am?" Tanong ng isang lalaki na sa tingin ko ka edad ko lang.
"Hindi na po kasi ang school na ang bahala ro'n. No need to pay because it's free. Next week baka dadating na 'yon. I'll just inform the kids for you to get the shirt ahead of time before the event," sagot ni Teacher Eva.
Mabuti na lang, less gastos na rin kahit papa'no. Meron pa kasing ibang kailangang bayaran like foods, drinks, etc. Pero para sa kasiyahan ng mga bata, hindi na kailangang isipin kung magkano ang babayaran o gagastusin.
"And for the information of everybody, meron nga po pala-"
"Excuse me, good morning."
Bigla akong napatitig sa board nang marinig ko ang pamilyar na boses na 'yon. Jusko! Kahit hindi ko na siya kailangang tingnan kilala ko na kung sino siya dahil sa boses niya.
Lord, bakit nandito siya sa school?! Bakit kung nasa'n ako nando'n din siya?
"Good morning, Mr. Montero, have a seat po," ani Teacher Eva.
Parang gusto ko na lang hilingin na lamunin ako ng sahig. Kapag nakita niya 'ko, magtataka siya. Pero mas nauna na 'kong magtaka.
Bakit siya nandito sa classroom? Bakit um-attend siya ng meeting?
Ibig sabihin ba niyon ... may anak na siya?!
"I'm sorry, sir, if hindi na po namin kayo nahintay," paumanhin ni Teacher Eva.
Dahan-dahan akong tumingin sa pinto pero buti na lang hindi niya 'ko napansin. Siya nga at nakasuot pa siya ng business suit. Parang dito siya dumiretso bago pumunta sa trabaho.
"It's fine, I'm the one who needs to apologize. Just continue the meeting, I'll catch up," tugon nito at naupo sa bakanteng upuan na nasa harap. Pansin kong kinilig ang mga babaeng nasa tabi nito at nagbulungan pa 'yong iba.
Napabuntong hininga na lang ako ng malalim. Mabuti na lang hindi siya umupo sa bakanteng upuan na nasa tabi ko at kapag nangyari 'yon baka nahimatay na ako ng wala sa oras.
"Okay, let's continue. Magkakaroon po pala ng performance every class sections together with your kids po. Each class sections merong one representative. Ang tanong ko po ngayon ay kung sino ang parent na magre-represent ng section natin?"
Nagsitinginan sa isa't isa lahat ng mga magulang na nandito sa loob bukod kay Sir Zach na parang walang pakialam sa paligid niya. Pero sino naman kaya ang magre-represent? Sa tingin ko parang halos lahat ng magulang dito ayaw sumali kasali na ako.
"Miss Athena?"
Lagot! Tinawag ako ni Teacher Eva.
"Yes, ma'am?" Sabi ko at dumako lahat ng tingin sa akin.
Napansin kong biglang umangat ng tingin si Sir Zach nang marinig niya ang pangalan ko. Pagkatapos ay dahan-dahan siyang lumingon at tumingin sa direksiyon ko. Napalunok ako ng laway nang dumapo ang seryosong tingin niya sa akin.
Parang bigla akong kinabahan. Huwag sana siyang mag-isip ng kung anu-ano tungkol sa akin.
"Miss Athena?" Muling tawag sa'kin ni Teacher Eva.
Kaagad naman akong nag-iwas ng tingin kay Sir Zach at tumingin kay Teacher Eva na naghihintay ng sagot ko.
"Ano po 'yon, ma'am?" Kinakabahan na tugon ko.
"Minsan po kasing nabanggit sa'kin ni Aaron na kumakanta raw po kayo. Baka po p'wede na ikaw ang mag-represent ng section natin?" Ani Teacher Eva na mas nagpakaba sa akin.
Anak, ba't mo naman binanggit 'yon sa teacher mo?
"Umm.. kasi ma'am ano, p-p'wede po ba na-"
"Huwag po kayong mag-alala, kasama niyo naman po mag-perform sa stage ang anak niyo," putol sa akin ni Teacher Eva.
Bigla akong napatingin kay Sir Zach at napansin kong biglang nagbago ang ekspresiyon ng mukha niya. Napalitan ito ng pagtataka at may bahid na rin ng lungkot ang kan'yang mga mata. Hindi na siya nakatingin sa akin. Bigla siyang umayos ng upo at tumingin ng diretso sa harap.
"O-O sige, ma'am," tanging sagot ko. Biglang nagpalakpakan ang lahat na ikinagulat ko. Hindi nila alam na wala akong choice kundi ang pumayag. Kasi kahit na umayaw ako, pipilitin pa rin ako ni Teacher Eva na sumali.
"Thank you, Miss Athena." Ngumiti na lang ako bilang sagot at hindi na nagsalita pa.
After 30 minutes, natapos na rin ang meeting. Naisulat ko lahat sa notebook ko ang mga diniscuss ni Teacher Eva. At sa tingin ko naman wala na akong may nakalimutan.
Pagkatapos kong magpaalam kay Teacher Eva ay kaagad na rin akong lumabas ng classroom bago pa 'ko makita ng boss ko. Nakita ko siyang nasa loob pa at kausap si Teacher Eva. Mabuti na lang kasi ayoko siyang makausap ngayon lalo pa na kasama ko ang anak ko.
"Jusko! Ang anak ko, nasa'n ang anak ko?!" Gulat na sambit ko nang mapagtanto na hindi ko pa pala kasama ang anak ko.
Patakbo kong tinungo ang playground at nakita ko si Aaron na nakasakay sa swing kasama si Amy at ang isa pa nitong kaklase.
Kailangan na naming umuwi bago pa siya makita ng tatay niya.
"Aaron, nak," tawag ko sa kan'ya. Kaagad naman siyang tumingin sa direksiyon ko at bumaba ng swing para lumapit sa akin.
"Mommy, tapos na po ang meeting? Uuwi na po ba tayo?" Tanong niya nang makalapit siya sa'kin.
"Yes, anak, magpaalam ka na sa mga kaklase mo," sabi ko at iniiwasan ang mautal. Kasi ayokong mapansin niya na kinakabahan ako.
"Mommy, p'wede po ba na mamaya na tayo umuwi?" Pakiusap nito. "Gusto ko pa po kasi makipaglaro sa mga kaklase ko. Okay lang po ba, mommy?" Dugtong niya na ikinatahimik ko.
Ayoko namang sirain ang kaligayahan ng anak ko pero kailangan na naming umuwi.
"What's the rush, Miss Sandoval?"
Napatulala ako nang may magsalita sa likuran ko.
"Let your son play before you go home."
Ang iniiwasan kong mangyari, mangyayari na.
Makikilala niya na si Aaron, makikilala niya na ang anak niya.