Bakit bigla siyang nagtanong? 'Tsaka paano niya nalaman? Wala akong sinabi na kahit ano kay Doc. Matteo para tanungin niya 'ko ng ganito.
'Di kaya na halata ni Doc. Matteo na may kinakatakutan ako?
"Sir--"
"N-Nevermind, just go now and take some rest," aniya sabay na tumalikod. "I'll just tell my secretary to bring the foods in your office," dugtong nito at naglakad papunta sa table niya.
Hindi na 'ko sumagot, tumalikod na lang din ako at lumabas na sa opisina niya.
Nang maihatid ko sa ground floor si Doc. Matteo ay kaagad na rin akong bumalik sa department ko at pinagpatuloy ang naiwan kong trabaho. Dumating na rin sa opisina ang in-order na mga pagkain ni Sir Zach na nagkasya naman sa aming lahat.
"Anong meron? Ba't nagpadala ng pagkain sa office si Sir Zach?" Nagtataka na tanong ni Maurice. Nagkibit-balikat lamang si Paula dahil hindi nito alam ang sagot.
"Baka nasa mood kaya binigyan tayo ng pagkain," tugon ni Paula.
Kasalukuyan kaming tatlo na nandito sa CR, nag-aayos ng mga sarili namin kasi uwian na. Wala silang alam tungkol do'n kasi hindi ko sila sinabihan. Hindi naman na nila kailangan pang malaman 'tsaka baka mag-isip pa sila ng kung anu-ano kapag sinabi kong para sa akin 'yon.
"Thena, sabi pala ng supervisor natin, ikaw raw ang naka-assign na IT sa office ni Sir Zach?" Tanong ni Maurice habang naglalagay ng powder sa mukha.
"Ah oo, favor 'yon ni Mrs. Montero kaya pumayag na lang ako since ako rin naman 'yong IT na naka-assign sa kan'ya no'ng siya pa ang CEO ng kompanya," sagot ko.
"Kaya naman pala ikaw lagi ang inuutusan. Pero mabait naman ba si Sir Zach sa'yo? Hindi ka ba niya sinusungitan o pinapagalitan?" Muling tanong ni Maurice.
"Sinusungitan pero okay lang naman, hindi naman nakakasakit ng damdamin, nakakapagpakulo lang ng dugo," tugon ko na ikinatawa nilang dalawa.
Ewan ko ba sa lalaking 'yon, nasa ugali niya na talaga ang pagiging masungit. Pero pansin ko na nabubura 'yon sa tuwing may something na nangyayari sa'kin o 'di kaya kapag sinasagot ko siya. Sa totoo lang naguguluhan ako pero ayoko namang pangunahan kasi baka mali lang ang iniisip ko na nag-aalala siya sa'kin.
Pero bakit? Bakit siya mag-aalala sa'kin?
"Alam niyo kahit mag-one week pa lang si Sir Zach dito sa kompanya, may napapansin na 'kong kakaiba sa kan'ya," saad ni Paula na ipinagtaka naming dalawa ni Maurice.
"Kakaiba? Ano'ng ibig mong sabihin?" Nagtataka na tanong ni Maurice.
"Feeling ko .. hmm," ani Paula bago dumako ang tingin sa akin. Pero ang tinging 'yon ay may halong panunukso.
"Feeling ko may crush si Sir Zach sa'yo," nanunuksong wika ni Paula na ikinagulat ko. Sinundot pa 'ko nito sa tagiliran kaya napakislot tuloy ako pero hindi ako kinikilig.
Anong crush ang pinagsasabi niya?
"Ayy true! Pansin ko rin 'yan no'ng nakaraang araw," sang-ayon ni Maurice. "Iba siya kung makatitig sa'yo. 'Yong titig na parang in love, gano'n? 'Yong parang ikaw lang ang nakikita niyang babae rito sa office," dugtong pa nito.
Jusko! Ang tanda na namin para sa gano'ng bagay. Hindi ko na nararamdaman ang gano'ng pakiramdam dahil siguro may anak na ako at naka-focus na ang buong atensiyon ko sa kan'ya.
Crush? Meron pa bang gano'n sa panahon ngayon?
"Hindi 'yan totoo, ba't naman kasi magkaka-crush sa'kin 'yon? Parang wala nga siyang oras para do'n, eh. 'Tsaka 'di ba alam niyo naman na engage na 'yong boss natin?" Agap ko pero bigla nilang tinakpan ang bibig ko.
"Shh! Hindi pa natin sure kung para sa kan'ya 'yon kaya may pag-asa pa," saad ni Maurice. Napakunot ang noo ko, ano'ng ibig niyang sabihin?
"Pag-asa para sa'n?" Tanong ko, naguguluhan sa sinabi niya.
"Pag-asang maging kayo, gosh! Kapag nangyari 'yon syempre magkaka-love life ka na tapos magkakaroon na ng daddy si Aaron," kinikilig na sagot ni Maurice.
"Bukod diyan magiging mag-asawa na kayo tapos ikaw na si Mrs. Athena Sandoval-Montero. O 'di ba? Gosh! 'Yong parang napapanuod lang natin sa mga telenovela ay mangyayari sa totoong buhay," dugtong pa ni Paula. Nag-apir pa silang dalawa.
Natapik ko na lang ang aking noo dahil sa mga pinagsasabi nila na malabo namang mangyari. Hays, kung sa'n-sa'n na napupunta ang mga sinasabi nila. Simula sa crush tapos napunta na sa asawa. Naku na lang talaga sa dalawang 'to.
"Ang tanong, crush ko ba siya?" Sabi ko na ikinatahimik nilang dalawa.
"Huwag mong sabihing hindi," ani Paula. Umiling ako bilang sagot na ikinagulat nilang dalawa.
"Gosh! Hindi mo crush si Sir Zach? Athena, ang gwapo niyon at nasa kan'ya na lahat. Seryoso?" Gulat na sambit ni Maurice.
"Oo, seryoso ako kaya huwag na kayong mag-isip ng kung anu-ano d'yan kasi malabo na magugustuhan ko 'yon," sagot ko at nauna nang lumabas ng banyo.
Sumunod naman ang dalawa sa likuran ko pero patuloy pa rin nila akong tinatanong at pinipilit na gustuhin ang lalaking 'yon.
Ang lalaking 'yon ang tatay ng anak ko pero wala akong naramdaman na pagkagusto sa kan'ya simula no'ng nakita ko siya at nakausap noong mga nakaraang araw. Ang tanging nararamdaman ko lang ngayon ay galit, takot, at pagkamuhi sa kan'ya dahil sa mga nangyari sa'kin noon. 'Yon lang at wala ng iba pa.
Ayoko naman mag-assume na may crush nga sa'kin ang boss namin dahil sa gano'n ang mga napansin nila. Kasi posible na hindi 'yon totoo at mali lang sila ng iniisip. Kung totoo man, wala na 'kong pakialam sa nararamdaman niya. Pero sana hindi totoo kasi ayokong maging komplikado ang sitwasyon namin sa isa't isa.
"Bye, Athena, see you next week," paalam ni Paula nang makarating kami sa parking lot.
"Bye, ingat ka," sabi ko at sumakay na rin sa kotse.
Pero hindi ko pa pinaandar ang sasakyan kasi bigla kong naisip ang sinabi ni Maurice kanina tungkol do'n sa kung paano ako tingnan ni Sir Zach.
"Tsk! Ba't kasi iniisip mo pa 'yon, Athena?" Sabi ko sa sarili at napabuntong hininga ng malalim.
"Oh, parang si .."
Sinundan ko nang tingin ang isang pamilyar na lalaki na kalalabas lang ng sasakyan at naglakad papasok ng building. Parang kilala ko siya .. parang si Zander.
Pero ano ang ginagawa niya rito?
Bigla akong lumabas ng sasakyan at patakbong sinundan ang lalaki na nakapasok na sa building. Iba ang pakiramdam ko ngayon, feeling ko kilala ko talaga siya.
Napahinto ako nang makita ko siyang nakatayo sa may front desk at kinakausap si Ms. Cheryl.
"Yes, sir, he's still in his office. Should I call him to let him know that you were here, sir?" Sabi ni Ms. Cheryl pero umiling naman bilang sagot ang kausap nito.
"No need, anyways, thank you," tugon ng lalaki.
"You're welcome, Sir Zander," nakangiting sambit ni Ms. Cheryl.
Siya nga! Si Zander nga! Hindi ako nagkamali.
Ano ang ginagawa niya rito? At sino naman ang hinahanap niya?