"Anak.."
Napalingon ako agad nang marinig ko ang boses ni tiya Rosa. Kararating niya lang galing palengke. Sumabay siya kanina kay Vanessa no'ng umalis na ito at sabi niya bibili lang daw siya ng uulamin namin.
Kaagad ko siyang sinalubong sa may pinto nang makita ko siya na maraming bitbit na malalaking plastics na may laman ng mga pinamili niya at dalawang paper bag. Nakapagtataka man pero hindi na muna ako nagtanong.
"Salamat anak, nasa'n nga pala ang anak mo? Hindi ko siya nakitang naglalaro doon sa kapitbahay natin," aniya habang nililibot ang tingin sa buong bahay.
"Nando'n po siya sa kwarto niya, inaayos ang mga gamit niya sa school. Bukas po kasi may pasok na siya," tugon ko at nilapag ang mga dala nito sa ibabaw ng mesa.
"Oo nga pala .. ang sipag naman ng batang 'yon, hindi na umaasa sa 'yo sa pag-aayos ng mga gamit niya."
"Kaya nga po, hindi ko na siya tinulungan kasi kaya niya naman na raw kaya ayun iniwan ko na lang siya sa kwarto niya. Babalikan ko na lang maya-maya pero paniguradong tulog na 'yon ngayon. Napagod 'yon sa kakalaro sa park kanina."
Bigla kong naalala ang nangyari doon. Kailangan kong sabihin kay tiya Rosa ang tungkol do'n kasi siya ang naghahatid-sundo kay Aaron sa school. Baka malingat lang siya tapos may lalapit na naman sa anak ko.
"Mabuti na lang dinala mo 'yon doon. Naiinggit kasi siya sa mga kaklase niya tuwing nagkukuwento ang mga ito sa kan'ya na dinadala sila ng mga magulang nila sa park," wika ni tiya Rosa habang isa isang nilalabas ang mga groceries at iba pang binili niya sa palengke.
Hindi ko alam ang tungkol do'n. Hindi 'yon na k'wento sa'kin ng anak ko. Hindi ko man lang napansin na nararamdaman 'yon ni Aaron kasi hindi ko naman nakikita sa mukha niya na naiinggit siya sa mga kaklase niya o sa ibang mga bata. Masayahin ang anak ko kaya hindi mo talaga mapapansin na nakakaramdam siya ng inggit.
Mabuti na lang binanggit 'yon ni tiya Rosa. Nagkaroon kaagad ako ng ideya para hindi na mainggit at malungkot ang anak ko.
"Puntahan mo na lang siya roon sa kwarto niya. Ako ng bahala rito sa kusina at ako na lang din ang magluluto ng tanghalian natin."
"Tiya, may sasabihin po ako."
Napatingin naman kaagad sa'kin si tiya Rosa. Gusto ko lang ikuwento sa kan'ya ang nangyari kanina sa park. Hindi kasi ako mapakali simula no'ng umuwi kami rito sa bahay.
"Ano 'yon? May problema ba?" Nag-aalala na tanong niya.
"Wala naman po .. gusto ko lang pong sabihin na bantayan niyo nang maigi si Aaron sa school," sagot ko na ipinagtaka niya. "Kanina po kasi sa park, nalingat lang po ako pagkatapos may tumawag na sa kan'ya at binigyan siya ng laruan. Isang lalaki raw po .. kilala siya nito at maging .. ako," patuloy ko.
Napalitan ng kaba ang nagtatakang mukha ni tiya Rosa. Kaagad siyang lumapit sa akin at inakay papuntang sala. Umupo naman ako at ganoon din siya pero bakas pa rin sa mukha niya ang pagtataka.
"Wala naman bang may nangyaring masama sa kan'ya?"
Umiling ako bilang sagot at ramdam kong umiinit na ang sulok ng mga mata ko.
"Nagpakilala naman daw ba ang lalaki?" Muling tanong ni tiya Rosa pero tanging pag-iling lang ang naisagot ko kasi nagsimula na 'kong umiyak.
Kinakabahan ako para sa kaligtasan ng anak ko. Kung p'wede lang na huwag nang magtrabaho para mabantayan siya ng maigi ginawa ko na kaso hindi p'wede. Kailangan kong magtrabaho para sa pamilya ko.
"Natatakot po ako, tiya .. paano kung bigla niyang kunin mula sa'kin ang anak ko?" Umiiyak na tanong ko.
"Hindi 'yan mangyayari, babantayan ko siya ng maayos sa eskwelahan. Huwag ka nang mag-alala, hmm? At huwag kang mag-isip ng kung anu-ano para sa ikakatakot mo lang. Pangako, aalagaan at babantayan ko si Aaron habang wala ka," sagot ni tiya Rosa at kaagad ako nitong niyakap ng mahigpit.
Iniiwasan ko ang mag-isip ng masama pero hindi ko talaga mapigilan lalo na ngayon na may nakakakilala at lumalapit na sa anak ko. Hindi ako matatahimik hangga't hindi ko nalalaman kung sino 'yon.
Subukan niya lang ulit lapitan at kausapin ang anak ko, ako na talaga ang makakaharap niya.
"Anak.." tawag ko sa kan'ya nang makarating ako sa kwarto niya.
Kasalukuyan siyang nakaupo sa kama habang binibilang ang mga crayons niya. Napangiti na lang ako, ang sipag naman talaga ng anak ko.
"Kompleto pa ba 'yan?" Magiliw na tanong ko at tumango naman siya bilang sagot.
"Mabuti naman, akala ko nawala na naman ang ibang colors ng crayons mo," sabi ko.
"Hindi, mommy .. hindi ko naman po winawala eh 'tsaka po iniingatan ko," aniya na nagpangiti na naman sa akin.
"Oo na po, iniingatan mo na. Sinasabihan ka lang ni mommy para aware ka." At mahinang kinurot ko ang pisnge niya bago siya hinalikan.
Ang pogi na nga ng anak ko plus ang talino at ang bait pa. May pinagmanahan nga siya pero talino at ugali lang ang namana niya sa akin, maliban doon hindi na. Mukha palang masasabi nang hindi talaga siya nagmana sa akin.
Ayoko sanang sabihin pero nakuha niya lahat ng physical features ng lalaking 'yon. Kahit maraming taon na ang nakalipas, hindi ko nakakalimutan ang mukha nung lalaking nakabuntis sa akin. Kaya alam ko na nagmana sa kan'ya ang anak ko. Wala na rin naman akong magagawa kundi ang tanggapin na lang kahit hindi bukal sa loob ko.
"Bakit hindi ka nakipaglaro doon sa bahay ng kaibigan mo? Susunduin naman kita kapag naka-ready na ang lunch natin," sabi ko.
"Sa susunod na lang po, mommy. Umalis din po kasi sila eh, pumunta po sila ng beach nang mommy at daddy niya," sagot niya nang maisara niya na ang kan'yang bag. Pagkatapos ay ngumiti siya sa akin at niyakap ako.
"Mommy, kailan po tayo babalik doon sa bahay ni lola?"
Ang tinutukoy niya ang tinitirhan namin ni tiya Rosa noon. Pero wala na kaming balak na bumalik doon. Lumipat na kami ng bahay simula no'ng bumalik ako sa pag-aaral matapos kong manganak. Kasi baka stress lang ang aabutin ko roon kapag doon pa 'ko tumira. Ngayon sa isang subdivision na kami nakatira. Binili ko 'tong bahay na tinitirhan namin sa pamamagitan ng perang inipon ko noon at galing sa sweldo ko. Mga halos dalawang taon akong nag-ipon para lang mabili ang bahay na 'to.
"Hindi na tayo babalik doon, anak. May bago na kasing nakatira doon simula no'ng ibinenta 'yon ng lola mo. Bakit mo natanong?"
Isang beses lang siyang nakapunta ro'n no'ng kinuha namin ang ilang gamit sa bahay pero siguro namiss niya lang kasi marami siyang nakalaro doon hindi tulad dito na konti lang.
"Wala naman po, mommy. Uhm.. mommy, may gusto po sana akong itanong?" Aniya med'yo nahihiya habang nakatingin sa akin.
Ito palang ang unang beses na magtatanong siya sa'kin. Pero kinakabahan ako kasi baka hindi ko masagot ang tanong niya.
"Sige, ano 'yon?" Nag-aalangan na sagot ko.
"Mommy, sino po ang daddy ko?" Tanong niya na ikinagulat ko.
"Sabi niyo po sa'kin dati na .. iniwan niya po kayo at .. hindi niya alam na buntis po ikaw. Pero mommy .. kilala niyo naman po siya, 'di po ba? P'wede ko po bang malaman ang pangalan niya?" Dugtong niya na mas lalo kong ikinagulat at nagpatahimik sa akin.
Hindi ko inaasahan na ito ang itatanong niya, na iniisip niya pala ang ganitong bagay. Ngayon lang siya nagtanong tungkol dito at hindi ko alam kung ano ang isasagot ko lalo pa na hindi ko alam ang pangalan ng tatay niya.
"Anak .. ano kasi .. uhm.."
Diyos ko, ano ang isasagot ko? Nakatingin siya sa'kin at hinihintay ang sagot ko.
"Aaron, nak .. hindi ko kasi-"
"Okay lang po, mommy .. kung hindi niyo po kayang sabihin sa'kin. Naintindihan ko naman po," aniya at maliit na ngumiti sa akin pero mababakas ang pagkadismaya sa mukha niya.
Gusto niya talagang makilala ang papa niya pero ayokong makilala niya 'yon kasi ayoko siyang masaktan kapag nalaman niya na nabuo siya dahil lang sa isang pagkakamali. Masasaktan ang anak ko pero ayoko rin namang ipagkait sa kan'ya ang tungkol sa papa niya. Malaki na siya, alam kong nagtataka na rin siya kung bakit hindi niya pa nakilala ang papa niya.
"Mommy .. ayoko na po siyang makita," malungkot na sambit niya na ikinagulat ko. "Hindi ko na po kailangan ng daddy kasi nand'yan naman po kayo. Ikaw, si lola, at ninang Vanessa na nagmamahal sa akin. Pangako mommy, hindi ko po kayo iiwan at sasaktan kagaya po nang ginawa ni daddy."
Napaiyak ako sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan na gano'n ang mga sasabihin niya. Ang bata pa niya para magsabi ng gano'n pero dahil sa nararamdaman niya nasabi niya ang mga 'yon.
"I love you, mommy." Malambing na sambit niya at yumakap sa'kin ng mahigpit.
"I love you too, anak."