Chapter Three: Decision
“Buongiorno Italia!” sigaw niya sa kanyang balkonahe. Tumingin siya sa paligid at nakita ang ilang kasambahay ng kanyang ama at napangiwi na lang siya.
“Oh God! Wala na nga pala ako sa Italy,” sabi niya at napailing na lang. Huminga siya ng malalim at muling bumati.
“Magandang umaga!”
“Magandang umaga din po, ma’am,” bati ng ilang kasambahay. Ngumiti siya at pumasok na sa kanyang kwarto. Medyo masakit pa rin ang ulo niya dahil sa naging biyahe niya pero she can manage naman. Nag-ayos na siya ng sarili niya at saka lumabas ng kwarto.
Pasado alas otso palang ng umaga ngunit abala na ang mga kasambahay nila. Dumeretso siya sa kanilang dining are at nandoon na ang kanyang ama at mukhang hinihintay siya.
“Good morning, dad,” bati niya sa ama.
“Good morning anak,” sagot sa kanya. Lumapit siya at ginawaran ng halik sa noo ang ama at naupo na sa pwesto niya—sa kanan ng kanyang ama.
Tuwang-tuwa siya nang makita ang mga nakahaing pagkain sa kanyang harapan. Namiss niya ang ganitong mga pagkain. Isang tipikal na almusal ng mga pinoy—ang fried rice, hotdogs, scrambled eggs, at tocino. Noong nasa Italy siya ay halos bihira lang siya mag-almusal. Madalas lang siyang magkape. Tumingin siya sa mug na nasa tabi ng plato niya at napangiti nang makita ang timpladong kape. Agad niya itong tinikman at pakiramdam niya ay nasa alapaap siya dahil sa sarap nito.
“Iba talaga ang kapeng barako,” sabi niya at tumawa lang ang kanyang ama. Nagsimula na silang kumain. Hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at agad ng tinanong ang kanyang ama tungkol sa problem anito.
“Dad, tell me what is your problem,” sabi niya. Tumigil naman sa pagkain ang kanyang ama at bumuntong hininga.
“Our hospital is on the verge of collapsing,” sabi sa kanya. Nagsalubong naman ang kilay niya dahil sa narinig.
“Collapsing? Ano pong ibig mong sabihin? Is it about financial needs?” sunod-sunod na tanong niya.
“Yes. Malaking problema ko din ang mga doktor natin doon. Nakakarinig ako ng corruption sa ospital at halos wala na silang ibinibigay na dekalidad na serbisyo sa mga tao,” paliwanag sa kanya.
“Why don’t you just fire all those people, dad?” Umiling naman ang ama niya.
“I want evidences, Toneth. I want to cleanse the whole hospital at magsisimula iyon sa mga nakaupong directors.”
“Wait dad, I don’t get it. Pwede mo naman silang tanggalin na lang. You’re the president after all. Bakit pahihirapan mo pa ang sarili mo?” Sumimsim siya ng kape niya at dinama ang init na hatid nito sa kanyang lalamunan.
“Hindi ko basta-bastang magagawa na sisantehin sila. Very short na ang bilang ng mga doctors lalo na ng mga surgeons,” sagot sa kanya.
“What do you want me to do?”
“Pumasok ka bilang surgeon doon. I want you to become a surgeon sa ospital mismo natin,” sabi ng kanyang ama. Mabilis siyang umiling.
“No dad. Ayoko. I’m a freelance doctor, hindi ako sumusunod sa patakaran at policies ng kahit anong ospital.”
“Then don’t abide the rules. Ang gusto ko lang ay ipakita mo sa mga doktor na nandoon ang tunay na pagiging doktor. Gusto ko din na mangalap ka ng mga ebidensya na magpapatunay ng korapsyon sa ospital.”
“Then hire an investigator, dad. Bakit ako?”
“Just please help me, okay? Kung marami lang ang bilang ng mga doktor ay sisisantehin ko sila eh pero hindi, anak. Kulang na kulang ang mga doktor sa ating bansa.”
Pinigilan niya ang mapairap sa harapan ng ama. Hindi na lamang siya nagsalita pa at pinagpatuloy na lang niya ang pagkain.
Froilandon Medical City. Ang ospital na pagmamay-ari ng kanilang pamilya. Si Dr. Marlon Manansala—ang kanyang ama ay ang president ng ospital at isa ding cardiothoracic surgeon. Sa pagkakaalam niya ay bihira lamang magpunta sa ospital ang kanyang ama dahil na din sa edad nito na sixty-five years old. Ang nagpapalakad ng kanilang ospital ay ang tinatawag nilang director at deputy-director.
Tinitigan niya ng maiigi ang kanilang ospital. Maraming tao ang naglalabas-pasok sa loob. Nagsimula na siyang pumasok sa loob ng building upang mag-obserba ng mga nangyayari sa loob. Sa kanyang paglalakad ay nakita niya ang ilang nurses at doktor na nagtatakbuhan, halatang may emergency.
“Bakit? Bakit ayaw niyong tanggapin ang tatay ko?!” sigaw ng isang babae habang inaalalayan ang matandang ama. Napatigil siya sa paglalakad at pinanuod ang mga nangyayari.
“Hindi naman sa hindi tinatanggap,” sagot ng isang doktor na babaeng kausap nito. “Ire-refer lang namin kayo sa ibang ospital. Alam niyo kasi—”
“Pang ilang refer na ito sa amin! Tapos ire-refer niyo na naman kami sa ibang ospital! Bakit dahil ba mahirap kami? Kailangan ng tatay ko ang maoperahan!”
“A-ano kasi…”
“Bakit ayaw niyong tanggapin ang tatay ko?!” Dahil sa lakas ng sigaw ng babae ay nagtinginan ang lahat ng mga tao na nasa lobby na iyon. Nagsimula na din ang bulungan sa kanyang paligid.
“Hindi naman tatanggapin dito kung wala kang pera.”
“Or kahit insurance. Pera-pera labanan dito.”
Napabuga siya ng hangin dahil sa mga narinig. Mukhang tama ang kanyang ama, hindi na buhay ng pasyente ang iniisip ng mga doktor dito kung hindi ang pera. Kapag may pera, ililigtas ang buhay ng pasyente. Kung wala ay sorry na lang at tatanggihan nila.
Lumapit na siya sa doktor at tiningnan ito ng seryoso.
“Ano ba dapat ang trabaho ng doktor?” tanong niya. Napatingin sa kanya ang doktor at nagtatakang tumingin sa kanya.
“Excuse me, may kailangan ka ba?” tanong sa kanya. Tiningnan niya ang id na nakaipit sa bulsa ng lab gown nito.
“Tell me, Dr. Evelyn Juan. Ano ang trabaho ng isang doktor?” tanong niya ulit. Mukhang naasar sa kanya at doktor at umismid.
“Tinatanong pa ba iyan? Of course to treat and save lives of the people!” sagot nito sa kanya at tinaasan niya ng kilay ito.
“Then what are you doing? Hindi ba’t dapat you save this patient’s life regardless kung may pera o wala?” tanong niya. Dito na natigilan ang doktor at hindi na komportable sa kanyang presensya.
“Sino ka ba? Wala ka namang alam sa policies na mayroon ang ospital na ito.” Tiningnan niya ang mag-ama na nakatulala sa kanya at muling tumingin kay Dr. Evelyn Juan.
“Admit this patient. Ako ang bahala sa kanila.”
“Hindi mo ako pwedeng utu—”
“Just admit them! Ako ang bahala sa gastos!” sigaw niya. Naiiling ang doktor sa kanya at nagtawag ng nurse upang asikasuhin ang admission ng pasyente. Nilapitan niya ang doktor at tinitigan.
“Tatandaan kita,” sabi niya at tuluyang tumalikod na.
Tama ka dad, this hospital is collapsing.
Dinukot niya ang cellphone mula sa purse na dala niya at tinawagan ang ama.
“Dad, payag na ako sa gusto mong mangyari.”