“Director Faustino, may email po mula kay Sir Manansala,” sabi ni Jolie. Siya ang secretary ng doktor na si Dr. Agot Faustino na siya ring director ng buong Froilandon Medical City.
“Email? Anong email iyan? Bihira magpadala ng email ang big boss,” sabi ni Dr. Agot. Lumapit sa kanya ang sekritarya niya at ipinakita ang hawak nitong tablet. Mabilis na niyang isinuot ang kanyang reading glass at binasa ang email. Napataas ang kilay niya nang mabasang may darating na bagong doktor sa kanila. “Alam na ba ng deputy director ito?” tanong niya. Napayuko si Jolie.
“Hindi ko po alam, doc. Baka po sa mga oras na ito ay natanggap na nila ang email,” sagot ni Jolie sa kanya. Napaisip siya sa doktor na ipinasok ng kanilang CEO. Bihira pa sa patak ng ulan sa Sahara Desert kung bumisita ang may-ari ng ospital. Minsan lang din kung makisama ito sa social gatherings nila. Sa buong buhay niya na pagtatrabaho sa Froilandon ay bilang lang sa daliri niya ang mga pagkakataong nakakausap niya ang CEO. Ang alam lang niya ay doktor din ito, at ngayon ay may iniinda ng sakit. Hanggang doon lang ang alam niya.
Napatingin siya sa orasan nang tumunog ito. Pasado alas otso ng umaga at ito ang oras ng kanilang rounds. Tumayo na siya at isinuot ang kanyang doctor’s gown. Pinagbuksan na siya ng pinto ni Jolie at taas noo siyang naglakad papunta sa hallway. Nakita niya sa hallway ang mga doktor at nandoon na din ang deputy director. Siya na lang ang hinihintay upang magsimula na ang rounds.
“Good morning, director!” bati sa kanya ng lahat.
“Good morning.” Sabay-sabay silang lumakad at nag-rounds sa mga pasyente.
“Huh? Anong kalokohan ‘yun?” tanong ni Toneth nang makita ang isang pila ng mga doktor na nagra-rounds sa mga pasyente. Ngayon lang siya nakakita ng mga doktor na sabay-sabay kung mag-rounds. “Okay, let’s see kung sino-sino sila. That one with long curly hair is the director. Ano nga ba name niya? Ugat? Igot? Agot? Whatever.” Pinagmasdan niya ang mga doktor at nakita niya ang babaeng doktor na una niyang nakilala dito. “Ow? Pati siya kasama sa rounds?”
“Excuse me? Ikaw po ba si Dr. Toneth Beron?” Lumingon siya sa nagsalita. Nakita niya isang babae na may maikling buhok, may suot na makapal na eyeglasses. Corporate attire ang suot nito at may hawak na Ipad.
“Yes, ako nga,” sagot niya.
“I am Kate Tincunco—the PR manager. Please follow me.” Nauna na itong lumakad sa kanya kaya wala na siyang nagawa pa kung hindi ang sumunod. Pumasok sila sa isang opisina at pumirma lang siya ng ilang mga forms. Ibinigay na agad ang ID niya at doctor’s gown.
Mukhang ni-ready na talaga ni Daddy ang mga kailangan ko.
Napatingin siya sa ID picture niya at napasimangot. Luma na ang picture na iyon, tatlong taon na ang nakalilipas.
Sumunod naman siya ulit hanggang sa makarating sila sa isang function hall. Pagpasok niya ay bumungad na sa kanya ang mga doktor. Alam niyang magsisimula na ang Post-operative Conference. Sa unahan ay nakita niyang nakaupo ang dalawang doktor na babae, parehong may edad na. Nabasa niya ang mga name plate ng mga ito.
Director Dr. Agot Faustino and Deputy Director Dr. Geraldine Osla.
Lumapit ang PR manager na si Kate at bumulong sa director.
“I guess we have new member of our group,” sabi ni Dr. Agot. “Would you please step forward?” sabi nito sa kanya. Naglakad siya palapit at humarap sa lahat. Karamihan sa mga doktor ay lalaki. Sa tingin niya ay nasa tatlong babae lang ang doktor, kasama na dito ang dalawang matandang doktor. “Would you mind to introduce yourself?”
Tumikhim siya.
“Good day, everyone. I am Dr. Antoneth Beron, surgeon,” pakilala niya. Nahagip ng mga mata niya ang mukha ng babaeng doktor na nakausap niya kahapon.
“You work in overseas? What countries?” tanong ni Dr. Agot.
Oh, the interview.
“So many. Italy, Japan, Russia, Thailand. The last country I worked on was Italy. That was a week ago,” sagot niya.
“What is your specialty?”
“I don’t have specialty,” sabi niya. Nilingon niya ang director. “Because I can do everything,” dugtong niya. Umismid ang director sa kanya. Halatang hindi nagustuhan nito ang sinabi niya.
“You have full of yourself. Tell me, gaano katagal ka ng surgeon?”
“Five years,” sagot niya. Natawa si Director Dr. Agot.
“You’re funny. Please take your seat. The post-operation conference will now begin,” sabi niya. Umupo na siya sa isang bakanteng arm chair katabi ng isang lalaking doktor.
“Hi,” sabi nito sa kanya. Pero hindi niya ito pinansin.
Nagflash sa screen ang patient’s details, inilagay na din ang mga CT-scan films na kinuha sa mga pasyente. Nakailang pasyente na ang napagde-deliberate hanggang sa lumabas na ang pasyenteng tinulungan niya kahapon.
“The patient’s name is Herculano Reyes. He is 80 years old. Mayroon siyang Stage 3B colon cancer. Mayroon siyang 1 tumor sa colon and 2 sa rectum niya.”
“Because of his age, mas magandang ipasa siya sa Internal Medicine,” sabi ni Dr. Agot. “Dr. Evelyn, what do you think? Ano ang dapat gawin sa kanya?”
Tumayo si Dr. Evelyn Juan at naglakad papalapit sa screen. Pinagmasdan nito ang mga films na nakapaskil at humarap sa mga doktor.
“Because of his age, hindi nakakayanin ng katawan niya kung ooperahan siya. He’s 80 years old, masyadong mai-stress ang katawan niya. As an internal medicine doctor, I will suggest that we can give him a combination of LV and Bevacizumab along with the chemotherapy,” sagot ni Dr. Evelyn.
“I object!” sigaw niya. Napatingin ang lahat sa kanya. “Kaya pa niya ang isang operation. Ikaw na nagsabi, matanda na siya. Do you think kaya pa ng katawan niya ang chemo? Walang assurance kung gagaling ba siya sa gamot. Operation is the best solution,” sabi niya.
“Huwag mong agawin ang pasyente ko,” sabi ni Dr. Evelyn. Napataas ang kilay niya. tumayo siya at nilapitan si Dr. Evelyn.
“Teka, hindi ba’t itinataboy mo siya kahapon? Ano nga ba ang dahilan? Because he doesn’t have money?” Nagkaroon na ng bulungan sa paligid.
“T-that’s enough! Tables are turn now! Sa akin siya ibinigay ni Director!” Tumingin siya kay Director Agot.
“Bakit hindi niyo ako subukan, Director? Judge my skills,” sabi niya.
“Bakit nga naman hindi? Let’s put her on a test,” sabi ni Dr. Geraldine Osla—ang deputy director.
“Then that patient is yours.” Ngumiti siya.
“Thank you,” sabi niya. Bumalik siya sa upuan niya.
Ramdam niya ang mga tinging ipinupukol sa kanya ng mga kapwa niya doktor.