#BYAHBook3_ThisTime
EPISODE 3
Nasa loob ng banyo si Khievo. Nakaharap ito sa isang may kalakihang salamin na nasa itaas ng lababo. Kitang-kita nito ang sariling repleksyon. Ang gwapo nitong mukha na ngayon ay seryoso, ang malapad nitong mga balikat, ang matigas at maumbok nitong magkabilang dibdib, ang fully developed nitong six pack abs at ang pantay na kulay ng mestiso at makinis nitong balat.
Napapikit ang mga mata ni Khievo. Napabuntong-hininga. Pamaya-maya ay muli nitong iminulat ang mga mata at seryosong tumingin muli sa salamin.
Wala sa sariling itinaas nito ang kamay, ipinunta sa noo nito, sa bandang kanan. Doon ay nasalat ng daliri niya ang may kaumbukang peklat. May kahabaan ang peklat na iyon na bakas pa ang ginawang tahi dahil sa matindi ang naging tama at buka nun.
Ang peklat na iyon ang nag-iisa at natirang bakas sa kanyang katawan mula sa nangyaring aksidente sa kanya. Matagal nang nangyari ang aksidente pero hindi pa rin iyon nawala.
Malalim na nag-isip si Khievo habang sinasalat ang peklat na iyon. Sari-sari ring emosyon ang ngayo’y nararamdaman niya at hindi niya alam kung bakit niya nararamdaman iyon.
“Bakit ganito ang nararamdaman ko? Gusto kong makaalala pero bakit nakakaramdam ako ng takot?” tanong ni Khievo sa sarili. Napabuntong-hininga. “Masasayang alaala naman iyon di ba? Masasayang alaala ng pinagsamahan namin ni Cheska at ni Migo pero bakit nakakaramdam ako ng ganito? Bakit pakiramdam ko… oras na makaalala ako… may magbabago? Pagbabago na kinakatakutan kong mangyari…” sabi pa nito.
Muling napapikit ng mga mata si Khievo. Hindi niya maintindihan sa sarili kung bakit niya naiisip at nararamdaman ngayon ang mga ito. Kung bakit pakiramdam niya, hindi ang masasayang alaala nila ni Cheska ang dapat ay maalala niya kundi may iba pa. Muling dumilat si Khievo at napailing.
“Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano Khievo…” sabi nito. Napabuntong-hininga.
- - -- - - - - - - - - - -
“Are you sure kuya? Hindi ka ba sa amin sasama ni Kristian sa US?” tanong ni Gabriel kay Kameon na katabi nito sa pagkakaupo sa mahabang sofa. Nasa living room sila ngayon ng condo unit ni Kameon at kasama rin nila si Kristian na nakaupo sa single sofa.
“Ilang beses ko na bang sinabi sayo na hindi ako sasama?” seryosong sabi ni Kameon.
Ilang beses na rin kasing inaya ni Gabriel ang kanyang kuya na sumama ito sa kanila papuntang US sa susunod na buwan. Tapos na ng pag-aaral sila Gabriel at Kristian at balak nilang pumunta ng US para doon magsimula ng bagong buhay sa piling ng isa’t-isa. Doon nila napagpasyahan na tumira at magtrabaho. Doon na rin sila magpapakasal kahit na hanggang ngayon ay hindi pa rin tanggap ng mga magulang ni Gabriel ang relasyon nilang pinagtibay na ng panahon. May halong lungkot pero masaya naman ang mga magulang ni Kristian sa naging desisyon nila.
Sinasama nila si Kameon para matulungan itong makalimot. Alam at ramdam naman nila na matindi ang pinagdadaanan nito hanggang ngayon simula ng mawala rito ang minamahal kaya naisip rin nila na isama ito para magbagong buhay na rin at mahanap nito ang sarili. Nais rin nilang makatagpo ito ng bagong mamahalin. Malay natin, nasa US lang pala ito.
“It’s almost three years kuya… Three years… Araw-araw ka ngang nabubuhay pero araw-araw mo rin namang pinapatay ang sarili mo sa lungkot…”
“Patayin ko man sa lungkot ang sarili ko… ok lang…” sabi kaagad ni Kameon. Nakatingin na siya ngayon sa kapatid. “Buhay ko ito at kung ano man ang gawin ko ngayon sa buhay ko… wala ka ng pakielam…”
“Wala na akong pakielam kuya? Ganun ba? So kapag ikaw, may pakielam ka sa buhay ko pero ako… dapat wala?” tumaas ang boses na sabi ni Gabriel. Nakakaramdam ito ng inis sa kapatid. “Kuya… may pakielam ako sayo kasi kapatid mo ako… Nag-aalala ako sayo dahil kapatid mo ako at ayokong dumating sa point na kung may mangyari sayong hindi maganda, masisisi ko ang sarili ko kasi wala akong nagawa…”
“Eh di huwag mong sisihin ang sarili mo… Simple us that…” sabi kaagad ni Kameon. Napaiwas na ito ng tingin sa kapatid.
Napahilamos naman ng mukha si Gabriel dahil sa inis.
“Kuya naman… Move on… Move on from the past at…”
“Ayokong manloko ng iba at ayokong lokohin ang sarili ko...” sabi kaagad ni Kameon. “Dahil alam mo at ramdam mo sa akin na kailanman, hindi na ako makakamove-on pa… na kailanman, hinding-hindi na mabubura sa isipan at puso ko ang mga alaala naming dalawa… na kailanman, hinding-hindi ko na magagawang magmahal ng iba dahil habambuhay nang nakatatak siya sa puso ko at habambuhay ko siyang mamahalin… Marami man akong makatagpo pero alam ko sa sarili kong siya at siya pa rin ang aalalahanin ng isipan ko at isisigaw ng puso ko…” sabi pa nito. “Oo, nabubuhay ako ngayon… kitang-kita niyo naman di ba pero nabubuhay ako para sa isang dahilan… nabubuhay ako dahil sa pagmamahal ko kay Khiro… dahil sa matindi kong pagmamahal sa kanya at kahit na paulit-ulit niyong sabihin at isampal sa mukha ko na wala na siya… patuloy ko pa rin siyang mamahalin kahit na nababalot na ako ng lungkot at pighati…” sabi pa nito.
“Kuya…” ang tanging namutawi sa bibig ni Gabriel. Nakakaramdam siya ng awa para sa kapatid. Hindi niya akalain na maliban kay Kristian na matindi ang pagmamahal sa kanya, may isang kuya Kameon pa pala na ganun rin kung magmahal.
Kaagad na tumayo si Kameon at walang sali-salitang pumunta sa kwarto nito at iniwan sila Gabriel at Kristian na napatingin na lang sa isa’t-isa at napabuntong-hininga.
-END OF EPISODE 3-
#BYAHBook3_ThisTime
EPISODE 4
“A is for an apple…”
“A… ish… for… an… apol…” mabagal at bulol na sabi ni Migo sa sinabi ng kanyang ina na si Cheska. Nakasalampak ngayon ang dalawa sa sahig at kasalukuyang tinuturuan ni Cheska ang anak ng alphabet.
Napangiti si Cheska.
“Very Good Anak… So ito naman… B is for Banana…” sabi nito habang nakataasa ang kamay na may hawak na isang placard kung saan nakalagay roon ang letter B at may larawan ng banana na nakikita naman ngayon ni Migo.
“Ah… B ish for Banana… Banana nananana Banana nananana….” Sabi ni Migo na pinaulit-ulit at kinanta pa ang salitang banana. Naalala kasi nito iyong napanuod na cartoon na Minions ang pamagat.
Natawa naman si Cheska sa kanya.
“Ok Anak… Ito naman… C is for… Camel…” sabi nito sabay taas muli ng kamay na may hawak na placard pero iba na ang nilalaman na letra at picture.
“C ish for… CAMEL!!!!” sabi ni Migo na napasigaw pa sa salitang camel.
“Wow! Very good naman itong anak ko…” sabi ni Khievo na biglang dumating. Galing itong kusina.
Napangiti naman si Migo habang nakatingin sa kanyang ama.
Ginantihan naman ito ni Khievo ng isa ring ngiti at hinaplos pa ang tuktok ng ulo nito. Natutuwa siya na sa murang edad ng anak, nakikitaan na nila ito ni Cheska ng angking katalinuhan. Kaya nga hangga’t kaya niya, pinaghahandaan na niya ang magiging kinabukasan nito sa pamamagitan ng pag-iipon ng pera pampaaral nito. Ayaw rin kasi niyang matulad ito sa kanila ni Cheska na ng dahil sa kakulangan sa pera, Natigil sila sa pag-aaral.
“Oo nga pala Hon… Balak ko na sanang ipasok itong si Migo sa nursery school… Diyan lang sa malapit dito sa atin…” sabi ni Cheska na nakatingin na rink ay Khievo.
Napatingin naman sa kanya si Khievo.
“Ok ‘yan...” nakangiting sabi nito. “Eh ang tanong… Kaya na ba ni Migo na mag-aral sa school? Alam mo na, three years old pa siya eh…” tanong pa nito. Napatingin ito kay Migo. “Anak… Gusto mo na ba mag-school?” tanong nito sa anak.
“Opo...” inosenteng sabi ni Migo.
Muling napatingin si Khievo sa asawa.
“Kaya niya ‘yan…” sabi ni Cheska na nakangiti. “Saka hindi ko naman siya pababayaan roon… Kahit na nasa loob siya ng classroom, sisiguraduhin kong nasa tabi lamang niya ako para magabayan ko rin siya...” sabi pa nito.
“Ok… Ikaw ang bahala… Saka mabuti na rin siguro na ngayon pa lang, mag-aral na si Migo para mas matuto pa siya…” sabi ni Khievo. Napangiti ito. Napangiti rin sa kanya si Cheska.
Napatingin na lamang ang mag-asawa sa kanilang anak na ngayo’y isa-isang tinitingnan ang mga placard.
- - - - - - - - - - -
“Are you sure Kuya? Hindi ka talaga sasama sa amin?” tanong ni Gabriel sa kanyang kuya Kameon.
Tumango si Kameon. Hindi nagsalita.
Napabuntong-hininga si Gabriel. Napahawak ang kamay nito sa kanang kamay ng katabing si Kristian na may bitbit namang maleta sa kabilang kamay.
“Ok… Kung ayaw mo talaga, hindi ka na namin pipilitin… Basta, kung may kailangan ka, don’t hesitate to call us ok… Kuya… alagaan mo ang sarili mo at huwag mong ilubog pa lalo ang sarili mo sa kalungkutan… Wala kami sa tabi mo kaya sana naman kuya...” sabi ni Gabriel. Hindi na lamang ipinagpatuloy ang sasabihin at sa halip ay napabuntong-hininga na lamang.
Tulalang nakaupo sa kanyang swivel chair si Kameon. Nasa loob siya ngayon ng kanyang condo unit kung saan ang isang area roon ay ginawa na niyang opisina. Naiuuwi niya rin kasi ang trabaho na minsan ay hindi niya natatapos at tinatapos na lamang niya ito sa unit niya. Kanina ay inihatid niya sila Gabriel at Kristian sa airport. Napaaga kasi ang pagpunta ng mga ito sa US. Siya na lamang rin naman kasi ang iniintay ng dalawa para pumunta roon ang kaso, hindi naman nila napilit si Kameon na sumama kaya they decided na mas agahan na lang ang pagpunta nilang dalawa roon. Matagal ng handa ang dalawa sa pagpunta roon.
Ayaw kasi talaga ni Kameon na pumunta ng US. Hindi sa ayaw niyang makasama ang dalawa kundi dahil ayaw niyang lumayo sa lugar kung saan ipinapaalala nito ang lahat sa kanya. Ipinapaalala sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila ni Khiro.
Ayaw niyang lumayo kahit na sinasabi ng karamihan na ito ang isa sa mga lunas para ika’y makalimot sa sakit at kalungkutan. Ayaw niyang lumayo dahil pakiramdam niya, kapag ginawa niya iyon, parang nilayuan na rin niya si Khiro. Pakiramdam niya, parang tinalikuran na rin niya ang pagmamahal niya para rito which is, ayaw niyang mangyari.
Tanga na kung tanga. Baliw na kung baliw ang tingin sa kanya ng lahat pero iyon ang gusto niyang gawin. Handa siyang magpakatanga. Handa siyang maging baliw basta ba para sa pagmamahal kay Khiro.
Napapikit ng mga mata si Kameon. Sa pagpikit niyang iyon, nakita niya ang napakagwapong mukha ni Khiro. Ang mukha ng taong pinakamamahal niya.
“Hinihiling ko ngayon na sana… Na sana… Hindi na lamang sa tuwing ipipikit ko ang mga mata ko ika’y makikita… Sana sa tuwing ididilat ko rin ito…” madamdaming sabi nito. “I badly miss you… so much…” malungkot na sabi pa nito.
-END OF EPISODE 4-