Alwena's POV
"Oh, dito ka na muna kay tita, ha. Behave ka lang at huwag maglilikot. Uuwi din ng maaga si mama mamaya." Dinala ko na muna ang anak ko sa bahay ng ate ko na hindi naman nalalayo sa apartment na tinitirhan namin.
Tatlo kaming magkakapatid at siya ang takbuhan ko dito habang ang bunso naman naming babae ay naiwan sa Mindoro para makasama ng mga magulang namin doon.
"Opo! Mama, pasalubong, ha?" Napangiti ako dahil sa paglalambing niya at paghaba ng nguso niya.
"Ano bang gusto ng baby ko?" Inayos ko ang pagkakapusod ng mahaba at alon-alon niyang buhok. Mabuti na lamang at natuyo kaagad dahil sa tuwing maliligo ako ay isinasabay ko na siya.
"Jobee!" masaya niyang sagot na may kasama pang pagtaas ng kanyang mga braso sa ere. Naglitawan naman sa pisngi niya ang mga dimple niya na nakuha niya sa kanyang ama.
"Oh, sige pero matutulog ka mamamaya, ha after mong mag-lunch."
"Opo!" Hinalikan ko siya sa pisngi. Kaagad namang humaba ang kanyang nguso na alam kong hahalik din siya sa akin at sa labi ko ang paborito niyang humalik.
"Nag-almusal na ba kayo? Marami akong niluto. Kumain na muna kayo," tanong ni ate habang naghahanda ng pagkain sa mesa.
"Tapos na kami, ate. Salamat."
"Ako po! Gusto ko pa, tita!" biglang sigaw naman ng anak ko kasabay nang mabilis niyang paglapit sa mesa.
"Tira mo 'ko, Leng-leng! Hindi pa nga ako kumakain eh!" Bigla namang lumabas mula sa silid ang anak ni ate na lalaki at nakanguso habang lumalapit sa mesa.
Mukhang kagigising lang niya at nagkukuskos pa siya ng mga mata niya.
"Wala pa nga akong nakakain eh!" sagot din naman ng anak ko sa kanya habang tumitirik ang kanyang mga mata sa pagtitig dito.
"Anak, huwag mag-aaway, ha? Lablab lang kayo ni Kuya Niko," saway ko naman dito. "Ate, aalis na 'ko. Ikaw na muna ang bahala kay Charleigh. Sana, palarin ako ngayon."
"Oh, sige na. Goodluck, ha. May awa ang Diyos. Siguradong matatanggap ka niyan sa trabaho. Kindatan mo lang ang boss mo, ayos na 'yon. Napaka-sexy mo pa naman. Palitan mo nga ng pula 'yang lipstick mo para naman maakit mo 'yang boss mo at para papasok ka pa lang sa pinto ay pasado ka na kaagad."
Napangiwi naman ako sa mahaba niyang sinabi.
"Ate talaga, oh. Paano naman kung babae 'yong magiging boss ko, eh 'di napatalsik na kaagad ako no'n. Hindi pa nga ako natatanggap." Muli ko nang kinuha ang bag ko sa sofa at isinakbat sa balikat ko.
"Malay mo naman at isang gwapong CEO pala 'yon."
"Tss. Dala na 'ko dyan, te. 'Di bale nang magdildil ng asin, huwag lang mahulog ulit sa mga katulad nila."
"Awtsu. May kasabihan nga tayo na--"
"Tse! 'Di na ako naniniwala sa mga kasabihan na 'yan. Panahon pa 'yan ni kopong-kopong. Millennial na tayo ngayon."
"Bahala ka. Sinabi mo eh."
Hindi ko na siya pinansin pa at nagtungo na 'ko sa pinto.
Bigla ko namang nasalubong doon si Paul na mukhang kagagaling lang sa pagba-basketball dahil sa suot niyang ternong jersey na damit at rubber shoes. Bukod doon ay naliligo din siya sa pawis at may hawak pa siyang bola.
"Oh, saan ka pupunta? Ihahatid na kita." Tila nagulat naman siya at pinagmasdan ang postura ko.
"Papaa!!" bigla namang sumigaw ang anak ko mula sa loob at nagmamadaling lumapit sa amin.
"Baby ko!"
"Anak, pawis ang Papa mo! Yuck, ang baho!" saway ko naman kaagad sa kanya kasabay nang paghila ko sa braso niya at pagyakap sa kanya.
"Grabe naman. Ang bango ko kaya. P'wede ngang inumin 'yong pawis ko eh," sagot din naman ni Paul kasabay nang pag-amoy niya sa kanyang kili-kili na napupuno ng buhok.
"Yuck, kadirdir. Maligo ka nga!" sigaw ko sa kanya. "Anak, sige na. Kumain ka na muna doon. Aalis na si Mama."
"Opo! Maligo ka na, Papa! Ang baho mo!" sigaw din ng anak ko kay Paul kaya natawa naman ako.
"Aba't. Ang bango ko kaya, baby. 'Di mo na lab si Papa?" nakabusangot namang sagot ni Paul ngunit hindi na siya pinansin pa ng anak ko at muli na itong nagbalik sa mesa kung saan naroroon si ate at ang anak niyang si Niko na kasing edad lang din ni Charleigh.
"Bye," sabi ko naman sa kanya at tuluyan na akong lumabas ng pinto.
"Saan ka ba pupunta? Ihahatid na kita. Magbibihis lang ako."
"Hindi na. Malapit lang ang sakayan." Hindi ko na siya nilingon pa at mas binilisan ko pa ang paglalakad ko dahil baka maipit ako sa traffic at ma-late ako sa agency.
***
ROHO Job Manpower Agency
"M-Marami po pala kami, Ma'am?"
"Yes. Twenty ka-tao ang ipinapadala doon at--"
"Isa lang po ang kailangan nila?" kaagad kong putol sa sinasabi ng babaeng tumawag sa akin kagabi dito sa loob ng kanyang opisina.
Bigla na lamang bumagsak ang pag-asa kong makapasok ng trabaho. Ang buong akala ko ay swerte ko na, iyon pala ay malayo pa sa katotohanan. Nakakainis!
"Pasensya na. Galingan mo na lang sa interview para makapasok ka." Lihim na lamang akong napasimangot sa kanyang sinabi.
Ano pa nga ba ang magagawa ko kundi makipagsapalaran ulit. B'wisit na buhay 'to!
Office maintenance lang naman ang in-apply-an naming lahat. Pinaganda pa, eh janitress lang din naman ang tawag do'n. Tagalinis ng opisina. Tapos, isang katerba ang kailangan nilang pagpilian? Haayst!
"Sige po, Ma'am. Mauuna na po kami," magalang ko pa ring paalam sa kanya kahit na gusto kong magpapadyak sa sahig sa sobrang inis.
"Goodluck sa inyo," pahabol niyang sabi ngunit hindi ko na siya pinansin pa.
Nakipag-unahan pa sa paglabas ng opisina ang mga kasama kong babae. Akala mo naman, pupunta ng piyestahan at mauubusan ng handa.
Paglabas namin ng gusali ay nagmadali ang karamihan sa pagpara ng jeep. Nag-unahan pa rin sila sa pagsakay at tatlo kaming naiwan dito dahil napuno na ang jeep.
"Haayst. Huwag na lang kaya tayong tumuloy? Nawawalan ako ng pag-asa. Sa dami natin, sa tingin mo ba matatanggap ako o isa man sa atin?" tila depress na sabi ng isa sa aking tabi.
"Kaya nga eh. Isa lang naman pala ang kailangan nila, dapat ay lima na lang ipinadala nila doon na p'wedeng pagpilian. Bakit naman bente pa?" sagot din ng isa na halos p'wede nang sabitan ng kaldero ang namumula niyang nguso.
"Ikaw, tutuloy ka pa rin ba?" baling naman sa akin ng katabi ko.
Huminga muna ako ng malalim bago sumagot, "Oo. Magbabakasakali na rin kahit fifty-fifty ang tyansa. Narito na rin naman na eh. Sayang naman ang ipinamasahe ko kung uuwi ako na hindi man lang sumubok."
"Haayst. Sige na nga. Ayon, may jeep." Kaagad nilang pinara ang paparating na jeep.
"Kaso, mukhang puno na," sabi ng isa habang nagmamadaling nagtungo sa pinto matapos huminto ng jeep sa aming harapan.
"Oh, dalawa na lang! Dalawa na lang!" dinig kong sigaw ng driver mula sa unahan.
Ini-angat ko na ang paa ko at handa na sanang umakyat sa pinto.
"Ako na muna. Doon ka na lang sa susunod na jeep," sabi ng isang babae na kasama ko kasabay nang mabilis niyang pag-akyat sa pinto at muntik pa niyang matapakan ang sapatos ko!
"T-Teka?"
"Sa susunod ka na lang!" muli niyang sigaw. Kaagad na ring sumibad ang jeep at naiwan akong nakatayo at nakanganga sa gilid ng kalsada.
"Tangina. Ang ganda ng advice ko sa kanila kanina. Tapos ako pala itong maiiwan?" hindi makapaniwala kong sabi sa sarili ko at halos manggigil ako sa sobrang inis sa kanila.
Mga tao talaga!
Wala na akong nagawa pa kundi ang mag-abang na lamang muli ng susunod na jeep. Sana ay hindi ako mahuli!
***
Siguro ay halos isang oras ang binyahe ko bago ako nakarating sa lugar na nakalagay sa address na ibinigay ng agency.
"Ito na yata 'yon."
Muli kong binasa ang hawak kong endorsement paper matapos kong tumingala sa napakataas na gusali na ngayon ay nasa harapan ko na.
"C. D. building?" basa ko sa nakalagay sa endorsement paper. Muli kong tiningala ang building at iyon din ang nakalagay doon.
So, ito na nga. Kaagad na akong lumapit sa dalawang gwardyang nakabantay sa entrance. Wala na dito sa labas ang mga kasama kong babae. Malamang ay nasa loob na silang lahat.
"Good morning, mga Kuya. Ito ba 'yong C. D. building?"
"Yes, Ma'am. May appoinment po ba kayo?" magalang na sagot ng isa.
"Ah, isa ako sa mga nag-a-apply. Nariyan na rin yata 'yong mga kasama kong babae kanina."
"Yes, Ma'am. Sign na lang po kayo dito at paiwan na lang ng i.d." Kaagad naman akong napangiti. Ang ibig sabihin ay hindi pa ako late.
Mabilis kong inilabas ang isa kong i.d at ini-abot sa kanila. Tiningnan naman nila ito at ako naman ay kaagad nang nagsulat sa kanilang logbook.
"Alwena Addison, Ma'am?"
"Opo," sagot ko habang nakatutok ang paningin ko sa isinusulat ko.
Nang matapos ay kaagad na akong tumunghay sa kanila. Napansin kong bahagya nang lumayo ang isang gwardya at may kinakausap na ito sa hawak niyang radyo.
"Ma'am, i-a-assist ko na po kayo sa itaas." Biglang napakaganda ng ngiti ng gwardyang nasa akin ngayong harapan at tila isa akong boss na magalang niyang isinesenyas ang daan papasok sa loob.
"Ah, i-ituro mo na lang, Kuya. Kaya ko naman na eh." Bigla tuloy akong nailang at nakaramdam ng hiya.
"No problem, Ma'am. Tara na po. Ako na po ang magdadala ng bag niyo." Tinangka niyang lumapit sa akin kaya nagulat ako at bahagyang napaatras.
"H-Ha? Eh h-hindi na. Magaan lang naman 'to. Kaya ko na. Salamat."
"Sige po, Ma'am. Ihahatid ko na lang po kayo sa itaas."
Nauna pa siyang naglakad sa akin. Nagtataka tuloy akong napatitig sa kanya. Aplikante lang naman ako at hindi na kailangang itrato na akala mo ay boss.
Weird
***
Pagdating namin sa third-floor ng gusali ay pinauna niya akong makalabas ng elevator.
"Dito po, Ma'am." Binuksan niya ang salaming pinto na nasa kanan at kaagad kaming sinalubong ng mas malamig na ambience.
Pinauna niya akong makapasok at nabungaran ko naman doon ang nineteen ka-tao na mga babaeng kasama ko kanina sa agency at nagkakanya-kanya ng ayos ng kanilang mga sarili.
Umaalingasaw na rin ang matatapang na amoy ng kanilang mga pabango lalo na't nagmistula pa rin itong silid at mukhang waiting area talaga ito dahil mayroon pang isa pang pinto na yari din sa salamin.
"Oh, buti nakaabot ka pa. Kaso wala ng upuan. Puno na," sabi ng babaeng nakipag-unahan sa akin kanina sa pagsakay ng jeep.
"Okay lang. Mas kailangan mo 'yan. Matibay pa naman ang tuhod ko," sarkastiko kong sagot sa kanya. Kaagad niya naman akong tinapunan ng matalim na tingin na walang alinlangang kong sinalubong.
Nunkang matatakot ako sa iyo. No way!
Pumasok ang kasama kong gwardya sa pintong sa tingin ko ay isang malaking opisina na ang nasa loob.
Ngunit hindi na siya natuloy pa dahil may isang napakagandang babae na ang nasalubong niya at nagpatuloy hanggang sa paglabas ng pinto.
"Good morning! Narito na po ba ang lahat? Twenty po kayo, hindi ba?" magiliw at nakangiting tanong ng magandang babae sa aming lahat. Sa tingin ko ay hindi nalalayo ang kanyang edad sa amin.
"Ako 'yong naunang dumating, Miss." Kaagad na nagtaas ng kamay ang isang babae mula sa mga kasama namin.
"Gano'n po ba? Pero ang sabi po ni Sir ay ang pinaka-late dumating ang siyang matatanggap kaya makakauwi na po kayong lahat."
"Ha?!"
"Ano?!"
"Teka!"
"Ano ba naman 'yan?!"
"Bakit naman gano'n?!"
"Hindi pa nga kami nai-interview, eh."
"Hindi man lang ba babasahin ang resume namin?!"
"Hindi patas 'yan!"
Nagkagulo na silang lahat sa harapan ng magandang babae at panaka-nakang lumilingon sa akin na may matatalim na tingin.
"Pero iyon po ang utos ng big boss. Ayan po pala si Sir." Kaagad na natutok ang paningin ng magandang babae sa likuran ko.
Bigla namang namilog ang mga mata ko at mabilis na lumingon na kaagad kong pinagsisihan ... dahil bumangga ako sa matitigas niyang dibdib.
Nanigas ako mula sa kinatatayuan ko at nagsimulang magrambulan ang puso ko nang makilala ko ang pamilyar na presensyang nasa akin ngayong harapan.
Narinig ko ang pigil na iritan ng mga babaeng nasa likuran ko.
Dahan-dahan namang bumaba ang dibdib ng lalaking nasa harapan ko hanggang sa tuluyan nang magpantay ang aming mga mukha.
Nasilayan ko ang maaliwalas niyang mukha ngunit kaagad naagaw ang pansin ko ng maliit na gasa na nakatapal sa gilid ng kanyang noo.
"Are you my new employee?"
Napalunok ako sa tinig niyang mahina at tila namamaos.
Hindi ako nakasagot at nanatili lamang ako nakatitig sa kanya habang gano'n din siya sa akin.
"Well. Start cleaning up the mess you left me ... five years ago." Tumaas ang sulok ng kanyang labi kaya naman lumitaw ang dimple sa kabila niyang pisngi.
Nakaalis na siya sa aking harapan ngunit hanggang ngayon ay pinoproseso pa rin ng utak ko ang huli niyang sinabi.
Anong mess ang pinagsasasabi niya?