LUMALIM ang guhit sa pagitan ng mga kilay ni Papa. Kinabukasan na ito kinausap ni Mama Rowan tungkol sa nangyari kagabi. Present din ako at si Orion nang umagang iyon dahil binilin sa amin ni Mama Rowan na kailangang naroon kami kapag sinabi niya kay Papa ang lahat. May isa pang habilin si Mama sa anak niya bago kami maghiwa-hiwalay kagabi upang matulog. At iyon ay sa sariling kwarto ito dumirecho at hindi sa kwarto ng iba. Hindi nakaimik si Orion. Alam kong pinariringgan lang kami ni Mama, pero hindi na rin ako kumibo. Talaga yatang tumatak na sa isip niya na may gagawin kaming iba ni Orion maliban sa naabutan niya.
"Tungkol saan ang pag-uusapan natin at narito pati ang mga bata?" takang-tanong pa rin ni Papa.
Isa-isa muna kaming tiningnan ni Mama Rowan bago ito nagsimulang magpaliwanag. Halos mapilipit ko ang mga daliri ko sa kamay dahil sa matinding kaba at takot sa magiging reaksiyon ni Papa.
“Anong sinabi mo?” Lumipat ang tingin ni Papa kay Orion. “Anong ginawa mo sa anak ko? Gago ka, ah!”
“Manolo, kumalma ka!” Hinarangan agad ni Mama si Papa bago pa nito masugod si Orion. Nakiawat na rin ako at hinawakan si Papa sa isa pa nitong braso.
“Hindi malulutas ang problema sa gagawin mo. You will only hurt my son. Sinabi ko na sa’yo, magpapakasal ang dalawa.”
“At paano ang kasal natin?”
“Unahin natin ang mga bata. Iisipin mo pa ba ang sarili natin bago ang dalawang ito? Hindi ka ba nag-aalala kay Tori? Babae ‘yang sa’yo.”
“Hindi ako papayag! Iuuwi ko ang anak ko at idedemanda ko ‘yang gagong anak mo!” banta nito sabay turo kay Orion bago ako hinawakan sa braso at hinila.
“Manolo, please?” pakiusap ni Mama Rowan.
“Pa, ayoko!” tutol ko naman, pero hindi nakinig si Papa. Tuloy-tuloy lang siya sa paghila sa'kin palabas. Sinubukan kong makawala, pero walang nangyari. Ramdam ko sa higpit ng hawak ni Papa na galit talaga siya. Halos makaladkad na nga ako sa sahig.
“Pa, ano bang ginagawa mo? Hindi ako pwedeng umalis, nag-aaral ak-”
“Hindi ka na rito mag-aaral! Doon ka sa dati mong eskwelahan!”
"Pa, naman!" Halos maiyak na ako.
“Manolo, stop it!” Naunahan ni Mama Rowan si Papa sa pinto dahilan para huminto kami. Nagharap ang dalawa. “Bitiwan mo si Tori. Mag-usap tayo nang maayos.”
“Ano bang gusto mo, Rowanda? Na patuloy na pagsasamantalahan ng anak mo ang anak ko? Masama ba akong ama para hayaan ‘yon?”
“Hindi ‘yan ang gusto kong mangyari! Ang sabi ko, ipapakasal natin ang dalawa.”
“’Yan ang problema! Nagdesisyon ka nang hindi kumokonsulta sa’kin! Nalimutan mo yatang ako ang magulang ni Victoria at hindi ikaw?”
Hindi agad nakasagot si Mama Rowan. Napatingin ito sa'kin at nakita ko ang pagbaha ng guilt sa mukha nito. “Alright. I’m sorry. Kung nalampasan ko ang pagiging magulang mo, humihingi ako ng tawad. Please understand that I had to make a quick decision. Ayokong nakakaagrabiyado ang anak ko at hindi ko rin gustong naaagrabiyado si Tori. Parang anak ko na rin siya at alam mo ‘yan. What I’m doing is what’s best for our children. Kaya pakiusap, Manolo, h’wag mong ilayo si Tori kay Orion. H’wag mo nang dagdagan ang sakit na nararamdaman ng anak mo.”
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Your daughter…” Sumulyap muna sa akin si Mama Rowan, “is secretly in love with my son.”
Namilog ang mga mata ko sa narinig. Ang sinabi ko lang ay may gusto ako kay Orion. Hindi ko sinabing in love ako!
“A-ano..?” Tumingin sa’kin si Papa. Gusot na gusot ang mga kilay niya.
Napabuga ng hangin si Mama Rowan. “That’s true. Inamin ‘yan sa akin ni Tori. Pinilit niyang isantabi ang nararamdaman dahil sa relasyon nating dalawa, but obviously, she failed. But we can’t blame her.”
Nakagat ko ang ibabang labi. Pag-angat ko ng mukha ay nasalubong ko naman ang mga mata ni Orion, pero dahil guilty ako na puno’t dulo ng gulo, mabilis kong binawi ang tingin dito.
“At pagkatapos ng nakita ko kagabi, hindi ako papayag na kabiguan pa ang mapapala ni Tori. Mas matanda si Orion. Mas dapat na siya ang nag-isip nang tama, pero hindi. Sinamantala niya ang feelings na meron ang anak mo kaya dapat lang na paninindigan ng anak ko ang mga ginawa. Magpapakasal silang dalawa. At gusto ko ay sa lalong madaling panahon.”
Ang tahimik sa dining table nang umagang ‘yon. Tanging mga kalansing ng kubyertos at plato ang maririnig at parang walang may gustong magsalita ni isa sa aming apat.
Ngayon ko napag-isip-isip kung gaano kalaki ng gulong ginawa ko at kung gaano kakompliado ang sitwasyon naming apat ngayon. Sa kaiiwas ko na masaktan si Mama Rowan kapag nalaman nito ang tungkol sa pambababae ni Papa, nag-imbento ako ng istorya na hindi ko lubos-akalaing magiging dahilan pa para lalong madisgrasya ang kasal ng dalawa. Ang pinakamasaklap sa nangyari, kami ni Orion ngayon ang dapat magpakasal. Kung pwede ko lang saktan ang sarili ko dahil sa kagagahang nagawa ko, ginawa ko na siguro kagabi pa. Hindi ko talaga naisip na magiging ganito ang kalalabasan ng lahat. Kinikilabutan akong isipin na magiging asawa ko ang lalakeng dapat ay magiging stepbrother ko lang.
"Anong schedule ng klase mo bukas, Tori?"
Napatingin ako kay Mama Rowan nang magtanong ito. "May klase po ako mula alas nueve po ng umaga hanggang ala una ng hapon."
"Okay. Umuwi ka kaagad bukas para maasikaso natin ang mga kailangan sa kasal n'yo ni Orion," kaswal na sabi nito bago binalingan ang anak. "You, too, lover boy. Ipa-cancel mo ang meeting mo kung meron man para makauwi ka ng lunch."
Hindi sumagot si Orion, pero base sa nakikita ko na maya't mayang pagpintig ng pisngi niya, pinipigilan lang siguro nitong magsalita nang masama. At aminin ko man o hindi, nag-aalala ako na baka bigla itong sumabog at isambulat kay Mama Rowan ang tungkol sa aming pustahan.
"Malinaw ba ang usapan natin, hmm, Tori, Orion?"
Tumango agad ako kay Mama Rowan. Hindi dahil excited akong ikasal kay Orion dahil ang totoo, kinakabahan ako sa posible pang mangyayari. Alam ko, bigyan lang ng pagkakataon si Orion ay baka sakalin na lang bigla ako nito. Kaya lang, dahil guilty ako sa mga nangyari at may kasalanan kay Mama Rowan, kahit yata anong iutos nito sa'kin ay gagawin ko. Hinding-hindi ko siya susuwayin kahit ano pang ipagawa niya.
Pagkakain ay naghanda naman ako sa pagpasok sa school. Siguradong male-late na ako sa unang klase, pero mas takot akong magalit si Mama Rowan kaysa magalit ang prof kaya hindi ako nag-inarte sa umagahan at sumabay sa kanila. Si Papa, wala pa ring imik hanggang sa matapos kaming kumain. Iniwan ko na nga lang ang tatlo at nagmamadali nang umakyat ng kwarto. Kaya paglabas ko ay nagulat ako dahil naroon sa pinto si Orion. Napaatras ako sa takot nang makita ang madilim na mukha niya. Sa pag-atras ko, nabigyan ko tuloy siya ng pagkakataon para makapasok sa pinto at isarado iyon.
Nilunok ko ang laway ko at nagsalita. "M-mamaya na tayo mag-usap, please? May klase pa ako."
"Ngayon mo sabihing wala kang planong akitin ako? Siguro ang saya-saya mo ngayon dahil higit pa sa iniisip mo ang nangyari. You are going to be my wife, Victoria. Can you imagine that?"
Nagusot ang noo ko. "Bakit? Kasalanan mo rin naman kung bakit tayo nasa ganitong sitwasyon, hindi ba? Sino bang may gustong halikan ko siya? Hindi ba't ayoko nga, pero anong ginawa mo? Ikaw ang naunang humalik kaya h'wag mo akong paratangan ng kung ano-ano. "
"May gusto ka ba talaga sa'kin?" dudang tanong niya. "O sinabi mo lang 'yon para palabasin sa nanay ko na nadehado ka?"
"Kahit anong isagot ko sa tanong mo, alam ko namang isa lang ang iisipin mo. Na mukha akong pera kaya ginusto ko ang lahat ng 'to." Umiling ako. "Orion, wala akong pakialam sa kayamanan ng pamilya mo. Pinoprotektahan ko lang ang damdamin ni Mama. Ayokong malaman niya ang ginawa ni Papa hindi para lokohin siya kundi dahil hindi ko siya kayang makitang masaktan. Kaya bahala ka na kung anong gusto mong isipin tungkol sa'kin basta ako, hindi na'ko dadagdag sa sakit ng ulo ni Mama. Hindi ako magiging problema sa kaniya. Kaya kung desidido siyang ipakasal tayo, okay lang din sa'kin. Wala naman akong pakialam sa'yo. Ang mararamdaman lang ni Mama Rowan ang iniisip ko rito."
"You can't fool me, Victoria. Kahit ilang beses mo sabihin na mahalaga sa'yo ang nararamdaman ni Mama, hindi ako maniniwala. Hindi si Mama ang pinoprotektahan mo kundi kayo ng tatay mo. Ayaw mong masira kayong mag-ama dahil alam n'yong palalayasin niya kayo."
"Bahala ka kung 'yan ang iniisip mo. Pero kahit anong sabihin mo, Orion, hindi mo na mababago ang sitwasyon. Hindi naman 'to mangyayari kung hindi dahil sa pustahan. Kaya kung may dapat sisihin sa nangyaring 'to, ikaw 'yon at hindi ako."
"What if I tell my mom the truth?" naghahamon na tanong niya. "Alalahanin mong may mga ebidensiya akong hawak na pwede kong ipakita sa kaniya para mapaniwala siya na walang ibig sabihin ang halik na 'yon kundi parte lang ng pustahan natin."
Natigilan ako saglit. Ito na ang kinakatakutan ko. Gayunman, hindi ako nagpakita ng pagkasindak kay Orion. "Kahit naman anong sabihin ko, kapag gusto mong gawin hindi kita mapipigilan, hindi ba? Pero may tanong ako sa'yo. Kapag ginawa mo 'yan magiging masaya ka kapag nasaktan ang nanay mo?"
Hindi nakasagot si Orion. Nagpatuloy naman ako.
"Lumaki akong iisa lang ang kilalang magulang, Orion, at sa totoo lang, bilang babae, ang hirap para sa'kin na wala akong nanay sa tabi ko. Iba kasi ang role ng nanay sa tatay at ramdam na ramdam ko 'yong kakulangan habang nagkakaisip ako. Kaya no'ng dumating si Mama Rowan sa buhay namin ni Papa, sobrang saya ko. Siya lang sa lahat ng nakarelasyon ni Papa ang nagtrato sa'kin na parang tunay na anak kaya sa puso ko, pinapahalagahan ko rin siya nang higit pa sa isang totoong nanay. Oo, malaki ang kasalanan ni Papa at hinding-hindi ko 'yon kukunsintihin kahit kailan. Siguro sa paningin mo, mali ang paraan ko ng pagprotekta kay Mama Rowan, pero 'yon lang sa ngayon ang kaya ko at 'yon ang gagawin ko. Gagawin ko ang lahat para matiyak na laging masaya si Mama."
Ilang sandaling tahimik si Orion bago siya humugot ng hangin at marahang nagbuga. "Ibig sabihin ba, hindi ka aatras kahit ipakasal ka nga niya sa'kin?"
Pasimple akong lumunok para itago ang kanina pa namuong takot. "Alam mo ang sagot sa tanong na 'yan. Kaya kung ayaw mong matuloy ang kasal natin, ikaw na lang ang umatras."
May halong pang-uuyam ang tawa ni Orion. "Yeah, right. Para ano? Para itakwil ako ng nanay ko at nang sa gano'n, mapunta sa inyong mag-ama ang lahat ng kayamanan niya?"
Pinigilan ko nang husto ang sarili ko na masampal ulit si Orion. Sa halip, mahinahon akong sumagot sa akusasyon niya. "Hindi ako nag-isip nang ganiyan ni minsan, pero bahala ka kung 'yan ang pinaniniwalaan mo. Gaya ng nasabi ko na, wala akong pakialam sa'yo, Orion. Kung dati, gustong-gusto kong mapalapit sa'yo bilang 'kuya' ngayon hindi na. Nakilala na kasi kita na matapobre at mataas ang tingin sa sarili. Ang layo mo talaga kay Mama."
"That's enough, woman!" saway niya sa nagpipigil na boses. "You're being absurd. Hindi dapat kay Mama umiikot ang mundo mo."
"Pero gusto ko," determinadong sagot ko at nakipagtagisan ng titig kay Orion. "Gusto ko dahil ganito ako kasabik sa isang nanay na magsasabi sa'kin ng dapat kong gawin at susundin ko ang utos dahil nag-aalala akong sumama ang loob niya. Lumaki kasi akong si Papa lang ang may pakialam kaya 'yong panghihimasok minsan ni Mama Rowan sa buhay ko, hindi ko ikinakainis kundi sobrang ikinatutuwa ko pa. Hindi mo ba maintindihan, Orion? Kunsabagay. May nanay ka na kasi sa tabi mo simula nang magkaisip ka."
Pinagmasdan ako ni Orion nang may ilang segundo bago siya tumango. "Fine. I get it. Kung gano'n, wala na palang atrasan. Then let's do this. Let's get married. Nang sa gano'n, hinding-hindi na mawawala sa buhay mo si Mama. Pero may isa akong kondisyon bago ang kasal natin at para manatiling lihim ang totoo, susunod ka sa kondisyon ko."
"Ano? Pre-nup? Walang problema. Pipirma ako kung gusto mo." Since, mukhang pera ang tingin sa akin ni Orion, iyon agad ang naisip ko na kondisyon niya, pero umiling siya.
"You know I can't do that. Unang kokontra si Mama sa bagay na 'yan."
Nagkibit ako ng balikat. "Anong kondisyon mo?"
"We will live as a real husband and wife. Doon tayo titira sa bahay ko at bibigyan mo agad ako ng anak."