SIMULA
NAPAPALAKPAK ako sa pinagsamang tuwa at kilig. Ilang linggo nang bulung-bulungan sa factory ang tungkol sa namumuong relasyon sa pagitan nina Papa at ng boss nito na si Miss Rowan Dominguez, pero ngayon lang nila 'yon kinumpirma sa akin. Hindi rin ako masyadong nagulat. Naramdaman ko kasi kanina na may ganitong magaganap nang dumating nang sabay sina Papa at Tita Rowan sa aming bahay. Natuwa ako. Mula kasi nang marinig ko ang balita, hindi na ako tumigil sa pangungulit kay Papa. Hindi dahil sa naiinis ako sa sinasabi ng mga tao tungkol sa kanila kundi dahil excited akong malaman kung totoo ba ‘yon o chismis lang. Minsan kasi ang mga tao, bumabase lang sa nakikita at pagkatapos ay gagawa na ng kung ano-anong mga kwento. Gayunman, kahit usap-usapan pa lang ay masaya ako para sa kanila. Para sa'kin, si Tita Rowan ang perfect match ni Papa.
“Congratulations, Papa, Tita Rowan! Sobrang saya ko po para sa inyo!”
Nakangiting niyakap ako ni Tita Rowan. Niyakap ko rin siya nang mahigpit. Mula nang magkakilala kami, gustong-gusto ko na talaga ang ugali at mga katangian ni Tita Rowan. Napakasimple kasi niyang tao. Sa kabila ng yaman at estado sa buhay, hindi siya mapangmata ng kapwa. Mabait, mahinahon, mapagmalasakit at maayos siyang makitungo lalo na sa kaniyang mga tauhan. Ilang beses ko na rin siyang nakitang tumulong sa iba. Saksi ako sa lahat ng kabutihan niya hindi lang sa amin ni Papa kundi pati na sa ibang mga taong nakapaligid sa kaniya. Kaya tuloy madalas kong mabanggit sa sarili ko na kung nagkaroon ako ng nanay, kagaya niya sana ang gusto ko.
“You can stop calling me Tita Rowan, Tori. Gusto ko sana ay ‘Mama’ na ang itatawag mo sa’kin.”
Lumapad ang ngiti ko sa sinabi niya at ako naman ang naunang yumakap. Parang kailan lang nang ipaglambing niya sa'kin na h’wag ko na siyang tawaging ‘Ma’am Rowan’ gaya ng tawag dito ng karamihan. Sinunod ko naman siya at nagsimulang tawagin siyang Tita Rowan. Tapos ngayon naman ay 'Mama' na. Parang tuloy nakikita ko na ang sarili kong parte ng isang masaya at buong pamilya.
Kami lang kasi talaga ni Papa mula pa noon. Sanggol pa nga lang ako nang iwanan ng tunay kong ina. Umalis ito dala ang mga gamit at ipinaubaya kay Papa ang pag-aalaga at ang pagpapalaki sa'kin. Mabuti na lang at may Lola at Lolo pa ako. Noon. Ang dalawa ang naging katuwang ni Papa sa pagpapalaki sa'kin, pero ngayong wala na rin sila pareho, kami na lang talaga ni Papa ang magkasama sa buhay. Natatandaan kong elementary ako nang magkasunod na taon silang namatay dahil sa sakit.
Responsable at mapagmahal naman na tatay si Papa. Nakikita ko ang pagsisikap niyang maibigay ang lahat ng kailangan ko, pero madalas hindi ko mapigilang asamin na sana ay may nanay rin ako. Pangarap ko na talaga na magkaroon ng buong pamilya.
Ang malakas na tikhim ni Papa ang umuntag sa pag-iisip ko. Natatawa akong binitiwan ni Mama Rowan at saka pinagmasdan.
"Salamat sa pagtanggap mo sa'kin, Hija."
Ngumiti ako. "No, Mama Rowan. Ako po ang dapat magpasalamat dahil dumating ka sa buhay ni Papa. Ipinararamdam mo lagi sa’kin na importante ako." Lahat kasi ng mga naging karelasyon ni Papa ay hindi ako gusto. Sa una lang sila malambing at sweet sa’kin, pero pagkatapos ng isang buwan, lumalabas din ang totoo- na si Papa lang ang gusto nilang makasama, pero hindi ang anak nito.
“Hon, hindi ba at may sasabihin ka rin kay Tori? Isa pang sorpresa kamo.”
Napatingin ako kay Mama Rowan. “S-sorpresa?” nagugulat na tanong ko. Na-excite ako. Hindi na nga siguro sorpresa pa ang pag-amin niya sa relasyon nila ni Papa, pero sobrang saya ko na roon. Tapos ay may isa pa?
Napatingin si Mama Rowan kay Papa. Nakita ko ang pag-aalangan sa mukha niya.
“Hindi mo pa ba sasabihin sa kaniya?” tanong ni Papa.
“I would love to,” sagot ni Mama Rowan at saka muling tumingin sa'kin. “I just thought that it’s too early. Baka isipin ni Tori ay nanghihimasok na ako sa buhay niya.”
Bahagyang nagusot ang noo ko. “Bakit ko naman iisipin ‘yon, Mama Rowan? Ano po bang gusto n’yong sabihin sa’kin?”
Sandali silang nagtinginan na dalawa bago sinabi ni Mama Rowan ang sorpresa niya.
Nang gabing iyon at dahil sa sobrang excitement na aking nararamdaman, tinawagan ko agad-agad si Jenny. Bestfriend ko siya since first year sa Junior High School. Nagkahiwalay lang kami pagdating ng Senior High dahil na-assign na sa Maynila ang Daddy niya at doon na siya nagpatuloy ng pag-aaral.
“Talaga?!” di-makapaniwalang tanong ni Jenny na sinundan ng tili. “Ibig sabihin, magkakasama na ulit tayo!”
"Gano'n na nga," natutuwang sagot ko. Noon, gustuhin ko man na sa school din ni Jenny mag-aral, kapos na kapos kami sa pera kaya wala akong choice kundi ang community college sa aming lugar. Hindi na ngayon. Kanina nang tanungin ako ni Mama Rowan kung saang university ko gustong magpatuloy ng college, sinabi ko agad ang pangalan ng school ni Jenny.
"Ang bait naman ng bagong girlfriend ni Tito Manolo! Ang swerte mo, girl!"
"Totoo 'yan, Jen. Hindi lang maganda, pero sobrang bait pa ni Mama Rowan. Pinapahanda na nga niya sa'kin ang lahat ng requirements ko para makapag-enrol na next week. Siya na rin daw ang bahala sa iba ko pang mga kailangan sa pag-aaral. Grabe, Jen, excited na talaga 'ko! Alam mo naman, 'di ba, na gusto ko talaga na diyan din mag-aral?"
"Oo, naman! Super saya at super excited ko nga rin for you! And don't worry dahil ako ang bahala sa'yo kapag nasa Maynila ka na."
"Sinabi mo 'yan, ha! Ako lang kasi ang maiiwan sa Maynila kapag start na ng klase. Bibisitahin na lang daw ako nina Mama Rowan at Papa every weekend. O kaya ay ipapahatid ako sa driver pauwi sa amin kapag walang pasok."
"E, 'di mas maganda kung gano'n ang set-up dahil mas may freedom ka! Oh, my gosh, I'm so excited!"
Hindi nagtagal ang mga araw. Bumiyahe ako papuntang Maynila kasama sina Papa at Mama Rowan. Nang araw ding iyon ay inasikaso agad namin ang enrolment ko para sa papasok na semestre. Na-credit naman ang grades ko sa dating kolehiyo kaya itutuloy ko na lang ang kinukuhang course sa Business Management.
“Oh, wow! Ito ang bahay mo, Mama Rowan?” Hindi ko mapigilang mamangha. Pagkagaling sa university at pagkatapos kumain sa isang mamahaling restaurant ay dumirecho naman kami sa exclusive village kung saan nakatira si Mama Rowan. At para akong nananaginip. Ni sa imahinasyon ay hindi ko nahulaan na ganito pala kalaki at karangya ang bahay niya sa Maynila.
“Since, malapit lang naman dito ang university na papasukan mo, dito ka na rin titira kaysa mag-dorm ka pa. Gusto mo ba ‘yon, Tori?”
“Yes, Mama Rowan! Gustong-gusto ko! Thank you po talaga!”
Hindi kami nagtagal dahil pinakita lang talaga ni Mama Rowan sa akin ang magiging bago kong tirahan. Ipinag-shopping naman niya ako pagkatapos at gabi na nang makabiyahe kami pabalik ng Batangas.
Dumaan ang mga araw at mga linggo. Sumapit ang oras para lisanin ko na ang aming bahay upang lumipat sa Maynila. Kahit paano ay nakaramdam din ako ng separation anxiety. Hindi man marangya ang bahay namin, mami-miss ko naman ang bawat sulok noon lalo na ang aking kwarto na naging pribadong mundo ko sa loob ng maraming taon.
"Naka-ready na rin ang magiging kwarto mo roon, Tori. And I'm sure you will love it. So let's go?"
"Yes po, Mama Rowan. Tara na po."
Bumiyahe ulit kaming tatlo. Puno ang dibdib ko ng magkakahalong excitement, kaba at lungkot na rin dahil ito na talaga- mapapalayo ako kina Papa. Mahigit dalawang oras ang itinakbo ng kotse at sa wakas ay dumating na rin kami. Nasorpresa ako. Sobra pa kasi sa inaasahan ang dinatnan ko sa bahay ni Mama Rowan.
"Ito po ang magiging kwarto ko?" gulat na sambit ko.
"Yes!" sagot ni Mama Rowan. "Go ahead, Tori. Tingnan mo ang bawat sulot para kung may hindi ka gusto, maipabago agad natin."
Hindi ako nakapagsalita. Manghang-mangha ako habang nililibot ang kwarto. Parang isang ordinaryong bahay na ang katumbas noon. Pale yellow ang pintura ng dingding at light gray naman ang kisame na may accent ng brown. Malapad ang kama na nasa gitna, dark wood ang sahig, sa kaliwang banda ay sitting area kung saan tingin pa lang ay siguradong malalambot ang mga sofa at carpeted ang sahig; may malapad na flat screen TV sa dingding; air-conditioned, may mini refrigerator sa tabi ng wooden cabinet; study table na yellow at katerno ng swivel chair. May sarili ring banyo na may shower area at bath tub; isang maluwang na walk-in closet na halos puno ng mga bagong damit at accessories pambabae.
"Ito naman ang glass door na patungo sa balcony," turo ni Mama Rowan sabay slide sa pinto. "Magugustuhan mo rito, Tori. Presko ang hangin. Parang wala ka sa city."
"Mama Rowan... hindi ko alam ang sasabihin ko..."
Ngumiti siya. "Just say you love it and you don't have to say anything more. Well?"
"Sobrang gustong-gusto ko po, Mama Rowan!" mariing wika ko. "Napakaswerte ko talaga sa inyo! Thank you so much po!"
Nagpaluto ng espesyal na mga ulam si Mama Rowan sa mga kasambahay at doon na rin kaming tatlo kumain ng lunch. Pagkatapos, ipinakilala naman niya sa’kin ang magiging personal driver ko. Pinakita rin niya ang sasakyan na gagamitin para ihatid-sundo ako sa university.
“Hindi po ba sobra-sobra na ito, Mama Rowan? Kaya ko naman pong mag-commute kapag papasok sa school.”
“Oh, no, Tori! Hindi ako papayag. Malayo kami sa’yo ng Papa mo. Gusto kong masigurado ang safety mo kaya kailangang may sarili kang sasakyan at driver.”
“Thank you po.”
“You’re welcome, Hija.”
Nagpaalam si Mama Rowan na aalis sandali para bisitahin ang main office ng Dominguez Textile and Companies. Sinamahan siya ni Papa. Nasa loob naman ako ng kwarto ko at isinusukat ang mga damit na ipinabili ni Mama Rowan sa secretary niya na naka-base sa main office nila. Iba-iba ang style at design ng mga damit pero lahat, pasok na pasok sa panlasa ko. Eksakto rin sa katawan ko dahil minsan na nga akong naipamili ng mga damit ni Mama Rowan kaya kabisado niya ang aking measurement.
“What’s up, girl! Nandiyan ka na?”
“Yes, Jen!” masayang sagot ko at inilibot ang camera ng cellphone sa buong kwarto. Nakita ko ang pagkamangha ng kaibigan ko nang makita ang lugar.
“I would trade my sexy body to have a room like that!” sambit niya. “And hey, are you using your new phone?”
Tumango ako. Bukod kasi sa mga damit at mga gamit sa school, binilhan din ako ni Mama Rowan ng bagong cellphone na mamahalin.
“You’re damn lucky! Magpaampon na kaya ako sa stepmom mo?”
Napatawa ako sa sinabi niya. Maya-maya ay nagsimula nang magkwento si Jenny. Hanggang sa napunta kami sa pag-aaya niya na lumabas sa gabing iyon mismo.
“Tonight agad? Kararating ko lang ng Manila, Jen! Nakakahiya naman kay Mama Rowan.”
“What’s wrong with that, Hija?”
Nagulat ako. Napatingin ako sa pinto at nakita kong naroon si Mama Rowan. Tumingin siya sa screen ng phone ko at kumaway sa aking kausap.
“Hi, there! Ikaw ‘yong kaibigan ni Tori from Batangas?”
“Yes, Miss Dominguez. Actually, naging employee mo po ang Tita ko, before her family migrated to US. Mabait daw po kayo na boss.”
“Oh. Am I?” Tumingin sa akin si Mama Rowan. “Mabait daw ako. Tori. Therefore, walang problema sa akin kung lalabas ka kasama ng kaibigan mo.”
“Pero… Mama Rowan, nakakahiya po kasi na kararating ko lang, maglalakwatsa agad ako.”
“Hindi lakwatsa ‘yon. It’s a privilege of teenagers like you. Hindi ka nga nakakapaglibang sa inyo pati ba naman dito.”
“Magpapaalam pa po ako kay Papa.”
“Don’t worry about it. Ako na ang bahala kay Manolo. I’m sure papayagan ka no’n since, hindi pa naman nagsisimula ang klase. Besides, you have your own car and driver. Walang dapat ipag-alala.” Bumaling si Mama Rowan kay Jenny. “Jenny, okay lang ba kung susunduin ka ni Tori at ng driver niya sa bahay n’yo?”
Namilog ang mga mata ng kaibigan ko. “Sure! I love that! Thank you, Miss Domiguez!”
“You can call me Tita Rowan. And you’re welcome. But since, ikaw ang mas nauna rito sa Maynila kaysa kay Tori, pwede bang ikaw na ang bahala sa baby girl namin?”
“No problem, Tita! Aalagaan ko po ang baby girl n’yo!”
“That’s good.” Nakangitong tango ni Mama Rowan at pinaglipat ang tingin sa amin ni Jenny na nasa screen. “So girls, have fun tonight!”
Excited akong nagbihis sa gabing iyon. Isinuot ko ang isa sa mga damit na binili para sa'kin ni Mama Rowan. Habang nag-aayos, naiisip ko kung gaano ako kaswerte na nakilala ko siya. Para siyang nanay na bestfriend pa. Napaka-cool niya at siya pa nga ang nagpaalam kay Papa para payagan ako.
"Girl, you look so hot in your dress! Tinalo mo ako, ha?"
Napatawa ako. Nasa kotse na kami ni Jenny. Nasundo na namin ito ng driver sa bahay nila at pinapasok pa niya ako sandali para makita raw ako ng parents niya.
"Of course! With the guidance of Mama Rowan!" pagmamalaki ko.
"Ibang klase talaga ang future stepmom mo! And I still can't believe that she's fifteen years older than Tito! As in?"
"Believe it or not!" sagot ko. "At kapag nakita mo si Mama Rowan, gosh, napakaganda at napakakinis niya! Parang nasa late twenties nga lang siya."
"I bet. Kapag kasi may pera, may pang-maintain ng skin at katawan. At saka siyempre, nakakabata kapag inlove."
Napangiti ako. "Tama ka! At super in love din naman si Papa sa kaniya. Kinikilig nga ako!" Sinundan ko ng hagikhik ang sinabi.
Natigil ang kwentuhan namin pagdating sa club. First time kong makapasok sa gano'ng lugar, pero mabuti na lang at na-orient ako kahit paano ni Jen ng mga kaganapan. Hindi ako gaanong na-shock.
"Okay ba? Nagustuhan mo?"
"Yes. Okay naman. Nakakaengganyo ang mga tugtog," wika ko.
"Hmm, wala pa 'yan. Hintayin mo mamaya kapag nagpasabog na 'yun DJ. Mapapasayaw ka talaga!"
Ngumiti ako. Siguro nga ay ganoon at hindi ko rin naman para sayangin ang gabi. Sasayaw talaga ako at mag-e-enjoy gaya ng sabi ni Mama Rowan.
"Siya nga pala, Tori, kapag may nag-offer sa'yo ng drinks na hindi mo kilala lalo na at lalake, h'wag na h'wag kang iinom. Better if you would decline. Remember, ibinilin ka sa'kin ng parents mo kaya sagot ko anumang mangyayari sa'yo. Kailangang buo ka pa rin kapag umuwi ka sa inyo, girl."
Natawa ako. "Grabe, ganiyan ka kaseryoso sa task mo?"
"Why not? Isa pa, kaibigan kita kaya dapat lang na balaan kita. Alam mo, girl, hindi ko nilalahat, pero karamihan sa mga lalakeng narito, iba ang iniisip tungkol sa mga babaeng nagpupunta ng club."
"Like what?" curious na tanong ko.
"Like kapag inilibre ka ng drinks ng isang guy at tinanggap mo 'yon, you're already giving that guy the privilege of coming to you, talking to you and then taking you out from here."
Nagusot ang noo ko. Ibinaba ni Jenny ang wine glass at hinarap akong mabuti.
"Isipin mo na lang na ganito, when a guy offer you a drink, it means he's asking you for s*x. So once tinanggap mo ang alok niya, that's the signal! So be careful when you talk to strangers."
Nagusot ang noo ko. Parang naiintindihan ko na ang gusto niyang sabihin. "Y-you mean..?"
"I mean some guys think that girls who come here are only looking for someone to get laid tonight. Kapag nag-entertain ka ng kagaya ng lalakeng sinasabi ko, you're done, Tori. Kaya dapat tumanggi ka lang sa iaalok sa'yo ng kahit sino. Kahit pa sa tingin mo ay mukhang matino. We're here to just enjoy and not to do anything dirty with some random guys."
Although alam kong walang magtatangkang mag-offer sa akin ng kahit anong inumin, tinandaan ko pa rin ang bilin ni Jenny. Tama rin siya. Pawang estranghero ang mga naroon sa club kaya hindi ako dapat tumanggap ng anuman or makipag-usap man lang kahit kanino sa kanila.
“Good evening, Ma’am!”
Napatanga ako sa inilapag na wine glass ng waiter sa aming mesa. Kumikinang ang pink na likido sa loob noon. Kasalukuyang nasa rest room si Jenny kaya mag-isa lang ako sa aming pwesto. Alam ko naman na hindi siya magtatagal kaya hindi na ako sumama bukod sa hindi ko naman kailangang magbanyo.
“A-ano ‘yan, Kuya?” May bahagyang kaba sa dibdib ko.
“May nagpapabigay lang po.” Itinuro nito sa’kin ang isang mesa na hindi kalayuan sa aking kinaroroonan. Doon ay natanaw ko ang tatlong kalalakihan na pawang mga nakatingin sa akin.
“Enjoy your drink, Ma’am!” Umalis na ang waiter at iniwan ako.
Tumingin muna ulit ako sa wine bago muling tumunghay sa tatlong lalake sa dulong mesa. One of them gave me a smile and gestured his glass. Dahil nakatatak sa isip ko ang sinabi ni Jenny kanina, gumapang agad ang inis ko. Dinampot ko ang baso at lakas-loob na lumakad papunta sa pwesto ng tatlo.
"Hi!" bati ng nakangiti kanina. Pinaraanan ko ng tingin ang dalawa niyang kasama. Sa tantiya ko, nasa early thirties ang mga edad nila.
"Ikaw ba ang nagpapabigay nitong wine?" tanong ko na walang kangiti-ngiti. Marahil ay napansin naman iyon ng lalake. Nakita ko ang unti-unting pagkawala ng ngisi nito. Nagkatinginan pa sila sandali ng mga kasama.
Nag-angat ako ng mga kilay. "What? Nagtatanong ako, kuya, sa'yo ba 'to galing?" Nilakasan ko pa ang aking boses at mas tinapangan ang pagsasalita. Gusto ko lang naman iparating sa mga lalakeng ito na hindi lahat ng babae ay kagaya ng iniisip nila.
Nakipagtagisan ako ng titig sa kaharap ko. Iisa halos ang reaksiyon nila ng mga kasama. Mukhang hindi nila inaasahan na magiging gano'n ang approach ko pagkatapos nila akong paabutan ng wine.
"Eeer... actually..." Ang inaasahan ko ay ang pagtango ng lalake, pero dahan-dahan itong umiling. "No! Hindi sa'kin galing 'yan, Miss." Luminga ito sa mga kasama. Mula naman sa isang gilid ay isa pang lalake ang biglang lumutang at sumali sa kanilang mesa.
"Where were we?" anang bagong dating.
"Siya!" sambit naman ng lalakeng kausap ko sabay hawak sa balikat ng katabi. "It's from our guy, here! Pinabigay niya kasi 'yan sa'yo kanina."
"What?"
Nagkatinginan kami ng lalakeng tinukoy. At first, aminado akong nagwapuhan dito, pero hindi ko pwedeng isantabi ang sinabi ni Jen. Itinaas ko ang mukha at matiim na tiningnan ang bagong dating.
"So ikaw pala?"
Umangat ang makakapal na kilay ng lalake. "Yes, Miss? May problema ba?"
Umiling ako. "Wala. Ibabalik ko lang sana itong wine mo," sagot ko at sa hindi maipaliwanag na rason, imbes na ilapag sa mesa ay isinaboy ko sa lalake ang laman ng baso.
Pare-pareho silang nagulat. Bahagyang napaatras ang lalake sabay tingin sa damit. Dahil matangkad, sa dibdib nito nabuhos ang alak na isinaboy ko. Nagkulay pink ang chest area ng puting long sleeves shirt nito.
Natigilan din ako pagkatapos. Natakot pa ako sa mabagsik na tingin na ipinukol ng lalake sa akin. Bakit ba kasi isinaboy ko pa? Siguro ay dahil na rin sa inis ko? Imagine naman, iniisip ng gagong ito na madadaan niya ako sa isang baso ng alak. Ang kapal ng mukha!
"What the f*ck?!" Akmang susugurin ako ng lalake, pero pinigilan ito ng tatlong kasama.
"Bro, calm down! Babae lang 'yan!"
Nagpaawat naman ang lalake, pero umaapoy ang tingin nito nang harapin ako. "What did you do, huh? Ang lakas din naman ng trip mo, Miss!"
Natigilan ako saglit. At ako pa ang malakas ang trip ngayon? Nabuhay lalo ang inis ko. Pabagsak kong inilapag ang baso sa mesa nila at isa-isang tiningnan ang apat na lalake.
"Paalala lang, mga kuya! Mamimili kayo ng paglalaruan sa susunod! Nineteen years old lang ako! Humanap naman kayo ng ka-edad n'yo! At isa pa, hindi lahat ng babae, wine lang ang katapat! Hindi po ako easy!" At pagkasabi noon ay sinabayan ko rin agad ng talikod at alis. Sa takot ko na baka sundan pa ako ng lalake at gantihan sa aking ginawa, dumaan lang ako sa mesa namin para damputin ang aking bag at pagkatapos ay sumibat na ako palabas. Hinanap ko ang driver sa parking space. Hawak ko ang cellphone ko at tinatawagan si Jenny para sabihing lumabas na ako. Wala akong planong i-spoil ang gabi namin, pero totoo pala ang babala ng kaibigan ko.
Saktong nakita ko na si Kuya Bon nang sagutin ng kaibigan ko ang cellphone kaya nabawasan ang aking kaba.
"Girl, nasa'n ka na?!" Medyo malakas na ang tugtog sa loob kaya sumisigaw na siya.
Hindi ko pinansin ang tanong. "Jen, mabuti na lang talaga na sinabihan mo agad ako! You saved me!" bungad ko.
"Huh? Ano 'yon, girl?"
Nag-usap kami sandali. Pagkatapos, ilang minuto muna akong naghintay sa tabi ng sasakyan at maya-maya ay natanaw ko na si Jenny na palabas. Sinalubong ko siya. Pumasok kami ng kotse at sa daan pauwi ay ikinuwento ko sa kaniya ang lahat ng mga nangyari.