NAPANGITI ako nang makita ang hitsura ko sa salamin. Suot ko ang pulang dress na binili namin at bumagay iyon sa makeup na ginawa ni Jenny sa mukha ko. Ang buhok ko naman ay kinulot lang niya nang bahagya at hinayaang nakalugay. “Grabe, Tori! Kumikinang ka! Ikaw ba talaga ang kaibigan ko?” Hindi ko alam ang isasagot sa mga komento ni Jen. Maging ako ay hindi makapaniwala. Hindi naman ako mahilig magpaganda nang todo, pero dahil may okasyon ay kinailangan kong mag-effort kaya hiningi ko ang tulong ng kaibigan ko. Sa isip ko, hindi ko na ipapahiya si Orion. "Ano na, girl? Nagustuhan mo ba ang makeup ko sa'yo o hindi?" “Gustong-gusto, Jen! Salamat talaga!” Sa tuwa ko ay hindi ko napigilang yakapin ang kaibigan ko, pero inawat ako ni Jenny. “Baka masira ang makeup mo! Kalma lang, bes!”