“WE both want the wedding to be held here in Manila. Ilang tao lang ang imbitado gaya ng mga malalapit na kaibigan at kakilala naming dalawa, but you, two, can also invite some of your friends.”
Ngumiti ako sinabi ni Mama Rowan. Isang kaibigan lang naman ang gusto kong imbitahan sa espesyal na araw nila ni Papa at iyon ay si Jenny.
"We will start talking to a wedding planner, next week. Mapapadalas siguro ang pagluwas namin ni Manolo sa mga susunod na linggo dahil sa mga kailangang asikasuhin."
"Kung may maitutulong po ako, ipaalam n'yo lang sa'kin, Mama," prisinta ko na ikinatuwa naman niya.
Lumipat ang tingin ko kay Orion. Nahuli ko siyang nakamasid sa akin habang marahang ngumunguya kaya dahan-dahang nabura ang ngiti ko. He continued watching me. Nag-iwas ako ng tingin, pero may sariling isip yata ang mga mata ko na muling dumako sa pwesto ni Orion. Natigilan ako at biglang kinabahan dahil nakatitig pa rin siya sa akin. Ibabaling ko lang dapat ang pansin ko sa iba, pero kinindatan pa niya ako.
Kumalabog pa lalo ang puso ko. Ngumisi ito pagkatapos at naaninag ko sa mukha na pinagtatawanan ako. Mabilis na napalitan ng inis ang aking kaba. Kunsabagay ay nakakatawa nga ako. Nakakatawa na pinatulan ko ang hamon nito na magpustahan kami. Ayoko sana, pero iyon ang hinihingi ng pagkakataon. Iniisip kasi nitong pera lang ang dahilan kaya gusto kong maging isang pamilya kami at gusto kong ipamukha kay Orion na nagkakamali ito. Kailangan kong ipakita na may tiwala ako dahil totoo ang pagmamahal ni Papa kay Mama Rowan at gusto kong patunayan 'yon kaya pumusta ako.
"Hijo, siya nga pala, nakabalik na ba ng bansa si Jerica?"
Napabaling muna ako kay Mama Rowan at muli ay kay Orion. Nagkasalubong ang mga tingin namin.
"Not yet. She had to extend for another two weeks kaya sa isang buwan na ang uwi niya."
"I see. Well, Hijo, kapag may oras ay imbitahan mo naman si Jerica rito para makilala ng Tito mo at ni Tori."
"Girlfriend mo ba 'yong Jerica, Orion?" nakangising sabat ni Papa.
Tumingin dito si Orion at patamad na tumango. Nasagot din ang tanong sa isip ko. May girlfriend pala si Orion at kasalukuyang nasa ibang bansa. Hindi na nakakapagtaka na hindi siya interesado sa ibang babae.
"Sigurado akong maganda 'yan! Siempre, pipili ka ba ng basta-basta," patuloy na komento ni Papa.
"Right. She is perfect, so I don't think it's necessary for her to meet you. Dadalhin ko siya rito, pero hindi para ipakilala sa inyo," maanghang na wika niya na ikinainis ko.
"Hijo, please?" banayad na pakiusap ni Mama Rowan sa anak.
Hindi ko napigilang magbukas ng bibig. "Gaano ba kaganda ang girlfriend mo at hindi pwedeng ipakilala sa mga kagaya namin ni Papa?" Nakadirekta ang tingin ko kay Orion. Natigilan siya. "Don't worry, Kuya. Hindi mo na kailangang sagutin dahil hindi rin naman ako interesadong makilala ang girlfriend mo."
"Victoria!"
Natahimik ako sa saway ni Papa. Kay Mama Rowan ako unang bumaling at nagbigay ng nahihiyang tingin. "I'm sorry, Mama." Tumango naman ito. Tumingin din ako kay Orion. At kahit labag sa kalooban ko ay ginawa ko na lang. "Sorry... Kuya..."
Hindi masyadong maganda ang kinalabasan ng dinner. Nagpaalam maya-maya si Mama Rowan na magpapahinga na, pero bago siya umakyat ay kinausap ko siya para mag-sorry ulit.
"Pasensiya na talaga, Mama. Sa susunod po tatahimik na lang ako kahit naiinis na ako sa anak mo," pag-amin ko na marahang ikinatawa niya. Ikinalito ko ang kaniyang reaksiyon. "May... nakakatawa po ba sa sinabi ko, Mama?"
"Wala, Hija. Natutuwa lang ako dahil honest ka sa nararamdaman mo. Pero aasahan ko ang sinabi mong 'yan. Alam ko naman na si Orion ang may mali, pero sa susunod, hayaan mo na lang siya. Ako na ang bahalang kumausap kapag gano'n."
Tumango ako. "Sige po, Mama. Pahinga ka na po. Good night."
"Good night, Hija."
Pag-alis ni Mama Rowan ay sinenyasan ko naman si Papa. Naghihintay talaga ako ng pagkakataon na makausap siya tungkol sa picture na ipinakita ni Orion. Gusto kong malaman kung sino ang kasama niya at bakit niloko na naman niya ako.
Oo. Hindi 'yon ang unang beses na nagsinungaling si Papa. Nasa high school pa lang ako noon. Isang dating girlfriend niya ang umaway at nanakit sa akin kaya umiiyak akong nakiusap na hiwalayan niya ang babae. Pumayag si Papa. Sinabi pa niya na walang ibang mas mahalaga sa kaniya kundi ako na anak, pero nalaman ko pagkalipas ng isang linggo na sila pa rin ng babaeng 'yon. Magagalit na nga sana ako at susumbatan siya sa pagsisinungaling sa'kin, pero kinabukasan ay sinugod naman siya ng babae dahil nalaman nito na dalawa sila sa buhay ni Papa. Doon na niya tinapos ang relasyon nila. Natatandaan kong hindi rin nagtagal ang relasyon ni Papa sa isa pa nitong girlfriend. Pagkatapos nga noon ay wala na'kong nabalitaan na naging karelasyon niya kaya naisip ko na baka nadala na si Papa. Baka sumuko na siya sa paghahanap ng babaeng magiging katuwang sa buhay at tatayo bilang nanay ko.
"Anong problema mong bata ka?" pagalit na tanong ni Papa nang mapag-solo na kami. "Pinalaki ba kitang bastos? Bakit mo sinagot nang gano'n ang anak ni Rowan?"
"Pa, h'wag 'yan ang pag-usapan natin dahil nag-sorry na ako kay Mama. Ang gusto kong malaman ay bakit nagsinungaling ka sa'kin."
"Anong sinasabi mo?"
"Hindi kumpare mo ang kinatagpo mo kanina. Babae ang kasama mo."
Natigilan siya saglit. "At saan mo naman nabalitaan 'yan?"
"Nakita ka ni Jenny," pagsisinungaling ko dahil ayoko namang sabihin na kay Orion ko nalaman. "Nasa isang restaurant ka raw kasama ang isang babae. Sino 'yon, Pa? Bakit mo niloloko si Mama?"
"Hindi ko niloloko ang Mama mo!" mariing tanggi niya. "Alam mo ba kung sino 'yon, ha? Bago ka mag-akusa ng kung ano-ano, alamin mo muna kung sino ang kasama ko kanina."
"Kaya nga tinatanong kita kung sino siya. At bakit mo sinabing kumpare mo ang kakatagpuin mo kung babae pala?"
"Ang babaeng 'yon ay walang iba kundi ang magaling mong ina na nang-iwan sa atin noong maliit ka pa!"
Natigilan ako at hindi agad nakasagot. "P-po?"
"Gusto niyang bumalik sa atin kaya siya nagpakita. At dahil ayokong malaman ni Rowan ang tungkol do'n ay minabuti kong makipag-usap na lang," aniya at sandaling tumingin sa paligid bago nagpatuloy. "Maayos na ang buhay natin, Tori. Ikakasal na kami ng Mama Rowan mo. Iniiwas ko lang ang mga sarili natin sa problema kaya ko 'yon ginawa."
Hindi ko alam ang sasabihin. Nagulat talaga ako at hindi ko inaasahan ang magiging sagot ni Papa.
"Ngayon, ikaw naman ang tatanungin ko," wika ni Papa pagkatapos. Tumingin ako sa kaniya. "Gusto mo bang bumalik sa buhay natin ang nanay mo?"
Nahirapan akong matulog nang gabing ‘yon. Kung hihingin ko kay Orion ang picture ni Papa kasama ang babaeng nanay ko raw, siguradong paghihinalaan ako nito. Gusto ko sanang makita nang mabuti ang hitsura ng nanay ko. Gusto ko ring alamin kung saan ito pwedeng matagpuan, hindi dahil sabik ako at payag na bumalik ito sa amin ni Papa kundi dahil marami akong gustong itanong. Kaya lang ay tumanggi si Papa na ibigay ang address at contact number ng nanay ko. Kahit nga ang totoong pangalan nito ay ayaw niyang banggitin.
"Hindi ka makatulog?"
Muntik ko nang maihagis ang hawak kong baso nang may biglang magsalita sa gilid. Kabababa ko lang ng kusina para magtimpla ng gatas tulog pampatulog. Akala ko ay walang ibang tao dahil madilim naman pagpasok ko at nagbukas nga lang ako ng isang ilaw bago tumungo sa cupboard, pero may bigla namang nagsalita mula sa isang madilim na parte ng kitchen. Kahit hindi ko siya lingunin ay alam ko kung sino base lamang sa uri ng kaba ko.
"Pinag-iisipan mo ba kung tama ang naging desisyon mo? Nagsisisi ka ba na pumayag ka sa pustahan natin?"
Inis na tiningnan ko lang siya at hindi sumagot. Itinulak ko pasara ang pinto ng cabinet bago tumalikod para kumuha naman ng gatas sa ref. Inilabas ko ang kahon ng gatas at ipinatong sa lababo. Naramdaman ko ang pagkilos ni Orion mula sa upuan nito. Malamig sa kusina dahil nga gabi, pero biglang uminit ang paligid. Na-realize ko na lang na nakatayo na pala si Orion at humahakbang patungo sa kinaroroonan ko.
Huminto ako sa ginagawa at hinarap siya. Para akong mabibingi sa lakas ng t***k ng puso ko. Pakiramdam ko nga ay naririnig din iyon ni Orion dahil sa sobrang tahimik ng paligid.
"Bakit ba nandito ka?" Dahil sa sobrang kaba yata kaya bigla kong naitanong. Bukod doon, ang alam ko kasi ay umuwi na kanina pa si Orion.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Why? Nalimutan mo na bang bahay ko rin 'to?"
"Alam ko. Pero hindi ba may sarili ka nang bahay na inuuwian? Anong ginagawa mo rito?"
"I decided to stay. You have problems with that?"
Hindi ulit ako sumagot. Itinuloy ko na ang ginagawa. Sumala pa nga ang pagsalin ko ng gatas dahil sa pagmamadali na makaalis. Para kasing nasa lalamunan ko ang kaba kaya nahihirapan akong huminga.
"Be careful. Hindi por que maraming pambili si Mama, magtatapon ka na lang ng gatas."
Naghalo ang inis ko at hiya. Napansin rin pala ni Orion pati ang natapon ko. Hindi ko na nga pinuno ang baso. Tinakpan ko ulit ang kahon ng gatas at iniwan na iyon sa lababo. Dinampot ko ang baso at akmang aalis, pero hinarang pa ako ni Orion.
"We're not done talking."
"M-matutulog na'ko..." Kahit anong pagpipigil, hindi ko pa rin naitago ang pangangatal sa boses ko. Ang lapit-lapit sa'kin ni Orion. Mas malapit pa kaysa kaninang nag-usap kami bago ang dinner. At kung kanina ay nahahaluan ng inis ang kaba ko, ngayon ay kaba na may kasamang takot ang nananaig sa akin habang nakatingala ako sa kaniya. Hindi ko rin kasi siya maintindihan. Noong una ay ang sungit-sungit niya sa'kin. Pero pagkatapos ng 'pag-uusap' namin kanina, pakiramdam ko ay kinukutya na niya ako sa tingin pa lang.
"I want to clear a few things about our bet."
"Ano na naman? May idadagdag ka pa ba?"
"No. May mga lilinawin lang ako para hindi na tayo laging nagtatalo. Bukas na magsisimula ang lahat, pero tandaan mo, hindi mo pwedeng sabihin sa tatay mo ang tungkol dito. Malalaman ko kapag ginawa mo 'yon at oras na mapatunayan ko na kakutsaba mo ang tatay mo, tapos na rin ang pustahan."
"Kung 'yon lang, h'wag kang mag-alala. Hindi ako gano'ng klaseng tao. Patas akong makipaglaro. Saka bakit ko naman sasabihin kay Papa ang tungkol sa pinag-usapan natin? Hindi ako gagawa ng dahilan para magalit siya. Hindi mo ba naisip na kapag nalaman ni Papa, siguradong malalaman din ni Mama? At sino ang mapapahamak? Ikaw lang ba? E, di siyempre, pati na ako."
"Mabuti na ang malinaw. Anyway, as I've said earlier, bawat pagkakamali ng Papa mo, babayaran mo. At oras na hindi ka sumunod sa gusto ko, alam mo na ang mangyayari. Your dreams will ruin. You will have to say goodbye to your future mother and to all of the convenience you're having right now."
"Alam ko na 'yon kaya h'wag mo nang ulit-ulitin. At may lilinawin din ako kaya ako pumayag sa pustahan."
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Really? What is it?"
"Ayokong masaktan si Mama Rowan. Hindi niya deserve na paglaruan at lokohin. At tumataya ako dahil alam kong aalagaan siya ni Papa."
Natahimik saglit si Orion. Marahan siyang nagbuga ng hangin. "Don't get me wrong, Victoria. Hindi ko rin gustong masaktan ang nanay ko. Kung magbibigay man ako ng pagkakataon sa tatay mo, hindi 'yon para pagtakpan ang magiging kasalanan niya kung sakali kundi para magbago siya alang-alang kay Mama."
"Okay. Naiintindihan ko."
"May gusto pa akong itanong sa'yo."
Nagusot ang noo ko. Patagal nang patagal ay mas nagiging mahirap sa’kin na huminga nang normal kaya nilangkapan ko ng inis ang boses ko. "A-ano pa ba ‘yon? Itanong mo na!"
"I noticed how your reaction changed after my mom mentioned about my girlfriend. Disappointed ka ba sa nalaman mo?"
Bigla akong naumid. Tulalang napatitig ako sa seryosong mukha ni Orion.
"Akala ko ba gusto mong mapalapit sa'kin dahil sabik ka sa kapatid? Bakit parang nagagalit ka na may girlfriend ako?"
Naghagilap ako ng sasabihin. Sa unang pagkakataon ay hindi ko alam kung paano ipagtatanggol ang sarili ko.
Tumaas ang mga kilay niya at marahang tumango. "Alright. I think I know what's going on," wika ni Orion sabay kuha ng baso sa kamay ko.
Nalilitong tiningnan ko siya. Namilog ang mga mata ko nang uminom siya mula roon. At imbes na ibalik sa akin ay ipinatanong niya ang baso ko sa lababo.
“A-ano bang ginagawa mo? Gatas ko ‘yan-”
"Alam ko na ang iniisip mo, Victoria,” wika niya na hindi pinansin ang reaksiyon ko. “May plano kang akitin ako para kung magloko man ang tatay mo, may isa ka pang alas na hawak at 'yon ay walang iba kundi ako. Tama ba?"
Natigilan ako. Hindi ko inaasahan ang mga narinig. Tanggap ko nang masama ang ugali ni Orion at hindi niya kami gustong mag-ama, pero hindi ko akalain na ganito siya karumi mag-isip.
"You know what? Madali lang 'yan,” wika niya kasabay ng pag-angat ng isang kamay upang hawakan ang pisngi ko.
Para akong nanigas. Nakaawang ang bibig na tiningnan ko siya, hindi pa rin makuhang magsalita.
“Ganito na lang, Victoria," patuloy niya habang hinahaplos ang pisngi ko. "H'wag na nating ituloy ang pustahan. Umalis kayong mag-ama sa buhay ng nanay ko at ako na ang susuporta sa pag-aaral mo at sa iba mo pang mga kailangan."
Naririnig ko naman si Orion at tutol ang kalooban ko sa sinasabi niya, pero ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi ako makagalaw.
Huminto siya maya-maya sa ginagawa. Para naman akong nagising. Tumingala ako at nasalubong ang matiim na tingin niya.
"But if you still insist to be my woman, then fine. Ibabahay kita. Doon tayo sa lugar na walang nakakakilala sa’ting dalawa. Ibibigay ko sa'yo ang lahat ng bagay na gusto mo, pero hanggang do’n lang. H’wag mong aasahan na seseryosohin kita. What do you say, Victoria? Payag ka ba?"
Parang may malamig na patalim na bumaon sa dibdib ko. Akala ko kanina ay mananahimik na lang ako sa ginagawang pang-iinsulto sa akin ni Orion, pero hindi. Ramdam na ramdam ko ang mabilis na pag-akyat ng dugo sa ulo ko dahil sa galit at kasunod agad noon ang mabilis ding paglagapak ng palad ko sa pisngi ni Orion.