“PUPUNTA po kayo sa kasalan?”
“Yup. Kaya sayang ang pagkain kung magluluto pa tayo. Saka imbitado ang buong Barangay ng Salud kaya hindi nakakahiya na pumunta.” Natawa pa siya.
“Pero maraming tao, ma’am.”
“I know. Remember, nasa isla tayo at mababait naman ang mga tao dito. Saka may mga bantay naman. Kaya gora tayo.”
“Kapag crowded, nakakatakot.”
“Sus, hindi naman tayo magtatagal doon. Ang mahalaga, nag-respond tayo sa paanyaya ni Kagawad. Saka para masabi ko rin kay Kapitan ang tungkol sa feeding program next week. Siguradong pupunta ‘yan mamaya dahil imbitado ni Kagawad.”
Hindi niya kasi maabutan si Kapitan nitong nagdaan dahil parating nasa sentro sabi ng sekretarya nito.
“Sabagay. Next week na ba ang dating nila?” Ang tinutukoy ni Madeleine ay ang mga tauhan nila sa foundation.
“Oo. Alam naman na daw ni Kap sabi ni Daddy pero gusto ko pa ring kausapin si Kap.” Hindi pa kasi sila nagkakausap nang masinsinan tungkol sa mga programa na sisimulan at gagawin niya sa mga susunod na buwan. Ang tinututukan ko ngayon ay ang livelihood program. Nakailang ikot na ako dito sa isla, nagmumukha na nga akong chismosa kakakausap sa mga residente.
Bago sumapit ang dilim ay dinig na nila ang malakas na tunog ng sound system. Hindi pa nagsisimula ang selebrasyon para sa bisperas ng kasal dahil puro music pa lang.
“Nangangamoy ulam na,” biro ni Madeleine sa kanya nang pumasok ito sa pintuan niya. Nakabihis na ito at mukhang handa na.
Siya kasi, nagsusuklay pa ng buhok. Kakatapos niya lang maligo.
“Mukhang pupunta si pogi. Nagtatanong kasi kung pupunta ako.” Napatigil siya sa pagsusuklay nang marinig iyon.
“Mukhang interesado sa ‘yo,” aniya.
“Naku, hindi. Mukhang sa ‘yo po. Biglang tinanong ka kasi no’ng sinabi kong pupunta ako. Saka obvious naman na natipuhan ka. Doon pa lang sa dalampasigan malagkit na ang tingin sa ‘yo.”
“Sus, akala mo lang ‘yon,” aniya at bumalik na sa pagsusuklay.
“Bakit nga pala hanggang ngayon wala ka pang nobyo kasi?”
“Busy. Hindi ko sila maasikaso. Saka kailangan muna ng approval ni Daddy bago nobyo.”
“‘Yon lang. Paano kung may magustuhan ka dito, sasabihin mo kay Pres?”
“Ano ka ba, Mad, wala pa sa isip ko ‘yan. Ang daming dapat gawin.”
“24 ka na kaya. Ayaw mo bang maranasan ang nararanasan ng ibang ng mga babae? Okay naman ang sumuporta sa Daddy mo, pero sana ‘wag mong kalimutan ang sariling kaligayahan. Ang ganda-ganda mo, inside and out pero parang dull.”
Hindi siya nakaimik sa narinig.
“Seryoso ka na niyan?” biro niya. Pero sa totoo lang tumagos.
Pero bata pa ang 24 years old. Ang dami niya pang gustong gawin sa buhay.
“Hay naku, Cinderella.” Umiling-iling na lang ito.
Kapag pangalan niya na talaga ang binabanggit nito, naiinis na ito. Pero minsan lang naman. Saka parang kapatid na kasi ang turing nito sa kanya kaya gano’n ito magsalita minsan.
“Alam mo kung bakit ko sinasabi ito sa ‘yo? Dahil hindi malayong mangyari na i-set up ka ng Daddy mo sa taong hindi mo gusto. Alam mo naman sa pulitika. Alam niyang pangarap mo ring tumakbo sa hinaharap kaya mag-isip ka. Kakayanin mo bang makisama sa lalaking hindi mo naman mahal?”
May punto si Madeleine. ‘Yon ang pinakaayaw niyang mangyari. Gusto niyang siya ang pipili ng lalaking makakasama habang-buhay. ‘Yong aalalay sa ‘yo all the time.
“Maghahanap na po.” Dinaan na lang niya sa biro ang sinabi ni Madeleine.
Tumayo siya at nagghanap na ng masusuot kaya nag-iba na sila ng topic na dalawa.
Simpleng dress lang ang pinili niya dahil baka makaagaw siya nang atensyon.
Kita niya ang ilang nagbabantay sa kanya nang lumabas siya ng bahay kasama si Madeleine. Kaagad na sumunod ang mga ito nang pumunta sila sa bahay ng ikakasal.
Tama lang ang pagdating nila dahil magsisimula na ang programa nila. Napag-aralan na niya ang culture ng mga ito kapag kinakasal kaya may bitbit siyang pera nang pumunta sila.
Hindi pa man siya nakakaupo nang matanaw ang papasok sa bakuran ng Kagawad. Walang iba kung hindi ang Zale na mahangin na iyon. Sabagay, imbitado lahat kaya sino pwedeng pumunta.
Nagkunwari na lang siya na abala sa telepono habang hinihintay na bumaba ang ikakasal.
Kasalukuyan niyang ka-chat ang ina nang may maupo sa tabi niya. Nag-angat siya nang tingin, at mukha ni Zale ang nabungaran niya.
“Bakit ka naupo diyan? Kay Madeleine ‘yan upuan,” aniya sa masungit na wika.
“Oh. I thought it’s mine.” Tumingin ito kay Madeleine.
Saka lang niya napagtantong nasa ibang upuan ang assistant at may kausap din.
Hindi na lang siya umimik dahil prente nang nakaupo si Zale sa kanyang tabi.
Nagbabasa siya ng mensahe ng ina nang matigilan. Para kasing may hininga siyang nararamdaman sa leeg niya. At nang lingunin nga niya nga ay nakatitig si Zale sa kanya kaya napalayo siya.
“Bastos ka!” aniyang pinanliitan pa ito ng mata.
“Me? Nagagandahan lang ako sa ‘yo, bastos na kaagad? Grabe ka naman.”
“Eh, bakit kasi lapit-lapit mo, huh?”
“Gaya nang sabi ko, nagagandahan ako sa ‘yo. Wala ng iba.” Umayos ito nang upo kapagkuwan.
Buti naman. Hindi ‘yong siya ang iniinis nito.
Napaayos na rin siya nang upo nang magsalita ang emcee. Sa salitang Bicol kaya hindi niya gaanong naintindihan.
“Naiintindihan mo?” tanong ni Zale sa kanya.
“Hindi,” seryosong sagot niya.
“Alam mo ba kung ano ang huling sinabi niya?”
Bumaling siya dito, nakatitig na rin ito sa kanya.n
“Kainan na pagkatapos ng sayaw ng ikakasal.” Napatitig siya kay Zale, gano’n din ito.
Nakakaintindi ito? Hindi kaya taga-rito lang si Zale?
Imbes na sumagot tumingin na lang siya sa ikakasal na nasa gitna na. Pumailanlang din ang tugtuging sasayawin ng mga ito. Ilang sandali lang ay nagsitayuan ang mga tao para magkabit ng pera sa mga ikakasal. Gumaya din siya dahil first time niya itong umattend ng ganitong kasalan dito sa Bicol.
Napatigil siya sa pagpi-pin ng perang sa damit ng babae nang tumabi sa kanya si Zale.
“Lumayo ka nga,” aniya. Dumidikit kasi ang braso nito sa kanya. Para bang sinasadya nito.
Nasiko niya si Zale dahil muling dumikit ito sa kanya nang magsabit ulit siya ng pera, sa lalaki naman. Lumipat pa siya sa kaliwa para iwasan ang binata pero dumikit naman kaya nagmadali siya bumalik.
“Ang kuripot mo naman,” bulong nito na ikinaharap niya sa binata.
“Magkano ba ang sinabit mo sumatotal?” aniyang nainis.
Saglit na nagbilang ito at may kasama pang kamay. “More than 5k sa bride and then 6k sa boy since kabaro ko. And you?” Sinuyod pa siya nito nang tingin. “Sa tingin ko naman mayaman ka, bakit nasa 4k lang?”
Inismiran niya ito. “Eh ‘di, ikaw na ‘tong mayaman at mahangin.”
Imbes na hintayin pang matapos ang programa ay napalabas na lang siya ng bakuran nila Kagawad.
“Hey, where are you going?” habol sa kanya ni Zale nang makalabas na siya.
“Uuwi na, malamang!”
“Naasar ka ba?”
“Sino bang hindi maaasar sa kayabangan mo, huh?”
“Wala. Naguguwapuhan sila sa akin. Look.” May tinuro itong kumaway sa kanya kaya gumanti din. Kahit yata matanda kumaway sa kanila na noo’y papasok ng bakuran nila Kagawad.
“Ay, ewan ko nga sa ‘yo!” Iniwan na lang niya ito. Babalik na lang siya mamaya kapag humupa na ang inis niya.
Buti na lang hindi na siya sinundan ni Zale, sa dalampasigan kasi siya dumeretso. Hindi siya umuwi ng bahay kakausapin niya pa si Kapitan. Hinihintay niya ang text mula kay Madeleine para balikan si Kapitan mamaya.
Mahigit kalahating oras pa siya sa dalampasigan bago nakatanggap nang tawag mula kay Madeleine. Kausap nito si Kapitan at hinihintay nga siya. Saktong kainan na raw. Nakaramdam na rin siya nang gutom kaya nagmadali siyang naglakad pabalik.
Pero sa paglalakad niya ay may nakasalubong siyang dalawang pasuray-suray kaya kinabahan siya. Mukhang sa kanya ang punta ng mga ito kaya nag-iba siya nang daan pero sumunod pa rin ang mga ito kaya naalarma na siya.
Mabilis na natipa siya nang mensahe kay Madeleine at humingi nang tulong.
Nasaan kaya ang mga bantay niya? Bakit wala siyang makita?
“Hi, Miss,” ani ng lalaking nasa kaliwa sa kanya.
“Sabi na sa ‘yo, pare, ang ganda niya.” Ngumis pa ito sa kanya. “Anong pangalan mo, Miss? Ilang araw ka na naming nakikita dito kasi.”
Napalunok siya nang marinig ang tono ng mga ito. Mukhang mga dayuhan an mga ito doon. Parehas pang naka-trunks ang mga ito pero mga naka-inom.
Hindi siya sumagot. Umiwas siya sa mga ito pero hinawakan siya ng lalaking nasa kanan.
“Kinakausap ka pa namin, Miss.”
“Bitawan mo ako dahil wala akong panahon sa mga estranghero,” aniya sa matigas at hinila ang kamay mula dito pero hinigpitan lang ng lalaki na ikinatawa naman ng isa.
“Paano kung ilabas ko ito, Miss. Makikipag-usap ka na ba?”
Sunod-sunod ang paglunok niya nang makita ang baril nito sa tagiliran. Parang nawala rin ang pagkalasing nito base sa boses.
Hindi kaya kalaban ang mga ito ng Daddy niya? At alam ng mga ito na anak siya ng Pangulo?
“Subukan mong sumigaw, baka hindi ka na makabalik sa pamilya mo.”
Napadaing siya nang hilahin siya ng mga ito sa madilim. Nagpupumiglas pa rin siu
“A-ano bang kailangan niyo… s-sa akin?” nauutal na tanong niya nang makalayo sila sa dalampasigan.
Ngumisi lang ang mga ito na parang baliw kaya napuno nang takot ang dibdib niya. Mas lalo nang makita ang tali na winagayway pa ng kasama ng lalaking may hawak sa kanya ang tali.
“K-kung pera ang kailangan niyo… m-maibibigay ko. P-pakiusap, pakawalan niyo. H-hindi ko rin kayo idedemanda k-kung sakali, pakawalan niyo lang ako,” pagmamakaawa pa niya.
“Hindi naman namin kailangan ng pera mo, Miss. Titikim lang naman kami–” Hindi na nito natapos ang sasabihin dahil napalingon ito sa lalaking pumigil sa kamay nitong hahaplos sana sa pisngi niya.
“Z-Zale,” aniya nang makilala ang lalaking nasa likuran nito na may hawak sa kamay nito.
Saglit na ngumiti ito sa kanya bago pinilipit ang kamay ng lalaki. Napabitiw ang lalaki sa kanya kaya napalayo siya bigla at hinilot-hilot ang kamay. Saka lang niya napagtantong wala na ang isang kasama nito sa tabi nito kanina dahil hawak na ng mga tauhan ng Daddy niya at binubugbog kasama ng mga ito si Madeleine na nagsusumigaw sa gigil.
“Sino nga ulit ang titikman mo?” tanong ni Zale sa lalaking panay ang daing.
Hindi ito sumagot kaya muling pinilipit ni Zale ang kamay nito. Napangiwi siya nang umisang suntok si Zale sa mukha nito na ikinadugo ng ilong nito. Kasabay niyon nag pagdaing nito.
Akmang susuntukin pa ni Zale nang sigawan niya ito.
“Tama na, Zale!”
“Dapat sa mga gaya niya, mamatay, Miss. Wala siyang galang sa mga babaeng gusto ni Adan.” Baling sa kanya ni Zale.
Napailing siya sinagot nito. “Natakot ako sa ginawa niya, Zale. Pero parang sobra naman yata kung kamatayan ang aabutin niya. Hindi ako gano’n.”
“I’m just kidding. Yeah, nagbibiro lang ako.” Tumingin ulit si Zale sa lalaki at inilapit ang bibig sa tainga nito at bumulong pero dinig na dinig naman niya.
“Pasalamat ka, hindi ako ang nobyo ni Miss Sungit. Dahil kung ako, baka hindi ka na abutan ng–”
“Zale!” aniya na pinanlakihan niya ng mata.
“Nagpa-practice lang, Miss na maging nobyo mo.” Sabay ngiti sa kanya.
Marahas na binitawan nito ang lalaki nang makita sila Kapitan ang ilang mga tanod.
“S-sorry p-po. M-ma’am….” ani ng lalaki nang mag-angat sa kanya nang tingin.
“Mali ka ng kinalaban mo. Sira ulo!”
“Madeleine!” sigaw niya nang paghahampasin nito ng hawak na plato. Buti na lang plastic iyon.
“O-okay lang po ba kayo, Ma’am?” tanong ni Kapitan nang makalapit sa kanya. Hindi nito alam ang gagawin. Kung hahawakan ba siya o hindi.
“Ayos lang po ako, Kap. Sana po hindi na ito maulit.”
“Hindi na po talaga, Ma’am. Magpapalagay ako ng tanod sa bahay niyo para maayos ang security niyo habang nandito kayo sa isla.”
Imbes na sumagot, hinila niya si Kapitan na nanginginig.
“‘Wag niyo naman pong sabihin ang mga bagay na iyon kapag may ibang tao.” Tumingin pa siya kay Zale na nakangiti nang matamis sa kanya.
Malapit na niyang sabihing ipinaglihi yata sa smiling face si Zale. Lagi kasing nakangiti kapag tumitingin sa kanya. Mukhang mabuting tao naman si Zale kaso hindi pa nga niya lubusang kilala kaya hindi siya nagtitiwala pa kahit kanino. Careful siya dahil baka may motibo rin sa kanya.
“Opo, Ma’am.”
“And please, Kap, first name ko na lang po ang itawag niyo sa akin. Halata pa rin.”
“C-Cinderella.”
“Cindy na lang po kaya.”
“Sige, hija. Cindy na lang.”
Kinuha na niya ang pagkakataong iyon para sabihin ang pagdating ng mga tauhan ng foundation nila. Pati ang mga programa na gagawin ng foundation niya sa mga susunod na buwan ay binanggit na rin niya.
Biglang napunta rin kay Zale ang usapan nila. Naikuwento ni Kap na naghahanap ng lote na mabibili si Zale sa isla kaya daw napadpad ito dito sa isla Salud. Isa pala itong negosyante. Dahil daw stress lately sa trabaho nito ay naisipan nitong magbakasyon dito. At dahil nagustuhan din nito ang isla ay nagpahanap daw ito sa kanya ng lote na mabibili at mapapagtayuhan ng sariling bahay. Para kapag stress daw ito sa Manila ay may mapupuntahan.
Kahit naman siya, nagustuhan niya ang isla dahil napakatahimik. Nasira lang ng turista din na dalawang lalaki kanina ang siguridad na pinagmamalaki niya kay Madeleine. Pero walang kinalaman ang mga residente sa nangyari kaya hindi nabawasan ang kanyang kagustuhan na tumira pansamantagal– este pansamantala sa isla.
Dinala ang lalaki sa maliit na Barangay hall kaya pumunta din sila para kuhaan ng ilang impormasyon para mai-forward sa City hall ang kaso ng lalaki. Pumayag sila Kapitan na hindi ipaalam sa Daddy niya ang nangyari dahil paniguradong i-pull out siya sa mission niya sa isla ng Salud, sa dulong bahagi ng Caramoan.
Sumama din si Zale sa Barangay kaya magkasabay silang umuwi. Malapit lang din naman kasi ang tinutuluyan nito sa Brgy. hall pero nagpumilit itong ihatid siya kaya pumayag na lang siya.
“Salamat nga pala sa pagdating, Zale. Hindi ko ini-expect na kasama ka sa hinila ni Madeleine na hiningian niya nang tulong.”
“Welcome. Basta ikaw, Miss Sungit.”
Napangiti siya sa sinabi nito.
“Cinderella na lang, Zale. Cinderella Pamor,” pakilala niya. Pamor ang ginagamit niyang apelyido lagi para hindi malaman ng mga nandito na anak siya ng kagalang-galang na Presidente ng Pilipinas.
“Cinderella. Too long, Miss Sungit. Can I call you Ella na lang?” Saglit siyang natigilan sa sinabi nitong pangalan.
“E-Ella,” ulit niya. “P-pwede,” sang-ayon niya.
“You’re my Ella now,” nakangiting sabi nito na ikinakunot niya ng noo.
“H-huh?”
“Wala. Sabi ko, kailangan ko ng bumalik sa party. Gutom na ako. Marami pa raw lutong ulam sabi ni Kagawad.”
Napalunok siya nang kumulo ang tiyan niya. Hindi pa pala siya kumakain.
“P-pwede pa bang sumama?” Hawak niya noon ang tiyan kaya napatingin din si Zale doon.
“You too?”
Nahihiyang tumango siya kay Zale.
Napatingin siya sa kamay nito nang higitin nito ang kamay niya. Pinagsiklop kasi nito at basta na lang siya hinila papunta kila Kagawad. Dahil gutom na rin siya, naging sunud-sunuran siya kay Zale.