PROLOGUE
NAGTATAKANG naupo si Cinderella nang mapansing wala sa tabi si Zale. Tumingin siya sa wall clock na nakasabit, pasado alas dos na ng madaling araw. Nakaramdam siya ng uhaw kaya lumabas siya ng silid.
Wala rin si Zale sa maliit na sala na tinitirhan nila kaya hindi niya maiwasang magtaka.
Dumeretso siya sa kusina at kumuha ng mineral na maiinom.
Hindi pa niya nauubos ang laman ng bote na 350ml ay natigilan siya. May nag-usap sa labas bandang likod.
“Kailan ho ba ang balik niyo, Boss? Nagtatanong na kasi si Ninong,” anang isang lalaki.
“Malapit na. Magpapadala na lang ako ng mensahe kapag babalik na ako na ako ng Manila.”
Nakunot ang noo niya nang marinig ang tinig ni Zale. Sino ang kausap ni Zale? Mga tauhan ng Daddy niya?
Akmang sisilipin niya sa pintuan ng kusina kung sino ang kausap ng binata nang matigilan sa narinig.
“Sige po, Boss. Sasabihin niyo na po ba na bumalik na ang alaala mo?”
Nakakaalala na si Zale? Bakit hindi man lang nito nagawang sabihin sa kanya?
“Naghahanap pa ako ng tiyempo. Sabihin mo lang kay Ninong na siya na muna ang bahala sa Markesa.”
Napaawang ng labi si Cinderella nang marinig ang huling sinabi nito. Alam niya kung ano ang Markesa. Bukambibig iyon ng Daddy niya kaya nga bantay sarado siya sa islang ito. Alam niya kung gaano kahalang ang kaluluwa ng grupong iyon.
Napaatras pa siya mayamaya nang mapagtanto ang tawag ng lalaki kay Zale. Boss? Si Zale ang Boss ng Markesa? Hindi maari!
Pero mabait si Zale. Sa ilang buwan nilang pagsasama sa isla, naging mabait ito sa kanya. Hindi lang iyo, minahal siya nito. Kaya imposibleng si Zale ay miyembro ng Markesa at ito mismo ang boss!
Hindi siya gumawa nang ingay nang bumalik sa silid. Bumalik rin siya sa pagkakahiga pero ang isip niya tumatakbo. Hindi niya pwedeng i-judge si Zale ngayon. Kailangan pa niya ang explanation nito. Baka mali lang siya nang pagkakaintindi.
Napapikit siya nang marinig ang pagbukas ng pinto. Mayamaya lang din ay naramdaman niya ang pagsampa nito sa kama. Gawa sa kawayan ang frame kaya may maririnig kang langitngit.
Simpleng bahay lang kasi ang tinitirhan niya dito sa isla. Hindi siya pumayag na sa magarang cabin. Maliban sa charity mission niya dito may social experiment pa siyang ginagawa kaya ayaw niya. Ginagawa niya ang mga bagay na ito para sa ama na kasalukuyang Pangulo ng bansa. Gusto niyang alalahanin ng mga mamamayan ang ama na mabuti, which is totoo naman. Kaya halos sa mahihirap ang mga programang inilunsad nito dahil sa kanya. Kaya sa abot nang makakaya niya, tinutulungan niya ang ama. At ang priority niya ay magkaroon ng boses ang mga mahihirap sa ama, na pangulo ng bansa.
Pigil ang hininga ni Cinderella nang maramdaman ang halik ni Zale sa balikat. Hanggang bewang lang kasi ang kumot niya. Nakalimutan niyang itaas hanggang leeg. Tank top lang suot niya dahil mainit ngayon. Wala pa siyang suot na bra nang mga sandaling iyon. Pero kung sa bahay nila, pajama siya at mahaba ang sleeve.
“Z-Zale,” anas niya nang maramdaman ang kamay nito sa dibdib niya. Minasahe pa nito iyon.
“Hindi kasi ako makatulog, my Ella,” anang baritonong boses nito. Sinabayan din nito nang halik sa tainga niya.
Hinarap niya ang binata. “Pinagbigyan na kita bago tayo matulog, kaya ayoko.” Sabay talikod dito.
Hinaplos niya ang braso sabay pisil. Iba ang epekto niyon sa kanya pero pinigil niya ang sarili. Hindi kasi mawala sa isipan niya ang narinig.
Hinalikan na lang siya nito sa pisngi. “Good night, my Ella.”
“Good night, Zale,” sagot niya lang na walang halong lambing.
SABI ni Ella sa sarili, hihintayin niyang umamin si Zale sa kanya. Ilang beses pa niyang tinanong ito sa loob ng apat na araw pero wala man lang siyang narinig mula dito. Umaasa pa rin siya dahil sabi nito sa kausap nito nang gabing iyon, naghahanap ito ng tiyempo. Meaning, sasabihin sa kanya ang lahat.
“Si Zale po?” tanong niya sa kapitbahay na kasama ni Zale mangisda sa laot. Madaling araw na umalis ang mga ito kanina para mangisda. Konti na lang kasi ang konsumo nilang dalawa sa bahay.
“Pauuwi na rin iyon, Ma’am. May dinaanan lang doon sa dulo. May kinausap na kakilala kaya iniwan muna namin.”
“Gano’n ho ba.” Tiningnan pa niya ang tinuro ni Mang Joe pero hindi niya makita ang binata.
Sobrang tirik na ng araw pero wala pa rin ito. May niluto naman siyang ulam pero hinihintay niya talaga ito para kausapin na talaga. Tapos na ang taning na ibinigay niya dito. Sarili lang niya ang nakakaalam pero dapat nakiramdam ito sa kanya. Panay ang tanong niya sa alaala nito. Pero wala siyang ibang narinig kung hindi, wala pa raw naaalala.
Saka patapos na ang binigay din ng ama na oras niya dito sa isla. Kailangan na niyang ayusin ang dapat ayusin.
Mga isda lang ang nakauwi sa bahay na tinutuluyan nila ni Zale. Iniutos lang nito sa isang kapitbahay namin nang makita nito. Pero ang binata, wala pa rin.
Hindi kaya iniwan na siya nito?
Hati ang isip at puso niya nang mga oras na iyon. Masaya sa kabilang banda, pero ang puso niya nalungkot. Pero kung totoo nga ang lahat na narinig, kahit masakit, kailangang maghiwalay ang landas nila. Ayaw niyang makarating pa sa ama ang tunay na pagkatao nito. Loyal sa kanya ang mga nagbabantay sa kanya pagdating sa love, pero kung ang seguridad na niya ang sangkot, makakarating at makakarating ito sa ama.
Pasado alas otso na nang makauwi si Zale. Iba na ang suot, at mukhang galing sa Manila.
Akmang hahalik ito sa kanya nang umiwas siya.
“Saan ka galing?” Sinuyod pa niya ang kabuohan nito pagkuwa’y tumingin nang seryoso dito.
“Um, n-niyaya kasi ako–”
“Hindi ako naniniwala,” putol niya sa mga sasabihin nito.
Nag-angat pa siya nang tingin sa binata. “Alam mong pinagkatiwalaan kita, Zale, sana, ‘wag mong sirain. Dahil kapag ang tiwala ko ang nasira, mahirap nang ibalik.”
Hindi umimik si Zale kaya napangiti siya nang mapakla. “Zale Salazar ba talaga ang totoong pangalan mo? ‘Yong totoo, dahil ba sa Daddy ko kaya ka narito ngayon at kasama ako?” sunod-sunod niyang tanong.
“Ella,”
“Sagutin mo ako, Zale,” matigas niyang sabi.
“I won't take any questions from you, Ella,” mas matigas na sabi nito.
“Nice. Is that you, Zale?” may pagkasarkastikong tanong niya. Medyo iba kasi ang dating sa kanya. “Kasi ang Zale na nakasama ko dito, sinasagot ang lahat nang tanong ko. Matapat din siya.”
Napapikit si Zale pero nang magmulat ay nag-iba na ang ekspresyon. Lumambot na. “Bukas na tayo mag-usap, please? Pagod ako ngayon.”
“No, Zale. Gusto ko ngayon na. At gusto ko sagutin mo ako!” Napataas na ang boses niya. “Sino ang Markesa sa buhay mo?”
Kita niya ang pagkatigil nito. Pero ilang sandali lang ay bumalik ito sa sarili pagkuwa’y sumeryoso ito.
“Narinig mo nga kami nang gabing iyon.” Hindi iyon tanong. Mukhang pinakiramdaman siya nito nang gabing iyon. Kaya ba inistorbo siya nito kunwari?
“Hindi mo magugustuhan ang mga isasagot ko kaya tumigil ka sa pagtatanong.”
Lumapit ito sa kanya kaya napaatras siya.
“Bakit ka lumalayo, my Ella?” anito.
Nag-iiba ang dating nito sa kanya kapag ganoong tono niya. Kulang na lang sumilay ang ngisi dito.
Akmang hahakbang pa ito nang itaas niya ang kamay. “I hate you, Zale! Manloloko ka!”
“Don’t say that, Ella. You don’t hate me. You love my kiss, my touch. Mahal mo rin ako.” Kalmado ito pero natatakot siya tingnan.
Umiling siya dito nang paulit-ulit. “Hindi na, Zale. Hindi na kita mahal! Alam ko na kung bakit ka lumapit sa akin. Para magamit mo ako sa ama ko? Tama ba?”
Hindi siya nito sumagot. Humakbang lang ito papalapit sa kanya.
Natigilan siya nang wala na siyang maatrasan. Pader na iyon kaya sunod-sunod na ang paglunok niya.
Napapikit siya nang maramdaman ang kamay nito sa pisngi niya na humahaplos.
“Magagalit ako kapag sinabi mo pa ‘yon, Ella.” Bahagyang umawang ang labi niya nang hawakan nito ang baba niya. “Sabihin mong mahal mo ako,” utos nito.
Napadaing siya mayamaya dahil dumiin ang kuko nito. Wala kasi itong natanggap na sagot sa kanya.
Narinig nito ang pagdaing niya kaya bahagyang lumuwag ang pagkakahawak nito sa baba niya.
“I hate you! I don’t love you, Zale!” ‘Yon bigla ang lumabas sa bibig niya na ikinadilim ng mukha nito. Kasunod na nga niyon ang pagsinghap niya dahil sa marahas nitong pagsakop sa labi niya.
Ang halik na iyon ang hindi niya nagustuhan sa lahat. Tinikom niya ang bibig nang makakuha nang pagkakataon pero bumuka din para kagatin ang dila nitong nagpupumilit pumasok.
“Fvck!” Sabay sapo nito sa dila.
Tiningnan pa siya nito nang masama. Hindi ito ang Zale na nakilala niya. Hindi! Mukhang tama nga ang nababalita tungkol sa Markesa!
‘Yon ang sinamantala niya para lumabas ng bahay. Narinig pa niya ang tawag nito pero dere-deretso siya sa inuupahan ng mga nagbabantay sa kanya. Nagtataka pa ang mga ito nang sabihin niyang magpapadala ng chopper dahil babalik na siya ng Manila. Wala siyang nais nang mga sandaling iyon kung hindi ang makaalis sa islang iyon. Ayaw kompirmahin ni Zale pero sa mga ikinikilos nito, tugma sa mga nababalita at mukhang wala na itong amnesia…