Ikawalong Pasok

653 Words
Nagising si Nora na ang tanging liwanag lamang na naaninag niya ang kulay dilaw na umaandap-andap pang bombilya sa isang hindi pamilyar na lugar. "Aray! Nasaan na naman ako?" pagsasalita niya. "Teka! Anong ginagawa ko rito sa basement? Hindi ako p'wedeng magkamali. Basement ito ng mansiyon. At nasaan sina Krystle, Purple, at Aki? Si Tobias hanggang ngayong hindi ko pa rin alam kung nasaan ang mokong." dagdag pa niya habang hinihimas-himas ang ulo. "Ang huling naalala ko ay kumain kami tapos nabusog tapos nakaidlip yata. Tapos... wala na talaga akong maalala. Aki! Toby! Purple! Krys!" sinubukan niyang sumigaw pero boses niya lang ang nauulinigan niya sa loob ng basement. Maingat na tumayo si Nora at nagpalinga-linga sa loob ng basement. Halos manindig ang balahibo niyang makitang madilim ang ibang parte ng basement na iyon. Isang umaandap-andap na bombilya lang ang liwanag sa loob. "Kailangan kong makalabas dito. Hindi na ito tama! May nangyayari na talagang hindi kanais-nais sa loob ng bahay na ito. Mukhang tama nga si Aki na may ibang nilalang sa bahay." Nakiramdam muli si Nora. Nang mapagtantong wala namang kakaiba sa loob maliban sa nakakatakot nga dahil madilim, nagsimula siyang maghakbang upang hanapin ang pintuan palabas sa basement. Samantala... Abalang-abala na naman si Sanya sa pagpuputol-putol ng katawan ni Krystle sa kusina. Ilang beses din siyang sumusulyap-sulyap sa hugis kuadradong patalim upang tingnan ang sariling suot-suot ang buhok ng pinatay niyang dalaga. "Ang ganda talaga ng buhok mo. Sayang wala ka na." tatawa-tawang wika ni Sanya sa sarili. Ipinagpatuloy niyang muli ang ginagawa. Kumakanta-kanta pa ito habang naghihiwa ang mga lamang-loob at iba pang parte ng katawan ng dalaga. "Itigil mo na 'yang kahibangan mo, Sanya! Maawa ka sa mga taong pinatay mo!" mula sa kaniyang likuran ay may lumitaw na isang pamilyar na tinig. Hindi ito nilingon ni Sanya. Bagkus ay nagpatuloy na lamang ito sa kaniyang ginagawa. "Hindi mo ba pinagsisisihan man lamang ang ginagawa mo sa mga inosenteng tao, Sanya?" anito. "Hindi ka pa ba kontento sa mga napatay mo? Na napatay at pinatay mo ako na sarili mong kapatid?" nagtiim ang bagang ni Sanya at agad na inihagis sa direksyon ng kapatid ang hawak na patalim pero lumusot lang iyon sa katawan niya. "TUMIGIL KA, SENYA! Lumayas ka sa harapan ko kung ayaw mong tuluyan na kitang ilibing sa ilalim ng lupa!" Paninigaw nito kay Senya. "Mahal kong kapatid, wala silang kasalanan. Si Lolo ang pumaslang sa ating mga magulang. Pero patay na si Lolo. Matagal na siyang patay." pagpapalubag-loob ni Senya. "SINUNGALING KA!" itatapat na sana ni Sanya ang kaniyang kaliwang kamay sa harapan ni Senya nang bigla na lamang itong naglaho na parang bula. "Magaling! Akala ko ay hindi ka aalis sa harapan ko. Istorbo! At dahil tapos na ako rito, mamaya ko na lulutuin ito. Balikan ko muna ang makinis at maputing babae sa itaas na iniwan ko." At iniwan na muna ni Sanya ang kaniyang ginagawa. Agad niyang tinalikuran ang kusina at lumutang nang mabilis paakyat sa kuwartong kinaroroonan ni Purple. Ang hindi alam ni Sanya na nang mga sandaling iyon ay naiwang bukas ni Senya ang kuwartong pinaglagakan niya kay Akihiro. Sinadya ni Senyang tulungan si Akihiro upang mailigtas niya ang natitira pa niyang kaibigan. Ngunit, magiging huli na yata para kay Purple. Dahan-dahang pinihit ni Akihiro ang pintuan at pinagmasdan kung may nakamasid sa kaniyang paglabas. Muntik na siyang sumigaw nang may marinig siyang bumulong sa kaniya. "Bilisan mo, Aki. Kung gusto mo pang iligtas ang kaibigan mo, puntahan mo siya sa isa sa mga silid dito sa itaas. Bilisan mo! Nanganganib ang isa. Umakyat na si Sanya rito." Nahulaan na ni Akihiro kung sino ang bumulong sa kaniya. Kaya agad siyang lumabas sa silid at marahan ding tinungo ang bawat isang k'wartong naroon hanggang sa may marinig siyang sumigaw sa dulong bahagi. "Tulungan ninyo ako!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD