Ikapitong Pasok

969 Words
Nagising si Akihiro sa isang silid na ang tanging liwanag na makikita ay ang ilaw mula sa aranya o chandelier. Hindi niya alam kung panaginip lamang ba ang narinig niyang sigaw ni Krystle o sadyang totoo. Nang bumangon sa hinihigaang kama, sapu-sapo niya ang kaniyang ulo. Inaalala muna ni Akihiro ang buong pangyayari, pero sadyang wala siyang matandaan. Inilibot na lamang niya ang paningin sa kabuuan ng silid. Habang ginagawa niya iyon, ramdam niya ang kakaibang presensiya ng isang hindi nakikitang nilalang sa loob. Matalas ang pakiramdam ni Akihiro dahil lumaki siyang kasa-kasama ng kaniyang lolo na noon ay isang albularyo. Ang sabi raw ng kaniyang lolo ay may lahi daw silang manggagamot at may kakayahan ding makaramdam ng ibang presensiya ng ibang nilalang na gumagala sa lupa. "Magpakita ka!" matapang na wika ni Akihiro. "Hindi ako nagkamaling sa iyo magpakita, tao," sagot naman sa kaniya. "Isa ka bang masama o mabuting nilalang? Nais kitang makita" kinakabahan man ay kinakausap pa rin ni Akihiro ang isang anino. "Kung iyan ang nais mo," at nagpakita nga sa kaniya ang isang babaeng matangkad, ang kulay ng balat ay maliwanag pa sa sikat ng araw, at itim na itim ang kaniyang buhok. Idagdag pa ang kulay itim rin na mata nito nang makalapit kay Akihiro. "Ako nga pala si Senya. Matagal na akong pagala-gala sa buong mansiyon na ito. At nasaksihan ko na rin kung ilang tao na ang pinaslang sa loob ng bahay na ito," takang-taka ang mukha ni Akihiro nang magsimulang mag-kuwento ang nagpakilalang si Senya. Kung kanina ay halos sunod-sunod na pumatak ang kaniyang pawis sa noo, ngayon ay hindi na siya nakaramdam ng takot. "Ako naman si Akihiro. Hindi ko alam kung paano ako at ang mga kaibigan ko nakapasok sa kulay rosas na bahay na ito. Hindi ko rin alam kung nasaan na ang mga kaibigan ko," saad ni Akihiro. "Ikinalulungkot kong sabihin, pero patay na ang dalawa sa kaibigan mo," wika ni Senya. Naurong naman ang dila ni Akihiro sa narinig. "Tobias ang unang pangalan ng kaibigan mo, hindi ba?" tumango naman si Akihiro. "Ang mga pagkaing kinain ninyo kanina sa hapag-kainan ay mga pira-pirasong katawan ng kaibigan ninyong si Tobias," dagdag pa nito. Nagtataka pa rin siya sa mga sinasabi sa kaniya ni Senya. "Ginamitan kayo ng mahika ni Sanya, ang aking kakambal. Kaya hindi mo ngayon maalala kung ano ang huli mong ginawa. Ang mga kaibigan mo namang babae na sina Purple, at Nora ay nasa isang mga silid ng bahay na ito habang si Krystle," "Anong ginawa sa kaniya ni Sanya?" "Nagustuhan ni Sanya ang kulay ng buhok ni Krystle. Pero bago niya kinuha ang buhok nito ay pinatay na rin niya ang kaibigan mo," diretsahang sagot sa kaniya ni Senya. "At sigurado akong pinaghahati-hati na ngayon ni Sanya ang katawan ng kaibigan mo. Tuluyan nang tumahimik si Akihiro. Ramdam niya ang bigat ng kalooban. Tila naghihintay na lamang na lumabas mula sa kaniyang mga mata ang mga luha. "Kaya pala ramdam ko ng may kakaiba sa bahay na ito. Ang aking ipinagtataka ay kung bakit naririto ka pa sa bahay na ito?" Si Senya naman ang pansamantalang tumahimik. "Ang pamilya namin ay kilala sa lungsod noong panahon ng Kastila. Ang apelyido naming Lopez Jaena ay kilala rin dahil ang aking ama ay isang abogado. Nang minsang mapadpad sa kaniyang tanggapan ang nagngangalang Salome ay nabihag niya kaagad ang puso ng aking ama." "At kayo ang naging bunga ng kanilang pagmamahalan?" "Mahirap ang aking ina. Isang kahig, isang tuka. Pero minahal siya ng aking ama higit pa sa karangyaan o kayamanang mayroon siya. Ngunit, nang malaman ng aking lolo na ama ng aking tatay, pilit silang pinaghiwalay." "Ano naman ang kinalaman ng kakambal mo sa pagpatay sa aking kaibigan sa kuwento ng iyong ama at ina?" "Ang aking ama ang nagpatayo sa bahay na kulay rosas bilang regalo niya sa aking ina. Nang isilang ako at ang aking kakambal, naging masaya ang sampung taong pagsasama nila. Ang gusto ng aking ama at ina ay sa loob ng mansiyon lamang kaming dalawa maglaro, pero sinuway iyon ni Sanya. Lumabas siya ng mansiyon at nakipagkilala sa mga bata bagay na hindi ikinasiya ng aking magulang." "At ano ang nangyari, Senya?" "Nalaman ng aking lolo ang tirahan namin dahil sa isang espiyang inatasan niyang mag-manman sa aking ama. At nang makita nga ng espiyang iyon ang aking kakambal na lumabas ng mansiyon, sinugod kami ng aking lolo. Nagkataong kumpleto kami sa bahay nang dumating si Lolo. Babatiin pa sana siya ng aking ama pero isang putok ng baril ang bumulaga sa kaniya. Binaril siya ni Lolo. Pinatay ng lolo ko ang aking ama. Hindi pa siya nakuntento ay aking ina naman ang pinaslang niya. Naiwan kami ni Sanya na tulala. Nagitla kami pareho at hindi nakapagsalita." "Ikinalulungkot ko ang sinapit ng iyong pamilya, Senya," "Inilibing namin sa kinatitirikan ng fountain namin ang labi ng aking magulang. Sa sobrang pangungulila at hinanakit ni Sanya sa pumatay sa aming magulang, gumawa siya ng paraan kung paano maghiganti. At ang aklat na itim na pagmamay-ari pala ng aking ina ay nakita niya sa basement ng aming bahay. At hindi ko na alam kung paano niya nagagamit ang kapangyarihan niyang iyon. Huli na nang malaman kung marami na siyang naakit na makapasok sa bahay namin at isa-isa niya iyong pinatay, at ang iba ay kinain pa niya. Maging ako ay isa sa kaniyang biktima - pinatay niya ako." "Kaya bago pa may mangyari sa iyo at sa natitira mo pang kaibigang babae, kailangan mo silang iligtas!" Halos magimbal naman si Akihiro sa lahat ng sinabi sa kaniya ni Senya. Bago pa man niya tanungin si Senya kung paano sila makakalabas ng bahay ay nawala na ito sa kaniyang paningin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD