"Ang haba naman ng tulog ko," napainat muna si Purple at bumangon. Kinusot-kusot niya pa ang kaniyang mga mata bago tuluyang idinilat ito. Nang mabuksan na niya ang bintana ng kaniyang paningin, kumunot ang noo niya dahil hindi siya pamilyar sa silid na pinaglagyan sa kaniya.
"Paano ako nakapasok dito?" kaagad na bumaba ito sa kama at palinga-linga sa loob na ang tanging liwanag lamang ay nagmumula sa chandelier.
"Gising ka na pala," wika ng isang boses. Biglang nagsitayuan ang mga balahibo sa batok ni Purple nang lingunin niya ang isang pigura.
"Si-sino ka?" napasigaw nang wala sa oras si Purple nang unti-unting lumalapit sa kaniya ang pigurang may suot na buhok sa ulo. Halatang mula ito sa isang tao na kaniyang inilagay lamang.
"Tulungan ninyo ako!" agad na tinakbo ni Purple ang pintuan at pinilit na ito ay buksan habang humihingi ng saklolo. Subalit, hindi niyon mabuksan-buksan.
"Huwag ka nang magtaka pang tumakas dahil ako ang may-ari ng bahay na ito," tumaas na ang tono ng nagsasalita.
"A-anong kailangan mo sa akin? Nasaan ang mga kaibigan ko? Nasaan sila?" nagtatapang-tapangang tanong ni Purple.
"Patay na ang iba at tatlo na lamang kayo ang natitira. Hindi mo ba napapansin ang buhok sa ulo ko?" pumipikit-pikit pa ang mata ni Purple habang tinitingnang lumalapit na naman sa kaniya ang babae. Babae ang boses nito kaya sigurado siyang babae ang kausap niya.
"Ako si Sanya. At ang buhok na ito ay kay Krystle. Hindi ko sana siya babawian ng buhay kung hindi siya naging malikot. Ang kaibigan mo namang si Tobias ay ang putaheng kinain ninyo kanina. Naalala mo ba bago ka nakatulog?" Tumatawa-tawa pa ang kausap niyang si Sanya habang pilit na inaalala ni Purple ang nangyari.
Nang mapagtanto niyang kumain pala sila kanina at nalamang parte ng katawan ni Tobias ang kinain nila, napaduwal siya at nagsuka nang nagsuka.
"Ngayon, gusto kong ikaw naman ang isusunod ko sa mga kaibigan mo!" Akmang sasabunutan na sana si Purple ni Sanya pero kahit naduduwal pa ay nagawa niyang untugin ito sa sikmura. Ngunit tumagos lamang siya at muntik nang mahalikan ang sahig kung hindi maagap ang kaniyang kamay sa pagtukod.
Mas lalong naramdaman ni Purple ang paninindig ng kaniyang balahibo nang bigla na lamang umangat ang kaniyang katawan sa ere.
Samantala, katok nang katok si Akihiro sa labas ng pintuan kung saan narinig niya ang sigaw ni Purple. Ginamit niya ang kaniyang braso sa pintuan upang mabuksan iyon pero hindi pa rin sapat. Sinipa niya nang sinipa ito pero hindi pa rin nabubuksan.
Sa basement naman, naririnig ni Nora ang kalabog na nanggagaling sa taas. Kaya naman, binilisan niya ang paghahanap ng pintuan upang makalabas doon.
Hinang-hina naman ang katawan ni Akihiro at napansin iyon ni Senya.
"Huwag mo nang ipilit, Aki. Ako na ang magbubukas," nilingon ni Akihiro ang tinig at umatras nang kaunti nang mapagtantong si Senya ang nagsalita.
Itinaas lamang ni Senya ang kaniyang kamay at itinapat iyon sa seradura. Sa wakas, bumukas ang pinto pero gulat na gulat si Akihiro nang makitang nakadikit na sa kisame ang ulo ni Purple. Agad na sinugod ni Akihiro si Sanya pero tumatagos lamang ang katawan niya.
Kaya naman, naisipan ni Senya na sumanib sa katawan ni Akihiro upang matulungan siya. Nakaramdam nang pagkahilo ang binate at pansamantalang natumba. Hindi iyon pinansin ni Sanya. Patuloy lamang siya sa pagsakal kay Purple. Malapit na ring mag-kulay ube ang katawan ng dalaga.
"Sanya! Tigilan mo na iyan!" Lumingon si Sanya sa pinanggalingan ng tinig pero isang malakas na sampal sa mukha ang natikman niya dahilan upang biglaang bumulusok pababa si Purple. Hingal-kabayo ang dalaga nang bumagsak sa kama.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Senya na nasa katawan ni Akihiro at agad na binuhat si Purple at tumakbo patungo sa pintuan at lumabas.
Nang makalabas ay nagsalita si Senya kay Purple.
"Tulungan mo ang kaibigan mong si Nora. Iligtas mo siya. Nasa basement siya ng bahay na ito. Magmadali ka. Huwag kang mag-alala dahil hindi masasaktan si Akihiro. Gagamitin ko lang ang katawan niya upang malabanan ko ang aking kakambal na si Sanya."
Tumango-tango lamang si Purple habang humihinga nang malalim at upang ibalik ang lakas na nawala sa kaniya gawa ng pagkakasakal. Ilang sandal pa, kahit nahihilo pa ay bumaba si Purple upang pagbuksan si Nora sa basement.
"Mag-iingat ka, Akihiro. Ibalik mo ang kaibigan ko, Senya." naibulong na lamang ng dalaga ang kaniyang sinabi.