Habang buhat-buhat si Purple ng isang anino paakyat sa pangalawang palapag ng bahay na kulay rosas, isa-isa namang nakalutang sa alapaap ang mga katawan nila Nora, Krystle, at Akihiro habang ang mga ito ay palutang-lutang muna sa iba't ibang parte ng mansiyon.
Isang mahika ang gamit ng anino upang pagsabayin niyang maipasok sa iba't ibang sulok o parte ng bahay ang kaniyang mga biktima. At nagtagumpay nga siya. Si Purple naman na buhat-buhat niya ay naipasok niya sa isang silid na napapaligiran ng kumikinang at kumikintab na mga palamuting kulay rosas.
Marahan niyang inihiga sa kulay rosas na kama ang tulog na tulog pang si Purple. Upang makasigurong hindi pa ito magigising, nag-usal na naman ang anino ng isang orasyon at ilang sandali pa ay may kinuha siyang kulay rosas na abo sa kanyang bulsa at isinaboy iyon sa natutulog na mukha ng dalaga.
Pagkatapos gawin iyon ay lumabas siya ng kuwarto. Kinandado niya muna ito upang balikan ang mga nakalutang pa sa ibang panig ng bahay. Pagkababa niya ay nakita niya ngang mahimbing pa ring natututulog ang mga ito. Sa isang kumpas niya lang ay isa-isa niyang pinalutang paakyat sa ikalawang palapag ang katawan ni Akihiro. At nang makaakyat siya at ang katawan ng binata, hinayaan niyang dumiretso ito sa pinakadulong bahagi at huling kuwarto sa taas at doon ay dahan-dahang inilatag sa kama. Tinarangkahan niya rn ang pintuan upang hindi ito makalabas kung sakaling magising man ito.
Samantala, ang katawan naman ni Nora ay ipinasok niya sa basement ng kaniyang bahay at doon ay inihiga niya ito. Si Krystle naman ay iniwan niyang palutang-lutang sa kusina. At dahil naaliw siya sa kagandahang taglay ng buhok nitong mahaba, siya ang naging puntirya ng anino. Hindi niya muna binalikan si Purple sa taas.
"Napakakintab ng iyong mahaba at itim na buhok, Krystle." bulong nito sa natutulog na dalaga. Hinahaplos-haplos niya pa ito habang nakalutang sa ere ang katawan. Ilang saglit pa ay ibinaba niya iyon sa isang mahabang mesa sa kusina. Habang nakapikit pa ang dalaga ay bigla na lamang lumitaw mula sa isang kahoy na kulay rosas na mesa ang mga maliliit na baging at pumulupot ang mga ito sa katawan ng dalaga.
Nang mga sandaling iyon, naalimpungatan ang dalaga. Una niyang tiningnan ang maliwanag na chandelier na kung tawagin ay aranya. Iginala pa ni Krystle ang kanyang paningin at napansing nakatali ang kaniyang katawan sa isang mahabang mesa.
"Gising ka na pala, Krystle? Kumusta ang tulog mo?' tanong ng isang boses. Bagamat hindi ito nakikita ni Krystle ay palinga-linga pa ito upang tingnan kung sino ang kausap.
"Huwag mong piliting makita ako, Krystle. Ako na mismo ang lalapit sa iyo." dagdag pa nito. At tinupad nga ng anino ang kaniyang sinabi dahil sa harapan ng nakahigang si Krystle ay nagpakita ito. Mulagat ang dalaga at naurong ang dila nang mapagmasdang kawangis niya ang may-ari ng tinig.
"Si-sino ka? Ako ay ikaw?" namamawis nang tanong ni Krystle.
"Ang galing mo naman pero hindi ka ba nagtatakang parang ilusyon mo lang ang nakikita mo?" tatawa-tawang sabi ng nasa harap niya.
"Anong kailangan mo sa akin? Pakawalan mo ako? Nasaan ang mga kaibigan ko? Pakawalan mo ako!" nagpupumiglas na si Krystle pero nanatili pa ring walang imik ang aninong hindi nagpakilala. Isang matalim na titig ang ibinigay niya at itinaas ang isang kumikintab na patalim. Magkahalong emosyon na ang nararamdaman ng dalaga nang mga oras na iyon.
"Tulong! Aki! Purple! Nora! Tulungan ninyo ako!"
"Argghh"
Hindi na nagawa pang magsalitang muli ni Krystle dahil ibinaon na sa kaniyang bunganga ang patalim. Umagos ang mga dugo. Hindi pa nakontento ang anino at tinusok niya naman ang dalawang mata ng dalaga. Sinaksak niya naman ang dibdib nito hanggang sa malagutan ito nang hininga. Ilang sandali pa, binalingan niya ang itim at mahabang buhok ng dalaga at dahan-dahang ginuhitan ang noo nito papunta sa batok at parang manibela ng kotseng binaklas ang buhok nito.
"Ang bango ng buhok mo. Bagay na bagay sa akin ito, Krystle. Ang Ingay mo kasi e. Ayan tuloy napatay kita." inamoy-amoy pa ng anino ang buhok ng dalaga. Pagkatapos gawin iyon ay sinukat-sukat niya pa ito sa kaniyang ulo. Tinungo niya ang salamin sa sala at pinagmasdan ang buhok sa kaniyang ulo.
"Ayan! Bagay nga sa akin. Kailangan ko nga palang linisin ang kusina. At lutuin na rin ang bagong biktima ko. Iyon naman ang ipapakain ko sa natitirang tatlo sa taas." humagikgik pa ito nang bahagya at agad na tinungo ang kusina upang pagtatadtarin nang pira-piraso ang katawan ni Krystle.