Ang Pagtatapos
"Tigilan mo na ito, Sanya! Nagmamakaawa ako bilang kapatid mo."
"HINDI! Kahit noon pa man ay lagi ka nang sagabal sa mga plano ko. Kaya nararapat lamang na mawala ka sa landas ko."
"Wala naman akong kasalanan sa iyo, hindi ba? Si Lolo ang pakay mo pero bakit pati mga inosenteng tao, pati ako ay dinamay mo - pinatay mo?"
"Dahil lahat kayo ay walang kuwenta sa paningin ko. Lahat ng mga tao ay katulad din ni Lolo - mapanghusga."
Patuloy lamang sa pagpulupot ang makakapal at mahahabang buhok ni Sanya sa buong katawan ni Senya. Pinilit naming putulin iyon ng huli pero unti-unti na siyang nawawalan ng lakas. May hangganan din ang kapangyarihang mayroon siya. At dahil din iyon sa itim na aklat na kapag napag-aralan ay magagamit sa kabutihan o bilang proteksyon sa sarili.
"Aki! Magmadali kayo. Kaunting lakas na lamang ang natitira upang mapigilan ko si Sanya. Bilisan ninyo!" naibulong na lamang sa hanging muli ni Senya ang sinabi.
Habang patuloy sa pagsakal si Sanya kay Senya, sa wakas natagpuan din ni Akihiro ang itim na aklat. Kaagad silang lumabas upang hanapin ang labasan ng mansiyon. Nang Makita ang pintuan palabas, agad na may naalala si Purple.
"Sandali lang. Kailangan kong pumunta ng kusina." natigilan naman sina Nora at Akihiro pero tumango na lamang ang mga ito. Nang mapadpad sa kusina ay hinalughog niya ang bawat cabinet at maliit na tokador doon hanggang sa makita niya ang kaniyang pakay - isang lighter at isang gas. Muli niyang binalikan ang dalawa niyang kaibigan at agad silang lumabas ng mansiyon.
Nakaramdam marahil si Sanya na may humawak sa itim na aklat kaya agad niyang hinagis si Senya palayo sa kaniya. Agad si Sanya na lumutang sa ere at lumusot sa pader ng mansiyon hanggang sa matagpuan niya ang tatlo sa fountain area. Mulagat naman ang mga mata ng tatlo at hindi makapaniwalang nasa harap nila ang kalaban.
"Purple, ikaw na bahala sa aklat na ito. Buhusan mo na ng gas at silaban bago pa makalapit sa atin si Sanya. Bilis!" utos ni Akihiro habang nakatingin kay Sanya.
"Bilisan mo, Purple!" segunda naman ni Nora.
"Sandali. Kinakabahan na ako e," nanginginig na ang mga kamay ni Purple pero nagawa niyang buhusan ng gas ang aklat sa damuhan. Nang kaniyang sisindihan ay biglang namamatay ang apoy sa lighter na hawak niya.
"Hindi niyo magagawa iyan!" Itinapat ni Sanya ang tatlong mahahabang at matutulis na buhok nito sa tatlong kaharap niya at mabilis na pinuntirya sila. Tuluyan na sanang tatamaan ang tatlo lalo na si Akihiro nang biglang lumitaw sa kanilang harapan ang isang malaking gunting at pinutol ang buhok ni Sanya.
"Senya," wika ni Akihiro.
"Sindihan na ninyo ang aklat!" sumigaw na si Senya habang matalim na tinitigan si Sanya.
"Lapastangan ka talaga, Senya! Tatapusin ko na ang sinimulan ko!" Galit na galit na naman ang mukha ni Sanya at susugod na sana ito pero nakaramdam ang kaniyang katawan ng init. At nakita niyang nakangiti sa kaniya sina Nora, Akihiro, at Purple habang nakikitang unti-unting nauupos at nasusunog ang llbro. Kasabay ng pagsilab ng aklat na iyon ay ang paglaho at pagiging abo ng katawan ni Sanya.
"Maraming salamat sa inyong tatlo. Ngayon, makakalabas na kayo sa bahay na ito. Paalam sa inyo."
At bago pa man makapagsalita si Akihiro upang magpaalam ay yumanig muli ang lupa at napahawak na lamang ang tatlo sa isa't isa. Ipinikit na lamang nila ang kanilang mga mata at nag-usal ng isang panalangin ng pagpapasalamat.