Ang Unang Huling Pagtatapos
"Sanya! Tigilan mo na ang pagpatay sa mga walang kasalanang tao."
"Tumigil ka, Senya! Ang dapat sa iyo ay tuluyan nang maglaho! Palagi kang sagabal sa aking mga plano! Ngayon ay matitikman mo ang galit ko!"
Hindi na nakapagsalita si Senya dahil ang itim na buhok ni Sanya ay biglan nagsihaba at pumulupot sa kaniyang leeg. Panay naman ang p'wersa ni Senya na hindi siya masakal. Pero sadyang galit na galit ang kakambal. Kaya naman, wala na siyang magawa kung hindi ang lumaban. Kailangan niyang mailigtas ang mga bata. Pero kailangan niya munang talunin ang kaniyang kapatid.
Ipinikit ni Senya ang kaniyang mga mata. Nagtaka naman si Sanya pero ipinagpatuloy na lamang nito ang pagsakal sa kapatid. "Isa kang hangal, Senya! Kung nanaisin mong mapabilis ang iyong paglaho, p'wes pagbibigyan kita."
Ilang sandali pa ay iminulat ni Senya ang kaniyang mata at nag-usal ng hindi maintindihang mga salita. Para kay Sanya, isa iyong orasyon na ngayon lamang niya narinig. Nakita niya ring dahan-dahang itinaas ni Senya ang kaniyang dalawang kamay at isang putting usok ang pumaibabaw sa kaniyang palad at lumikha ng isang - gunting na gawa sa usok.
Agad iyong ginamit ni Senya upang putulin ang mahabang buhok ni Sanya na patuloy sa kaniyang pagsakal. At nagawa niyang putulin iyon nang walang kahirap-hirap.
"At lumalaban ka na nga talaga! Hindi ko alam kung saan nanggaling ang kapangyarihan mo, pero isa lang ang nakasisiguro ako - HINDI KA MAGTATAGUMPAY SA AKIN!"
Umangat si Sanya at lalong namuti ang kulay ng kaniyang mga mata. Ilang saglit pa ay lalong nagging makapal ang buhok nito at naging hugis gunting rin na kasing laki niya. Tumatawa si Sanya sa harapan ni Senya at agad na pinakawalan ang hugis gunting niyang buhok.
Panay naman ang ilag ni Senya at gupit nang gupit sa bawat buhok na lumalapit sa kaniya. Animo'y isang mandirigma si Senya na kailangang iwasan ang bawat hagupit at tabas ng matutulis na buhok ni Sanya.
"Talagang ginagalit mo ako, Senya!"
Lalo pang pinahaba at pinakapal ni Sanya ang kaniyang itim na buhok. Kung kanina ay hugis gunting ito, ngayon naman ay hugis itak na ito. Hindi naman nagpatalo si Senya dahil madali niyang napalitan ang hawak niyang hugis gunting na usok. Naging isa naman itong bolo na sakto lamang upang ipanlaban sa itak ng kaniyang kapatid.
Habang nakikipagtagisan ng lakas at kapangyarihan si Senya, bumulong siya sa hangin upang sabihan si Akihiro.
Samantala...
Sa basement naman ay panay ang hanap nila Akihiro , Purple, at Nora sa itim na aklat upang masunog na nila ito at makalabas na sila ng bahay nang may marinig silang pareho na isang tinig.
"Akihiro! Bilisan ninyo! Malapit na akong maubusan nang lakas at kapangyarihan. Aaminin kong mas malakas ang aking kapatid dahil taglay niya ang kapangyarihang itim na nagmula sa itim na aklat. Ngunit, batid ko ring hindi kailanman nagtatagumpay ang kasamaan laban sa kabutihan. Kaya nais kong gawin ninyo nang mabilisan ang paghahanap nang sa gayon ay makalabas na kayo at tuluyan nang maglaho ang aking kapatid. Umaasa ako, Akihiro."
Nagkatinginang pareho ang tatlong magkaibigan at muling ibinalik ang isipan sa paghahanap sa itim na aklat.