Kabanata 3
Kunot noo si Lacey nang nakatanggap siya ng text message mula sa sekretarya ni Mayor. Nasa labas siya ng ospital dahil hinihintay niya ang mga kaibigan. Nakatayo siya sa may gilid ng entrance, palinga-linga. Dadaan daw ang mga iyon at magdadala ng pagkain para sa kanilang pamilya. Naibalita niya sa mga iyon na naospital ang mama niya at walang-wala sila. Hindi naman siya humihingi ng tulong o kung ano pero nasabi niya dahil gusto niyang makaluwag ang dala-dala niya sa dibdib.
Si Tina ay Tina sa umaga at Tino sa gabi. Ang katropa niya ay tatlong beki at siya lamang ang babae sa grupo pero masaya siya sa mga iyon dahil hindi siya binubully. Mula kasi Kindergarten, hindi niya alam kung bakit lagi siyang inaaway ng kapwa niya babae kaya madalas ay lalaki ang kaibigan niya o di kaya ay solo na lamang siya.
Nang tumuntong siya ng hayskul ay ang tatlo nina Tina, Valerie at Lovely ang nakapalagayan niya ng loob.
Sec Mayor: Miss Dimagiba, gud pm. Gusto kang makausap ni Mayor ngayon na.
Napangiti siya. Baka allowance na niya ang dumating dahil hindi pa niya nakuha nang huling pila niya.
“Gurl,” kaway sa kanya ni Valerie kaya ngumiti kaagad siya sa mga kaibigan.
“Pupunta ako sa office ni Mayor. Ayan na siguro ang allowance ko,” nagmamadali niyang sabi sa mga ito na nalusaw agad ang mga ngiti.
“Ngi,” ani Lovely, “iiwan mo kami rito?”
“Hindi. Isasama ko kayo at ililibre niyo ako ng pasahe dahil wala akong pera,” aniya sa tatlong bakla.
Nagkatinginan ang mga ito pero wala namang magagawa.
“Eh paano itong dala namin kay Tita Naci?” tanong naman ni Tina sa kanya.
Tiningnan niya ang mga bitbit nitong prutas. Nakakita siya ng kaunting ubas, ilang mansanas at ilang ponkan. She smiled at her friends. Tulad niya ay mga mahihirap lang din ito pero sa tuwing nagkakasakit ang kahit na sino sa miyembro ng pamilya niya ay parating nag-aambagan ang tatlo para may maiabot sa kanila.
Naci ang tawag ng mga ito sa Mama niya dahil napakamakaluma naman daw ng Ignacia at napakapangit pa. Ang tawag naman ng mga ito sa Papa niya ay Johnny. Mabuti na nga lang daw siya ay hindi pinamahahan ng mabantot na pangalan ng mga magulang niya. Napakaganda raw ng pangalan niya at napa-sexy…Lacey.
“Bitbitin na lang muna natin ‘yan kasi baka lumayas si Mayor, mahirap na,” sagot niya na sinang-ayunan naman ng mga ito.
Mabilis silang naglakad papalabas sa parking ng ospital para makasakay na.
Isang pampasaherong jeep ang pumara sa harapan nila.
“O isa pa kasya,” anang kunduktor kaya naman nagnamadali siyang sumakay pero halos hilahin ni Valerie ang pantalon niyang suot.
“Jusko naman, sisteraka. Don’t tell us na pasasabitin mo kami?”
“sabit na,” mabilis na sagot niya kaya tilian naman ang mga bakla bilang protesta pero wala rin naman nagawa ang mga ito.
Nagkagulo ang mga ito at kanya kanyang iling na may kasamang padyak-padyak.
Her circle of friends spoil her. Siya ang prinsesa ng mga ito bukod pa sa mas bata talaga siya sa mga itong di hamak.
Sumakay ang tatlo pero halos mapatili dahil sa pagkakasabit sa punong-puno na jeepney kaya naman tawa nang tawa si Lacey.
Pati pagpaalam niya sa mga magulang ay hindi na rin niya nagawa. Kung talagang bibigyan naman siya ng allowance sa araw na iyon ay mabilis lang siya sigurado at makakauwi rin siya. Naroon naman ang Papa niya para magbantay, yun nga lang ay medyo parang may pagkatanga at kulang sa kaalaman ang ama niya. Madalas na akala ng iba ay nagbibiro pa pero wala na talagang alam.
…
Tawa nang tawa ang dalaga nang makarating sila sa opisina ni mayor. Daig pa ng tatlo niyang mga kaibigan ang nagahasa. Bihis babae pa naman ang mga ito pero napilitan na sumabit sa jeep.
Nayakap niya ang braso ni Lovely at isinandal niya ang pisngi roon.
“Sorry na. Nagmamadali kasi ako kaya kailangan ko ng makasakay. Baka mag-alas cinco na ay umalis na ang butihing mayor,” aniya sa mga ito pero umismid ang tatlo.
“Butihing mayor ba ika mo? Susko, tsismis na tsismis si mayor sa lugar namin dahil sa caravan. Nandun ang anak, juske, napakaisnabera. Nasagi raw ni mudrakels ng siko, halos malaglag na raw ang mata sa sobrang pag-irap,” kwento ni Valerie sa kanya.
“Alam naman nating lahat na marami siyang issues,” sambot ni Tina.
“Wait muna natin maka graduate si bebekels natin bago natin i-wish na hindi na manalo si butihing mayor,” akbay naman sa kanya ni Lovely kaya ngumiti siya.
Alam din naman niya ang bali-balita tungkol sa mayor. Kahit nga siya ay hirap na hirap sa totoo lang sa pagkuha ng allowance niya. Sana kasi ay ipinaganak na lamang siyang kasing edad ng mga kaibigan niya, sana graduate na siya. Si Tina kasi at si Valerie ay bente na, si Lovely naman ay bente uno.
“Diyos mio, ang tagal ko pang mamamasura bago maka-graduate. Minsan nga iniisip ko na sumama na lang kaya ako sa mga hostes samin,” aniya pero halos matapilok siya nang batukan siya ni Lovely.
“Sira kang gaga ka. Subukan mo at kaming tatlo ang sabay-sabay na mananabunot sa'yo. Ewan ko lang kung hindi tumino ang utak mo kapag natanggal na ang bao ng ulo mo. Humanap ka na lang ng afam dahil yun ang uso ngayon,” anito sa kanya kaya natatawa niyang inayos ang sarili.
Inakbayan siya nito ulit.
“Ako merong ka-chat ang kaso naman pawala-wala ang internet connection dahil nakikipiso net lang ako. Eh buong baranggay na siguro ang nagpipisonet dun,” ani Valerie kaya nagkatawanan sila.
“Ako naman puro scammer ang nakukuha,” maktol ni Tina kaya nagtawanan sila ulit, “Dapat nga ako ang mang-scam kasi ako ang hikahos sa buhay, ako pa gustong biktimahin.”
Diretso sila sa opisina ni Mayor dela Cerna at ang sekretarya na si Abby ang naabutan niya sa may labas ng pinto. Ang babae ang nagtext kay Lacey na pumunta siya roon.
“Good afternoon, ate Abby!” bati niya sa babae na kanina pa nakatingin sa kanya, pagpasok pa lang nila.
Alanganin ang ngiti nito sa kanya kaya halos malusaw din ang ngiti niya sa mukha. Bakit parang may mali?
“Pwede ka ng pumasok, Lacey,” anang babae sa kanya, “Hinihintay ka ni Mayor.”
Tumango na lamang siya at saka dumiretso sa pintuan. Nilingon pa niya saglit ang mga kaibigan bago siya nag-warning knock at pinihit ang door knob.
Una niyang ipinasok ang ulo at nakita niya ang mayor na nakaupo sa trono, humihithit ng tabako.
“G-Good afternoon po, Mayor.”
Nangunot ang noo ng lalaki, “Sino ka nga ulit?”
“Lacey Dimagiba ho, Mayor.”
The mayor beckoned his hand, showing her the chair. Pumasok siya at nakamasid sa kanya ang lalaki.
“Dancer kita?” naningkit ang mga mata nito at tumango naman siya bilang sagot.
“Pinatatawag niyo raw ho ako, mayor?”
Nagkibit balikat ito at sumandal sa upuan, kampante.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, Miss Dimagiba pero hindi kasing tatag ng apelyido mo ang scholarship na nakuha mo rito,” anito kaya napaangat ang mga kilay ni Lacey.
Kulang ang salitang kinabahan siya sa sinabi ng alkalde pero ibinuka pa rin niya ang bibig para magtanong.
“A-Ano hong ibig niyong sabihin, M-Mayor?” kandautal ang dalaga sa pagtatanong at pakiramdam niya ay mag-uunahan na ang mga luha niya sa pagpatak.
“Matalino ka dahil scholar ka. Alam mo na siguro ang sinasabi ko.”
Napaawang ang labi niya.
“Daddy wants to simply say that you’re no longer counted as one ot his scholars, boba,” anang boses sa may lukuran.
Agad siyang napalingon at nangunot ang noo pagkakita sa kung sino ang nagsalita. Hindi pwede. Ang babaeng nakatayo roon, magkakrys ang mga braso sa dibdib ay ang babaeng nabangga niya nang papunta sila ng Mama niya sa ospital, na ang sabi ay mamatay na lamang siya.
And the woman called the mayor Daddy. Mag-ama ang mga ito? Kailan pa? Hindi maman ito ang nakikita niya sa kampanya at mga caravan tuwing sumasayaw siya.
Agad niyang ibinaling ang mga mata sa lalaki at binalewala ang sinabi ng anak nito.
“M-Mayor?” naluluha niyang tanong.
“You heard my daughter right. She already said it direct to the point. Hindi ka na scholar at malinaw na wala ka ng matatanggap na allowance mula ngayon. Ibibigay sa ibang aplikante ang slot mo dahil di hamak na mas nakakaangat ang grades niya sa'yo. I’m sorry, Miss Dimagiba but you’re also not one of my dancers anymore.”
“See. Nobody wants to mess with me.”
Titig na titig si Lacey sa mukha ng lalaki at wala man lang siyang makitang awa sa mga mata nito para sa kanya. Tila ba wala itong pakialam na parang nagtanggal lang ng aso sa listahan. Buong buhay niya ay scholarship lamang siya umaasa. Bakit naman pati na ang bagay na iyon na nagpapalakas sa loob niya ay mawawala pa sa kanya, at mukha pa siyang tanga dahil di hamak daw may mas nakakaangat na sa kanya.
She dis her best to maintain her grades. Wala siya ni isa man na bumaba, lahat ay maintained niya at umaangat pa. Halos ubos na ang utak niya sa pagsusumikap na mag-aral tapos biglang mawawalan siya ng pinanghahawakan, di pa man lang natatapos ang unang semester ng pag-aaral niya.
Diyos ko…
“Leave this place now. Nobody wants you inside this office, rubbish.”
Lumaglag ang balikat ni Lacey, sabay ng paglaglag ng mga luha niya. Nakayuko siyang tumalikod sa mayor at hindi na inintindi pa ang sinabi o pang-iinsulto ng babaeng nasa likuran niya kanina, na ngayon ay nasa harap na niya.
Alam niyang may mali sa nangyari pero anong magagawa niya? Wala siyang kapangyarihan at lalong wala siya sa posisyon na lumaban. Paano niya kakalabanin ang isang Mayor dela Cerna? Alam niyang may kinalaman ang nangyari sa kanila ng anak nun para magdesisyon iyon nang bias, pabor sa anak. Hindi man iyon ang gusto niyang isipin, ano pa ba ang dapat? She graduated high school as valedictorian but what now?
Hinang-hina niyang hinila ang pinto at lumabas doon na walang imik.
Tumingin siya sa mga kaibigan niya at sabay sabay na nagbago ang ekspresyon ng mga mukha nito, saka mabilis siyang nilapitan nang bigla siyang humikbi.
“Jusko. Napaano ka?” natatarantang tanong ni Lovely at saka siya niyakap kaagad.
Ang dalawa pa niyang mga kaibigan ay himas-himas din siya sa braso at sa ulo.
Nakita niyang nakatingin sa kanya ang sekretarya at may awa sa mga mata nun para sa kanya.
“Pasensya ka na, Lacey. Sekretarya lang ako at wala naman akong magawa,” aniyon na parang may ibig sabihin pero tumango na lang siya.
Ngumiti siya pero hindi niya mapigil na huwag mapahikbi. Tinanguan na lamang niya ang mga kaibigan.
Saan na niya kukunin ang natitirang trenta porsyento ngayon na tuition sa pag-aaral sa private school na pinapasukan niya. Talino lang ang ginagamit niya para makapagtapos ng pag-aaral kaya siya nasa isang pribadong paaralan. Sana pala ay hindi na lang niya doon ipinagpatuloy ang pag-aaral niya. Parehas sila ng isa sa mga kaibigan niya pero iyon naman ay paaral ng isang pari kaya walang problema.
“Anyare ba?” nag-aalalang tanong ni Valerie nang makalayo sila sa opisina.
Walang tigil ang mga ito sa kakaalo sa kanya at kakausisa.
“Minolestya ka ba sa loob?” ani Tina.
“Hindi ka ba binigyan ng allowance?” anaman ni Lovely.
Nakalabas sila ng hall at lalo siyang napaiyak dahil huling apak na niya iyon sa lugar na iyon, dala papauwi ay luha.
Napalugmok siya at saka siya napahagulhol.
“Dios mio, Lace!” Bulalas ni Lovely nang umiyak siya habang nakasubsob ang noo sa mga tuhod niya.
“Wala na akong scholarship. Hindi ko na matatapos ang pag-aaral ko ngayong taon. Sayang ang isang taon ko. Feeling ko ay hinahabol ko ang panahon para mapabilis ang pag-graduate ko para ako na ang bubuhay kina mama at papa pero ganito pa ang nangyari. Hindi ko maintindihan. May ipapalit daw sa slot ko tapos nalaman ko na yung babaeng nabundol ko nang iha5id ko si Mama sa ospital ay anak pala niya,” hagulhol niya, “lilipat ako ng eskwelahan.”
Puno ng determinasyon na sabi niya kaya lang alam niyang mahihirapan pa rin siya. Ang ekslusibong paaralan na iyon ang pinasukan niya dahil iyon ang napili niyang pasukan, at dahil may offer talaga iyon na scholarship nang grumaduate sila noong grade ten.
“Tumayo ka na diyan. Hayaan mo na ang lintik na mayor na ‘yan. Sinasabi na nga ba ng lahat ng maldita ang anak niyan. Baka sinulsulan yung King Kong niyang ama na palayasin ka. Halika na. Makakatapos ka. Di bale ng delayed basta makatapos,” ani Tina at pilit siyang itinayo kaya nagkusa na rin siya.
Ginuhitan ng hinanakit ang puso niyang nasasaktan. Wala naman siyang ginagawang masama. Hindi naman dapat siyang personalin ng alkalde. Buong kinabukasan niya ang masasakripisyo kung totoong sinulsulan yun ng anak na tanggalan siya ng scholarship. Pinaghirapan niya ang pagpasok doon pero wala siyang magagawa. Kung anak ang humiling sa ama na isang kunsintidor, hindi siya mananalo.
“Grabe namang napakawalang puso ng mga yun. Sa talino ni Laceu, tatanggalan ng scholarship eh hindi naman galing sa bulsa niya ang allowance. Ang kapal naman ng mukha,” maktol ni Lovely habang akay siya.
Pahid lang siya nang pahid ng mga luha niya. Masasaktan ang mga magulang niya kapag malaman qng nangyari sa kanya. Lalong madaragdagan ang problema ng Papa niya. Sisisihin na naman nun ang sarili dahil iyon ang naging ama niya. Papagmumukhain na naman nun na inutil ang sarili dahil hindi maibigay ang pangangailangan niya kahit na nag-iisa siyang anak. Bagay iyon na hindi niya gusto. Kahit na mahirap sila ay wala siyang pinagsisisihan na iyon ang naging Papa niya.
Oo, naiinggit siya sa mga ipinanganak na mayayaman dahil mahirap siya kaya lang ay lang iyon ang kapalaran niya, maging anak ng mag-asawang mahirap at kahit naman kailan ay hindi niya ipagpapalit ang mga magulang niya para sa ibang magulang. Determinado siyang makapagtapos at yumaman din, lalo na ngayon para hindi sila naaapi nang basta basta lang.
“Makakarma rin sila,” aniya na lang saka marahas na pinahid ang mga luha, na kahit na sumisigok siya ay matigas ang maganda niyang mukha at hindi siya patatalo.
Mag-aaral siya.
“Halika na, kumain ka na muna bago tayo pumunta sa ospital. Hayun, may turo-turo,” ani Lovely saka siya hinila ng tatlo papunta sa kabilang kalsada.
Tulala siya at hindi niya matanggap ang nangyari sa kanya. Umaasa siya sa allowance na iyon para makabayad ng tuition pero wala siyang napala at wala na siyang mapapala kahit na kailan.