P R O LO G U E
P R O L O G U E
Mabilis ang pagpedal ni Lacey ng pedicab na kanyang sinasakyan, at agad siyang pumreno nang makarating sa gate ng Valle Park and subdivision. Iyon ang pinakasikat sa kasalukuyan na tirahan ng mga mayayamang artista, negosyante at kung anu-ano pa. Naroon siya para mangulekta ng basurang mapagkakakitaan pa.
“Ang magandang basurera, nandito na!” bulalas ng isa sa mga gwardiya na si Mang Dante.
Sumaludo kaagad doon ang dalaga at kahit na hihingal-hingal siya ay nakaplaster sa mukha niya ang isang napakagandang ngiti. Kagagaling lang niya sa pagpila sa mayor’s office para sa shcolarship allowance, at pagkatapos naman ay diretso siya sa eskwelahan para kumuha ng permit sa exam sa susunod na araw. Sa kasamaang palad ay promissory note ulit ang kinuha niya dahil wala pa ang allowance niya.
Daig pa niya ang lagari pero sanay na siya. Batak na ang katawan niya sa trabaho at hindi na nga tinatablan ng sipon at ubo.
Tumaas ang barikada sa entrance ng subdivision at saka siya pumidal ulit nang walang kasimbilis.
Lintik!
Papalubog na ang araw kaya siya nagmamadali. Ang ama niya ay naroon na at nagsasalansan ng mga nakuha kanina sa pangungulekta ng kalakal sa ibang lugar.
“Salamat po!” nakalingon na sigaw niya sa dalawang gwardiya.
“Ang mata sa kalsada. Lintik na bata ka, baka ka mabangga!” kakamot kamot sa ulo na sigaw ni Dante sa kanya.
Siya mabangga? Hindi ah!
Blaaaag!
Anak ng pusang gala!
Nanlaki ang mga mata ni Lacey sa pagbiglang kisapmata ay nakabangga na nga siya.
“Damn it!”
“Aaaaaay!” tili ni Lacey nang dumiretso ang pedicab niya papunta halos sa isang bakanteng lote dahil tinabig siya ng isang lalaking halos nabangga na nga niya, nang bigla siyang lumiko sa kalsada.
“Papa ko! Papa ko!” aniya habang nakatigil na sa pagpedal pero tuloy tuloy pa rin ang sinasakyan niya hanggang sa bumaliktad iyon sa may gilid ng kalsada.
“Diyos ko!” bulalas niya nang maipit ang binti niya ng parte ng bisikleta.
Nakapikit siya at nakangiwi.
“s**t!” mura ulit ng isang lalaki pero wala siyang pakialam.
Salat niya ang nasaktan niyang balakang.
“You’re driving too fast, lady!” bulyaw sa kanya ng lalaki kaya napamulagat siya at tumingin dito.
“Ikaw ang—!” kusa niyang isinara ang bibig nang makita ang lalaking aawayin niya sana.
Parang bula na naglaho ang sakit na nararamdaman niya at napalitan iyon ng sakit ng mukha dahil sa kahihiyan.
The man is standing tall in front of her, so gorgeous in his jogging pants and white sando. Pawis ito at wala sa iisang direksyon ang mga nakatayong buhok pero lalo lamang iyong nakadagdag sa kagwapuhan nitong taglay. Mukha itong nagja-jogging.
She gulped. Di hamak na milyong beses ang kagwapuhan nito sa personal kaysa sa mga magazines at TV.
Salubong ang makakapal nitong kilay at nakaawang ang mapupula at manipis na labi. His lips were pursed in an irritated manner. Hindi maitatago ng mga mata nitong napapalibutan ng mga makakapal na pilikmata ang iritasyon sa kanya pero wala siyang pakialam.
Nagugwapuhan siya sa lalaki.
“Sinong nagpapasok sa'yo?” galit na tanong nito kaya napalunok siya.
Gustong kapain ng dalaga ang loob ng bibig niya kung naroon pa ba ang dila niya o baka naman nalulon na niya.
“Ahhh...” hindi siya makaapuhap ng sagot.
Kahit na ang pagkurap ay tila nakalimutan na niya dahil sa kagwapuhan na nakikita niya, nagmamayabang sa harap niya. Nakalimutan niya na nakabukaka siya sa harap nito at napakaikli ng suot niyang maong na short.
Bigla itong pumameywang habang nakatitig sa kabuuan niya.
“Get the f**k out of my subdivision,” turo nito sa kung saan, malamang sa gate ng subdibisyon, “Makakapatay ka ng tao sa bilis ng pedal mo.”
Umiling si Lacey.
Pilit niyang inapuhap ang lintik na dila niyang nawawala.
“S-Sorry…sorry po, mister, sir, Valle. Nagmamadali ho kasi ako dahil uuwi pa ako. Kukuha lang po ako ng kalakal dahil ano po hindi—”
She knows this man from head to toe.
“Whatever,” anitong pinalis ang kamay sa ere matapos siyang mataman na pakamasdan, “Once you’re done leave this place immediately.”
Tumango siya kahit na nakatalikod na ito at sa pwet na siya nito nakatulala.
“Trash,” he whispered underneath his breathe.
Nakagat na lang ni Lacey ang lahi at hinabol ng tingin ang lalaking mayaman, na matagal na nyang nakikita sa telebisyon.
Basura raw siya.
Hindi.
Basurera siya hindi basura. Ang pogi nga, ang sungit naman.
…
KANDAHABA na naman ang leeg ni Lacey nang makita ang pinakamatayog na building na iyon sa buong metropolis, na pag-aari ng mga Valle, ang pinakamayaman ngayon sa buong Pilipinas. Maraming building ang naturang pamilya at lahat ng mga iyon ay tinitingala niya, lalo na ang mga billboards ng kaisa-isang anak ng mag-asawang Valle, na si Haze. Kung gaano iyon katatayog ay ganoon naman halos ang ikinahahaba ng leeg niya. Hangang hanga siya sa mga buildings na iyon na letter H din mismo ang mga korte, kumikinang ang berdeng mga salamin sa sikat ng araw lalo sa katanghaliang tapat.
She looked at the billboard and gulped. Si Haze Valle na naman, ang aroganteng bilyonaryo na halos nabangga niya kahapon.
Doon sila nabubuhay, sa pangungulekta ng mga basura ng mga mayayamang nasa subdivision. Salamat dahil sa kabila ng hirap nila ay pinagkatiwalaan sila nina Donya Smile at Don Joseph na mangulekta roon. Hindi naman binigo ng ama niya ang tiwala ng mayayamang naroon. Kahit na mahirap sila ay tapat sila at hindi malilikot ang kamay, iyon lang mahangin ang ama niya, na akala mo naman ay may ibubuga. May ibinubuga nga, puro hininga. Isang beses pa nga ay may nakapuslit na mga akyat bahay sa subdivision. Ang ama pa niya ang nagreport sa mga gwardiya. Hindi niya alam paano iyon nangyari pero kulang na lang ay patayuan ng rebulto sa Luneta ang ama niya ng mga oras na iyon sa pagiging bayani. Inabutan sila nina Mr. Pascual ng tatlong libong piso, na ipinagamot naman noon sa kanya dahil nagkaroon siya ng ubo, lagnat at sipon.
“Sosososyo tayo anak sa tinitingala mong ‘yan. Yayaman tayo,” biglang sabi ng Papa ni Lacey habang angkas siya sa pedicab.
Matapos niyang ikukwento ang nangyari ay hindi na siya nito pinayagan na mag-isa sa pangunguha ng mga scrap.
Dala dala nila ang mga nakulektang basura at ipakikilo nila para magkapera. Doon siya kumukuha ng pang-matrikula. Ngayon ay desi syete anyos na siya at nasa senior high school na, malapit ng grumaduate.
Mabuti na lamang, sa kabila ng buhay nila ay hindi sila naisip na ipakilo ng tatay niya.
“Papa bakit naman sosososyo ka pa kung pwede ka naman magsarili na lang? Mas maganda yun kasi wala kang ibang pakikisamahan,” ani Lacey sa ama na walang tigil sa pagpedal sa bisikleta.
“Kung sabagay, tama ka. Ang talino mo talaga anak. Nakakainis lang at hindi tayo mayaman, hindi kita mapag-aral ng gusto mong kurso. Ano nga bang gusto mo, anak?”
“Aeronautics, papa.”
“Ano yun?”
“Piloto.”
“Ano?!”
Naramdaman ng dalaga ang laway ng ama niya na sumama sa hangin, “Papa talsik mo lumalaway.”
Hinilamusan niya ang mukha gamit ang kamay pero hindi siya nito pinansin. Tuloy lang ito sa pagdaldal.
“Kebabae mong tao magpipiloto ka? Baka naman ikaw ang pilotohin ng mga lalaki dun. Ayoko yun para sa'yo anak. Baka kaya hindi tayo tumatama sa lotto dahil taliwas pala ang pangarap mo.”
Napasimangot si Lacey, “Papa naman, pati ba naman pangarap ko ikukunekta mo sa lotto? Wala naman yun kinalaman dun,” simangot niya.
“Aba natural. Ang ganda ganda mong bata tapos magsusuot ka ng ganun panlalaki? Dapat sa iyo iyong mga panseyksi. Dapat sa iyo, sa mga ganyan katatayog na building nababagay, hindi dun sa himpapawid. Mamaya mag-kras pa ang eroplano e di paano na kami ng nanay mo? Alam mo naman na menopos na yun. Buti ako magkakaanak pa kahit bente, e yun wala ng sinabi ang matris nun kasi wala na yung matris.”
Tumawa siya nang malakas. Matanda na nga ang mga magulang niya at sa kakahintay ng anak ay sinangahan na ang matris ng ina niya. Nasa 37 na iyon nang ipanganak siya at nagkaroon ng sakit kaya inalis ang matris.
“Ang sabihin mo papa, hindi ka tumatama sa lotto dahil madalas wala kang pantaya,” ingos naman niya. Hindi niya matanggap na siya pa ang sinisisi nito pati na ang kursong gusto niya.
“Tatama rin tayo, itaga mo yan anak sa matris ng nanay mong nauna ng inilibing.”
Tumawa ulit siya. Sana nga para makaahon na sila sa hirap. Hindi naman masasabing doon sila umaasa pero yun ang katotohanan sa buhay nila. Mahirap sila, isang kahig minsan walang tuka. Wala namang natapos ang mga magulang niya dahil galing din sa mahirap na pamilya. Umiikot lang iyon sa sirkulasyon pero babaguhin niya iyon kaya siya nag-aaral at nagsusumikap na makapagtapos. Isa siyang scholar ni Mayor at dancer ni Mayor sa mga caravan. Sapat na sa kanya na makatulong sa mga magulang niya kahit kabawasan sa tuition fee. Napakalaking bagay na nun para sa katulad nilang walang stable na income araw-araw.
“Ang laki na anak ng tamaan sa lotto, pinakamalaking jackpot na sa history ng Pilipinas.”
Tumango siya, “Oo papa.”
Dalawang bilyon na ang tamaan sa lotto at lalaki pa kapag hindi napanalunan. Kahit na ang putal ay sobra pa sa pagtatapos niya ng pag-aaral. Buhay na siguro sila sa putal pa lang na 180 million. Sana nga ay ipagkaloob ng Diyos sa ama niya ang swerte. Sana ay nasa guhit ng palad ng ama niya ang maging bilyonaryo para naman makaahon na sila sa hirap. Maganda naman ang pangarap ng ama niya. Sila na pinakamalalapit sa mismong imbakan ng basura ay balak ng ama niya na patayuan ng mga sariling bahay para raw makaalis na roon. Kung sana lang ay matupad ang pangarap nito, may mga mahihirap din silang matutulungan dahil alam niya kung paano ang pakiramdam ng isang buhay mahirap.
"Tataya ako sa lotto pagkapakilo natin ng basura, anak." anang ama sa kanya at um-oo naman siya.
"Paano papa kapag mahaba ang pila? Si Mama may lagnat. Baka matagalan tayo."
“Kapag mahaba ang pila, ikaw na muna ang umuwi at ako na lang ang pipila. Ikaw na ang gumamit ng service nating Shedeng. Maglalakad na lang ako.”
Jusmio naman na buhay ito!
“Hindi ba natin pwedeng hatiin ang shedeng mo papa? Sa'yo ang likod, akin ang harap.”
Humalakhak si Juanito sa sinabi ng anak at kahit siya ay natawa rin.
“Ikaw talaga. Sayang ang shedeng natin, sisirain mo. Ito lang ang kayamanan natin. Ito ang ipamamana namin sa iyo ng Mama mo pero kapag tumama ako sa pader, este sa lotto, ikaw na si senyorita Lacey Dimagiba at ako na si Don Juanito Dimagiba. Ang nanay mo naman ay si Donya Ignacia hindi pa rin magiba.”
Ang lakas ng tawanan nilang mag-ama dahil sa mga kalokohan nito. Nabuhay na silang ganoon na kahit mahirap ay masaya ang buhay basta magkakasama sila. Kahit madalas umiiyak sila sa kawalan ng pera at parang araw-araw na dinadagukan ng langit, tumatawa pa rin sila.
Totoo nga ang kanilang apelyido, hindi nagigiba at kahit na kailan ay hindi magigiba.