Napapahikab habang papunta sa aking klase ngayong araw. Wala pa akong tulog dahil sa sandamakmak sa trabaho sa opisina. Buti na lamang ay pinuntahan ako nina Kuya Tyler at Yuan para tulungan na matapos ang mga iyon. Pare-pareho tuloy kaming tatlo na mga walang tulog.
Pagdating ko sa classroom ay napakusot ako ng mga mata. Nakita ko lamang naman sina Citron at Cielo na kasama si Aidan. Mukhang sa kakulangan ko sa tulog ay nagkakaroon na ako ng hallucination.
“Naomi, good morning!” Masayang bati sa akin ni Cielo.
Nag-aalangan akong lapitan sila dahil sa kasama nila si Aidan. Pareho silang napatingin kay Aidan at saka napangisi. “Huwag kang mag-alala, Naomi. Hindi siya nangangagat.” Natatawang sabi ni Citron na ikinasimangot ni Aidan.
Inakbayan nila si Aidan na pilit naman na inaalis ng lalaki. “Mukhang kilala mo na siya.” Sambit ni Cielo. “Si Aidan nga pala ay isa sa aming magkakaibigan. Iba ang trip niya dahil mahilig siya mapag-isa o matulog kung saan kaya malimit na hindi siya sumasama sa amin.”
“Oh.” Tanging nasambit ko at isang pilit na ngiti ang binigay kay Aidan na ginantihan niya naman ng matalim na tingin.
Tumawa si Cielo. “Chill lang tol. Sa susunod na combat training mo na lang ilabas iyan.”
“Naomi, hindi mo nasabi sa amin na magaling ka pala makipaglaban.” Manghang sabi ni Cielo sa akin. “Sino ba ang nagturo sa iyo? Sa kanya na rin ako magpapaturo dahil baka sakaling matalo ko si Aidan sa combat.”
“As if you can beat me.” Maangas na sambit naman ni Aidan kay Cielo.
Natahimik ako nang maalala si lolo. Siya lang naman ang nagturo sa aking na makipaglaban. Hindi ko alam kung bakit kailangan ituro sa akin iyon ni lolo pero lagi niya sinasabi na kailangan kong matuto para magawa ko iligtas ang aking sarili sa oras na wala siya.
“Ang namayapa kong lolo ang nagturo sa akin.” Sagot ko at pilit na nginitian sila.
Natigilan ang mga lalaki. Napailing na lang ako ng ulo ay nagsimula ng mag-stretching. PE ang una naming klase ngayon at takbuhan ang gagawin namin activity sa napakahabang oval sa loob ng akademya.
Lumapit ang aming guro at nakangising tinignan ang lahat. “Okay class. Magiging boring ang activity na ito kung walang thrill, di ba?” Natatawang sambit niya na ikinahiyaw sa saya ng aking mga kaklase.
“Mukhang may ideya na ako sa gagawin natin today.” Masayang sambit ni Cielo at tumalon talon sa ere. “Yeah baby, oras na para magpakitang gilas!”
Tinuro ng aming guro ang dulo ng oval. “Your goal is only to reach the finish line.”
Napakunot ang noo ko. Hindi ko maitindihan kung bakit nasisiyahan ang lahat sa simpleng rule na iyo. Ganoon naman talaga ang takbuhan, kailangan mong marating ang finish line.
“Siyempre ang pinaka-huling makakarating sa finish line ay ang makakatanggap ng punishment.” Dagdag niya na lalo ikinasaya ng aking mga kaklase.
Pina-linya kaming lahat sa start line. Hindi ko maiwasang mapalunok . May kutob ako na may mangyayari rito na hindi ko inaasahan. Ito na ba ang sagot kung anong klaseng akademya ang Enchantasia?
Pumito ang aming guro bilang senyales na maaari na kami magsimula. Tila natuod ako sa aking kinatatayuan sa mga kakaibang nasasaksihan. May isa akong kaklase na mala-Flash sa bilis na tumakbo pero napatigil siya nang magyelo ang mga paa niya. Tapos ang may gawa ng yelo ay nag-slide na tila nag-i-ice skating sa gitna ng tirik ng araw. Nadulas naman iyon dahil tinunaw ng apoy ni Aidan ang kanyang mga yelo. Si Cielo naman nang una ay payapang lumilipad sa ere pero napatigil rin siya nang ma-stuck sa mga baging na nanggagaling kay Citron.
Iba’t ibang mga kakayahan ang nakita ko na ipinamalas ng bawat kong kaklase. Kinusot ko ang aking mga mata dahil baka nananiginip ako. Kulang ako sa tulog kaya marahil ganoon ang nangyari.
“Miss Veneficia.” Tawag sa akin ng aming guro. “Nagsisimula na ang lahat. Ikaw na lang ang nandiyan sa starting line.”
Kinagat ko ang aking labi saka nagsimula na ring tumakbo patungo ng finish line. Iiniwasan ko na makabangga ang mga naglalaban kong kaklase. Ngunit malapit na dapat ako sa finish line nang magyelo ang aking mga paa. Anumang subok ang gawin ko para pakawalan ko ang mga paa ko ay hindi ko magawa. Unti unti na nakakalampas ang mga kaklase ko sa finish line samantala ako ay hindi na makaalis sa aking kinaroroonan.
“Wah!” Tili ko sa yamot nang makalampas na lahat ang aking mga kaklase.
“Shoot! Si Naomi ang makakatanggap ng punishment.” Natatawang sambit ni Cielo.
Unti unti lumapit ang aming guro sa aking gawi. “Dahil ikaw lamang ang hindi nakatapos ng activity, ikaw ang tatanggap ng punishment.” Sambit niya habang nagliliwanag ang kanyang mga kamay.
“Kokak.”
“Kokak.”
*******
Isang araw akong magiging palaka bilang punishment sa activity kanina. Hindi pa nga nag-si-sink-in sa akin ang mga kakaibang ginawa nila? Ano tawag doon sa ginawa nila? Magic, powers or incantation? Anong klase bang akademya ang Enchantasia?
Una pa lang ay alam ko na may kakaiba rito pero hindi ganito ang aking inaasahan. Ma-te-take ko pa yata na nagbebenta sila ng mga laman loob mula sa mga estudyante dahil mas realistic pa iyon.
Bigla ko naalala ang sinabi ni mama bago ako umalis. Kung anuman ang matuklasan ko, nilihim nila iyon para sa kabutihan ko. Ito ba ang lihim na tinutukoy niya? Idagdag pa ang aking mga pinsan, wala man lang sa kanila nag-inform sa akin tungkol sa Enchantasia. Feeling ko tuloy pinagkaisahan ako ng lahat. Lalo ko lang napatunayan na hindi ako karapat dapat na mamahala ng akademya. Tama si Jija, wala akong alam tungkol sa akademya.
“Naomi, narinig namin ang nangyari sa klase mo kanina.” Nag-aalangang paglapit sa akin ni Kuya Tyler habang nag-iisa ako sa isang sulok. Pagtingin ko ay kasama niya sina Yuan at Jija. Kita ko sa mukha ni Jija na tila nasisiyahan sa aking anyo ngayon.
Binibigyan ko sila ng masamang tingin para iwanan ako pero dahil sa nasa anyo akong palaka ay tila hindi nila napapansin iyon. “Siguro ito na ang oras para sabihin sa iyo ang lahat tungkol sa Enchantasia.” Seryosong sambit naman ni Yuan at tinuturo na may mga estudyanteng parating.
Naramdaman ko na binuhat nila ako at dinala sa aking opisina. “Mas mabuti na rito namin ipaliwanag sa iyo ang lahat. Dito paniguradong walang makakarinig sa atin.”
“Makinig kang mabuti sa sasabihin namin, Naomi.” Seryosong sabi ni Kuya Tyler. “Dahil ang lahat ng malalaman mo ay ikakabago ng takbo ng iyong buhay.”
Hindi ko mapigilang mapalunok sa kase-seryosohan ng kanilang mga tono. Para ayokong malaman kung anuman ang Enchantasia, pero sa kabilang banda ay karapatan ko malaman ang lahat.
“Ang akademya ay itinayo ni lolo para sa tulad nating mga hindi ordinaryong tao.” Panimula ni Yuan. “Ang akademya ay itinayo para sa tulad nating magic user.”
Tinuro ko ang sarili ko. Sinasabi ba nila na katulad nila ako na isang magic user? Imposible naman yata iyon. Wala akong kakaibang kakayahan katulad ng kanilang mga tinataglay.
“Oo, Naomi. Hindi ka rin ordinaryong tao. Pati ang mama mo.”
Pati si mama? Isa siyang magic user?
Ito ba ang dahilan kaya ilang pilit akong pinapalipat ni lolo sa akademya niya. Dahil sa hindi akong ordinaryong tao? Hindi ako nababagay sa mundo ng mga tao kundi sa lugar na ito?
“Ang hindi lang namin malaman kung bakit ngayon ay hindi pa lumalabas ang iyong kakayahan.” Nagtatakang sabi ni Yuan. “Magiging madali sana ipaliwanag sa iyo nang simula pa lang kung ikaw mismo ang makapansin ng kakaiba sa iyo.”
“Such a loser.” Dismayadong komento ni Jija habang nakatingin sa akin.
Mula sa sinasabi nila mukhang nasa akin pala ang problema. Sa aming pamilya, ako lang ang kakaiba dahil wala akong tinataglay na mahika. Hindi ko na alam ang dapat isipin.
Pagkatapos nang aming pag-uusap ay hinayaan nila ako mapag-isa sa loob ng aking opisina. Hindi ko alam kung gaano ako katagal nagkulong sa loob nito dahil ang alam ko lang ay bumalik na ako sa anyong tao. Napatingin ako sa sandamakmak na naming papeles na nakapatong sa aking mesa ngunit wala ako sa wisyo para tapusin ang mga iyon.
“Is this real? This can’t be real.” Pag-de-deny ko sa katotohanan. “Magic? Mga patawa ba sila?”
“Prank lang siguro nila ito.”
Pag-angat ko ng tingin ay napansin ko ang painting na nakapinta sa isang pader ng aking opisina. Nakapinta doon ang buong mapa ng Enchantasia at napaka-ganda ng pagkagawa nito. Ilang araw na rin ako namalagi rito at ngayon ko lamang ito nakita.
Kumislap ang puting bato sa gitna ng mapa kaya kinusot kusot ko ang aking mga mata. Hanggang sa maisipan kong lapitan ang buong painting.
“Ang opisina ko ay itong nasa pinaka-gitna.” Sambit ko at hindi sinasadya madaplisan ng kaunti ng aking daliri ang puting bato na naroroon. Laking gulat ko nang lumiwanag ito at biglaang nahati sa gitna ang buong painting.
Nanlalaki ang mga mata ko nang bumungad ang isang pinto sa gitna ng nahating painting. “Secret room?” Gulat na gulat kong sambit. “May tinatagong ganitong kwarto si lolo sa kanyang opisina? Alam kaya nina Kuya Tyler ang tungkol sa secret room na ito?”
Natatakot man ay pumasok ako sa pintuang iyon. Napalundag ako sa takot nang masara ito nang makapasok ako at biglaang nag-ilawan ang daan. Napalunok ako pero lakas loob na nilakbay ang daan na iyon. Hanggang sa bumungad sa akin ang isang bolang ilaw na nakalutang lamang sa ere.
“Huh? Ano ito?”
“Iyan ang nagsisilbing proteksyon sa buong Enchantasia laban sa mga dark magician.” Napalundag ako sa gulat ng may sumagot sa aking katanungan. Ngunit ang boses na iyon ay kilalang kilala ko.
Agad ko hinanap ang pinagmulan ng boses na iyon at halos maiyak ako sa tuwa ng makilala siya. “Lolo!” Sigaw ko at agad na tumakbo sa kanya para yakapin. Ngunit tumagos lamang ako sa pigura niya.
“M-M-Multo…”
Napatawa siya sa naging pagbabago ng reaksyon ko. “Naomi, apo ko.” Malungkot niyang sambit saka tinuro ang bolang ilaw sa ere. “Nakikita mo ko dahil ang buhay pa ang bolang ilaw na iyan na parte ng aking mahikang liwanag.”
“Pero hindi na rin ito magtatagal.”
Napasinghap ako sa kanyang sinasabi. Malalagay sa peligro ang buong Enchantasia sa oras na mawala ang bolang ilaw na ito. “May paraan ba para mapigilang mawala ang bolang ilaw na iyan?”
Iniling iling ni lolo ang kanyang ulo. Senyales na walang paraan para pigilan na maglaho ang bolang ilaw.
“Walang paraan pero maaaring palitan ito ng bagong magtataglay ng mahikang liwanag.” Paliwanag ni lolo. “Pero tayong mga magic user, iisa lamang ang maaaring magtaglay ng isang mahika. Kaya maaaring naipanganak na o ipapanganak pa lang ang panibagong magtataglay nito.”