NINE

2180 Words
“Hola! Buenos dias!” Malakas at maarteng bati ng lalaking nasa gilid ko na siyang nagpairap sa akin. “Miss mo naman agad ang kagandahan ko. Kahapon lang tayo nagkita! Ang clingy naman!” dugtong na sabi pa niya pero mas mahina na sa puntong ito. Ipinagkrus ko ang aking binti bago nakasulipat ang mga matang tiningnan ang maarteng bakla na lumapit sa akin. “Ang feeling mo, Jerico! Kung alam mo lang… sawang-sawa na nga ako sa mukha mo!” Mabini siyang tumawa na akala mo ay talagang kagalang-galang. “Ang clingy mo naman, beks!” Sinamaan ko siya ng tingin. “Ang daldal mo! Akin na nga ‘yang menu. Isumbong kita sa manager mo e—ay ‘wag na lang pala!” Agad ko ring binawi ang sinabi nang maalala na siya ang manager dito. “Isumbong na lang kita sa may-ari nitong restaurant. Sabihin ko nang-ookray ka ng customer.” Agad naman siyang sumimangot. “Ang pangit mo namang ka-bonding! Heto na nga!” Pinilit niyang hindi magdabog nang iniabot sa akin ang isang style booklet na menu ng kanilang restaurant. Para tuloy akong nagbabasa ng ilang pages na magazine, pero in fairness kahit menu nila ay ang elegante at mukhang mamahalin. I am currently at Comido Delicioso, one of the most expensive and well-known restaurants here in Metro. It offers Spanish and Filipino cuisines that is basically my cup of tea. Sa katunayan ay hindi lang dito sa Pilipinas ito kilala, pati na rin sa iba’t ibang panig ng mundo. Kung hindi ako nagkakamali ay ang restaurant na ito ang pinakamaraming branches sa mundo. Kaya ko naman alam ang mga bagay na ito ay dahil kay Jerico. Nagkataon na rito siya nagtatrabaho bilang manager at parati niya ring ibinibida ang restaurant nila. Kaya rin nandito ako ay dahil napagdesisyonan namin ni Chrismel na rito magkita. Kauuwi lang nila noong isang araw galing sa Japan at dapat kahapon ay magkikita kami kaso nasa Cavite ako dahil birthday ni Isaac kaya ang sabi ko ay ngayon na lang. Pagkatapos naman ng celebration kahapon ay umuwi na rin kami ni Jerico. Medyo late na nga lang kami nakaalis dahil ayaw pumayag ng kapatid ko na umalis ako. Ang sabi ko na lang ay magbabakasyon ako ng isang buong linggo para makabawi. Saka lang siya tumigil sa pag-iyak noong sinabi ko iyon. Minsan nga ay gusto ko na lang siyang isama rito sa Maynila para kahit paano ay magkasama kami kaya lang ay umaalis din kasi ako sa bahay, hindi rin naman siya puwedeng isama sa shop dahil baka siya ang mapagdiskitahang bilhin ng mga customer ko. Ang guwapo pa naman ng kapatid ko. “Ikakasal na ang pinsan mo, tapos ikaw nganga pa rin!” maya-maya ay mahinang sabi ni Jerico na ngayon ay nakangiti sa akin. Kung titingnan ng ibang nandito sa restaurant ay mukha lang siyang kumukuha ng order ko pero ang totoo ay kanina pa akong inookray ng baklang ‘to. “Okay lang. Pareho naman tayong walang love life! ‘Wag mo akong inaano r’yan!” mahina rin na sagot ko. Umasim ang kanyang mukha kaya napatawa ako pero agad na ngumiti ulit nang pilit para hindi magtaka ang ibang staff kung bakit mukhang makikipagbardagulan na ang manager nila rito sa table ko. “At least ako, hindi gumagastos sa pang-motor ng mga nagiging jowa! Hindi nauubos ang pera ko sa Jordan shoes ng isang buong varsity team ng basketball!” dugtong na sabi ko pa at halos panlakihan niya ako ng mata. Tinaasan ko lang siya ng kilay habang prenteng sumisimsim sa tsaa na nauna nang i-serve kanina. Akala niya wala akong pang-rebat, ha?! “Shut up, bruha! Mag-order ka na nga lang diyan!” Pasimple niya akong inirapan. Siguro kung kaming dalawa lang dito ay kanina pa niya akong nakutusan. Mahina na lang akong napatawa. Kaya siguro magkaibigan kaming dalawa ay dahil pareho kaming malakas mang-asar tapos pareho ring mabilis mapikon. “Tatahimik ka rin pala, e…” I tasted victory when he snorted at me. “Okay, uhm… Paella Valenciana, Croquetas de Jamón, Spanish chickpea stew…” Natatawang itinuro ko na lang ang mga order-in ko dahil baka dumating na rin si Chrismel. Eksakto rin dahil mag-lunch na. Inilista naman niya ang mga sinabi ko. “Feeling ko ang special ko naman. Manager pa talaga ang kumukuha ng orders ko…” Panunudyo ko pa at nakuha niya akong samaan ng tingin kahit na abala siya sa paglilista. “Shut up. Sabunutan kita r’yan, e!” mataray na aniya pero agad ding nagbago ang tono ng boses. “Okay, I will repeat your—” “Saglit, hindi pa tapos.” Humalakhak ako nang humaba ang nguso niya. Feeling cute! “Sana in-order mo na lahat, ‘no?!” Umismid siya sa akin. Ang lakas ng loob dahil walang nakakakita sa kanya dahil nakatalikod siya sa mga ito. Iilan na lang din naman ang customer nila dahil umalis na iyong mga nauna kanina. “Bulalo soup din saka—” Bago ko pa matapos ang sasabihin ay inunahan na niya ako. “Fried chicken. Oo nakalista na!” Kinindatan ko siya at natatawang pumalakpak. “Ang galing mo talaga! Buti na lang kahit paano may silbi ka!” Kapag kasi nag-o-order kami ay hindi mawawala ang fried chicken. Inaasar na nga niya ako na baka magkaroon na ako ng pakpak dahil wala akong kasawaan doon. Bakit ba? Ang sarap kaya ng manok! “Sampalin kita r’yan, e! Alis na nga ako!” Pasimple pa niya akong inambahan bago tumalikod at kumekembot na naglakad palayo sa table ko. Natatawang napailing na lang ako. Ang sarap talaga asarin ng isang ‘yon! Habang naghihintay sa pagkain pati na rin kay Chrismel ay binuksan ko na lang ang laptop na dala ko rin kanina. Ipakikita ko kasi sa pinsan ko ang mga sample design ng bulaklak. May portfolio rin naman ako na dala at kung sakali na walang mapili roon ay ipakikita ko na lang ang ibang set ng mga bulaklak. Ilang minuto pa ay halos mapatalon ako sa kinauupuan ko nang may biglang dumaluhong ng yakap sa akin. “Couz!” Kung hindi pa nagsalita ang babaeng yumakap ay hindi ko pa makikilala. “Gosh! You startled me!” Natatawa at kahit paano ay nakahinga rin ako ng maluwag nang malamang si Chrismel iyon. Niyakap ko rin siya pabalik bago umupo sa upuan na nasa tapat ko. “Ang blooming mo…” bati ko sa kanya. Nakasuot siya ng puting sleeveless na bestida habang nakataas ang buhok niya. May kalahating taon din yata kaming hindi nagkita ng babaeng ‘to. “Thanks, couz!” She winked at me. “I missed you. Damn! You look so great!” Namumungay ang mga mata na nangalumbaba siya sa harapan ko. “Ang galing ko talaga pumili ng maid of honor. You will surely be the most beautiful bride honor in the whole world!” malakas na ani pa niya. Tinapik ko ang mesa para patahimikin ang isang ‘to. “Hoy, mahiya ka! Hindi natin nabili ang restaurant na ‘to!” Nahihiyang luminga-linga ako sa paligid at nakitang napapatingin sa amin ang iba. Iniisip siguro nila kung sino ang magandang eskandalosang babae na ‘to! Humagikhik naman siya bago umayos ng upo. “Pero legit, na-miss kita!” Tuwang-tuwang hinawakan niya ang kamay ko. Napatawa na lang ako. “I miss you and congratulations once again.” Titili na sana siyang muli nang samaan ko siya ng tingin kaya pigil na pigil ang sarili na kunwari ay tinakpan niya ang bibig. “I still can’t believe it, couz! Magiging misis na ako sa kulang na isang buwan!” Nakangiting tumango ako sa kanya. I will always be happy and proud of her. “Siya nga pala, hindi nakasama si Henry ngayon dahil makikipagkita siya sa best friend niya. Ang sabi ko nga ay isama na lang niya rito kaso naalala ko na baka mahiya ka nga pala. Hindi ka nga pala sanay na humarap sa adan!” nanunuksong saad niya. Ang kaninang ngiti sa aking labi ay napalitan ng simangot na nagpatawa sa kanya. Puwedeng-puwede na magsama silang dalawa ni Jerico dahil pareho silang gustong-gusto na inaasar ako at ang sarap din nilang pagbuhulin pareho. “Geez! I am not scared… I am not just comfortable.” “Tsk! Ganoon na rin ‘yon! Paano ka magkakaroon ng love life kung ganyan!” Napakamot ako sa aking kilay. “Bakit ba love life ko ang pinag-uusapan natin? Tingnan mo na lang kaya ‘to para makauwi na ako…” “Grabe naman! Kararating ko lang tapos uuwi ka na agad!” Nakangusong binuklat niya ang portfolio na ibinigay ko. “Kung hindi love life ko ang pag-uusapan natin, baka magbago ang isip ko at manatili pa rito!” sarkastikong sabi ko na ikinahagikhik niya. “I’m just kidding, couz! Pero thankful ako na tutulungan mo ako sa paghahanda. Medyo kukulangin kasi kami sa oras.” Literal kasi na isang buwan lang ang preparasyon nila. Nagmamadali ang dalawang ‘to pero sa bagay, worth it naman na lahat kapag narinig nila ang I do’s ng bawat isa. “Mabilis naman kumilos ang magiging asawa mo. May venue na kayo, ‘di ba? Saka settled na ‘yong sa foods n’yo.” Nabanggit niya kasi noong nakaraang tumawag siya na ayos na ang mga ‘yon. Saka hindi rin naman ako ang mismong mag-aayos ng venue, may mga hinire sila na gagawa at ako lang ang magpaplano ng magiging ayos at siyempre tutulong na rin. Ang pinaka-ambag ko ay ako ang gagawa ng bridal bouquet. Ngayon pa lang ay na-excite na ako. “Mabuti na lang maraming connections ang magiging asawa ko!” kinikilig na aniya. She looks so in love. Well, she deserves that. Nagpatuloy kami sa pag-uusap. Beach wedding ang theme ng kasal nila. White and ocean blue naman ang motif. “Sabihan mo na lang ako kung kailan ka free ngayong week para masukatan ka, okay? Kahit papuntahin ko na lang sa shop mo para hindi ka na maabala.” Napangiti ako at tumango. “That would be a big help, Chris. Marami rin kasing order ngayong week. Kahit sa Wednesday na lang kung okay lang?” Kanina ay dumaan lang ako saglit sa shop para magbilin kay Hestia. After lunch naman ay siguro nandoon na ako para bago siya umalis ay makapag-endorse siya sa akin kung may mga panibagong orders. Nagbabalak na rin ako na kumuha ng kahit isa pa na puwede naming kasama ni Hestia. Iyong kayang mag-full time. Magpapatulong na lang ako kay Jerico kung sakaling may kakilala siya. “Sure! Hindi naman kailangang magkakasama ang nasa entourage list kapag susukatan.” Muli siyang humagikhik. Happiness looks so good on her. Excited ako para sa espesyal na araw niya. “How about your wedding gown? Samahan kita para pumili.” “Oo nga pala! Muntik ko nang makalimutan!” Napapitik siya sa hangin bago iniabot sa akin ang isa ring portfolio na dala niya kanina. “May binigay na sa aking wedding catalog and lookbook. Help me choose, couz.” Nagpatuloy lang kami sa pagpaplano at kahit kumakain na ay nag-uusap pa rin kami tungkol doon. Saglit lang na dumaan si Jerico rito sa table namin para kumustahin si Chrismel at bumalik nang muli roon sa pag-supervise sa mga staff niya. Kasalukuyan kaming kumakain nang tumunog ang telepono niya. “Hello, babe… Yes, we are still here. Tapos na kayo?” Base pa lang sa naririnig ay siguradong si Henry ang kausap niya. Kinuha ko na lang din ang cellphone nang makitang may message doon si Tita Mommy. Nag-send pala ng picture na yakap ni Isaac ‘yong binili kong regalo para sa kanya. “Pupunta ka pa rito? Isasama mo si Seb? Hoy, hindi ready pinsan ko!” Tumatawa si Chrismel at noong tingnan ko siya ay nakatingin siya sa akin. “Okay, sige. Ingat kayo. I love you so much.” Iyon lang at ibinaba niya na ang tawag. Tumaas ang kilay ko nang magtagal ang tingin niya sa akin. “Susunod daw sina Henry, kung okay lang?” Napanguso ako. “Do I have a choice?” Napatawa siya sa sinabi ko. “Kasama niya si Seb.” Nangunot naman ang noo ko. “Sino ‘yon?” Kita ko ang panlalaki ng kanyang mga mata katulad noong reaksyon ni Jerico. “Hindi mo kilala ‘yon?! Taga-bundok ka ba?!” Napaismid ako. “Hindi mo ba alam, sa gitna ako ng Taal nakatira?” sarkastikong sagot ko na nagpasimangot sa kanya. “Seb is Henry’s best friend. Ipakikilala na rin kita dahil siya ‘yong best man sa kasal namin. You two should meet! Ah excited na ako! Feeling ko matutupad na ang pangarap ko na maging cupid!” excited na turan niya na kulang na lang ay kumislap ang mata sa saya. Napailing na lang ako at itinuloy ang pagkain… pero sa kaloob-looban ko ay hindi ko alam kung bakit nag-umpisa akong kabahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD