ONE
Maingat na ipinarada ko ang aking sasakyan sa tapat ng isang maliit na shop. Pagkatapos kunin ang bag na nakapatong sa passenger’s seat ay mabilis akong umibis palabas ng sasakyan. Isa itong Toyota Vios na nakuha ko ng second hand.
“House of Love,” mahinang usal ko habang nakatingin sa karatula na nakapangalan sa ibabaw ng shop.
Agad na gumuhit ang matamis na ngiti sa aking mga labi habang pinagmamasdan ang kabubuan nito. Isa itong flower shop na pagmamay-ari ko. Mula sa naging ipon ko sa iba’t-ibang mga part-time job na pinasukan ko habang nag-aaral pa ako ay nakapagpatayo ako ng isang maliit ngunit malinis na shop. Ang kalahati sa ginastos noon ay hiniram ko pa sa aking ama. May dalawang taon na rin simula noong maipatayo ito at kahit paano naman ay nakahakot na ako ng ilang mga loyal customer sa mga nagdaang taon.
Simula noong nakatapos ako ng kolehiyo ay hindi na ako nakapaghanap pa ng trabaho dahil nagpasya akong mag-focus sa negosyong ito. Kahit hindi ganoon kalakihan ang kita ay masaya naman ako sa ginagawa ko. Sapat na para tustusan ang aking sarili.
Isinunod ang pangalan ko sa isang bulaklak—Hyacinth. Hyacinth is the flower of the sun god Apollo and it symbolizes peace, commitment, and beauty. It also implies power and pride. I love flowers and I don’t know if it has something to do with my name. Siguro sadyang ganoon lang. Minsan kahit na gaano pa kapagod ang buo kong maghapon, mawawala na lang iyon bigla kapag nakita ko ang iba’t-ibang kulay ng mga bulaklak. Sapat na iyon para pawiin ang anumang nararamdaman ko.
Pagpasok ko sa loob ay agad akong sinalubong ng halimuyak ng mga bulaklak sa loob. Maayos din ang pagkakasalansan nito. Mula sa counter ay lumabas ang isang babae. Agad ako nitong napansin.
“Magandang umaga po, Ate Hyacinth,” magiliw na bati niya sa akin.
Ikinakaway niya ang kanang kamay na may hawak pa na basahan.
Nakangiting lumapit ako sa kaniya. “Magandang umaga rin, Hestia. Kanina ka pa?” bati ko pabalik sa kaniya.
Si Hestia ay isang first year college student. Nagtatrabaho siya rito sa akin bilang part-timer. Nag-aaral siya sa isang malapit na unibersidad hindi kalayuan sa kinatatayuan ng flower shop. Hindi naman kalakihan itong shop kaya hindi rin kailangan ng maraming tauhan. Kung sakali ay hindi ko rin kayang magbayad ng karagdagang labor. Hindi rin naman kasi ganoon kabigat ang trabaho kaya kahit kaming dalawa lang ay makakaya naman namin.
“Opo, ate. Kaso baka po after lunch mag-out po ako. Kailangan ko po kasing mag-review dahil may exam kami sa first subject,” wika pa niya.
Naiintindihan ko ang sitwasyon niya kaya agad din naman akong pumayag. Tuwing alas-otso ng umaga nagbubukas ang shop at ganoong oras din siya pumapasok hanggang ika-tatlo ng hapon. Pang-gabi rin kasi ang pasok niya kaya kahit paano ay sakto sa schedule niya ang pasok dito sa shop at sa school niya.
“Sige lang, Hestia. Galingan mo mamaya.” I just give her some words of encouragement. Masipag din kasi magtrabaho at mag-aral ang isang ito.
Kapapatong ko pa lang ng bag sa ibabaw ng counter nang tumunog ang aking cellphone. Agad na nag-flash sa screen ang numero ng aking tatay.
“Hello, anak?” bungad niya mula sa kabilang linya.
“Papa, good morning po. Nandito na po ako sa shop.” Bago pa siya magtanong ay nasagot ko na ito. Alam ko kasi na iyon agad ang itatanong niya sa akin.
Umugong ang malakas na halakhak ng aking ama sa kabilang linya. Napangiti na lang ako dahil tila musika iyon sa aking tainga.
“Tumawag lang ako para ipaalala sa ‘yo na h’wag masyadong magpagod. Pag-uwi mo mamaya sa bahay ay tumawag ka man lang sa akin,” wika pa niya.
Tumango-tango ako kahit na hindi naman niya nakikita.
“Opo, papa. Alam ko po ‘yon. Kapag wala naman po masyadong customer ay hindi nakakapagod. Saka kararating ko pa lang ay parang gusto ninyo nang umuwi agad ako.” Napanguso ako ngunit napapangiti rin.
“Nag-aalala lang ako sa ‘yo dahil malayo ka. Hindi ka namin masyadong naaalagaan ng Tita Mommy mo.” Bumuntong-hininga siya at bakas sa boses ang pag-aalala.
Sanay na rin ako sa mga paalala niya. Halos isang taon na rin simula noong bumukod ako sa kanila. Nasa tamang edad na rin naman ako kaya pinayagan nila ako.
“H’wag mo ring kalimutan ang birthday ng kapatid mo sa Sunday. Hihintayin ka no’n kaya hindi ka pwedeng mag-absent.”
Napapitik ako sa ere. Ang totoo niyan ay nakalimutan ko na iyon. Huwebes na ngayon ay wala pa akong nabibiling regalo sa bunso kong kapatid na si Isaac.
“Don’t worry, papa. Pupunta po ako. Close naman ang shop noong araw na ‘yon.”
I am silently apologizing to my younger brother for I almost forgot his birthday. Mabuti na lang at tumawag si papa. Mamaya bago ako umuwi ay bibili na rin pala ako ng regalo para sa kaniya. I wouldn’t forgive myself just in case I missed that important event.
“I miss you already, my big baby. Alagaan mo ang sarili mo r’yan.” Napalitan ng malambing boses ng isang babae ang nagsalita mula sa kabilang linya.
Agad akong napangiti dahil doon.
“I miss you too, Tita Mommy. See you all on Sunday. I love you, three!” I sweetly said before I cut the line.
Pagkatapos din ng halos dalawang linggo ay makakauwi ako sa bahay. Alam ko na miss na nila ako at ganoon din ako sa kanila. Noong nakaraan kasi ay dumagsa ang orders ng bulaklak dahil nagkaroon nang sunud-sunod na event ang mga kakilala ko. Masyado akong naging abala noon kaya hindi ako nakadalaw sa kanila.
Mula noong bumukod ako ay halos linggo-linggo naman akong umuuwi sa kanila. Sadya lang na napapaliban kung maraming ginagawa. Naiwan sa bahay si papa, ang nag-iisa kong kapatid na si Isaac na maglilimang taon sa Linggo, at si Tita Mommy—ang ikalawang asawa ng aking ama.