Pagkatapos naming kumain ng almusal kanina at makapagpahinga ng halos kalahati ring oras ay gumayak na rin pauwi si Jerico. May pasok pala mamaya ang bruha pero ang lakas ng loob magyaya kagabi.
Samantalang ako ay pinalipas ko muna saglit ang sakit ng ulo. Medyo epektibo naman ‘yong lemon tea na pinainom sa akin ni Jerico kaya kahit paano ay nagawa kong makapasok pa rin ngayon sa shop. Iyon nga lang ay late na ako. Dalampung minuto na ang nakalilipas matapos ang alas onse ng umaga nang makarating ako. Sinabihan ko naman si Hestia na ma-li-late kaya siya na muna ang bahala rito sa flower shop. Gamay naman na niya ang mga kailangan dito dahil mahigit isang taon na siyang nagtatrabaho sa akin.
“Hello, Ate Hyacinth. Sana maganda ang gising mo kaninang umaga!” Pagpasok ko pa lang sa pinto ng flower shop ay iyon na agad ang binungad sa akin ni Hestia.
Kasalukuyan siyang nag-spray ng tubig sa mga bulaklak nang dumating ako. Akmang ititigil niya iyon para salubungin ako at kunin ang bag nang umiling na ako sa kanya para iparating na hindi na kailangan.
“Good morning, Hestia. Ikaw ang mukhang maganda ang gising ngayon.” Nakangiti rin na bati ko sa kanya pabalik bago dumiretso sa table ko na siyang nagsisilbi na ring information desk kung mayroong customer na mag-inquire tungkol sa mga bulaklak at gustong mag-order.
Hindi naman gaanong kalakihan at hindi rin naman maliit ang espasyo nitong lugar. Katamtaman lang ang laki nito at kaya pa namang i-cater ang lahat ng mga bulaklak. May ikalawang palapag din itong nabili kong puwesto at sa itaas ay nandoon ang iba pang mga bulaklak na medyo sensitibo at kung sakaling may mga mga customer na naghahanap ay may maipakikita ako sa kanilang ibang klase.
Sa gitna ay nakapalibot at magkakasama roon ang iba’t ibang mga bulaklak. Mayroon na ring style naka-bouquet para kung mayroong bibili na nagmamadali ay makakapili agad sila. Sa mga estante naman na nasa gilid ay iyong mga bulaklak na nakalagay sa vase na puwedeng pang-disenyo sa bahay, sa opisina, o kahit na saang establisyemento. Mayroon din kaming isang mahabang upuan na puwede ang tatlo hanggang apat, at dalawang single couches na kung saan puwedeng umupo ang mga naghihintay na customer.
Sa halos dalawang taon kong pagnenegosyo nito ay mayroon na rin naman akong naipon pero hindi ko pa pinplano na lumipat sa mas malaki o kaya ay i-renovate ito. Ang plano ko ay magtayo ng isa pang branch kung papalarin na magpatuloy ang paglago nito. Nakakatuwa kasi na mayroon pa ring mga tao ang tumatangkilik sa mga lumang paraan ng panliligaw kung saan magbibigay ng mga bulaklak sa mga minamahal nila. Magpapatulong ako kay Jerico sa paghahanap ng magandang lugar o kaya ay ‘yong malapit sa pamilya ko.
“Eh kasi naman po, ate…” Tuluyan niyang ibinaba ang hawak na sprayer at pagkatapos ay masiglang lumapit sa counter. Pumangalumbaba siya roon at nagsimulang magbalita.
“Hindi po ba maaga akong nag-out kahapon dahil may exam ako?” ani pa niya.
Tumango naman ako habang kinukuha iyong log book ng mga order para ngayon at sa mga susunod pang araw.
“Oo nga pala. Kumusta ang exam mo? Makakalibre ba ako ng lunch ngayon?” biro ko sa kanya.
Napatawa naman siya bago mabilis na tumango. “‘Yong nga ang ikukuwento ko sa ‘yo, ate. I got a perfect score at exempted na ako sa susunod na exam.”
Wow! That’s great!
Pumalakpak naman ako at nakangiting binati siya. “Congratulations, Hestia! Ipagpatuloy mo lang ‘yan…”
Kahit na may trabaho siya rito ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang pag-aaral. Kaya naman hindi ako nangiming tulungan siya noong lumapit sa akin. Nakakatuwa lang na kahit nakararanas na siyang humawak at kumita ng pera ay hindi siya tinamad sa pag-aaral. Ang iba kasi ay nag-fo-focus na sa pagtatrabaho at hindi na lang ipinagpapatuloy ang pag-aaral pero hindi ko rin naman sila masisisi dahil nga naman sa hirap ng buhay, kailangang gumawa ng paraan.
“Ano po ang gusto mong lunch, ate. Libre ko!” Kinindatan pa niya ako na animo ay desidido talaga na manlibre.
“Talaga ba? Ready ba ‘yang laman ng wallet mo?” Pabirong tinaasan ko siya ng kilay at kita ko ang paglunok niya ng laway pero nagawa rin niyang tumango. Sa isip-isip ko ay natatawa na ako.
“Oo naman, ate. Sagot ko na ang lunch nating dalawa ngayon!” She even did an ‘aja’ gesture that I often see in the Korean dramas that she is watching.
“Gusto ko sana ng…”
Sumandal ako sa swivel chair na inuupuan ko at inilagay ang hintuturo sa baba na animo ay nag-iisip. Naghihintay siya sa sasabihin ko at pinipigilan ko lang ang pagtawa dahil mukha siyang kinakabahan.
“Uhm… I want T-bone steak and grilled salmon. Tapos kahit avocado shake na lang for refreshment. May alam ako na malapit na restaurant na puwedeng bilhan.”
Bumagsak ang panga niya at halos maisubsob ang mukha sa counter. “Grabe naman, ate! Akala ko naman sa Mang Inasal lang o kaya Jollibee tayo o-order!” Maya-maya ay napasimangot siya.
“Hingi muna ako advance p*****t sa ‘yo para mailibre kita…” She even pouted like a kid and I can’t help but to burst in laughter. Pero kalaunan ay napahinto rin dahil biglang kumirot ang ulo ko. Damn, alcohol!
“Biro lang naman, Hestia…” Natatawang bawi ko sa sinabi kanina. “Mag-order ka na ng gusto mo para sa lunch. Ako na ang bahala. Treat ko dahil ginalingan mo sa exam.”
Agad na nagliwanag ang kanyang mukha. “Talaga, Ate Hyacinth?”
Nangingising tumango ako bago ibinaling ang atensyon sa laptop na nasa aking harapan. Nagsimula akong magtipa para i-log ang mga order na tapos na.
“Kinabahan pa naman ako. Mamumulubi na sana ako!” sabi pa niya bago muling bumalik sa ginagawa kanina bago ako dumating.
Natatawang napailing na lang ako. Ang saya talaga pag-tip-an ng isang ‘yon.
“Siya nga pala, ate… kinuha na po ni Mrs. Salvador ang mga order niya kanina.”
Napatango ako. Nakita ko nga rin dito sa listahan na mayroon nang check ang mga order niya na naka-schedule ngayon. Si Mrs. Salvador ay isa sa mga dati na naming customer. Kada buwan ay mayroon siyang binibili rito sa shop. Noong nakaraang dalawang linggo nga ay nag-order siya ng sampung preserved flowers na nakalagay sa glass dome. Ang sabi niya ay ibibigay niya na pangregalo sa mga amiga niya.
Hindi lang naman kasi puro naka-bouquet o kaya nasa vase na mga bulaklak ang available dito sa shop. Mayroon nga rin kami noong mga preserved flowers na tamang-tama na pang-gift. Isa iyon sa mabebenta naming produkto. Medyo matagal nga lang gagawin kaya dapat two or three weeks bago nila kailanganin ay nakapag-order na sila para maaasikaso na namin ni Hestia.
“Sige, salamat. Pagkatapos mo r’yan, mag-order ka na. Malapit na rin mag-lunch.”
Sumagot naman siya ng oo habang ako naman ay ipinagpatuloy ang ginagawa. Patapos na ang buwan kaya sinisimulan ko na ang pag-inventory. Kailangan kong tingnan kung ano ‘yong mga mabenta ngayong buwan, ‘yong mauubos na at mga wala nang stock. Madalas ay sa Benguet at Quezon nagmumula ang mga bulaklak na dinadala rito sa shop kada isang linggo. Hindi naman kasi araw-araw nauubos ang bulaklak kaya hindi puwedeng araw-araw rin ang pag-deliver. O kaya kung sakaling maubusan ng stock sa mas maagang oras ay tumatawag na lang ako sa kanila para magawan nila ng paraan at makapag-deliver nang mas maaga.
Abala ako sa paglilista ng mga kailangang bilhin para sa susunod na buwan nang tumunog ang aking cellphone tanda nang may tumatawag. Mabilis ko namang sinagot iyon nang makita kung sino.
“Hello, couz! Oh my gosh!”
Halos mailayo ko ang cellphone sa aking tainga dahil pagkasagot ko pa lang ng tawag ay umalingangaw na agad ang matinis na boses na nagmumula sa kabilang linya. Nangungunot na napabaling nga rin ang ulo ni Hestia papunta sa akin. Hindi pa naka-loudspeaker ang phone pero narinig niya. Ganoon kalakas ang boses nitong bruhang tumawag.
“Ang sakit sa tainga, Chris…” Natatawa na napapailing na ibinalik ko ang cellphone sa aking tainga.
Humagikhik ang aking kausap. “Sorry naman, couz. Na-excite kasi ako sa ibabalita ko sa ‘yo!”
“Hindi naman halata sa boses mo.” Pabiro akong umirap kahit na hindi naman nakikita.
“Ikaw talaga!”
“Oh, ano nga?” I-sin-ave ko na muna ang ginagawa bago pinagtuunan ng pansin ang tumatawag. “Nasaan ka ngayon? Nasa Japan ka pa rin ba?”
Si Chrismel San Diego ang tumatawag. She is my cousin from my mother’s side. Noong huling kausap ko sa kanya ay nasa bakasyon siya kasama ang long-term boyfriend niya sa Japan.
“Yes, I’m still here!” She screamed once again.
Geez! Hindi nga halatang masaya siya, pero bago yata matapos ang usapan namin ay hindi na nakaririnig ang kaliwa kong tainga.
“Oh, napatawag ka? ‘Wag mo sabihing ikakasal ka na?” biro ko pero biglang natahimik ang kausap ko sa kabilang linya at maya-maya ay muling tumili kaya halos mapatalon ako sa kinauupuan ko. At base pa lang doon ay tama na ang hinuha ko kahit binibiro ko lang siya.
“Oh my god! Yes, cousin! Finally! Henry just proposed to me last night and I am still on cloud nine that’s why I didn’t tell you right away. Ikaw pa lang ang nasabihan ko!”
Napaawang ang aking labi at kalaunan ay napatampal sa mesa. Ramdam ko ang pag-iinit ng sulok ng aking mga mata.
“Oh geez! Congratulations, Chrismel! I am happy for you!” Masaya ako para sa kanya. Sa sobrang saya ay naiiyak ako sa tuwa.
She deserves all the happiness and love she has right now. Galing kasi siya sa isang broken family. Bata pa lang kami nang maghiwalay si tito na kapatid ng mama ko, at ang asawa niya. Chrismel is a year older than me. Siya lang naman ang pinsan kong babae tapos puro lalaki na ang mga pinsan namin kaya close kaming dalawa.
“Ang saya ko, cous! Hindi mabubulok ang matres ko!”
Naiiyak ako pero bigla akong natawa sa sinabi niya. Baliw talaga ang isang ito.
Marahang pinunasan ko ang aking mata. “Masaya ko para sa ‘yo! When is the wedding?”
“Next month na agad dahil hindi na makapaghintay ang fiancé ko!” Humagikhik siya kaya naman napatawa na rin ako. “At ikaw ang maid of honor ko! Hindi ka puwedeng tumanggi dahil pangako mo ‘yan sa akin. Kaya nga ikaw rin ang una kong sinabihan!”
Nakangiting tumango ako kahit na hindi naman niya nakikita. We promised that we will be each other’s maid of honor when the time came that we will be married. Sa akin ay malabo pa ang bagay na iyon pero sa kanya ay may liwanag na natatanaw. Siya lang naman kasi ang may boyfriend sa aming dalawa.
Dalawang beses ko pa lang nakikita si Henry pero sa mga araw na iyon ay kita ko naman ang pagmamahal niya sa pinsan ko. He is kind and genuine so I am sure that my cousin is in good hands. Apat na taon na rin silang dalawa kaya kahit mag-bente singko pa lang si Chrismel ay siguro puwede na silang magpakasal. Pareho namang stable ang kita ng dalawa. Ang alam ko ay may-ari ng isang kompanya si Henry.
“Ako na ang bahala sa mga bulaklak sa kasal mo, Chris.” Kahit sa susunod na buwan pa lang ay na-excite na ako. Nag-iisip na ako kung ano ang magandang theme para sa kasal niya.
“Just update me of the exact date of your wedding. Let’s plan it well. Congratulations again. Regards to Henry. Mag-iingat kayo pag-uwi.”
Ilan pang pag-uusap ay pinutol na rin namin ang tawag. Damn! I’m excited!