AIREEN’S POV
PAPALABAS na kami ng hotel ni Maria nang may tumawag sa akin. Nakangiting mukha ni Nolan ang nakita ko.
“Hey! What are you doing here?” Tumingin si Nolan sa dala kong maleta. “Did you two stay here? For how long?”
Nanghinayang si Nolan sa narinig. Nagtatrabaho pala siya dito ngayon bilang manager nitong hotel na tinuluyan namin. Kako, hindi ko naman alam na dito siya nagtatrabaho. Kung alam lang daw niya, ‘di sana, napuntahan niya raw kami.
Hinatid niya kami ni Maria sa labas. Hinintay niyang makaalis ang sinasakyan naming taxi bago siya pumasok.
Hindi ko alam na ang naghihintay sa akin sa airport na nilapagan namin sa San Jose, si Ayden. Kasama niya si Demi— ang kapatid ng aking asawa.
“How are you? Parang pumayat ka,” pansin ni Demi sa akin.
“Yeah. May problema ba?” Kinuha sa akin ni Ayden si Maria habang ang gamit ko ay ang kasama nila na driver naman ang kumuha.
“Wala naman. Masyado lang late nakakatulog lately dahil kakalaro namin ni Maria sa gabi.”
“Wow. Super kulit na rin pala ng pamangkin naming ito,” natutuwang sabi ni Ayden.
“Y-yeah.”
“Teka, nasaan si Kuya?” Inilinga ni Demi ang tingin at hinanap ang kapatid.
“M-may trabaho siya kaya hindi nakasama.”
“I see. Pero teka tawagan ko. Kasama ko si Mommy at Daddy kasi. Talagang nag-leave si Dad para makita ang apo niya.”
Napalabi ako sa narinig. Paano ko ba sasabihing may lakad si Gavriil kasama si Lola?
“S-sige, tawagan ko,” pagsisinungaling ko.
Lumayo ako saglit at kunwa’y may kausap. Sinabi ko kay Demi na may mahalagang meeting siya. Kaya hindi na nangulit na si Demi sa akin.
Iyon ang akala ko. Dahil pagdating sa malaking bahay namin sa San Jose, si Gavriil agad ang hinanap ng Daddy niya. First time kong ma-meet ang Daddy ng aking asawa. Hindi kasi siya pinayagan mag-leave nang ikinasal kami sa huwes. Magkamukha pala si Gavriil at ang Daddy nito. Parang pinagbiyak na bunga. Akala ko ang Mommy niya. Hindi pala.
Nakapagpahinga ako sa pag-aalaga kay Maria dahil sa Mama ko at sa Mommy ni Gavriil. Salitan silang dalawa. Gayon din ang mga ama namin. Kaya heto, nakakalibang ako kasama ni Demi. Namasyal kaming tatlo sa labas habang hinihintay ang dinner.
Hindi ko akalaing madadatnan ko si Gavriil sa sala namin nang umuwi kami. Kausap niya ang magulang niya kasama ng Papa ko. Nagulat pa ako nang tumayo siya para salubungin ako nang halik sa labi. Hindi nga ako nakakilos dahil doon.
Nakatingin lang kami sa isa’t-isa matapos ang mabilis na halik na pinagsaluhan namin ni Gavriil.
For the show ba iyon?
Asa pa akong kusa iyon. Never na ginawa iyon ni Gavriil nang nasa New York kami.
Napapitlag ako nang maramdaman ang paghawak ni Gavriil sa aking beywang. Iginiya niya ako paupo sa sala kapagkuwan. Sumunod din ang kapatid kong si Ayden at ang nobya niyang si Demi.
Saglit din kami sa sala bago kami tinawag ni Mommy na ready na ang hapunan. Sa malawak na dining area kami kumain. Malaki iyon. Kasya ang nasa bente katao.
Magkatabi kami ni Gavriil nang kumain. Hindi na ako nagtaka nang pagsilbihan niya ako. Matamis na ngiti at thank you ang ginawa ko para sakyan ang palabas niyang iyon. Iyon din naman kasi talaga ang gusto ko, ang makita ng magulang ko na masaya ako sa piling ni Gavriil. Ang tanda ko na para isipin nila. Ayokong dumagdag ako sa isipin nila. Dapat sa magulang ko, nagsasaya na lang.
Napatigil ako sa pagtuyo ng buhok ko nang pumasok si Gavriil. Ipapaalala ko sana sa kanya na mali siya nang pinasukan. Pero nang maalalang nandito ang magulang namin ay hindi na ako umimik. Ibinalik ko ang sarili ko sa pagtuyo ng buhok.
Nakatayo lang si Gavriil at nakatingin sa kama kaya binaba ko ang hawak na hair dryer.
“Sa kama ka na lang. Sakto lang naman ako sa couch.” Tumingin lang siya sa akin. Pero lumapit din kapagkuwan kaya kinabahan ako.
“Kung gusto mong mabuking ng magulang natin, ayos lang, sa couch ka.” Napalunok ako sa sinabi niya.
Nasa show nga pala kami. At para mapaniwala sila, kailangang magkatabi kami ngayong gabi.
Maaga kaming matutulog ngayon dahil naka-schedule kaming pupunta sa winery— ang family business ng aming pamilya dito sa San Jose, California.
Nasa biyahe kami noon nang biglang mag-open ang kakambal kong si Ayden.
“Dapat sumabay ka na kay Aireen kahapon. May dala siyang maleta tapos karga pa niya si Maria.”
Napatingin sa akin si Gavriil saglit. Pero mabilis din niyang binawi at kinausap ang kakambal ko.
“Kahapon? I thought noong Tuesday pa?”
Nagkatinginan kami ng aking pinsang si Cara. Siya ang nakausap ko nitong nakaraan. Kung sakaling magtanong si Gavriil ay baka pwede siyang tulungan sa pagsagot. Sabi ko kasi sa pinsan ko, may pinuntahan lang akong shop kaya ma-adjust ang punta ko ng San Jose.
Si Cara nga ang sumagot kaya nakahinga ako nang maluwag. Hindi naman naging issue dahil may kani-kaniyang topic ang magulang namin sa loob ng sasakyan. Isang sasakyan lang ang sumundo sa amin. Ang usual na sumusundo sa mga turista na gusto pumunta ng vineyard.
Singhap ang nagawa ko nang bumaba ako ng van. Medyo mahigpit ang pagkakahawak ni Gavriil sa aking kamay. Hindi siya bumitiw hanggang makapasok kami sa bahay na tutuluyan namin.
“Bihisan ko lang si Maria,” ani ko kay Gavriil.
Bumitaw naman siya sa aking pulsuhan. Kinuha ko ang anak namin kay Mommy at dinala sa magiging silid namin. Hindi ko napansin na sumunod si Gavriil sa amin. Nakita lang siya nang lingunin ang pintuan dahil sa biglang pag-lock niyon. Saktong naihiga ko na noon si Maria sa gitna ng kama.
“G-Gavriil…” ani ko nang bigla na lang niyang hawakan ang braso ko. Nag-angat pa ako nang tingin sa kanya. “K-kanina ka pa. Ano bang problema mo?”
“Tuesday ka umalis pero kahapon ka lang nakarating? Seriously, Aireen? Saan ka nag-stay ng two days? Paano kung malaman ‘to ng parents natin? Huh?”
Tumayo na ako para hindi ko maramdaman ang higpit nang pagkakahawak niya.
“Bakit hindi ka nagsasalita, Aireen? Hindi mo ba narinig mga tanong ko? Do I need to repeat myself?!”
“Gusto mo bang malaman?” seryosong tanong ko na ikinatigil niya. “Gusto ko lang magpahinga, Gavriil. Napapagod na pala ako sa marriage na ‘to. I’m too young para makulong dito. Kaya nag-stay ako sa hotel para makapagpahinga at makapag-isip. Pero para magawa ko ‘yon, kumuha din ako ng mag-aalaga kay Maria, kaya ‘wag kang mag-alala. Ang dami kong realizations, Gav. Kaya humihingi ako nang paumanhin dahil alam kong ganoon ka rin… Hindi mo magawa ang gusto mo. Hindi naman ako bulag para hindi makitang may something sa inyo ni Lola. At hadlang kami ng anak mo para magawa iyon…”
Walang luhang nailabas ang aking mata dahil pinipigilan ko, pero ‘yong boses ko, nag-c***k na. Pumiyok na nga dahil sa mga huling salita ko na hirap na hirap.
Sasagot sana si Gavriil, pero may kumatok, kaya hindi na niya nagawa dahil ang Daddy niya iyon. Nagpapasama siyang maglibot. Kasama naman daw ang Papa at kapatid ko.
Ilang beses kong tinampal ang aking dibdib nang lumabas si Gavriil. Mabuti na lang lumabas siya. Hindi ko na kasi napigilang hindi umiyak. Tumigil lang ako dahil umiyak din si Maria. Gumagaya na naman siya sa akin.
Niyaya ako ng Mommy Shiela na sumunod kila Gavriil, pero hindi ako sumama. Medyo namaga kasi ang mata ko. Kaya kinailangan kong takpan pa iyon.
Ang idinahilan ko, sumakit ang tiyan ko. Mukhang may diarrhea kako ako. Mawawala naman ang pamamaga nitong aking mata.
Tinulog ko na lang habang hinihintay ang pagbalik nila. Para hindi mahalata ang pamamaga ng aking mata. At hindi nga napansin nila. Tanging si Gavriil lang. Panay kasi ang tingin niya nang nasa hapag kami.
“Anak, next year pwede nang ituloy ang kasal niyo sa simbahan,” ang Papa Graeson ko.
“P-po?” Tumingin ako kay Gavriil na ngumunguya.
“Napag-usapan nila kanina ‘yan doon. Sabi ko, kailangan pa ng opinyon mo para dito.”
“P-pero balak ko pong bumalik sa pag-aaral next year, Pa.”
“Okay lang naman ‘yon, anak. Walang problema. Kami na ang bahala sa gastos.”
“Pero, Pa. Wala pa po sa isip ko ‘yan. Saka kasal naman na kami ni Gavriil. Hindi ho ba valid ‘yon?” tanong ko.
“Valid naman. Ang sa amin, gusto lang namin makitang ikasal kayo sa simbahan. Hindi mo ba gusto ang idea na ‘yon, anak?”
Hindi ako nakasagot. Kasi hindi ko naman alam kung gusto ko nga ba. Si Gavriil, hindi niya gusto. Kaya dapat ako na ang gagawa nang paraan para hindi na matuloy.
Napatingin ako kay Gavriil nang pisilin niya ang aking kamay. Mukhang kailangan kong sagutin, ‘yong ikakatahimik nila.
“I’ll consider it, ‘Pa. Pero kailangan muna naming pag-usapan na mag-asawa. Busy din po kasi si Gavriil sa trabaho.”
“Alright. Tawagan mo na lang kami kung kailan nito balak.”
“We will, ‘Pa.” Ngumiti ako sa mga naroon kasama na si Gavriil.
Wala akong rason nang gabing iyon na iwan ang magulang ko. Tulog na si Maria tapos may bantay pa. Kaya magkakaharap kaming lahat. Ako lang ang hindi umiinom ng wine dahil alam nilang nagpapadede ako kay Maria sa gabi. As usual, magkatabi kami ni Gavriil, nakaakbay siya sa akin habang nakikipag kwentuhan sa mga taong naroon. Madalang lang akong sumagot dahil wala naman akong alam. Hindi ako maka-relate.
Nang magpaalam ang magulang namin ay kani-kaniya kaming hulasan na. Si Cara, bumalik na sa silid niya. Ganoon din si Demi at ang kakambal ko. Si Gavriil naman lumabas para magpahangin daw.
Sinilip ko muna si Maria. Nang sabihin ng kasambahay na himbing na himbing ay nagpaalam akong bababa ulit. Balak kong kausapin si Gavriil tungkol sa kasal na nabanggit kanina.
Nakita ko si Gavriil na seryosong naninigarilyo sa labas. Malapit sa bungad ng plantation.
Akmang tatawagin ko siya nang marinig ang phone niyang tumunog. Tumigil ako saglit. Baka mahalaga iyon, ayokong maka-istorbo.
Napatalikod na lang ako nang marinig ang pangalang Lola. Kaibigan pa ba ‘yon? Nakakatawag anytime? Minsan nga tulog na tulog na kami noon tumatawag siya. Nang mga panahong nasa silid pa namin ako natutulog.