Chapter 3.1

1871 Words
Papuntang palengke si Lyra para mamili ng gulay na uulamin nilang mag-anak. ‘Yon ang paalam niya sa ama ni Marco bago siya umalis ng bahay. Mamimili naman talaga siya pero pagkatapos no’n makikipagkita na siya sa mga miyembro ng Pahimakas. Naisip niyang mamalengke muna bago dumaan do’n sa abandonadong gusali. Nasa bayan din naman ‘yon pero medyo tago ‘yon at malayo na ang kasunod na mga bahay. Nasa bukana pa lang siya, napansin agad ni Lyra na walang taong nando’n. Tanging ‘yong mga nakatayo pa na poste, bitak-bitak na pader, at sirang bubong ang nadatnan niya. Pero may pakiramdam si Lyra na nandito lang sila at nagtatago. “Lumabas na kayo,” utos niya sa pasigaw na boses. Mula sa mga poste na nasa harap at gilid, may apat na lalaking lumabas. ‘Yong isa ay nasa likod ni Lyra at nagsindi ng posporo para manigarilyo. Pinapaligiran nilang lima si Lyra na nanatiling nakatayo sa gitna nila. Tiningnan niya ang mukha ng bawat lalaking nakapaligid sa kaniya. Wala siyang may mamukhaan ni isa sa kanila. Mga bagong miyembero siguro sila o baka wala na siya nang nakasali sila sa Pahimakas. At parang hindi rin siya kilala ng mga lalaki dahil hindi sila yumuko at binaba ang ulo bilang pagbati sa kaniya. Tanda ‘yon ng pagrespeto ng mga miyembro sa Reyna ng Pahimakas. Sinadya siguro ng Don na ‘wag sabihin sa kanila kung sino siya para pahirapan siya nang kaunti. Karamihan sa mga miyembro ng Pahimakas ay lalaki. Kakaunti lang ang mga babae at kung may kasali man na babae, madalas ginagamit lang sila para malansi o akitin ang mga guwardiya o tauhan ng papatayin na target. Kaya halos lahat ng lalaki sa Pahimakas ay mabababa ang tingin sa mga kasamahan na mga babae. “Ako ang inatasan ng Don na maging lider sa misyon na ‘to,” sabi ni Lyra nang hindi na nagpaligoy-ligoy pa. Lumapit ‘yong lalaking nagyoyosi kay Lyra at hinagod ito ng tingin mula ulo hanggang paa. “Ano bang alam mo? Ang t*muwad?” tanong ng lalaki sabay hithit ng sigarilyo at binuga ang usok sa mukha ni Lyra. Hindi nagpatinag si Lyra, ni umubo hindi niya ginawa. Nanatiling walang bahid na emosyon ang mukha niya. “Kinukwestiyon mo ba ang desisyon ng Don?” tanong niya ng pabalik sa lalaki. Nagsalubong ang mga kilay ng lalaki. “Hindi, siyempre,” medyo defensive niyang sagot. “Pero dapat lang na patunayan mo sa amin na karapat-dapat kang maging lider,” maangas niyang sabi. “Paano?” tanong ulit ni Lyra. Tinapon ng lalaki ang yosi at tinapakan 'yon. “Talunin mo kami. Kung sino’ng tatalo sa ‘yo, ‘yon ang magiging lider” sabi niya. Ayaw na sana niyang patulan sila pero matagal na rin bago siya nakipaglaban. Magandang pagkakataon ito para makapag-warm up siya. “Ikaw na naka-orange na damit, hawakan mo ‘tong bayong ko,” sabi ni Lyra sa isang pang lalaki nang hindi inaalis ang tingin sa lalaking kaharap niya. Tinaas niya ang kamay na may hawak na bayong. Nanigas ang lalaking naka-orange, ayaw gumalaw ng mga paa niya dahil natatakot siyang lumapit. Sinabihan na niya ang mga kasamahan na ‘wag nang ituloy ito pero hindi sila nakinig sa kaniya. Hindi rin naman niya masabi ang dahilan niya dahil mahigpit na bilin ng Don na ‘wag sabihin sa kanila kung sino ‘yong babae. “Lalapit ka ba o ako ang lalapit sa ‘yo?” tanong ni Lyra na may bahid na pagbabanta. May pakiramdam siya na kilala siya ng lalaki dahil hindi man nito nagawang yumuko para magbigay respeto sa kaniya, pero nababanaag niya sa mukha nito ang takot. Napilitan nang kumilos ang lalaking naka-orange at dahan-dahan na lumapit kay Lyra. Nang akmang kukunin na ng lalaki ang bayong kung saan nakalagay ro’n ang pinamili niyang gulay, tiningnan siya ni Lyra sa mga mata. “Siguraduhin mong walang may malalamog diyan.” Nakailang tango ang lalaki bago umatras agad. Mahigpit ang hawak niya sa bayong na parang may laman ‘yon ng limpak-limpak na pero. “Wala kang b*yag, Ramos,” sabi ng lalaking humahamon kay Lyra. Kanina pa niya tinitingan ng masama si Ramos para balaan ito na ‘wag sundin ‘yong babae pero binalewala lang nito siya. “Walang gagamitin na anumang armas, ulo, kamay, at paa lang,” sabi ni Lyra para matuon ang pansin sa kaniya ng lalaking humamon sa kaniya. “O sige,” sagot agad ng lalaki. Mas pabor nga ‘yon sa kaniya at ‘di hamak na mas malakas siya kaysa sa babae kaya alam niyang matatalo niya ito nang walang kahirap-hirap. “Kunin mo ang mga armas nila, Ramos” utos niya ulit sa lalaking naka-orange. Kumilos agad si Ramos at isa-isa niyang pinuntahan ang apat na lalaki at kinuha ang baril na nakasukbit sa likod ng pantalon nila na tinatakpan ng jacket. Nang tapos na siya, tinaas ni Lyra ang suot niyang mahabang palda at kinuha ang maliit na baril na naka-strap sa kanan niyang binti at ang maliit na combat knife na nakastrap naman sa kaliwa niyang binti. Binigay niyang lahat ‘yon kay Ramos. “Sino’ng mauuna?” tanong ni Lyra. Hindi na nagsalita pa kundi sinugod agad si Lyra ng lalaking humamon sa kaniya. Basta-basta lang kung magpakawala ng mga suntok ‘yong lalaki habang iniiwasan o sinasangga ang mga ‘yon ni Lyra gamit ang kaniyang braso sabay atras at lumalayo. Patuloy naman siyang hinahabol ng lalaki habang sinusuntok. Dahil sa medyo may katabaan ang lalaki, agad din itong napagod at mas lalong bumagal ang kilos at pagsuntok nito kaya nahuli ni Lyra ang kamay nito. Umabante ang isang paa ni Lyra at pinatamaan sa baba ang lalaki gamit ang nakabukas na palad. Pagkabitiw ni Lyra sa lalaki, napaatras ito pero mas lalong nagalit. Sinugod ulit ng lalaki si Lyra, pero nakaiwas siya at umikot nang mabilis. Nang nasa likod na si Lyra ng lalaki, agad niyang sinipa ang alak-alakan nito kaya napaluhod ito. Pinaikot ni Lyra sa leeg ng lalaki ang braso niya at sinakal para ma-head lock ito. Mas lalong nagpupumiglas ang lalaki, mas hinihigpitan pa ni Lyra kaya’t nahihirapan ng huminga ito. “Sumuko ka na,” utos niya sa lalaki. Paulit-ulit na tinapik ng lalaki ang braso ni Lyra, tanda ng pagsuko nito. Agad ding pinakawalan ni Lyra ito. Umuubo ito habang naghahabol ng hininga. Buti na lang sumuko agad ito, kung hindi baka nawalan na ito ng ulirat dahil kinakapos na ito ng hininga. Tiningnan ni Lyra ang tatlong lalaki na parang nag-aalangan na labanan siya. “Ano pang tinatayo n’yo? Sugurin n’yo na,” utos ng lalaki na nahihirapan pang magsalita. Naunang sumugod ang pinakapayat at pinakabata sa kanila at nagpakawala ng ilang suntok bago nahawakan ni Lyra ang palapulsuhan nito at saka pinilipit ang braso nito. Nang sabay nang pasugod ‘yong dalawa, tinulak ni Lyra ‘yong lalaking hawak niya papunta sa kanila. Napaatras sila pero agad din nilang tinulak ‘yong kasamahan at sumugod. Dahil dalawa sila, nagapos no’ng isang lalaking may kalakihan ang katawan si Lyra. Hawak na si Lyra ng lalaki na nasa likod niya habang ‘yong isa na pinakataba sa kanila ay aambangan ng suntukin siya. Pero dahil napakabagal nitong kumilos, naunang nasipa ito ni Lyra sa tuhod kaya agad din itong tumumba at una pa ang mukha nitong tumama sa semento. Pagkatapos, na-headbutt ni Lyra ‘yong lalaking gumapos sa kaniya at saka malakas na tinapakan ang paa nito kaya nakakawala si Lyra. Pagkaharap ni Lyra sa lalaki, sinipa niya 'yong nasa pagitan ng hita nito kaya napaluhod ito at namilipit sa sakit. Si Lyra na lang ang natirang nakatayo dahil napatumba niya lahat ‘yong apat na lalaki. Lahat sila ay may hinahawakan na masakit na parte ng katawan nila. “Payag na ba kayong maging lider ako?” tanong niya sa kanila. “Oo,” agad na sagot ni Ramos na hawak pa rin ‘yong bayong. Buti na lang at hindi siya nakisali sa apat, Kung sakali, baka may masakit na rin sa katawan niya, o baka nga duguan siya o may nabaling buto sa kaniya. Tumango lang ‘yong apat na lalaki habang nakababa ang mga mata. Alam na nila ngayon kung bakit ‘yong babae ang pinili ng Don na maging lider sa misyon na ‘to. “Akin na ang bayong at mga armas ko,” utos ni Lyra kay Ramos. Agad naman itong tumalima at binigay sa kaniya ang mga ‘yon. Ininspeksiyon pa niya ang laman na gulay ng bayong at mukhang hindi naman nabawasan at hindi rin nalamog. “Magkita na lang ulit tayo sa Biyernes, dito rin ulit,” sabi ni Lyra sa kanilang lima habang binabalik ang baril at combat knife niya ro’n sa naka-strap sa hita niya. Inisa-isang tingnan ni Lyra ‘yong apat at nagdesisyon siyang ipagpaliban muna nila ‘yong pagpaplano kasi mukhang kailangan pa nilang magpahinga o magpagaling. ‘Yong unang sumugod kay Lyra ay hinihimas ang baba papuntang leeg nito at ‘yong pangalawa naman ay hindi mapinta ang mukha dahil hirap na maigalaw ang braso. ‘Yong pangatlo ay duguan ang bunganga habang ‘yong pinakahuli ay hawak pa rin ang nasa gitna ng pantalon nito. Umalis na siya ro’n nang hindi nililingon ‘yong limang lalaki. Papunta na siya sa sakayan ng tricycle nang may humintong mobile ng pulis sa tapat niya. Bumaba ro’n si Marco habang ‘yong isang kasamahan nito na nagmamaneho ay nanatili sa loob. “Pauwi ka pa lang,” tanong ni Marco. “Oo, e. Dumaan pa kasi ako kina Manang Nelia,” pagsisinungaling niya. Nagtatrabaho siya dati bilang tindera at serbidora ro’n sa karinderya ni Manang Nelia. Nang nagpakasal sila ni Marco, nagdesisyon silang mag-asawa na huminto na siya sa pagtatrabaho kasi kaya naman siyang buhayin ni Marco. Tumango lang si Marco at saka kinausap ‘yong kasama niyang pulis. Sinabi niyang mauna na ito sa presinto at saka na siya susunod. Ngumisi ang kasama niyang pulis. “Sumunod ka agad, a. Baka masabon ka na naman ni Hepe ‘pag natagalan ka,” pagpapa-alala nito na may kasamang tudyo. Tinapik lang ni Marco ang kasamahan niya at binalingan ulit ang asawa. “Hatid na kita,” sabi niya. Gusto sanang umalma ni Lyra pero ayaw niyang kontrahin si Marco lalo na sa harap ng kasamahan niyang pulis at ipahiya ito. Sumunod na lang siya at sumakay na silang dalawa sa tricycle. Habang umaandar na ‘yong tricycle, nakaramdam ng pagkapagod at medyo pananakit ng katawan si Lyra. Sinandal ni Lyra ang ulo sa balikat ni Marco. Agad naman pinalibot ni Marco ang braso niya kay Lyra at hinawakan ang balikat nito para mas maging komportable ang asawa. Maya-maya, nakaramdam ng antok si Lyra hanggang sa pumikit na ang mga mata niya. Mula sa pagkakawak sa balikat, lumipat ang kamay ni Marco sa ulo nito para hindi ito mauntog sa balikat niya. Kahit ga’no pang umaalog ang tricycle dahil sa mabato at ‘di sementadong daan, nakatulog pa rin nang mahimbing si Lyra. Basta’t nakasandal siya sa tabi ni Marco, tanging kapanatagan at kapayapaan ang kaniyang nararamdaman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD