Chapter 4 Patago

1825 Words
Binubutones ni Lyra ang uniporme ng asawa habang ito nama’y titig na titig sa kaniya. Kung tutuusin, kaya naman ni Marco suutin ang uniporme niya nang hindi na tinutulungan pero gustong-gusto niya ‘pag inaasikaso siya ng asawa. May ibang hatid kasi ‘yon na pakiramdam kay Marco. ‘yon bang parang kinikiliti ang puso niya. “Hayan, tapos na, mahal” sabi ni Lyra habang masuyong hinahaplos ang dibdib ni Marco. Hinuli ni Marco ang kamay ni Lyra at hinalikan ‘yon. “Ayos ka lang ba talaga, mahal?” tanong niya. Apat na magkasunod ng gabi na nanaginip ng masama si Lyra. Simula ng nagkita ulit sila ng Don, sunod-sunod din niyang napapanaginipan ‘yong mga taong walang-awa niyang pinatay nang si Reyna pa siya. Kahit na alam niya na mga halang ang kaluluwa ng mga taong ‘yon, pakiramdam pa rin niya’y parang wala rin siyang pinagakaiba sa kanila. “Oo naman, ayos lang ako, mahal,” sagot naman ni Lyra. Hindi maiwasan pa rin ni Marco ang mag-alala dahil bibihira lang kung managinip nang masama si Lyra, isa o dalawang beses lang sa isang buwan. At hindi na rin katulad ng dati na nakakatulog agad ito pagkatapos niya itong maalo at pagaanin ang loob. “Sigurado ka ba?” tanong niya ulit. “Oo nga. Ang kulit naman ng mahal ko,” malambing na sabi ni Lyra sabay yakap dito. Pinipigilan man ni Marco pero kusang gumalaw na ‘yong mga labi niya at napangiti. ‘Pag ganitong nilalambing siya ng asawa, hindi na niyang magawang usisain pa ito. “Hinding-hindi kita pababayaan, alam mo naman ‘yon, ‘di ba?” pagpapa-alala niya sa asawa. Ngumiti si Lyra nang pagkatamis-tamis. “Siyempre naman. Pulis yata ang asawa ko,” buong pagmamalaki niyang sabi. “At kahit na lumalaki na ‘to…” sabi niya habang hinihimas ang matambok na tiyan ng asawa. “Alam kong ipagtatanggol mo ako,” dagdag niya. Parang bula na nawala ‘yong pag-aalala ni Marco. Alam talaga ng asawa ang tamang salitang bibitawan para hindi na siya mabahala pa. Yumuko siya at hinalikan ang asawa sa labi nito at agad din naman na tumugon ito. Nag-umpisa lang sa malumanay ang kanilang paghalik na hindi kalaunan ay nauwi rin sa marubdub at maalab. “Mahal…baka mahuli…ka na…naman” sabi ni Lyra nang paputol-putol. ‘Pag iniiwas ni Lyra ang kaniyang labi, inaabot naman uli ni Marco at madiin itong dinadampian. “Marco,” sabi niya sa medyo seryosong boses. Doon na tumigil si Marco. Dalawa lang ang ibig sabihin ‘pag tinawag na siya ng asawa sa pangalan niya, naiinis o nagagalit na ito. At ‘yon ang ayaw na ayaw na mangyari ni Marco. Palagi ngang kantiyaw ng mga kasamahan niyang pulis na ander de saya raw siya ng asawa. Aba siyempre, totoo ‘yon kaya tinatawanan na lang niya ang mga kantiyaw nila. Okay na ‘yon kaysa sa ro’n siya sa matigas na ratan na sofa matulog pagkagabi. “Sige na, alis na,” halos pagtataboy na niya sa asawa. “Pwede isa pang halik, last na talaga,” hirit pa ni Marco. Umirap pa si Lyra para kunwaring ayaw pero ang totoo kinikilig naman siya sa sobrang pagiging sweet ng asawa. “O, sige na nga,” sabi niya sabay tumingkayad para maabot ang labi ng asawa at mabilis na hinalikan ito. Umalis si Marco sa tahanan nila na abot hanggang tenga ang ngiti. Si Lyra naman na naiwan ay unti-unting napawi ang mga ngiti sa labi at nabalot ng lungkot ang mga mata. Wala ng tao sa bahay, mag-isa na lamang si Lyra. Kung noon, hindi niya napapansin ang katahimikan, ngayon, parang nakakabingi ‘yon sa kaniyang pandinig. Pinilit niyang palakasin ang sarili at ‘wag na’ng magmukmok dahil hindi no’n masosolosyunan ang problema. Kailangan niyang kumilos kahit pa parang kaybigat ng kaniyang nararamdaman. Pumunta ulit si Lyra sa bayan, do’n sa abandonadong gusali, para makipagkita nang patago sa limang miyembro ng Pahimakas. Pero gaya ng dati, namalengke muna siya para may maganda siyang dahilan sa ama ni Marco kung bakit siya pumunta ng bayan. Naghihintay na ‘yong lima sa kaniya pagkadating nila. Mukhang ayos na naman ‘yong apat na lalaking nakalaban niya. Pero ang hindi niya inaasahan ay pahalang silang pumila sa harapan niya. Sabay-sabay silang yumuko habang nakatingin sa baba. “Patawarin mo sana kami. Hindi namin alam na ikaw pala ang anak ng Don,” sabi ng lalaking unang nakipaglaban sa kaniya. Tinitigan ni Lyra si Ramos na parang inuutusan na magpaliwanag ito. Dapat lang na may magandang dahilan ito sa paglabag ng utos ng Don na ‘wag ipagsabi sa mga kasamahan nito ang totoo niyang pagkatao. Ang utos ng Don ay tinuturing na batas ng mga miyembro ng Pahimakas. Kung kaya’t ‘pag nilabag ‘yon, may karampatang kaparusahan na madalas ay matinding torture o kamatayan. “Tumawag ang Don at tinanong kung ano’ng nangyari. Siyempre, kinuwento ko lahat ng nangyari. Tapos, inutusan niya ulit ako na sabihin na sa kanila kung sino ka talaga,” paliwanag naman ni Ramos. Tumango si Lyra. Inaasahan na niya na may komunikasyon ang isa sa kanila sa Don. Kung si Ramos ‘yon, malamang na siya ang pinaka pinagtitiwalaan ng Don kaya dapat siyang mag-ingat sa pakikitungo kay Ramos. Nagpakilala din ‘yong apat na lalaki. ‘Yong mayabang na naghamon kay Lyra ay si Asyo, ‘yong pinakabata ay si Andoy, ‘yong pinakamataba sa kanila ay si Pata, at ‘yong malaki ang katawan ay si Bato. “Sino sa inyo ang nakakaalam ng tungkol sa transaksiyon?” tanong ni Lyra kahit na may hinala na siya kung sino sa kanila. “Pare-pareho lang ang alam namin,” sabi ni Asyo. “At ano ‘yon?” tanong ni Lyra. “May kargamentong armas na dadating dito mula Tsiwan at dito dadaong ‘yong barkong magdadala ng kargamento na binili ng Don,” si Asyo pa rin ang sumagot. “Dito rin mangyayari ang bayaran. Pagkatapos, ikakarga ‘yong mga kargamento sa isang yate na pagmamay-ari ng isang kano na kunwaring nagbabakasyon dito,” dagdag ni Ramos. “Saan ang destinasyon ng yate?” tanong ulit ni Lyra. “Hindi na namin alam,” sagot ni Ramos. “Kelan mangyayari ang transaksiyon?” “Ang alam lang namin ay sa Mayo, pero kung kelan mismo ‘yong petsa, hindi na sinabi sa amin,” si Pata naman ang sumagot kay Lyra. “Basta ang utos lang sa amin ay magmatyag dito. Mag-report kami kung ilan ang mga pulis dito, kung pumupunta ba rito ang mga coast guards at ga’no kadalas,” sabi ni Asyo. “Pinapasuri rin kung saan banda rito pwedeng dumaong ‘yong barko na hindi mapapansin ng mga nakatira rito,” sabi ni Ramos. Katulad pa rin ng dati, hindi sinasabi ng Don ang lahat ng impormasyon kundi ‘yong kailangan lang nilang malaman. Taktika ‘yon ng Don na kung baka sakali, mahuli ang isa sa kanila, hindi nito mabibigay lahat ng impormasyon. At gaya nga sabi ng Don sa kaniya mula ng bata pa siya, mas kaunti ang alam, mas hindi papalya. “Ilang araw na kayong nandito at saan kayo tumutuloy?” pag-iiba ng usapan ni Lyra dahil nalaman na niya ang gusto niyang malaman. “Nauna kami ni Pata rito, isang buwan na kaming nandito. Silang tatlo ay kasamang dumating ng Don ngayong linggo lang. Naka-lodge kami sa beach resort pero magkaiba ang kwarto namin,” sabi ni Ramos na medyo nakakunot ang noo. “Kilala n’yo ba kung sino ang may-ari ng beach resort na ‘yon?” Alam ni Lyra ‘yong beach resort na ‘yon dahil nag-iisa lang ‘yon. Nagtinginan sila sa isa’t isa. “At bakit naman kailangan pang alamin namin ‘yon?” medyo nagtatakang tanong ni Asyo. “Asawa ng hepe ang may-ari no’n. At dahil sa abroad nagtatrabaho ‘yong asawa, madalas na nagpupunta ang hepe ro’n,” paliwanag ni Lyra. “Baka nga nakasalubong n’yo na ‘yong hepe, hindi n’yo pa alam,” sabi ni Lyra sa sarkastikong boses. Nagsikamot silang lima sa kanilang mga ulo. Medyo napahiya dahil halatang hindi nila alam ‘yon. “Mamayang gabi, umalis na kayo ro’n,” utos ni Lyra sa kanila. “Saan kami matutulog?” reklamong tanong ni Pata. “Problema ko pa ba ‘yon?” sabi ni Lyra sabay tingin nang matalim kay Pata. Alanganin na tumawa si Pata. “Sabi ko nga, kami na’ng bahala ro’n.” “Bukas humanap na agad kayo ng trabaho,” utos ulit ni Lyra. “May allowance na naman kami. Hindi na namin kailangan pang magtrabaho. Isa pa, makakaabala lang ‘yon sa misyon natin,” reklamo naman ni Asyo. “Maliit lang ‘tong isla, lahat dito ay halos magkakakilala. Sa tingin mo walang may magtataka o maghihinala na ‘yong limang bagong salta ay pakalat-kalat sa bayan habang may mga sukbit na baril?” pabalik na tanong ni Lyra sa kaniya. Natahimik si Asyo pero hindi pa rin nakuntento at rumason pa rin. “E di, mag-iingat kami.” “Tatlong buwan pa kayong mananatili rito, kaya kahit ano pa’ng pag-iingat ang gawin n’yo, magtataka pa rin ‘yong mga tao. At ‘yon ang iniiwasan kong mangyari, ang makuha n’yo ang atensiyon nila at makarating ‘yon sa sinuman na pulis at paimbestigahan kayo,” mahabang paliwanag ni Lyra. Hindi sanay si Lyra na may kumukwestiyon sa kaniya pero naintindihan naman niya na hindi nila alam kung pa’no siya magtrabaho noon kaya hinabaan na lang niya ang pasensiya niya. “Isa lang ang gusto kong gawin ninyo. Ang maging isa sa mga mamamayan dito. Kailangan n’yong makumbinsi sila na rito na kayo maninirahan nang pangmatagalan at hindi lang pansamantala. “At isa pa, ‘wag na ‘wag kayong magtatanong sa mga tao rito tungkol sa mga kapulisan, pati na’ng tungkol sa mga coast guards. Pero gusto kong maging matalas ang pandinig n’yo dahil hindi maiwasan na pag-usapan ‘yon ng mga tao. Makinig lang kayo pero ‘wag kayong makisali sa usapan,” dagdag ni Lyra. “Ano’ng masama kung magtatanong kami?” sabi ni Andoy sa unang pagkakataon. “Ano sa palagay mo ang dating kapag may isang bagong salta na nagtatanong-tanung tungkol sa hepe?” sagot naman ni Bato. Tumango na si Andoy, mukhang naintindihan na rin naman niya ang dahilan. “Magkita ulit tayo pagkatapos ng dalawang linggo, at dapat lang na may trabaho na ang bawat isa sa inyo,” sabi ni Lyra sa maawtoridad na boses. Tumango lang silang lahat. “Sige na,” paalam na ni Lyra sa kanila. “Teka, ano pala ang itatawag namin sa ‘yo?” tanong ni Bato. Nagdalawang-isip pa si Lyra pero nang mapansin niyang mataman siyang tinitingnan ni Ramos, pinatigas niya ang ekspresyon ng mukha niya. “Reyna,” ang simpleng sagot niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD