Chapter 3 Sandalan

1810 Words
Pagkaalis ng Don, pinagpatuloy ni Lyra ang pagluluto at ang iba pang gawaing bahay na parang walang nangyari. Kinausap na niya rin si Tintin na ‘wag ipagsabi ang tungkol sa pagdalaw ng Don at ituring ‘yon na sekreto lang nilang dalawa. Kinailangan pa niyang magsinungaling sa bata na hindi niya ama ‘yong dumalaw kundi isang masamang tao na dapat agad nitong iwasan oras na makita niya itong muli. Sa huli, nakumbinsi niya rin ang bata at yinakap pa siya nito. Tanging si Tintin ang nakasama ni Lyra sa pagkain ng tanghalian. Hindi naman talaga bumabalik sina Marco, Nanay Minda at Totoy dahil nasa bayan sila at medyo malayo pa ‘tong bahay nila kaya sa karinderya na lang sila kumakain. Si Tatay Fred naman ay hindi pa umuuwi, siguro nando’n na naman sa kumpare nito. Nakatulog na si Tintin na nakayakap kay Lyra habang pinagmamasdan niya ang bata. Maraming gumugulo sa isipan ni Lyra pero isa lang ang maliwang na dapat niyang gawin, ang protektahan ang pamilya niya. “Mahal, mahal,” sunod-sunod na pagtawag ni Marco nang nasa bakuran pa lang siya ng bahay nila. Nagising sa pag-iisip nang malalim si Lyra pagkaranig niya ng boses ni Marco. Bago pa siya makabangon sa kama ay nabuksan na ni Marco ang pintuan ng kwarto. Humahangos ito na parang tumakbo siya mula sa bayan hanggang dito sa tahanan nila. Nilagay ni Lyra ang kaniyang hintuturo sa ibabaw ng bibig niya at sumenyas na tumahimik ito kasi natutulog si Tin-tin. Sinunod naman siya ni Marco pero agad na ginagap niya ang kamay ni Lyra at inakay ito palabas ng kwarto. Dumiretso sila sa sala at umupo silang dalawa sa sofa. Sinubukan ni Marco na hawakan ang mga pisngi ng asawa pero agad din itong umiwas. Pinipilit kasi ni Lyra na itago ang sugat sa pisngi na natamo pagkasampal ng Don. Hindi nito alam kung sa suot na singsing ng Don o sa matatalas nitong kuko ang nagdulot ng sugat sa mukha nito. Napansin din naman ni Marco na may tinatago ang asawa kaya sinusubukan niyang hawiin ang buhok nito pero patuloy pa ring umiiwas ito. “Mahal,” malambing niyang pakiusap. Bumuntong-hininga si Lyra at hindi na iniwas ang mukha kay Marco. Nang mahawi na ni Marco ang buhok ng asawa, nakita niya ang pahabang sugat na namumula dahil sa dugong natuyo ro’n. Agad na nagtagis ang kaniyang mga bagang. “Sino’ng may gawa niyan?” tanong niya sa maawtoridad na tono. Ito ang unang pagkakataon na kinausap siya ni Marco nang walang bahid na lambing sa boses nito. Nagulat man siya pero naintindihan naman niya ang asawa. “Nahulog kasi ako sa puno ng mangga kanina. Mukhang ang sarap-sarap kasi no’ng mga mangga kaya hindi na nakatiis at inakyat ko na,” pagsisinungaling niya. Bumaba ang tingin ni Marco at do’n na niya napansin ang mga pasa na nasa magkabilang braso nito. Wala kasing manggas ang suot na daster ng asawa kaya kitang-kita ito. Naisip na ni Lyra na magsuot ng mahabang manggas na damit para itago ‘yon pero hindi niya inaasahan ang biglaang pag-uwi ni Marco kaya hindi agad siya nakapagpalit. “Magsabi ka ng totoo. Sino’ng may gawa nito sa ‘yo?” sabi ni Marco sa mababang boses habang hawak ang mga balikat ng asawa. Pinipigilan niyang ‘wag magalit at alamin ang totoo. “Nahulog nga ako sa puno,” giit ni Lyra habang nilalabanan ang mga mapanuring titig ni Marco. Binitawan ni Marco si Lyra at tumayo nang nakatalikod sa asawa. Pinipigilan niya ang sarili na sumambulat sa galit lalong-lalo na sa harap ng asawa, pero ‘pag bumabalik sa isipan niya ang sugat at mga pasa nito ay parang gusto niyang pagsusuntukin ang kung sino man na nanakit sa asawa niya. May hinala man siya pero gusto niyang makumpirma ‘yon sa bibig mismo ng asawa. Pero mukhang walang balak sabihin nito ang totoo at ayaw rin naman niyang pwersahin ito. Nang maramdaman ni Marco ang mga bisig ng asawa na pumulupot sa kaniya at yinakap siya nang patalikod ay parang unti-unting natutunaw ang nag-aapoy niyang galit. “Okay na naman ako, mahal,” pag-aalo ni Lyra sa asawa. “‘Wag ka ng magalit, please,” mas nilambingan pa niya ang boses at sinandal ang mukha sa balikat nito. Napabuga na lang ng hininga si Marco dahil huling-huli talaga ng asawa ang kahinaan niya. Hinawakan niya ang mga kamay ni Lyra at humarap sa asawa. Ang daming niyang gustong sabihin sa kaniya pero hindi niya magawang ibuka ang mga bibig. Malakas na sinisigaw ng utak niya na serbisyo muna higit sa lahat. Kung kaya’t nilunok na lang niya ang mga nais niyang isatinig. “Ayos lang talaga ako,” sabi ni Lyra. Bakas pa rin kasi sa mukha nito ang pag-aalala. “Alam mo naman na kaya kitang protektahan, ‘di ba?” ang tanging nasabi ni Marco. Sana nga, ‘yon ang unang naisip ni Lyra. Hindi naman sa minamaliit niya ang kakayahan ng asawa pero ano’ng magagawa ng isang pulis probinsiya sa isang lider ng pinaka notoryus na mafia group sa buong Southern Tagalog. Masyadong marami at malawak ang koneksiyon ng Pahimakas, mula sa kapulisan, husgado, negosyante, hanggang sa mga pulitiko. Kaya nga hindi maipakulong o mahuli-huli man lang ang Don kahit na hindi naman kaila sa nakararami ang mga ilegal na gawain ng Pahimakas. Sabi nga nila, untouchable ang Don. Nang hindi sumagot agad si Lyra, napahigpit ang hawak niya rito. Kahit na limang taon na silang magkasama bilang mag-asawa, hindi pa rin magawa nitong pagkatiwalaan siya nang buong-buo. Ni ang mga masamang panaginip nito ay hindi masabi sa kaniya. Nirerespeto na lang niya ang desisyon ng asawa na ‘wag ‘yon pag-usapan. Bumuntong hininga na lang si Marco at niluwagan ang hawak sa mga kamay nito. “Nagamot mo na ba ang mga ‘yan?” pag-iiba niya ng usapan. Naghilamos lang si Lyra ng mukha at sinabunan ang sugat niya sa mukha. Hindi naman ‘yon gano’n kalalim kaya agad din tumigil ang pagdurugo. “‘Wag ka nang mag-alala. Bumalik ka--.” “Dito ka lang,” sabi ni Marco matapos niyang mapaupo si Lyra. Pumunta siya sa kwarto nila at kinuha sa kabinet ang maliit na medkit box. Pagbalik niya sa sala, ginamot niya ang sugat ng asawa at tinakpan ‘yon ng gasa para hindi maimpeksiyon. Hindi man lang nagrereklamo ang asawa kahit na alam niyang medyo mahapdi ‘yong gamot. Pakiramdam niya tuloy parang sanay na itong magkasugat kaya parang manhid na ito sa sakit. Bumangon na naman ‘yong galit niya pero kinalma niya agad ang sarili. Pagkatapos, bumili ng yelo si Marco sa kapit-bahay at pinagpiraso-piraso ‘yon. Kumuha siya ng bimpo at binalot do’n ang ilang pirasong yelo. Nilapat niya ‘yong bimpo na may yelo sa mga pasa ng asawa. At kagaya ng kanina, wala siyang narinig na kahit na anong reklamo sa asawa. Nanatiling tahimik man si Lyra pero naantig ang puso niya sa ginagawang pag-aasiko ni Marco sa kaniya. Kung noon, nagagalit siya kapag may tumutulong sa kaniya lalo na ‘pag galing sa isang lalaki. Pakiramdam kasi niya kaya siya tinutulungan nila ay dahil sa mahina ang tingin nila sa kaniya. At ‘yon ang pinaka ayaw niya, ang magmukhang kaawa-awa o mahina sa harap ng kahit na sino. Subalit, iba si Marco sa kanilang lahat. Tanging kay Marco lang niya malayang naipapakita ang pagiging mahina. Siguro kasi kahit kailan hindi niya nakita ang awa o paghusga sa mga mata nito sa mga sandaling naging mahina siya. Hindi rin siya inuusisa ni Marco. Tanging mahigpit na yakap at mga masusuyong salita ang namumutawi sa bibig nito para mapagaan ang loob niya. Kahit na ang pagtulong at pag-aasikaso ni Marco ay buong puso niyang tinatanggap at hindi niya nilalagyan ng masamang kahulugan. Masarap pala sa pakiramdam ‘yong may naaasahan o nasasandalan siya anumang oras man ‘yon. Nasisiyahan man siya sa pag-aasikaso ni Marco pero kailangan na nitong bumalik sa bayan kasi baka hinahanap na ito ng hepe. Tinangka niyang kunin ang bimpo sa kamay ni Marco para siya na ang gumawa no’n. “Mahal, ako na,” malambing niyang sabi. “Pero pa’no ang--.” “Heto, tatawagan ko na lang ‘yong isang kasamahan ko,” sabi ni Marco bago pa man maituloy ni Lyra ang sasabihin nito. Habang hawak ng kamay ni Marco ang cellphone at may kinakausap, ang isa naman niyang kamay ay patuloy sa paglapat ng bimpo sa mga pasa ni Lyra. Wala na lang magawa si Lyra kundi ang makinig sa usapan ni Marco at ang kasamahan nito. Nagdahilan si Marco na may emergency sa bahay kaya hindi siya makabalik ngayong hapon. Naintindihan naman ng kasama niya at hindi na nag-usisa pa. Hindi na pinagawa ni Marco ng anumang trabaho ang asawa at siya na ang nagtrabaho ng lahat ng ‘yon. Gaya ng bawat gabi, magkasama at masaya silang naghahapunan. Walang may nag-uusisa ng tungkol sa sugat sa mukha ni Lyra maliban kay Totoy. Pagkadating pa lang nito galing sa eskwlehan, tinanong agad nito si Lyra pero si Marco naman ang sumagot at sinabing nagkasugat daw si Lyra dahil sa allergy. Gusto pa sanang umalma ng bata dahil wala siyang alam na allergy ni ate Lyra niya pero isang seryosong tingin lang mula kay kuya Marco niya ay tumahimik na agad siya. Pati mga magulang ni Marco ay hindi na nagtangkang magtanong pa. Noon pa napansin ni Lyra na sa pamilyang ito, parang si Marco ang padre de pamilya dahil ang mga magulang nito at kapatid ay agad nitong napapasunod. Walang may maglakas ng loob na kumontra kay Marco, maliban na lang kay Lyra. Magkatabing nakahiga sa kama sina Marco at Lyra. Malalim na ang gabi at tanging tunog ng kuliglig at ingay mula sa bentilador ang maririnig sa loob ng kwarto. Tulog na si Marco pero gising na gising pa rin si Lyra. Nakatitig sa kisame si Lyra habang iniisip ang pakikipagkita niya sa mga miyembro ng Pahimakas bukas. Nalaman ni Lyra na may limang numero na naka-save sa cellphone na binigay ng Don sa kaniya. Alam niyang ‘yon ang mga miyembro ng Pahimakas na nandito sa isla. Nagpadala na siya ng mensahe sa kanila na magkita sila sa ro’n sa isang abandonadong nasunog na gusali na dating sari-sari store. Gusto ni Lyra makilala ang bawat isa sa kanila at kumuha pa ng impormasyon tungkol do’n sa transaksiyon. Natapos ang pagmuni-muni niya ng naramdaman ang pagyakap sa kaniya ni Marco. Pagkatapos hinawakan ang hita niya at sinandal sa kaniyang paa. “Matulog ka na, mahal. ‘Wag ka ng masyadong mag-isip pa,” sabi ni Marco sabay halik sa noo ni Lyra. Tila may makapangyarihang mahika ang boses ni Marco dahil parang biglang bumigat ang mga talukap ng mata niya at nakatulog agad siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD