Chapter 2.1

1405 Words
“Subukan mong saktan ang kahit na isa sa pamilya ko, sinusumpa kong pababagsakin kita at ang Pahimakas. Uubusin ko kayong lahat,” buong-tapang niyang sabi. Hindi ‘yon pagbabanta dahil talagang gagawin niya ‘yon. Maaaring wala siyang laban sa Don pero hindi ibig sabihin no’n, mananahimik na siya at wala nang gagawin. Naglabanan sila ng titigan pero sa huli ang Don din ang bumawi ng tingin. Pagkatapos, tumalikod siya at lihim na natuwa. Hindi pa patay ang kaniyang anak na Reyna. Tanging si Reyna lamang ang may lakas na loob na pagbabantaan ang Don at hindi ang simple at duwag na si Lyra. Mahinahon na bumalik sa upuan ang Don. “Mapapatay mo man ako, Reyna, pero hindi mo maliligtas ang pamilya mo,” buong kumpiyansa niyang sabi. Gustong umalma ni Lyra at hamunin ang Don, pero ano ba ang mahihita niya ‘pag ginawa niya ‘yon? Wala rin mangyayari. Hindi rin mababago no’n ang katotohanan na maaaring may masaktan o mawala sa pamilya niya. At hindi niya maaatim na ilagay sa panganib ang buhay ng pamilya niya. “Ano’ng dapat kong gawin para hindi mo sila saktan?” tanong ni Lyra nang nakalaylay ang mga balikat. Kahit pa’no may ideya siya kung ano’ng plano ng Don sa kaniya pero umaasa siya na sana hindi ‘yon ang marinig niyang sagot mula sa bibig nito. Nakuha na ng Don ang kahinaan ng anak niya at ‘yon ang gagawin niyang bala para mapasunod ito katulad ng dati. “Matanda na ako, Reyna. Kailangan ko ng papalit sa akin. At ikaw ‘yon,” diretsahan na sabi ng Don. Mas malala pa pala kaya sa naisip ni Lyra ang gustong gawin ng Don. Pero ang hindi niya maintindihan ay kung bakit gusto na nitong magretiro. Oo, maaaring tumanda na ito at hindi na kasing lakas tulad ng dati, pero napakatuso pa rin nito at kayang-kaya pa nitong gampanan ang pagiging lider ng Pahimakas. Kahit hindi pa sabihin ng anak niya, nababasa ng Don ang nasa isip nito. “May kanser ako,” sabi ng Don. Ayaw niyang maniwala. Ngunit ang kapansin-pansin na pangangayat nito at ang paggamit nito ng baston upang makalakad nang maayos ang nagpakumbinisi sa kaniya. “Kailan pa?” ang tanging natanong niya. “Isang taon na,” agad na sagot ng Don. “Ga’no kalala?” tanong niya ulit. Maaaring pinagbantaan nito ang kaniyang pamilya at naisip niyang kalabanin ito, pero hindi pa rin niya maiwasan ang mag-aalala. Siguro kasi kahit pagbalik-baliktarin man ang mundo, hindi nito mababago na ama niya pa rin ito. “Maayos pa ang kalagayan ko. Pero mas mabuti na ‘yong handa tayo sa anumang mangyayari,” sabi ng Don nang walang bahid na emosyon. Katulad ng dati, hindi pa rin sinasabi ng Don ang lahat-lahat kahit pa sa kaniya. Hindi na bale, malalaman niya rin naman ‘yon. “Bakit ako?” “Bata ka pa lang sinanay na kita para sumunod sa mga yapak ko,” pagpapa-alala niya sa kaniya. Siyempre, pa’no niya ‘yon malilimutan? Kung paglalaro at pag-aaral ang pinagkakaabalahan ng isang ordinaryong bata, siyan naman ay nakatutok lamang na matutunan ang iba’t ibang uri ng martial arts tulad ng karate, taekwondo, at kick boxing. Bata pa lang siya pero alam na niya kung paano ang makipaglaban at depensahan ang sarili. Ngunit sa sampung taon na wala siya sa poder ng Don, umaasa siya na ibibigay nito kay Carlos ang pagiging lider. Si Carlos na stepbrother niya at palagi niyang kakompetensiya sa lahat ng bagay. “Bakit hindi mo na lang ibigay kay Carlos? Mas karapat-dapat siya kung--.” Malakas na tinapik ng Don ang baston sa papag na sahig na nagpatahimik sa kaniya. “Walang sinuman ang pwedeng kumwestiyon ng desisyon ko. Kahit ikaw pa, Reyna,” sabi niya sa maawtoridad na boses. Napabuntong-hininga siya. Kahit hanggang ngayon, hindi niya pa rin maasahan ang kapatid na ‘yon. Matagal na nga siyang nawala pero hindi pa rin nito nagawang makumbinsi ang Don na gawin itong lider. “‘Pag pumayag ba ako, hindi mo sasaktan kahit kailan si Marco at ang pamilya ko?” paninigurado ni Lyra. “Oo,” simpleng sabi ng Don pero punong-puno ng kasiguraduhan. Alam ni Lyra na may palabra de honor ang Don. ‘Pag may binitawan itong pangako, siguradong isasakatuparan niya ito. “Puwede bang bigyan mo ako na isang buwan na palugit bago bumalik sa iyong mansiyon?” pakiusap ni Lyra. Hindi niya makakayang basta na lang umalis pero hindi rin niya makakayang magpaalam. Gusto niya lang makasama pa ng isang buwan si Marco at ang pamilya niya. ‘Yong kahit papaano, may maiiwan siyang magagandang alaala sa kanila bago man lang siya umalis. Hindi niya ‘yon inaasahan sa kaniyang anak, pero kung tutuusin mabuti na rin na mamalagi siya muna rito. “May dalawang buwan ka para manatili rito pero may kapalit ‘yon.” Kahit ano pa ‘yon na kapalit, tatangapin ‘yon ni Lyra basta makapiling niya lang ang mga mahal niya sa buhay. “Ano ‘yon?” “May binili akong mga armas galing sa ibang bansa. May barkong magdadala ng kargamento na ‘yon at dito ‘yon dadaong,” sabi ng Don. Kung hindi dahil sa transaksiyon na ‘yon, hindi pa niya mahahanap ang anak. May mga tauhan siyang pumunta rito sa isla para magmatyag at tingnan kung safe ‘tong lugar na bagsakan no’ng kargamento. Buti na lang may isang tauhan na nakakilala kay Reyna at kinunan siya ng litrato. Nakilala agad ng Don ang anak kahit pa maikli na’ng buhok nito at medyo nangitim kung kaya’t agad-agad siyang pumunta rito. Tadhana na mismo ang gumawa ng paraan para magkita silang muli ng anak niya. “Gusto kong ikaw ang mamahala ng transaksiyon at siguraduhin na makarating ang kargamento sa ating kuta. May dalawang buwan ka para planuhin ang lahat. May mga tauhan na ng Pahimakas dito at ikaw na’ng bahalang mamuno sa kanila,” dagdag pa ng Don. Gustong subukin ng Don ang anak kung kasing galing pa rin ito gaya ng dati. Sampung taon na’ng lumipas mula ng ginawa nito ang huling misyon. Naging matagumpay man ito pero hindi na ito bumalik sa kaniya. Isa pa, masusubok din ng misyon na ito ang katapatan nito sa kaniya at sa Pahimakas. Kahit na nasa dulo pa siya ng Pilipinas nagtago, talagang nahanap pa siya ng Don dahil sa transaksiyon na ‘yon. Kunsabagay, perpekto ‘tong isla para sa pagbagsakan ng kargamento. Isa ‘tong isla na border ng bansa at higit sa lahat, hindi gano’n kahigpit ang security dito. Iilan lang nga ang pulis na nandito at minsan lang dumalaw o magpatrolya ang coast guard dito. Tumango si Lyra. Siguradong hindi siya mahihirapan na gawin ang misyon na ‘to. “Tinatanggap ko ang misyon, Don,” sabi niya. Nanatiling walang emosyon ang mukha ng Don. “Inaasahan kong hindi mo ako bibiguin, Reyna.” “Wala pa akong may nabigong misyon, Don,” paggagarantiya niya rito. At ‘yon mismo ang dahilan kaya siya ang pinipili ng Don na susunod na maging lider ng Pahimakas. Wala sa bokabularyo nito ang pumalpak. Hindi katulad ng panganay niyang anak na lalaki na isang lampa at walang ng inatupag kundi ang pangbabae. Kahit na lalaki pa ‘to, kayang-kaya siyang talunin ni Reyna sa pakikipaglaban mula pa ng mga bata pa sila. Wala rin itong diskarte at umaasa nang palagi sa mga tauhan nito na gawin ang misyon na binibigay nito sa kaniya. Malayong-malayo kay Reyna na siya ang nagpaplano ng lahat at siya rin mismo ang magsasagawa no'n, at madalas, mag-isa lang nitong ginagawa ang misyon. Dinukot ng Don sa bulsa niya ang cellphone at nilapag ‘yon sa mesa. “Kontakin mo ako at ipaalam mo kung may nabuo ka ng plano,” sabi niya. Alam ni Lyra na hindi lang simpleng pangkontak ‘yong cellphone. Sigurado siyang may tracking device ‘yon kaya malalaman ng Don kung nasaan siya. Tanging pagtango lang ang nagawa niya habang tinititigan ang cellphone na mistulang isang matibay na kadena na tuluyang gagapos sa kaniya sa poder ng Don. Tumayo na ang Don at humakbang na papunta sa pintuan. Subalit bigla itong huminto at nilingon ang anak na nakaupo habang tulala. “Reyna,” tawag niya sa anak kung kaya’t nahismasmasan ito at tumingin ito sa kaniya. “Maligayang pagbabalik sa Pahimakas.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD