Napako ang mga paa ni Lyra sa kinatatayuan niya pero ang puso niya ay parang nagkakakarerahan sa bilis ng t***k nito. Pinagpapawisan siya nang malapot at namumutla na tila ba nakakita siya ng multo.
Sana nga multo na lang ang nakita niya, pero totoong tao ito. Ang tao na kahit sino ay mangangatog sa takot ‘pag nakita ito kahit na siya pa na anak nito -- Ang Don ng Pahimakas mafia.
“Nanay Lyra, ‘di mo ba siya yakap. Tatay mo siya, ‘di ba?” inosenteng sabi ni Tin-tin.
Ang takot na bumalot sa buong katawan niya ay tila nalusaw sa pagkarinig ng boses ni Tin-tin at napalitan ng determinasyon na protektahan ang pamilya niya. Pinilit niyang ituwid ang pagkakatayo kahit pa umaalog ang mga tuhod niya at itinago sa likod ang nanginginig niyang mga kamay na tangan pa ang sandok na pang-prito.
“Tin-tin, pumasok ka sa kuwarto n’yo at ‘wag ka ro’n lalabas hangga’t ‘di ko sinasabi,” utos niya sa bata. At lubos siyang nagpapasalamat dahil hindi siya nautal.
“Pero sabi ni--”
“‘Wag matigas ang ulo, Tin-tin,” sabi niya sa maawtoridad na tono.
Medyo natakot si Tin-tin dahil ito ang unang beses na kinausap siya ng Nanay Lyra niya gamit ang tonong ‘yon. Inalis ng bata ang kaniyang kamay mula sa hawak ng Don na agad din naman siyang binitawan at sinunod ang utos ng Nanay Lyra niya.
“Reyna,” ang tanging sabi ng Don pagkaalis ng bata.
Nilabanan niya ang galit na gustong sumabog pagkarinig ng pangalan na ‘yon dahil tagos sa buto ang pagkamuhi niya sa pangalan na ‘yon. Kinalma niya ang sarili. Hindi niya dapat hayaan na mangingibabaw ang galit at takot ‘pag kaharap na niya ang Don.
“Don,” ang sagot niya sa walang emosyon na boses. “Maupo ka muna, o baka gusto mo ng maiinum?” dagdag niya pa sa kaswal na tono.
“Matapos ang sampung taon, ‘yan ang sasabihin mo sa akin, Reyna,” kalmado niyang sabi sa anak.
Napalunok si Lyra dahil ramdam niya ang galit nito sa likod ng mahinahon nitong pagsasalita. Lumipas man ang sampung taon nang hindi sila nagkikita ng Don, hindi sapat ‘yon para mabura sa isipan niya kung ga’no niya ito kakilala.
“Kukunan kita ng tubig,” sabi niya at agad tumalikod.
“Wala kang may matatakasan,” sabi ng Don. Nakapalibot sa maliit na bahay na ito ang kaniyang mga tauhan. Nag-iisa man ang kaniyang anak pero alam niya ang kakayanan nito kaya minabuti niyang handang-handa siya sa pagkikita nilang dalawa.
Lumingon si Lyra hindi para tingnan ang Don kundi ang pintuan. Gaya ng inaasahan niya, nando’n nakabantay ang pinaka-pinagtitiwalaan na tauhan ng ama niya, si Elias.
“Wala akong balak tumakas,” sagot niya bago pumunta sa kusina.
Do’n niya lang naamoy na nasusunog na pala ang piniprito niyang isda. Agad niyang pinatay ang gasol at saka malalim na humugot ng hininga at dahan-dahan na binuga iyon. Maraming beses niya ‘yong ginawa para pakalmahin ang dumadagundong pa rin niyang puso.
Nang pakiramdam niya ay kumalma na siya, binitawan niya ang pang-prito na sandok at kumuha ng babasagin na baso para lagyan ‘yon ng tubig. Pagbalik niya, nakaupo na ang Don sa matigas na ratan na medyo sira-sira na ang hawakan nito at pinagmamasdan ang kabuuan ng tahanan niya.
Do’n lang napansin ni Lyra na may hawak itong ginto na baston na kasing-kulay ng mahogany at sa hawakan no’n ay may palamuti na kumikinang na ginto. Ang dati nitong matikas na katawan ay medyo nangangayayat at ang buhok nito ay kulay puti na’ng lahat. And dati nitong malinis na mukha dahil madalas na pinapaahit niya ‘yon kay Elias ay nababalot na ng puti na balbas at bigote. Gayon pa man, mas lalo lamang itong naging mas nakakasindak tingnan.
Nilagay niya ang baso sa mababa at medyo umuuga na mesa at umupo sa ratan na sofa. Huminga muna siya ulit nang malalim bago tiningnan sa mata ang Don na kaharap niya.
“Ito ang buhay na pinagpalit mo sa karangyaan at kapangyarihan na tinatamasa mo no’n,” bungad ng Don sa kaniya pagka-upo niya.
“Masaya at kuntento ako sa kung ano’ng meron ako ngayon,” buong sinsero na sabi ni Lyra.
Tumalas at lumalim ang mga tingin ng Don sa kaniya. “Hindi kita pinalaki na maging Reyna para lang maging hamak na alipin,” sabi ng Don nang may bahind na pagkadismaya.
Naikuyom niya nang mahigpit ang mga kamay na nasa tuhod kung kaya’t nagusot ang kaniyang suot na daster. “Matagal nang patay si Reyna,” matapang niyang turan nang hindi sinasalubong ang titig ng ama. “Si Lyra Tibayan na ngayon ang kaharap mo."
Tumiim ang bagang ng Don. “Kung gano’n, bubuhayin kong ulit ang anak kong Reyna,” desidido nitong sabi.
Napasinghap si Lyra na para bang sinaksak siya ng Don gamit lamang ang mga salita na ‘yon. Mukhang ‘yon nga ang plano ng Don, ang patayin siya bilang si Lyra. Nabalot muli ng takot at pangamba ang puso niya.
“Pakiusap, hayaan mo na ako. Hayaan mo na akong maging si Lyra,” mangiyak-ngiya niyang pagmamakaawa. Alam niya kung ga’no makapangyarihan ang Don, walang silbi ang labanan ito dahil matatalo lang siya. Ang tanging magagawa niya ay magmakaawa at umasa na pagbibigyan siya nito.
Tumayo ang Don at hinataw sa katawan ang anak gamit ng baston niya. “Estupido! Hindi nagmamakaawa ang Reyna! Hindi kailan man!” bulyaw ng Don sa mabagsik na boses.
Hindi sinangga ni Lyra ang bawat hampas ng Don at tinanggap lang lahat ‘yon. Kung ito ang kaparusahan niya, buong-puso niyang tatanggapin, basta’t pagkatapos nito ay hahayaan na siya nito.
Akmang papaluin na niya ito sa ulo pero pinigilan ng Don ang kaniyang sarili. Sampung taon na niyang pinaghahanap ang anak sa bawat sulok ng Pilipinas. Alam niyang buhay pa ito dahil walang sinuman ang makapapatumba sa isang Reyna Valmorida. Pero ang hindi niya inaasahan ay kaya hindi na ito bumalik sa kaniya dahil gusto na nitong mamuhay bilang isang alipin.
Kanina pa nanggagalaiti sa galit ang Don. Pagkakita niya pa lang sa anak na nakasuot ng mumurahin na daster habang may hawak na sandok na pangluto ay gusto na agad niya itong alugin sa balikat para matauhan. Pero pinigilan niya ang sarili kasi baka may magandang dahilan ito kung bakit ito pumayag na maging hamak na may-bahay ng isang pipitsugin na pulis. Matalino at tuso ang kaniyang anak. Hindi ito basta-basta magpapaalipin kung kanino lang. Pero nang marinig niyang nagmakaawa ito, do’n na sumambulat siya sa galit. Hindi dapat nagmamakaawa ang isang Reyna kahit pa sa Don ng Pahimakas at sa sarili nitong ama.
Binaba ng Don ang kaniyang baston at itinukod ito para makabalanse siya nang maayos. “Kakalimutan ko ang lahat ng ito at papatawarin kita, basta’t sumama ka lang sa akin,” kalmado na niyang sabi.
“Patawad pero hindi ko ‘yon magagawa,” sabi ni Lyra nang nakatingin sa papag na sahig.
“Bakit?” tanong ng Don habang nagpipigil ulit na magalit. Talagang inuubos ng anak niya ang kaniyang pasensiya.
“Mahal ko si Marco at ang pamilya--.”
Dumapo ang palad ng Don sa mukha ni Lyra para bigyan ito ng malakas na sampal. Sa lakas ng puwersa, napasandal si Lyra sa sofa pero wala siyang maramdaman ni kirot man lang. Nasanay na siya sa pananakit ng Don mula nang bata pa siya. Ang paliwanag lang ng Don sa kaniya ay ‘yon daw ang paraan ng pagdisiplina nito sa kaniya. At naniwala naman siya.
Hindi na napagilian ng Don ang sarili pagkabigkas ng anak niya ng dalawang salita: mahal at pamilya. Wala itong dapat ituring na pamilya kundi siya lang na ama nito. At ‘yang pagmamahal ay isang makamandag na lason na siyang papatay sa anak niyang Reyna, at ‘yon na nga ang nangyari. Pero hindi pa huli ang lahat, hindi niya pa sinusukuan ang anak.
“Alam ba ng lalaking ‘yon at ‘yang pamilya mo kung sino ka noon, kung ilang tao ang pinahirapan at pinatay mo?” tanong ng Don.
Alam ni Lyra ang totoong sagot sa tanong na ‘yon pero sigurado siya na hindi ‘yon alam Don at sisiguraduhin niya na hindi nito malalaman ang totoo dahil siguradong gagamitin ‘yon nito para mapasunod siya nito.
“Oo, tanggap nila ang nakaraan ko,” sabi niya nang hindi kinukurap ang mga mata.
Gustong maniwala ng Don sa kaniya dahil kahit kailan hindi nagsinungaling ang anak niya sa kaniya. Pero sabi nga nito, hindi na siya si Reyna, hindi na siya ang anak niya. Gayun pa man, may epektibong paraan pa rin ang Don para bumalik ito sa kaniya.
“Ipapatay ko ang lalaking ‘yon kasama na’ng pamilya niya. Wala akong may ititirang buhay,” deklara ng Don.