Chapter 5 Sa Tree House

1739 Words
Tirik na ang araw nang magising si Lyra. Napakurap-kurap pa siya dahil tumatama sa mata niya ang liwanag na tumatagos sa manipis at bulaklakin nilang kurtina. Mag-isa na siya sa kama at wala na si Marco sa tabi niya. Napabalikwas siya sa pagkakahiga nang makita sa bilugan na relo na nakasabit sa dingding na pasado alas nuebe na. Agad siyang lumabas ng kwarto nila. Nakailang hakbang pa lang siya mula sa pintuan ng kwarto nila nang bigla siyang napahinto nang makita si Marco sa sala. Nakadekwatro si Marco habang nagbabasa ng diyaryo. Napatanong sa sarili si Lyra kung hindi ba ito papasok ngayon dahil tinanghali rin ng gising. Madaling araw na rin kasi itong nakatulog. Pwede naman itong pumasok kahit mahuli man ito, kaya nagtataka si Lyra kung bakit nandito pa rin ito sa tahanan nila. At mukhang walang balak na pumasok ito dahil nakapangbahay pa ito na damit. Nang kinuha ni Marco ang tasang may laman na kape at dahan-dahan hinigop ‘yon matapos itong hipan, hindi maiwasan ni Lyra ang magdamdam. Simpleng kape lang naman ‘yon pero malaking bagay ‘yon para kay Lyra. Simula ng nag-asawa sila ni Marco, siya na ang nagtitimpla ng kape nito. Sabi pa nga nito sa kaniya na hindi ito iinom ng kape na hindi siya ang nagtimpla. Kahit pa nagkakatampuhan sila no’n ni Marco, aantayin pa rin nitong ipagtimpla siya ni Lyra ng kape. Pakiramdam tuloy ni Lyra na malaki talaga ang tampo sa kaniya ng asawa. Nang maramdaman ni Marco na parang may nakatitig sa kaniya, nilingon niya ang kwarto nilang mag-asawa at nakita si Lyra na nakatayo ro’n. Magulo pa ang buhok nito at medyo oily pa ang mukha. Halatang bumangon agad ito pagkagising. “Morning, mahal,” bati ni Marco sa kaniya nang nakangiti. Imbes na sumago, medyo napangiwi si Lyra. Kung batiin at ngitian siya ni Marco ay akala mo hindi sila nag-away kahapon at hindi ito inumaga ng uwi at lasing pa. “Buti naman at gising ka na, mahal. Halika, almusal na tayo,” sabi ni Marco nang hindi napapalis ang ngiti sa kaniyang mga labi. “O, si-sige,” sagot ni Lyra kahit na medyo naguguluhan siya sa kinikilos ni Marco. Naunang pumasok si Marco sa kusina at kinuha ang plastic na pantakip ng pagkain sa mesa. Sinangag at tortang talong ang nakahandang almusal nila. Naglagay ng dalawang pinggan sa mesa si Marco at saka nilagyan ‘yon ng tag-isang kutsara at tinidor. Nang matapos na siya, pinaghila niya ng upuaan ang asawa. Naiwan na nakatulala si Lyra sa kinatatayuan niya. Pero nang tumikhim si Marco, do’n lang nahimasmasan si Lyra. Kumilos na siya at umupo na. Umupo na rin si Marco at nilagyan ng sinangag at tortang talong ang pinggan ng asawa bago nilagyan ‘yong sa kaniya. Nagsimula nang kumain si Marco pero nanatiling nakatitig si Lyra sa kaniya. “Kain na, mahal. Inantay na nga kitang magising para sabay tayong mag-almusal,” buong lambing na sabi sa kaniya ni Marco. Kinuha ni Lyra ang kutsara at tinidor at kumain na rin. Parang robot si Lyra na sinusunod ang bawat sinasabi ni Marco. Hirap na hirap si Lyra na lunukin ang pagkain dahil parang batong matigas ‘yon. Ni hindi nga niya malasahan ‘yong pagkain. Napabuntong-hininga siya at binaba ang hawak niyang kutsara at tinidor. Hindi niya kayang magpanggap na maayos sila ni Marco, na walang nangyaring away sa pagitan nila. “Marco…” tawag ni Lyra sa asawa. Umurong ang dila ni Lyra nang tumingin ang asawa sa kaniya. Ano nga ba ang dapat niyang sabihin? Nakukunsensiya siya dahil kung hindi siya nagsinungaling, hindi siya pagbibintangan ni Marco at hindi na mag-aaway pa. “Hindi ka ba papasok?” ‘yon na lang ang naisipan niyang itanong. “Nag-leave ako ng isang araw, mahal” kaswal na sabi ni Marco. “Bakit?” curious na tanong ni Lyra. “Mamaya na, mahal, pagtapos nating kumain,” sabi ni Marco matapos lunukin ang nginuya nitong pagkain. “Hindi, ngayon na,” determinadong sabi ni Lyra. Hindi rin naman siya makakain nang maayos hangga’t hindi sila nagkakausap. “Basta pagtapos nating mag-usap, kakain ka na, mahal,” sabi ni Marco. Nakadalawa o tatlong subo pa lang yata ang asawa niya kaya kung siya ang masusunod, gusto muna niyang kumain ito. Pero sa hitsura at tono ng boses nito, mukhang hindi ito patitinag. Tumango lang si Lyra dahil kinakabahan siya. Pa’no kung pilitin siya ni Marco na sabihin ang totoo kaya nag-leave ito? Siguradong mag-uuwi na naman ‘yon sa away. “Gusto kong mag-sorry sa mga sinabi ko kahapon, mahal. Hindi tama na basta-basta na lang kitang pagbibintangan.” sabi ni Marco sa mababang boses. Napag-isip-isip din ni niya na masyado siyang nag-overreact sa nangyari. Imbes na kalmang kausapin ang asawa, nagpadala siya sa bugso ng damdamin at pinagdudahan pa ito. Hinawakan niya ang kamay ni Lyra na nakapatong sa mesa. “Sorry na mahal. Mapapatawad mo naman ako, ‘di ba?” sabi pa niya sa malambing na boses sabay himas ng hinlalaki nito sa kamay ni Lyra. Gumising nga siya ng maaga at nagluto ng almusal para makabawi siya sa asawa. Imbes na gumaan ang pakiramdam niya dahil nakikipag-ayos na si Marco sa kaniya at ito pa ang huminga ng pasensiya, mas lalong bumigat ang pakiramdam ni Lyra na para bang may batong nakadagan sa didbdib niya. Pero pinilit niyang isantabi ang nararamdaman niya. “Oo naman,” sabi niya at pilit na ngumiti. “Sorry rin kasi hindi ko sinabi sa ‘yo,” dagdag pa niya. “Okay na ‘yon, mahal. Naisip ko rin na matagal na tayong hindi nakakapunta ro’n kaya baka na-miss mo na ‘yong tree house,” sabi ni Marco. Baka nakalimutan lang sabihin ‘yon sa kaniya ni Lyra o nawaglit sa isipan nito. Umangat ang tingin ni Lyra at nagtagpo ang mga mata nila ni Marco. “Hindi na ako pupunta ro’n,” sabi ni Lyra. Nasa kundisyon na naman ang katawan niya at sapat na ‘yong pag-ensayo niya ng paghawak ng baril. Ayaw na rin niyang bigyan ng dahilan si Marco para pagdududahan pa siya. “Bakit naman?” tanong ni Marco. Heto na naman ang kutob niya, pinipilit ipasok sa isipan niya na may tinatago talaga si Lyra sa kaniya. “Ayaw ko nang mag-away pa tayo,” sagot ni Lyra. Kinuha ulit ni Marco ang kamay ni Lyra at nilapit sa mga labi niya para halikan ‘yon. “Hindi naman ako nagalit dahil nagpunta ka ro’n. Ayaw ko lang talagang naglilihim ka sa akin.” Napalunok si Lyra pero nagawa pa rin niyang tumango at hindi inalis ang tingin kay Marco. “Buong-buo pa rin ang tiwala ko sa ‘yo, mahal. At, hinding-hindi mo sisirain ang pagtitiwala ko sa ‘yo, ‘di ba, mahal?” Basta marinig lang ni Marco ang ‘oo’ mula sa bibig ng asawa, maniniwala siya rito nang buong-buo. Basta umoo lang ang asawa niya. Kahit na nga tumango lang. Parang ‘yong batong nakadagan sa dibdib niya ay mas lalo pang bumaon. Sumikip ang dibdib niya pati na’ng lalamunan niya na pakiramdam niya’y hindi na siya makahinga. Bigla siyang tumayo at hinala ang kamay na hawak pa ni Marco. Kumuha ng baso si Lyra habang nanginginig ang mga kamay niya at sinalinan ‘yon ng tubig. Dahan-dahan niyang ininom ang tubig pero ‘yong inaasahan niyang kaginhawaan ay hindi niya naramdaman. May dalawang malalakas na bisig ang yumakap kay Lyra habang nakatalikod siya. Alam niyang si Marco ‘yon kaya awtomatikong sumandal ang katawan niya rito. “Kalma lang, mahal,” masuyong sabi ni Marco. Katulad pa rin ng dati, parang may hatid na mahika ‘yong boses ni Marco na nagagawang pakalmahin nito siya. Napabuntong-hininga si Lyra nang lumuwag na ‘yong pakiramdam niya. Pinaharap ni Marco sa kaniya si Lyra at kinulong ang mukha nito sa kaniyang mga kamay. “May problema ka ba, mahal?” masuyo pa rin nitong tanong. Imbes na awayin siya ni Marco dahil halatang-halata naman na may tinatago siya rito, heto at nag-alala pa ‘to sa kaniya. Hindi na magawang sagutin ni Lyra si Marco dahil magsisinungaling na naman siya rito. “Dahil ba ‘yon sa mga masasamang panaginip mo?” tanong ulit ni Marco. Nakumpirma na niya na may tinatago talaga si Lyra at siguradong may konektado ‘yon sa nakaraan niya. ‘Yon lang ang tanging nililihim sa kaniya ni Lyra. Ang mga masasamang panaginip ni Lyra na parang multo na halos gabi-gabi siyang dinadalaw at sinisindak sa takot. Kung hindi pa siya gigisingin ni Marco dahil sa matinis niyang pagsisigaw, baka tuluyan na siyang nakulong sa kaniyang panaginip. Nanginginig na ang mga labi ni Lyra. Gustong-gusto na niyang isumbong sa asawa ‘yong pananakot at pananakit ng ama niya sa kaniya. ‘Yong kung pa’no siya pinalaki ng ama hindi bilang anak nito kundi para maging isang matinding sandata nito para despatsahin ang mga kaaway nito. Pero sa huli, nangingibabaw ang determinasyon ni Lyra na protektahan si Marco at ang pamilya niya. Hinding-hindi niya dapat ilagay sa peligro ang buhay nina Marco kahit pa ang kapalit nito ay mawalay siya sa kanila. Basta ligtas sila, ayos na ‘yon para kay Lyra. “Mahal, tahan na,” sabi ni Marco habang pinapahiran ng mga daliri niya ang bawat luhang pumapatak mula sa mga mata ng asawa. Ramdam niya ‘yong bigat na kinikimkim ni Lyra sa loob nito. Gustuhin man niyang tulungan ang asawa pero pa’no niya ‘yon magagawa kung ayaw nitong sabihin sa kaniya. Yinakap ni Marco nang mahigpit ang asawa at nagdesisyon na ‘wag nang pilitin ang asawa pa. Pero hindi ibig sabihin no’n, wala na siyang gagawin at hindi na kikilos pa. Nang tumahan na si Lyra, hinalikan siya ni Marco sa noo. “Para mas gumaan ‘yang pakiramdam mo, pumunta tayong dalawa ro’n sa tree house,” yaya ni Marco sa kaniya. Kahit noon pa, talagang nagpupunta na ro’n si Lyra. Sabi kasi nito sa kaniya na panatag daw ang loob nito ‘pag nando’n ito. Kaya naisip ni Marco na pumunta sila ro’n nang magkasama. At ‘yon din ang sinasabi ng kutob niya. Baka ro’n niya matatagpuan ang kasagutan sa nililihim ng asawa. Tumango na lang si Lyra kahit na sa loob niya’y gusto niyang tumanggi. Basta mag-iingat na lang siya ‘pag nando’n na sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD