Dapit-hapon na nang magdesisyon ang mag-asawang Lyra at Marco na pumunta sa tree house. Hinintay pa muna nilang dumating si Tatay Fred para may magbantay kay Tin-tin.
Magkahawak-kamay pa sina Lyra at Marco habang tinatahak ang kagubatan na hindi kalayuan sa tahanan nila. Hindi naman ‘yon matarik, medyo masukal lang. Halos napapaligiran ng berde ang buong gubat, mula sa mga malalaking puno hanggang sa madamong lupa. May makipot na daan naman silang sinusundan pero kahit wala pa ‘yon, hindi naman sila maliligaw dahil kabisadong-kabisado ni Lyra ang daan.
Matapos ang labinlimang minuto na paglalakad, nawala na ang makipot na daan at puro damuhan na lang ang tinatapakan nila. Medyo nagdilim na dahil natatabunan ng makakapal na mga sanga ng puno ang buong kalangitan. Nagbitiw sina Lyra at Marco sa pagkahawak ng kamay. Naunang naglakad si Lyra habang nasa likuran naman si Marco at sinusundan siya. Hindi nag-uusap ang mag-asawa at tanging tunog ng mga kuliglig at ibon ang umaalingawngaw sa gubat.
May natanaw na tumatakas na liwanag si Lyra sa hindi kalayuang unahan nila, kaya alam niyang malapit na sila sa tree house. Nilingon ni Lyra si Marco at medyo napangiti siya nang makitang pawis na pawis ito habang umiinom ng baon nilang tubig. Nilapitan ni Lyra si Marco at pinunasan ang mukhat nitong tagaktak sa pawis.
“Kaya pa?” may halong tudyo na tanong ni Lyra sa asawa. Naalala pa niya noong pumupunta sila rito nang magnobyo pa lang sila, halos hindi hinahapo o pinagpapawisan si Marco. Bato-bato pa kasi ang katawan no’n at may abs pa, pero nang mag-asawa na sila, ayon medyo tumaba at lumubo na ang tiyan nito. Kung makakain kasi ito ng niluluto niya ay parang laging gutom na gutom.
Huminga muna ng malalim si Marco. “Oo naman, mahal,” sabi niya nang nakangiti.
“Malapit na rin naman tayo, mahal,” sabi ni Lyra.
Lumakad na ulit sila hanggang sa marating nila ang clearing-- isang maliit na bilog na pinapaligiran ng mga damo at ligaw na bulaklak na tumitingkad dahil sa liwanag na nanggagaling sa kalangitan ang tumatama rito. Sa gilid ng clearing ay ang mga matatayog na puno. At ang pinakamalapit na puno sa clearing ay naroon nakasampa ang munting bahay na gawa sa kahoy.
“Wala pa ring pinagbago, mahal,” sabi ni Marco habang nakasukbit ang kamay nito sa balikat ni Lyra.
Ngumiti at tumango lang si Lyra. Hinding-hindi niya makakalimutan ‘yong araw na nadiskubre niya itong napakagandang parte ng gubat.
Ilang buwan pa lang siya dito noon sa Isla pero gusto na niyang umalis rito. Pagkatapos niyang takasan ang Don, kulang-kulang na limang taon din siyang palipat-lipat ng lugar hanggang sa napadpad siya rito sa Isla. Wala pa sa Isla noon si Marco kaya wala siyang nakikitang dahilan para magtagal pa rito. Pero nang madiskubre niya itong clearing sa gitna ng kagubatan, nagdesisyon siyang manatili pa rito ng ilang buwan. Nakakaramdam kasi siya ng hindi maipaliwanag na kapayapaan dito, at ‘yon na rin ang nagtulak sa kaniya na magtayo ng tree house rito.
Hinawakan ni Marco ang kamay ni Lyra nang mapansin na parang tulala ito habang nakangiti. “May naalala ka ba, mahal?” tanong niya.
“Oo, magandang alaala,” sagot ni Lyra nang nakangiti.
“Kasama ba ako ro’n sa magandang alaala?” curious na tanong ni Marco.
Tumingin si Lyra sa kaniya. “Hindi, e,” pagsasabi niya ng totoo.
Sumimangot si Marco. “Akala ko pa naman kaya ka nakangiti, kasi ako ang iniisip mo,” medyo may halong pagtampo niyang sabi.
Hinawakan ni Lyra ang braso ni Marco. “Heto naman, masyadong madamdamin,” sabi niya. “Wala ka pa kasi nang naisipan kong magtayo ng tree house rito,” paliwang niya.
Mga anim na buwan pang nanirahan si Lyra sa Isla bago nadistino si Marco rito. Nagkakilala silang dalawa dahil serbidora siya sa karinderya na malapit sa presinto. Doon sa karinderya madalas kumakain o bumibili ng ulam ang mga pulis at doon din unang nakita ni Marco si Lyra. Unang beses pa lang silang nagkita, panay na ang titig ni Marco kay Lyra, at kahit nahuhuli pa siya ni Lyra, hindi ito bumabawi ng tingin. Simula no’n, doon na kumakain si Marco mula agahan hanggang tanghalian. Pagsapit naman ng gabi, dadalawin ni Marco si Lyra para umakyat ng ligaw.
Hindi siya nagustuhan ni Lyra kasi mayabang ang dating nito sa kaniya kaya binasted niya ito agad. Dahil sa magulo niyang nakaraan at pinagtataguan niya pa ang Don, hindi na naisip ni Lyra na magnobyo o bumuo ng sarili niyang pamilya. Pero talagang desidido si Marco, kahit ilang ulit siyang pagtabuyan at sungitan ni Lyra, ayaw talaga niyang sumuko.
Dumating din ‘yong araw na tumigil na si Marco sa pagpunta sa karinderya at pagbisita kay Lyra. Doon naman napagtagtanto ni Lyra na hinahanap-hanap niya ang presensiya ni Marco. Nami-miss niya ang maaliwalas nitong pagngiti pati na ang mga corny nitong joke at pick-up line. Kaya nagdesisyon si Lyra na sagutin na rin si Marco nang dumalaw ito ulit sa kaniya.
“Mahal, akyat na tayo sa tree house,” aya ni Marco sa asawa.
Naunang umaakyat si Lyra gamit ang hagdanan na nakasabit sa puno. Inalalayan naman siya ni Marco at hinawakan siya sa baywang pero bumaba ang kamay nito at napunta sa puwet niya.
“Mahal, ang kamay mo,” may himig na lambing at saway na sabi ni Lyra.
“Sorry, mahal. Nadulas lang ‘yong kamay ko,” palusot pa ni Marco. Nakailang himas pa siya bago binitawan ang puwet ng asawa. Hindi niya mapigilan ang sarili kasi humapit ‘yong paldang suot nito sa puwetan nang umakyat na ito sa hagdanan.
Dumiretso na sa pag-akyat si Lyra. Nilingon niya pa si Marco na akala niya’y nakasunod sa kaniya, ayon pala at naiwan sa baba at ngumingisi habang binobosohan siya nito.
“Marco,” saway ni Lyra sa asawa.
“Maganda rito ang view, mahal,” sabi ni Marco habang nakangisi at sinisipat pang mabuti ang legs ng asawa dahil medyo hapit ‘yong suot na mahabang palda nito.
“Magkakuliti ka sana,” sabi na lang ni Lyra habang napapailing. Nakasuot naman siya ng skin tone na cycling kaya hinayaan na lang niya ang asawa at pinagpatuloy ang pag-akyat hanggang sa marating na niya ang maliit na balkonahe ng tree house.
Nang nasa taas na si Lyra, sinubukan nang umakyat ni Marco pero medyo kinakabahan siya ro’n sa hagdanan kasi baka bumigay ‘yon at mahulog pa siya. “Mahal, matibay pa ba ‘tong hagdan?” tanong niya sa asawa.
“Kahit tumaba ka na, kayang-kaya ka pa niyan,” may pagtudyong sagot ni Lyra.
Humaba ang nguso ni Marco pero tumapak na rin siya sa hagdanan. Hindi naman ‘yon nabuwal kaya tumuloy-tuloy sa pag-akyat si Marco hanggang sa makarating na siya sa taas.
“Matibay talaga ang pagkagawa mo--.”
Bago pa matapos ni Marco ang sasabihin, kinurot siya ni Lyra nang pinong-pino sa tagiliran. Napangiwi at napa-aray sa sakit si Marco.
“‘Yan ang bagay sa nangboboso,” sabi ni Lyra. Ngayon siya naman ang nakangisi.
“Wala naman akong may nakita, mahal,” depensa ni Marco habang hinihimas ang tagiliran na kinurot ng asawa.
“Talaga lang, ha,” sabi ni Lyra habang hinuhubad ang tsinelas bago pumasok sa loob ng tree house.
Sumunod naman si Marco kay Lyra at nilibot ng tingin ang loob ng tree house. Gaya ng huli niyang punta rito, wala pa rin itong pinagbago. Nandoon pa rin ang pang-isahan na kutson na nakalatag sa sahig, ‘yong duyan na malapit sa bintana na pabilog, mababang mesa na may nakapatong na gasera, at maliit na kabinet na may salamin sa ibabaw nito. Sa gitna no’n ay ang malapad na punong-kahoy.
Parang nabawasan ang kutob ni Marco na may nililihim ang asawa niya rito sa tree house. Kung may tinatago man ito, mapapansin niya sana ‘yon agad dahil maliit lang itong tree house.
“Hmm,” daing ni Lyra nang mahiga siya sa kutson habang nakapikit ang mga mata niya. Parang nakaramdam siya ng antok nang lumapat ang likod niya sa kutson.
Tinabihan na rin ni Marco si Lyra at yinakap ito na halos nakadagan na ito sa kaniya para lang magkasya silang dalawa sa kutson.
“Natatandaan mo pa ba nang una mo akong dinala rito?” tanong ni Marco kay Lyra habang hinahaplos ang maiksi nitong buhok.
Medyo natawa si Lyra nang maalala ‘yon. Nang malaman kasi ni Marco na pumupunta siya rito sa gubat, hindi siya nito tinigilan at tatlaong araw na kinulit hanggang sa mapapayag siya nito.
“Oo naman,” sagot ni Lyra habang pinapakinggan ang malumanay na t***k ng puso ni Marco.
Ngumiti si Marco. Hinding-hindi niya makakalimutan ang araw na ‘yon dahil ‘yon ang unang beses na nagsiping sila ni Lyra. Saksi ang tree house sa maalab na pagniniig nilang dalawa. At dito rin mismo sa tree house na ‘to inalok ni Marco si Lyra na magpakasal. Kaya naman sobrang espesyal ng tree house para sa kanilang mag-asawa.
“Pwede natin i-remake ngayon ‘yong unang gabi natin rito, mahal” pilyong mungkahi ni Marco habang gumagapang pababa ang kamay niya.
Bago pa mahawakan ni Marco ang puwet niya, nahuli na ni Lyra ang kamay nito at binalik ‘yon sa braso niya. “Masyado pang maaga, mahal,” pagsaway niya rito.
Lumingon si Marco at tinananw ang bintana. Mas nangingibabaw na na ang dilim kaysa sa liwanag sa labas. “Malapit nang gumabi, mahal. Baka pwede na?” sabi ni Marco sabay dampi ng halik sa ulo ng asawa.
Inangat ni Lyra ang ulo niya para masilayan ang mukha ni Marco. “Hindi tayo pwedeng matulog rito. Baka mag-alala sina Tatay at Nanay,” sabi niya.
Dumakwang ng halik si Marco sa labi ni Lyra. “Alam naman ni Tatay na nandito tayo,” sabi niya.
Kanina pa niya napapansin ang magandang mood ni Marco kaya wala na siyang maramdaman na tensiyon hindi katulad nang naglalakad sila papunta rito. Nakatago naman nang maigi ‘yong box na pinalagyan niya ng baril, maliit na notebook, at cellphone kaya hindi ‘yon makikita ni Marco.
“Ang paalam natin, bibisita lang tayo rito, hind magpapalipas ng gabi,” pagpapaalala ni Lyra kay Marco.
“Pareho na rin ‘yon,” sagot agad ni Marco. “Pero kung ayaw mong dito tayo matulog, pwede naman gawin nang mabilis lang, ‘di ba?” pagkukumbinsi niya sa asawa habang nakataas ang dalawa niyang kilay.
Pinalo ni Lyra ang balikat ni Marco at sinandal ulit ang ulo niya sa dibdib nito. “Puro kapilyuhan ‘yang nasa isip mo,” sabi ni Lyra pero hindi niya rin mapigilan ang mapangiti.
“Pakipot pa ‘tong misis ko, bibigay rin naman,” sabi ni Marco at agad na bumalikwas para magbaliktad ang puwesto nila. Si Lyra na ang nasa ilalim at si Marco ang nasa ibabaw. Nakatukod ang dalawang kamay niya sa magkabilang gilid ng ulo ni Lyra habang ang mga binti niya’y kinukulong ang mga paa nito upang hindi makagalaw.
Impit na napatili si Lyra dahil sa biglaang kilos ni Marco pero tumawa rin pagkatapos. Hindi maalis ni Marco ang titig sa asawa habang tumatawa ito. Lumalabas ang dalawang biloy nito sa pisngi at nagkikislapan ang mga mata na parang tala sa madilim na kalangitan. Mas lalong nakakahalina ang angking kagandahan nito na siyang nagpapatulala kay Marco.
“Mahal kita, Lyra,” pabulong na sabi ni Marco.
Tumigil sa pagtawa si Lyra dahil parang may mainit na palad ang humaplos sa puso niya. Minsan lang sabihin ni Marco ang mga katagang ‘yon dahil mas madalas sa kilos nito pinaparamdam sa kaniya kung ga’no nito kamahal siya. Wala rin naman problema ‘yon kay Lyra. Mas nagiging makahulugan at malalim nga ang mga salitang ‘yon ‘pag minsan lang nasasambit.
Hinaplos ni Lyra ang mukha ni Marco gamit ang dalawang kamay niya. “Mahal din kita, Marco,” tugon niya.
Bumaba ang mukha ni Marco at pinagdikit ang mga labi nila ni Lyra. Walang pagmamadali at ninanamnam nilang dalawa ang bawat hagod ng kanilang labi sa isa’t isa.
Saglit silang huminto at kuntentong pinagmasdan ang isa’t isa nang walang halong pagnanasa, kundi purong pagmamahal lamang. Pakiwari nila’y parang tumigil din ang pagtakbo ng oras, ang pag-ikot ng mundo na para bang sa isang sandali napaglabanan ng pag-ibig nila ang patuloy na pagdaloy ng panahon.