Pagkatapos nga ng dalawang linggo, may kani-kaniyang trabaho na ‘yong limang miyembro ng Pahimakas. Nakapagkalap din sila ng mahalagang impormasyon tungkol sa coast guard. Tuwing una at huling linggo pumupunta ang coast guard sa isla pero araw-araw na umiikot ito sa karagatan para bantayan ang teritoryo ng bansa.
Nasip ni Lyra na gawin ang transaksiyon sa kalagitnaan ng Mayo, pero mukhang mahihirapan ang barko na makapasok sa teritoryo at makadaong sa isla nang patago. Walang kontak si Lyra sa mga taga Tsiwan na katransaksiyon nila at wala rin muna siyang balak kausapin ang Don dahil hindi pa buo at konkreto ang plano. Marami pang gusot ang kailangan niyang ayusin.
Mukhang hindi naman naiinip ang Don kahit na Abril na ngayon at may natitira na lang si Lyra na isang buwan bago ang transaksiyon dahil hindi rin ito siya tinatawagan. Malaki pa rin ang tiwala ng Don sa kaniya.
Mas inuuna muna ni Lyra ang pagpapakundisyon ng katawan niya. Bawat hapon, matapos niyang patulugin si Tin-tin, pumupunta siya sa tree house na nasa kalagitnaan ng masukal na kagubatan. Dito siya nagpapalakas sa pamamagitan ng pagbubuhat o paghihil ng mga malalaking troso at pag-ensayo ng pagsuntok gamit ang sako na may laman na buhangin. Dito rin siya nag-eensayo ng pagbaril. Pinupuntirya n’ya ‘yong maliliit na mga lata gami ang baril na may silencer.
Pagkatapos ng pagpapakundisyon at pag-eensayo ni Lyra, uuwi siya ng alas kuwatro y medya ng hapon. Pinagsabihan na ni Lyra si Tin-tin na ‘wag ipagsabi kahit kanino ang pag-alis niya. Nagdahilan lang siya sa bata na may mahalaga siyang inaasikaso. Naninwala naman sa kaniya ang bata at sinusunod siya.
Hinubad ni Lyra ang jogging pants pero hinayaan nang suot ang sports bra at saka sinukbit ang daster na suot-suot niya pagpunta rito. Tinago niya sa isang box na de susi ang baril, bala, at silencer. Laman rin ng box na ‘yon ang isang maliit ng notebook kung saan nakalagay ang detalye sa transaksiyon at ang cellphone na binigay ng Don. Dali-dali siyang bumaba sa tree house gamit ‘yong hagdananan na gawa sa kahoy.
Mabilis na lumalakad pauwi si Lyra dahil magsasaing at magluluto pa siya ng ulam para sa hapunan nila. Tumingin muna siya sa relos niya at saktong alas kuwatro y medya na.
Pagbukas niya ng pintuan, laking gulat niya ng makitang nakatayo ro’n si Marco na para bang inaabangan talaga siya.
“Ma-mahal,” medyo kabado pang bati ni Lyra kay Marco. Parang mas lalong siyang pinagpawisan pagkakita kay Marco.
“Saan ka galing?” tanong ni Marco sa seryosong boses. Nagsasalubong ang mga kilay nito at nakakunot ang noo.
“Di-diyan lang,” nauutal pa rin na sabi ni Lyra dahil hindi siya sanay na ganitong kausapin ni Marco.
“Saang diyan lang?” may diin na pagtanong ni Marco. Pinipigilan niyang magalit sa asawa dahil gusto niyang marinig muna ang paliwanag nito.
Kung hindi pa siya sinabihan ni Mang Kadyo na dalawang beses daw niyang nakasalubong si Lyra na papuntang kagubatan, hindi pa niya malalaman na umaalis pala ito ng bahay. Nag-aalala lang daw si Mang Kadyo kay Lyra kasi masukal ‘yong kagubatan at hindi ‘yon na ligtas na puntahan ng isang babae.
Wala naman problema kung umalis man ang asawa niya ng bahay pero ang hindi niya maintindihan ay kung bakit hindi ito nagpaalam sa kaniya. Hindi naman niya ito pagbabawalan dahil alam niyang kaya nito ang sarili.
“Sa tree house.” Hindi na nagsinungaling pa si Lyra dahil alam naman ‘yon ni Marco ‘yong tinutukoy niyang tree house.
Espesyal sa kanilang mag-asawa ang tree house na ‘yon pero hindi pa rin maintindihan ni Marco kung bakit patagong pumupunta ro’n ang asawa. Kung nagsabi lang ito sa kaniya, baka nga samahan niya pa ito.
“Ano’ng ginagawa mo ro’n?” pag-uusisa pa rin ni Marco.
“Wala lang. Naisip ko lang na dalawin ‘yon. Matagal ko na kasing hindi napupuntahan ‘yon,” paliwanag ni Lyra nang hindi na nauutal. Kumalma na kasi siya at naalis na rin ang kabang nararamdaman.
Gusto man maniwala ni Marco sa asawa, pero iba talaga ang kutob niya. May nililihim ang asawa sa kaniya.
“Tin-tin, pumasok ka sa kwarto n’yo,” utos ni Marco sa bata na nakaupo sa sofa.
Sumunod naman ‘yong bata pero mangiyak-ngiyak na ito. Naisip ni Lyra kung pinilit kaya ni Marco ang bata na magsalita. Pa’no kung nagsalita nga ito, ano’ng dahilan ang ibibigay niya kay Marco? ‘Yong puso niyang napakalma niya kanina ay biglang lumagabog at bumilis ang t***k.
Hinawakan ni Marco ang palapulsuhan ng asawa at pinaupo ito sa matigas na sofa. Ilang beses nagpalakad-lakad si Marco sa harapan ng asawa.
“May hindi ka ba sinasabi sa akin?” tanong ni Marco habang nakatayo pa rin.
“Pasensiya ka na kung hindi ako nakapagpaalam sa ‘yo,” ang sabi ni Lyra nang hindi tinitingnan si Marco. Ayaw niyang makita sa mga mata nito ang pagkadismaya.
“Kailan ka pa nagpupunta ro’n?” tanong ulit ni Marco. Nang usisain ni Marco si Tin-tin, ang tanging bukam-bibig nito ay hindi niya alam. May kutob siyang may alam ang bata at pinagtatakpan lang si Lyra. Hindi na niya pinilit ang bata na magsalita dahil gusto niyang si Lyra mismo ang magsabi no’n sa kaniya.
“Kamakailan lang,” pagsisinungaling ni Lyra.
“Bakit?”
“Sabi ko nga--.”
“‘Yong totoo,” sabi ni Marco sa mataas na boses.
Napaigtad si Lyra dahil ito ang unang beses na sinigawan siya ni Marco. Pero hindi dapat siya magpasindak. “Bahala ka kung ayaw mong maniwala sa akin,” galit niyang sabi. Alam kasi niya na ‘pag nagagalit na siya, tumitiklop si Marco at nilalambing na siya agad.
Tumayo si Lyra at nakailang hakbang na papunta sa kwarto nila nang hinaklit ni Marco ang braso niya.
Piniling maging maunawain ni Marco sa asawa lalo na kung tungkol ‘yon sa hindi pagkukwento nito ng nakaraan, pero iba na’ng sitwasyon ngayon. Hindi na tungkol sa nakaraan nito ang nililihim sa kaniya. Iba na ito at ‘yon ang aalamin niya sa kahit na ano’ng paraan.
“May ibang lalaki ka ba?” Malayo ‘yon sa hinala ni Marco pero naisip niya na baka ‘pag pinabintangan niya ng panlalalaki ang asawa ay sabihin na nito ang totoo para lang patunayan sa kaniya na mali ‘yong binibintang niya sa kaniya.
Bumilog ang mga mata ni Lyra, hindi makapaniwalang inakasuhan siya nito ng panlalalaki. Kumulo agad ang dugo at bago pa niya mapigilan ang sarili, mabilis na kumilos ang kamay niya at sinampal si Marco.
“Hindi ako p*ta,” pinagdiinan niyang sabihing ‘yong huling salita niyang binanggit.
Hindi nasaktan si Marco sa pagsampal ng asawa kundi ang makita ang galit at sakit sa mga mata nito. Parang may kung anong kumurot sa puso niya sa kaalaman na nasaktan niya ang asawa kahit pa hindi ‘yon ang intensiyon niya. Pero pinilit niyang nilabanan ‘yong sakit at pinamanhid ang puso.
“Ano ba’ng gusto mong isipin ko? Patagong pumupunta sa gubat ang asawa ko at kung wala pang may nagsabi sa akin, hindi ko pa malalaman,” bulyaw ni Marco kay Lyra. Nilapitan niya ang asawa at hinawakan sa baba nito para titigan nito siya. “May balak ka bang sabihin sa akin ‘yong pagpunta mo sa tree house?” tanong ni Marco sa mababang boses pero may diin ang bawat salitang binitawan niya.
Ngayon na nakatitig si Lyra kay Marco, nahihirapan siyang magsinungaling. Nilakasan niya ang loob at pinilit na ‘wag kumurap. “Oo,” pabulong niyang sagot.
Kitang-kita ni Lyra ang pagkadismaya nito kaya alam niyang hindi niya ito nakumbinsing nagsasabi siya ng totoo.
Binitawan siya ni Marco at padabog na sinara ang pintuan ng tahanan nila bago umalis. Minabuti niyang iwan muna ang asawa kasi baka kung ano pa ang masabi niya na pagsisisihan niya rin sa huli.
Nang wala na si Marco, humawak nang mahigpit si Lyra sa sofa dahil kahit nakaupo siya, pakiramdam niya’y matutumba pa rin siya. Hinang-hina siya at nangangatog pa ang mga tuhod niya.
Ito ang unang malaking away nila ni Marco at ito rin ang unang beses na napagbuhatan niya ng kamay ang asawa.
Nang pinikit ni Lyra ang mga mata niya, lumandas ang mga luha niya sa pisngi. Hindi niya alam ang eksaktong dahilan kung bakit siya umiiyak. Dahil ba sa inakusahan siya ni Marco ng panlalalaki? Dahil ba pakiramdam niya’y mababa ang tingin sa kaniya ni Marco? O ‘di kaya’y dahil sa nasaktan niya ito, hindi lamang sa pagsampal kundi sa pagsisinungaling niya rito? Baka nga dahil sa mga lahat ng ‘yon.
Umabot ang gabi pero hindi pa umuuwi si Marco. Nag-away man sila ni Marco pero hindi maiwasan ni Lyra ang mag-alala sa asawa. Hindi ito kailanman ginagabi sa uwi dahil pagkagaling sa trabaho, diretso ito agad sa bahay nila. Sinabihan na naman siya ng nanay ni Marco na baka raw may dinaanan lang. Pero lumalim na ang gabi, hindi pa rin dumating si Marco.
Hanggang sa sumapit ang hating gabi, matiyaga pa rin naghintay si Lyra sa sala. Madaling araw na nang narinig niya ang boses ni Marco sa labas at parang kumakanta pa ito. Agad na tumayo si Lyra at binuksan ang pintuan nila. Ang lasing na si Marco ang sumalubong sa kaniya. Sinalo niya pa ito dahil bigla na lang itong natumba.
“Hi, mahal,” malambing niyang sabi habang namumungay ang mga mata.
Umiinom si Marco pero ito ang unang beses niyang nakitang sobrang lasing ito na pasuray-suray na kung maglakad at halos hindi na makatayo nang mag-isa. Kung hindi pa siya hawak ni Lyra, baka natumba na ito.
Hindi na kinausap ni Lyra ang asawa pero ito naman ay patuloy na tinatawag siyang ‘mahal’. Hiniga niya ‘to sa kama at hinubad ang uniporme nito. Tinabi niya ang baril nito sa loob ng drawer. Hinayaan na lang niyang nakasando ito at naka-boxer shorts.
Nagdadalawang-isip pa siya kung tatabihan niya ang asawa dahil baka galit pa rin ito sa kaniya. Kaya lang siyang tinatawag na mahal dahil lasing ito. Baka nga nagpakalasing ito nang dahil sa away nila.
Umupo si Lyra sa dulo ng kama habang pinagmamasdan ang asawa. Gusto man niyang haplusin ang maputi at walang kabalbas-balbas na mukha nito, pinigilan niya ang sarili.
Lumipas ang ilang sandali nang biglang gumalaw ang kamay ni Marco at parang may kinakapa sa kama habang nakakunot ang mga noo.
“Hmm… mahal… mahal,” tawag niya habang patuloy na kinakapa ang kama na parang hinahanap siya nito.
Humiga na siya sa tabi ng asawa at agad din siya nitong niyakap. Narinig niyang nagbuntong-hininga ito na para bang makakatulog na siya nang wala ng inaalala pa.
Pinikit na lang din ni Lyra ang mga mata at umaasa na sana pagdating ng umaga, magkakaayos na sila ng asawa.