May apat na taong nakaupo habang tinitingnan ang mga papeles na nasa bilugan na mesa. Walang nagsasalita ni isa sa kanila, hindi makpaniwala sa nalaman nila matapos makita at mabasa ‘yong nasa mga papeles.
“A-ano’ng gagawin natin?” tanong ng nag-iisang babae sa grupo.
Tumingin ang tatlo sa lalaking nakadiskubre ng mga ebidensiya na ‘yon, pero nanatiling nakatikom ang bibig nito. Blanko ang isip ng lalaki habang nakatingin sa kawalan.
“Agent Ricarte,” tawag ng isa pang lalaki. Medyo may katabaan ito at malaki ang umbok ng tiyan nito.
Hindi pa rin sumagot si Agent Ricarte at nanatiling walang kibo. Ang babae at ‘yong isa pang lalaki na agent ay naiintindihan kung bakit gano’n ang reaksiyon ni Agent Ricarte.
“Ba-baka naman pinilipilit lang siya ng ama niya kaya niya ginagawa ‘yan,” sabi ng babae.
“Importante pa ba ‘yon, Agent Merriam? Malinaw sa ebidensiya na bumalik na siya sa Pahimakas. Dapat na tayong kumilos o baka nga hulihin na lang natin siya,” sabi ulit ng lalaking mataba.
“‘Wag mo kaming pangunahan, Captain Tolentino,” sabi ng isa pang agent na lalaki.
“Gusto kong ipaalala sa ‘yo, Agent Villanueva, na ako ang hepe ng Isla na kinatatayuan mo ngayon,” sagot ni Captain Tolentino sa medyo mataas na boses. “Tungkulin ko na protektahan laban sa anumang banta ang mga taong nandito. At sinasabi ko sa inyo na ang babaeng ‘yon ay isang malaking banta na dapat supilin agad-agad,” sabi nito nang nakatayo na.
“Kaya kayong mga pulis walang may mahuli-huli kasi sugod lang kayo nang sugod nang walang plano,” sabi ni Agent Villanueva sa mababa ngunit mapang-uyam na tono.
“Sinasabi mo bang b*bo kaming mga pulis?” bulyaw ni Captain Tolentino.
“Ikaw ang nagsabi niyan, hindi ako,” sabi ni Agent Villanueva at nagkibit ng balikat.
Nagsagutan pa ang dalawa habang inaawat naman sila ni Agent Merriam. Si Agent Ricarte naman ay tahimik pa rin at malayong-malayo ang iniisip sa pinagtatalunan nila. Hindi niya maalis ang tingin sa mga papeles na nasa mesa.
Sa totoo lang, medyo nagsisisi si Agent Ricarte na nakalap niya ‘yang mga ebidensiya, na natagpuan niya pa ‘yong maliit na box na ‘yon. Sana nanatili na lang siyang walang alam. Sana hindi na siya umalis sa tabi ng asawa nang gabing ‘yon.
Ang gabing ‘yon na hindi siya mapalagay kahit pa mahimbing na natutulog ang asawa niya sa kaniyang bisig. Halos buong magdamag na nagtatalo ang puso at isip niya. Gusto ng puso niya na yakapin ang asawa at matulog gaya ng nakagawian niyang gawin bawat gabi, pero utos ng isip niya na balikan ang tree house at halughugin ‘yon. Sa huli, sinunod niya ang kaniyang isip para na rin sa ikakapanatag ng loob niya. Buo pa rin ang tiwala niya sa asawa na wala itong tinatago pero gusto niya pa ring makasigurado.
Madaling araw na nang pumunta siya ng gubat na may dala-dalang flashlight. Kabisado niya ang daan kahit pa na nababalot ng dilim ang buong kagubatan, maliban na lang sa daan na iniilawan niya gamit ang flashlight.
Nang nasa loob na siya ng tree house, pinailaw niya ang gasera para mas maliwanag. Una niyang tiningnan ang kutson, hinubad niya ang bedsheet at punda ng dalawang unan at saka binuhat ang kama pero wala siyang nakita. Kinapa rin niya nang mabuit ang kutson at mga unan pero wala siyang nasalat na anumang matigas.
Sinunod niya ang maliit na kabinet. Iniisa-isang niyang buksan ang mga drawer pero mga nakatuping damit lang ng asawa niya at iba pang mga gamit ang nando’n. Tinanggal niya ang lahat ng laman ng bawat drawer hanggang sa may nakita siyang maliit na pocket knife. Hindi ‘yon ordinaryong pocket knife lang, kundi isang combat tactical knife na ginagamit pang depensa. Isa rin ‘yong epektibong sandata para pumatay. Tinabi niya lang ‘yon at patuloy na ginalugad ang kabinet. Tiningnan niya nang maigi ang bawat sulok at binaliktad pa niya ang kabinet pero wala na siyang iba pang nahanap.
At ang pinakahuling niyang ininspeksiyun ay ang mababang mesa. Wala naman ‘yong laman maliban sa gasera. Binaba niya ang gasera at sinalat nang mabuti ang mesa hanggang sa umuga nang kaunti ang hapag nito. Binuhat niya ang mesa at inalog ‘yon, may kung anong kumalog sa loob nito. Wala naman ‘yong drawer kaya sigurado siyang may secret compartment ang mesa. Ilang beses niyang pinadausdos ang hapag nito pero ayaw bumukas at mukhang naka-lock sa loob. Binaliktad niya ang mesa at kinapa ‘yon hanggang sa parang may napindot siya at may tumunog sa loob ng mesa. Nilapag niya ulit ang mesa sa sahig at dahan-dahang dinausdos ang hapag nito. At do’n niya nakita sa loob ang isang maliit na box.
Kinuha niya ang itim na box na naka-padlock. Ginamit niya ang perdible na nahalungkat niya sa kabinet para mabuksan ang padlock. Nagawa naman niyang buksan ang box at laking gulat niya nang makita ro’n ang maliit na baril kasama na rin ang silencer at iilang bala.
Malamig man ang hangin dala ng gubat, tagaktak pa rin siya ng pawis. Kinakabahan siya sa kaniyang nadiskubre. Kung saan man ginagamit o gagamitin ng asawa niya ‘yong baril, siguradong sa hindi mabuting paraan ‘yon.
Binaling na lang niya ang paningin do’n sa maliit na notebook at binuklat ‘yon habang nakatutok sa pahina ang flashlight. Nagulantang siya sa nabasa at napasalampak sa sahig dahil nangatog ang mga tuhod niya at nawalan siya ng lakas. Bagsak ang mga balikat niya habang nakalupaypay sa sahig ang mga nanghihina niyang paa. Nanatiling gano’n ang posisyon niya sa mahabang sandali.
Nang narinig niya ang pag-alingawngaw ng tilaok ng manok, bigla siyang natauhan. Dali-dali niyang kinuha sa bulsa ng pantalon niya ang cellphone at kinunan ang bawat pahina na may sulat, pati na ang baril at ‘yong isa pang cellphone.
Mabilisan niyang binuksan ang cellphone pero walang laman na mensahe, pati na rin ang phonebook, walang laman na numero na naka-save. Tiningnan niya ang call logs, walang pangalan o numerong nakalista ro’n.
Binalik niya muli sa dating ayos ang lahat na parang walang may gumalaw sa mga gamit na nando’n. Pagkatapos no’n, kinontak na niya ang dalawang kasamahan na agent at si Captain Tolentino para magkita sila sa resort na pagmamay-ari rin ni Captain Tolentino. Bago pa sila dumating, na-print na niya ‘yong kinunan niya at ‘yon na nga, pinakita at pinabasa nila ‘yon sa kanila.
Nagsasagutan pa rin sina Captain Tolentino at Agent Villanueva pero hinayaan lang niya sila. Tumingala siya sa puting kisame at pinikit ang mga mata. Ang unang pumasok sa isip niya ay ang mukha ng asawa na mahimbing na natutulog.
Asawa? Sino’ng mag-aakala na mag-aasawa siya? Hindi niya pinangarap ang magkarao’n ng asawa at bumuo ng sarili niyang pamilya hindi dahil lang sa klase ng trabaho niya kundi dahil na rin paniniwala niyang na hindi nababagay sa personality niya ang pag-aasawa. Gusto niya ang malayang buhay at walang anuman na responsibilidad. ‘Yong sasabak siya sa misyon na punong-puno ng aksiyon nang walang anumang inaalala.
Nang binigay sa kaniya ang misyon na ‘to, talagang hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin. Isa siya sa mga pinakamahusay na undercover agent kaya sa kaniya talaga binigay ang misyon na ‘to. Kailangan lang niyang makipagmabutihan sa anak ng pinuno ng Pahimakas para makakalap ng impormasyon o ebidensiya laban sa ama nito. Ang target talaga nila ay si Don Martin Valmorida. Gagamitin lang nila ang anak nito para makakuha ng matibay na ebidensiya para pabagsakin ang Don.
Kung tutuusin, isa ito sa pinakadelikado at kumplikado na misyon niya. Kahit hindi pa niya basahin ang profile ni Reyna, kilalang-kilala niya ang anak ng Don. Kahit pa babae ito, isa siya sa kinatatakutan na makasagupa ng kahit sino’ng agent sa kanila. Si Reyna mismo ang nakakabisto sa lahat ng kasamahan niya na nakapasok sa Pahimakas bilang undercover agent. At lahat sila’y pinapahirapan bago pinapatay. Walang sinumang agent ang nakapasok sa Pahimakas na nakalabas ng buhay.
Tuso, walang awa, at bihisa sa pakikipaglaban at paghawak ng armas -- ‘yon ang pagkakakilala niya kay Reyna. Pero ibang-iba at napakalayo nito nang makilala niya na ito bilang si Lyra. Mabait, walang kaarte-arte, magaling makisama, at ni minsan hindi naging bayolente, wala nga itong nakagalit o nakaaway man alng. Tahimik din ito at hindi palangiti no’ng una, pero ‘pag binabanatan niya ng kaniyang mga pickup line, napapangiti niya rin ito at lumalabas na ang dalawang biloy nito sa magkabilang pisngi. At iba ang kasiyahan na nadudulot no’n sa kaniya, ‘yong kasiyahan na nagdadala ng alab sa kaniyang puso.
Hindi pa rin siya nagpadala sa nararamadaman at pilit na nag-focus sa misyon. Pero nang unang gabing nagkasiping sila ni Lyra at nakatabi niya ito sa pagtulog ay ‘yon din ang unang beses na nasaksihan niyang nanaginip ito nang masama. Sa kung paano ito sumigaw at pagkatapos umiyak na parang batang takot na takot, do’n na siya nakumbinsi na hindi nito sariling kagustuhan ang ginawa nito noon. Do’n na rin niya napatunayan na wala na talaga itong koneksiyon sa ama dahil ni cellphone nga ay wala ito. Malakas ang kutob niya na tumakas ito mula sa ama pero hindi niya 'yon ni-report sa Director nila.
Hindi kasama sa misyon niya na pakasalan si Lyra. Pero matapos ang gabing ‘yon, may kung anong makapangyarihan na damdamin ang nag-uudyok sa kaniya na protektahan ito laban sa masasama nitong panaginip. At magagawa niya lang ‘yon ‘pag lagi silang matutulog nang magkatabi bawat gabi. Nagdahilan na lang siya sa Director nila na mas maigi niyang mamamanmanan ang bawat kilos ni Reyna at makakakuha ng impormasyon kung kasal na sila.
Nagpadala pa ng dalawang agent na totoong mag-asawa talaga pero magkukunwaring magulang niya. Pati ‘yong dalawang bata na nakuha nila sa ampunan ay kinailangan din para mas maging kapani-paniwala ang lahat.
Nang makasama na niya si Lyra sa iisang bubong, mas lalo niya lang minahal ito. Kung paano alagaan ni Lyra ang dalawang bata na parang sariling anak niya, respetuhin ang kunwaring mga magulang niya, at asikasuhin siya na parang isang hari ang mas nagpalambot ng puso niya. Kaya sa loob ng limang taon, hindi na niya naisip na tumanggap pa ng ibang misyon. Kuntento na siya sa piling ng asawa.
Subalit nagbago na ang lahat ngayon. Naiinis siya, hindi, nagpupuyos siya sa galit. Heto siya at handang talikuran ang lahat-lahat basta makasama niya lang ang asawa, pero sa isang iglap basta-basta na lang nito siya tatalikuran. Nang pinili nitong bumallik sa Pahimakas, para na rin nitong tinalikura siya at ang pamilya nila.
Tumayo si Agent Ricarte sabay suntok sa lamesa na naglikha ng malaking kalabog. Natigilan ang dalawang nagsasagutan na sina Agent Villanueva at Captain Tolentino, pati na rin ang umaawat na si Agent Merriam. Tumingin silang tatlo sa kaniya.
“Tama na ‘yan,” sabi ni Agent Ricarte sa mababang boses pero punong-puno ng awtoridad. “Magplano na tayo para mahuli ang Reyna ng Pahimakas,” buong determinado niyang sabi.