Chapter 6.1

1810 Words
“Te-teka lang, Sir. Ba-baka nabibigla ka lang,” sabi ni Agent Merriam. Kahit papaano napamahal na rin sa kaniya si Lyra. Malakas talaga ang kutob niya na hindi talaga nito gustong bumalik sa Pahimakas dahil kung magkagano’n nga, matagal na sana nitong ginawa. “Pag-isipan mo muna, Sir,” sabi rin ni Agent Villanueva. Sa limang taong nakasama nila si Lyra, masasabi niyang mabuting tao ito. Ang tanging kasalanan lang nito ay maipanganak sa maling ama. “Baka nakakalimutan n’yo na ang misyon natin. Ang misyon na buong-tiwalang binigay sa atin ng Director, kaya dapat lang na tapusin na natin ‘yon,” mariing sabi ni Agent Ricarte habang matalim na tinititigan ang dalawang kasamahang agent. Nagkatinginan ang mag-asawang agent sa isa’t isa. Misyon? Hindi na nila matandaan ang huling beses na binanggit nito ang salitang ‘yon sa kanila. Para sa mag-asawa, hindi na misyon ang dahilan kaya pinakikisamahan nila si Lyra. Wala silang anak pero simula nang makilala nila si Lyra, naranasan nila kung paano ang magkaroon ng anak. Hindi lang si Lyra ang kung ituring nila na anak, pati na rin si Agent Ricaforte at ang dalawang maliit na paslit. “Pero Sir--,” tutol pa sana ni Agent Merriam. “Kung hindi n’yo na kayang gampanan ang misyon na binigay sa inyo, ngayon pa lang umatras na kayo,” matigas na sabi ni Agent Ricaforte. Hindi na muling nagsalita pa ang mag-asawang agent. Matanda man sila kay Agent Ricaforte at mas matagal na sa serbisyo pero mas mataas ang ranggo nito sa kanila at ito rin ang itinagalang lider ng misyon nila kaya ang tanging magagawa na lang nila ay sundin ito. Tumango si Captain Tolentino matapos marinig ang pag-uusap nila. Hanggang ngayon, buo pa rin ang paghanga at respeto niya kay Agent Ricaforte. Nang malaman niya ang tungkol sa misyon na ‘to, napuno siya ng pangamba dahil talagang delikadong tao si Reyna Valmorida. Kahit dito, nakaabot sa kanila ang tungkol sa Pahimakas. Pero nang nabasa niya ang background ng agent na magiging team leader sa misyon, nawala ang lahat ng agam-agam at pag-aalala niya. Walang duda na magtatagumpay sila sa misyon na ‘to. At pinatunayan lang ‘yon ngayon ni Agent Ricaforte. “Ano’ng plano mo?” kalmadong tanong ni Captain Tolentino matapos siyang umupo. “Pipigilan nating makaalis ang kargamentong ‘yon dito a t huhulihin natin sila sa akto,” sagot ni Agent Ricaforte habang nakatayo pa rin. “Mahihrapan tayong gawin ‘yon. Kulang tayo sa puwersa. Humingi tayo ng tulong sa ibang ahensiya,” suhestiyon ni Captain Tolentino. “‘Wag muna ngayon. Mas makakabuti kung tayo-tayo lang muna ang nakakaalam nito,” sabi ni Agent Ricaforte na agad naman sinang-ayunan ni Captain Tolentino. Inalis ni Marco ang kamay sa mesa at tumayo ng diretso. “Pero ang hindi ko maintindihan kung pa’no siya nakabalik sa Pahimakas,” naguguluhang tanong ni Agent Ricaforte. “‘Di na ‘yon mahalaga pa,” sagot agad ni Captain Tolentino. “Mag-focus na lang tayo sa plano--.” “May alam ako,” pagpuputol ni Agent Villanueva sa sasabihin ni Captain Tolentino. “Nahanap siya ng Don,” pagbubunyag niya na nagpagulantang sa kanila. Nabalot ng katahimikan ang buong kwarto nang mahabang sandali. Para silang binuhusan ng nagyeyelong tubig, na kahit dila nila’y nagmanhind at ‘di na makapagsalita. “Paano?” boses ni Agent Ricaforte ang bumasag sa katahimikan. “‘Di ko alam kong pa’no. Basta nakausap ko si Tin-tin nang pumunta kayo ni Lyra sa tree house. Balisa kasi ‘yong bata kaya tinanong ko kung may problema ito. Ayaw pa unang magsalita ng bata pero umamin din siya sa huli. Simula raw na may bumisitang matandang lalaki sa bahay natin, palagi na raw nagpupunta si Lyra sa tree house,” pagkukwento ni Agent Villanueva. “Matandang lalaki?” tanong ni Agent Ricaforte. Humugot muna ng malalim na hininga si Agent Villanueva bago nagsalita. “Ang Don mismo ang pumunta sa bahay natin.” Napasinghap si Agent Merriam at napalunok naman si Captain Tolentino. Tumiin naman ang bagang ni Agent Ricaforte, hindi siya makapaniwalang nakapasok sa Isla ang Don, sa mismong bahay pa nila ng hindi nila namalayan. “Pa’no ka nakakasigurado na ang Don nga ‘yon?” paniniguro ni Agent Ricaforte. “Nagpakilala ang matandang lalaki kay Tin-tin na ama raw siya ni Lyra. Pina-describe ko pa sa bata ang hitusura ng lalaki at positibo na ang Don nga ‘yon,” sagot ni Agent Villanueva. “Buti na lang hindi nasaktan ‘yong bata,” bulalas ni Agent Meriiam sa matinis na boses. Tumango si Agent Villanueva. “Si Lyra ang sinaktan ng Don.” “‘Yong mga pasa at sugat sa mukha ni Lyra, ang ama niya mismo ang gumawa no’n sa kaniya,” halos pasigaw na sabi ni Agent Merriam. “‘Yon ang sabi ng bata. Nagsisigaw raw ‘yong matandang lalaki habang hinahampas si Lyra,” patuloy na kuwento ni Agent Villanueva. Tumalikod si Agent Ricaforte. Ayaw niyang makita nila ang poot na lumalagablab sa mga mata niya. Naalala niya pa ang araw na ‘yon. Ang kapit-bahay nila ang nagbalita sa kaniya na may umaaligid daw na mga lalaki sa bahay nila nang umaga. Kahit hapon na nang binalitaan siya ng kapit-bahay nila, agad-agad din siyang bumalik sa bahay nila. Akala niya mga miyembro ‘yon ng ibang mafia o gang na nakalaban ng asawa niya noon, ‘yon pala ang Don na mismo. At wala man lang siyang nagawa para protektahan ang asawa. “Pagkatapos ng sampung taon na hindi sila nagkita, ang unang gagawin niya’y saktan ang anak niya. Ano’ng klase siyang ama?” galit na sabi ni Agent Merriam. “Malupit na ama,” sagot ng asawa niyang agent. “Heto na nga ang sinasabi ko sa ‘yo, Sir. Baka pinipilit o tinatakot lang si Lyra ng ama niya kaya niya ‘to ginagawa,” sabi ni Agent Merriam nang nakatayo na. Gustong-gustong paniwalaan ‘yon ni Agent Ricaforte pero hindi magawang tanggapin na dahilan ‘yon ng isip niya. Ang pagkakakilala niya kay Reyna, matapang at palaban. Siya lang ang natatangi sa lahat ng miyembro ng Pahimakas na hindi takot sa Don. Kaya nga siya ang Reyna ng Pahimakas. Hindi man ito lumaban sa Don siguro dahil sa ama niya pa rin ‘yon at nirerespeto. Pero ‘yong pinipilit o tinatakot siya ng Don para gawin ang isang bagay na ayaw nito, imposible ‘yon. Lalaban at lalaban ang Reyna, kahit pa sa Don. Humarap si Agent Ricaforte ng kalmado na siya. “Kung nakarating na rito ang Don, isa lang ang ibig sabihin no’n, may mga miyembro na ng Pahimakas dito.” Malakas man ang aircon sa loob ng kuwarto pero pinagpapawisan ng malapot si Captain Tolentino. “Eh, kung kunin at pahirapan natin si Reyna para lumabas ‘yong iba pang miyembro ng Pahimakas,” suhestiyon niya. Suminghal si Agent Villanueva. “Saktan mo kahit dulo ng daliri ni Reyna, palulubugin ng Don ang maliit na Isla na ‘to.” Namutla lalo si Captain Tolentino. Tama, ano nga ba ang laban ng iilang pulis at tatlong agents sa Don, sa Reyna, at ibang miyembro ng Pahimakas. Kahit saang anggulong tignan, talagang talo sila. “Agent Merriam at Villanueva, magtanong-tanong kayo kung sinu-sino ang mga bagong nanirahan dito ng tatlo o apat na buwan na’ng nakalipas. Captain Tolentino, mag-reassign ka ng limang pulis at papalitan sila ng limang agents. Ako na’ng bahalang tumawag at mag-report sa Direktor namin,” sabi ni Agent Ricaforte. “Pa’no ‘yong kargamento?” nag-aalalang tanong ni Captain Tolentino. “Ayon sa nakasulat do’n, sa kalagitnaan ng Mayo dadating ang kargamento. May tatlong linggo pa tayo para makapagplano nang mabuti. Sa ngayon, alamin muna natin kung ilan at sinu-sino ang mga miyembro ng Pahimakas na nandito,” kalmadong paliwanag ni Agent Ricaforte. “‘Yong cellphone. Wala ba ro’n may naka-save na number?” Naalala bigla ni Captain Tolentino na may cellphone ro’n sa box. “Wala,” matipid na sagot ni Agent Ricaforte. Sigurado siya na ginagamit na pangkontak ni Reyna sa kasamahan nito o baka pati na rin sa Don. “Dapat kinuha mo na lang ‘yon. May technician naman kayo na puwedeng--.” “At sa tingin mo, hindi magdududa si Reyna ‘pag nawala ‘yong cellphone? Gamitin mo naman ‘yang utak mo,” inis na sabi ni Agent Villanueva. Wala na nga itong maitulong, kinukuwestiyon pa nito ang aksiyon ni Agent Ricaforte. “Kailangang mag-ingat tayo sa bawat kilos natin. ‘Wag nating bigyan ng kahit na katiting na dahilan para magduda si Reyna. Kailangang manatili sa isip niya na walang anumang panganib o banta sa paligid niya,” madiin na paalala ni Agent Ricaforte sa tatlo. “Yes, Sir,” sabay na wika ng mag-asawang agent. Tumango ng ilang beses si Captain Tolentino bago sunod-sunod na tumunog ang cellphone niya. Kinuha niya sa bulsa ang cellphone. “Tumatawag ang misis ko. Lalabas lang muna ako,” paalam nito sa kanila. Pagkaalis ni Captain Tolentino, lumapit agadi si Agent Merriam kay Agent Ricaforte. “Sir, may hindi tama sa nangyayari. Hindi babalik si Lyra sa Pahimakas ng ganon-ganon lang,” pag-aapela pa rin ni Agent Merriam. “Ama niya pa rin ang Don kaya sa huli pipiliin niya pa rin ang kadugo niya,” malamig na turan ni Agent Ricaforte. “Bakit pa niya tatakasan ang ama niya kung babalikan lang din niya? Malakas ang kutob ko na pinagbabantaan si Lyra ng--.” “Siya is Reyna. Si Reyna Valmorida. Walang sinasanto, walang inaatrasang laban kaya kinatatakutan ng marami. Tapos ngayon, matatakot lang siya sa ama niya,” buong pagtitimpi na sabi ni Agent Ricaforte. “Pero, Sir--.” “Walang kunsensiya, walang awa kung pumatay si Reyna. Kung tutuusin, kayang-kaya niyang labanan ang ama niya. Pero ‘di niya ‘yon gagawin kasi katulad din siya ng ama niya na sagad sa buto ang kasamaan,” sabi niya habang nagtatagisan ang mga panga. Hindi nagpatinag si Agent Meriiam. “Sinasabi mo lang ‘yon dahil nagagalit at nasasaktan ka sa nalaman mo,” sabi niya sa mahinahong boses. “Oo, nasasaktan ako,” sigaw ni Agent Ricaforte at pinakawalan na rin ang kinikimkim niyang damdamin. Napaatras si Agent Merriam sa lakas ng bulyaw ni Agent Ricaforte. Lumapit naman agad sa kaniya ang asawa niya na si Agent Villanueva. Awtomatikong humawak siya sa braso ng mister niya. “Sir, ang sinasabi lang ng asawa ko, baka wala lang choice si Lyra kaya--.” “P*tang inang choice ‘yan,” galit na bulyaw ni Agent Ricaforte. “Pwede niya akong piliin… tayo na pamilya niya. Pero hindi, mas pinili niya ang kadugo niya. Kaya dapat lang din na piliin natin ang sinumpaan nating tungkulin,” pagtatapos niya sa usapan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD