Araw ng Linggo kaya magkakasama ang pamilyang Tibayan sa bahay. Nagluluto si Nanay Minda ng ulam nila para sa tanghali samantalang si Tatay Fred naman ay nasa bakuran nila at hinihimas ang pangsabong na tandang. Nasa sala ang mag-asawang Lyra at Marco kasama ang dalawang bata.
Bukas ang maliit na telebisyon at nanonood ang dalawang bata ng pambatang palabas. Nagbabasa si Marco ng diyaryo habang umiinom ng kape. Si Lyra naman ay nasa likod ni Tin-tin at sinusuklay ang basa nitong buhok. Katatapos lang maligo ng dalawang bata.
Sabay na nagtatawanan sina Totoy at Tin-tin, aliw na aliw sa pinapanood na cartoons kahit na paminsan ay kumukurap-kurap ang telebisyon. Natatawa rin si Lyra, hindi sa pinapanood, kundi nahahawa siya sa halakhak ng dalawang bata.
Nang maramdaman ni Lyra na tila nakatitig sa kaniya si Marco, lumingon siya at nagtagpo ang mga mata nila. Ngumiti nang tipid si Marco sa kaniya bago binalik ang tingin sa diyaryong binabasa. Napawi naman ang mga ngit ni Lyra.
Nitong nakaraang dalawang araw, may kakaibang napapansin si Lyra sa asawa. Palaging parang nakamasid ito sa kaniya, na sa bawat galaw niya’y nakasunod ang mga mata nito sa kaniya. ‘Pag nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya, ngingitian lang siya nito nang hilaw. Paminsan nga, parang may kasamang talim ang tingin nito sa kaniya, na agad din naman nabubura, pero hindi ‘yon nakaalpas sa kaniya. Hindi kasi siya sanay na titigan nang gano’n ni Marco.
Isang beses nang tinangkang kausapin ni Lyra si Marco, sinabi lang nito na guni-guni niya lang daw ‘yon. Naisip ni Lyra na baka nga tama ang asawa niya, pero nang naulit pa ‘yon nang ilang beses pa, alam niyang hindi ‘yon guni-guni lang niya.
Tumayo si Lyra at pumunta sa kwarto nilang mag-asawa. Kahit hindi pa niya tinitingnan si Marco, alam niyang nasa kaniya ang mga mata nito. Umupo siya sa kama. Gaya nga ng inaasahan niya, pumasok din sa kwarto nila si Marco.
Medyo nabigla pa si Marco nang makitang mataman na nakatitig sa kaniya si Lyra na parang inaabangan siya. Nakabawi rin naman siya agad at pumunta sa kabinet para kumuha ng ballpen. Sasagutan kasi niya ‘yong crossword sa diyaryo.
“May problema ba tayo, Marco?” tanong ni Lyra habang may hinahanap ito na kung ano sa drawer.
Natigilan si Marco. Masyadong halata ba siya? Pinipilit naman niyang ‘wag tingnan ang asawa, pero ‘pag nawawala ito sa paningin niya, agad itong hinahanap ng mga mata niya. Kumalma siya at humarap sa asawa nang nakangiti.
“Wala naman, mahal,” sabi ni Marco sa malambing na boses.
“Sigurado ka ba, Marco?” tanong ulit ni Lyra sa seryosong boses.
Tumabi si Marco sa asawa. Inabot niya ang kamay nito at hinalikan ‘yon. “Wala talaga, mahal. At saka ‘pag may problema ako, sinasabi ko naman ‘yon sa ‘yo agad. Hindi ko ‘yon itatago sa ‘yo.”
Gustuhin mang umilag ni Lyra, pero paniguradong matatamaan pa rin siya sa sinabi ni Marco. Tumango na lang siya at hindi na nagsalita pa. Baka nga napapraning lang siya at masyadong binibigayan ng ibang pakahulugan ang mga titig ni Marco.
“Lalabas na ako, mahal. Sasagutan ko pa ‘yong crossword,” sabi ni Marco. Umalis siya sa kwarto nang nakahinga nang maluwag.
Naiwan si Lyra na kinukumbinsi ang sarili na ‘wag nang mag-isip ng kung anu-ano pa tungkol kay Marco. Kailangan niyang mag-focus sa pagplano tungkol sa papalapit na pagdating ng kargamento. Ilang araw na’ng lumipas na hindi siya pumupunta ng tree house at hindi na rin nakikipagkita ro’n sa limang miyembro ng Pahimakas. Kailangan na niyang kausapin ang Don dahil nakabuo na siya ng plano. Pupunta siya mamayang madaling araw sa tree house.
Lumipas ang araw at umabot ang gabi nang maayos at masaya sa loob ng tahanan ng pamilyang Tibayan. Nakapikit ang mga mata ni Lyra at kunwaring natutulog. Nakayakap sa kaniya si Marco habang mababaw na humihilik. Minulat niya ang mga mata at tiningnan ang orasan, saktong hating-gabi na.
Dahan-dahan na inalis ni Lyra ang mga braso ni Marco na nakayapos sa kaniya at bumangon. Nang nilingon niya ang asawa, mahimbing pa rin itong natutulog. Hindi na siya nagbihis pa at sinuot ang jacket ng asawa at umabot 'yon hanggang sa tuhod niya. Kinuha ni Lyra ang flashlight na nasa loob ng drawer at lumabas ng kwarto nang hindi lumilikha ng anumang ingay.
Nang wala na sa kwarto si Lyra, siya namang pagdilat ng mga mata ni Marco. Hindi rin siya natutulog at pinapakiramdaman ang asawa. Kinuha niya ang maliit na walkie-talkie na nakalagay sa ibabaw ng mataas nilang kabinet at tinawagan ang isang kasamahan na agent. Isa ‘yon sa bagong dating na agent at nakatokang magbantay sa labas ng bahay nila nang buong magdamag.
“Sundan mo ang agila,” utos ni Marco. ‘Yon ang code nila para kay Reyna.
“Copy, sir,” sagot naman ng agent.
“Maintan a distance. ‘Wag kang masyadong dumikit,” paalaala ni Marco bago tinapos ang tawag.
Walang kamalay-malay si Lyra na may sumusunod pala sa kaniya papuntang tree house. Nang marating na niya 'yon, kinuha niya sa loob ng kulay itim na box ang cellphone na binigay ng Don sa kaniya. Pagkatapus niyang masaulo ang numero ng Don at 'yong limang miyembro ng Pahimakas, binura niya agad 'yon. Mas mabuti na 'yong nag-iingat.
Nakailan pang ring bago sumagot ang Don. Sa pagkakatanda niya, hirap matulog ang Don sa gabi kaya inaabot ito ng madaling araw bago makatulog At mukhang hanggang ngayon, gano'n pa rin ang Don.
"Reyna," sabi ng Don sa malalim na boses.
"Don," sagot naman niya. "May nabuo na akong plano," diretsahan agad niyang sabi.
"Hmm," ang tanging nasambit ng Son.
Senyales 'yon na magpatuloy lang siya dahil makikinig ang Don. "Mas mabuti kung sa gabi ng Mayo 15 mangyayari ang transaksiyon. Araw 'yon ng kapistahan dito kaya may programa sa umaga at pasayaw sa gabi. Abala ang mga tao at pulis sa piesta kaya walang may makakapansin kung dadaong dito ang barko na magdadala ng kargameto galing Tsiwan. At saka isa o dalawang beses lang kada buwan kung bumisita rito at magpatrol palibot sa Isla ang mga coast guard, tuwing una at huling linggo 'yon kaya walang haharang sa kanila papunta rito."
Nanatiling tahimik ang Don kaya nagpatuloy na lang siya. "'Yong yate na paglilipatan ng kargamento, ang alam ko, kano ang may-ari no'n. Mabuti 'yon kasi pwede siya magpanggap na turista at magdala ng ilang miyembro ng Pahimakas na magkukunwaring tauhan niya. Pumunta sila rito tatlong araw bago ang kapistahan para mas kapani-paniwala na nagbabakasyon lamang sila rito at walang maghihinala. At sa madaling araw na magbiyahe 'yong yate, karamihan ng mga pulis no'n tulog dahil lasing o pagod kaya makakaalis 'yong yate nang walang anumang aberya."
Nanatiling tahimik ang Don. Hindi pa rin kumukupas ang anak niya, magaling pa rin itong magplano. "Sasama ka sa yate pagkaalis diyan sa Isla," utos ng Don.
Do'n pa lang tuluyang tumatak sa isip ni Lyra na iiwan na niya si Marco at ang pamilya niya. Hindi agad siya nakapagsalita dahil parang may punyal na tumarak sa puso niya.
"Susunod ka sa naman sa usapan natin, hindi ba?" tanong ng Don nang hindi na niya marinig ang boses ng anak.
Gustuhin man na magsalita ni Lyra pero parang naninikip ang dibdib niya at nahirapan siyang makahinga 'pag naiisip niyang maghihiwalay na sila ng asawa niya at hindi na muling magkikita pa.
Hindi nagugustuhan ng Don ang hindi pagkibo ng anak, tanda ng pagdadalawang-isip nito. "Alam mo ang kapalit kapag hindi mo ako sinunod, Reyna," pagpapaala-ala niya rito ang naging usapan nila ng una nilang pagkikita. Hindi 'yon pagbabanta dahil talagang sisiguraduihin niya na walang matitira sa tinuturing nitong pamilya sa oras na hindi ito bumalik sa kaniya.
Ang protektahan ang mga mahal niya sa buhay, 'yon ang nagbigay ng lakas sa kaniya. Hindi siya puwedeng maging mahina kahit gaano man siya nasasaktan. "Oo, sasama ako," buong tatag niyang sabi.
"Mabuti kung gano'n," sabi ng Don. Kahit pa'no, malaking pakinabang din sa Don ang pagkakaro'n nito ng ibang pamilya. Ang kahinaan na 'to ng anak niya ang siyang palaging magiging bala niya para makontrol niya ito. "Masusunod ang plano mo. At 'wag na 'wag kang papalpak, Reyna."
"Makakasiguro ka, Don. Pero gusto kong malaman kung ano'ng klaseng armas 'yong gusto mong bilhin," sabi ni Lyra.
"Mga high calibre explosive at... tatlong missile," sagot ng Don. Malalaman din naman 'yon ng anak niya kaya wala nang silbi pa kung hindi niya 'yon sasabihin.
Natigilan si Lyra, hindi niya 'yon inaasahan. Akala niya mga baril ang bibilhin nito pero mas delikadong mga armas pa pala. "Gano'n ba? Sige, makakaasa kang darating ang kargamento diyan kasama ako," sabi niya bago pinatay ang tawag.
Nanginginig niyang nilagay ang cellphone sa mesa. Sa pagkakatanda niya, hindi gumagamit ng gano'n kalalakas na mga armas ang Pahimakas. Hindi niya alam kung saan gagamitin 'yon ng Don pero sigurado siyang maraming tao ang pwedeng masaktan o mamatay dahil do'n.
Kinamulatan na niya mula pagkabata hanggang sa nagkaisip siya na tama ang ginagawa niya. Na nasa panig sila ng kabutihan at lahat ng mga kalaban nila ang masasama. 'Pag pinalaki kang tama ang isang mali, hanggang sa pagtanda, maniniwala kang nasa tama ka. At gano'n ang nangyari kay Reyna. Pero nagbago na ang lahat. Alam na ni Lyra kung ano ang totoong tama at mali.
Hindi makakaya ng konsensiya niya na maraming inosenteng tao ang pwedeng mapahamak kung hahayaan niyang mapasakamay ng Don ang kargamento na 'yon. Kailangang kumilos siya. Umalis siya sa tree house na buo na ang desisyong pipigilan ang kargamentong makaalis sa Isla.
Habang binabaybay ni Lyra ang madilim at medyo masukal na daan pauwi sa tahanan niya, lihim naman na sumusunod sa kaniya ang isang lalaking agent. Nakasuot ito ng night vision goggles para kahit madilim, kitang-kita niya pa rin si Lyra.
Nasabihan na siya tungkol sa tree house na pinupuntahan ng target nila pero hindi niya kabisado ang daan. Hindi rin siya gaanong lumalapit sa babae gaya ng sabi ni Agent Ricaforte. Na-report na rin niya sa kaniya ang pagtawag ng babae gamit 'yong cellphone. Hindi naman niya narinig kung sino ang kausap nito sa cellphone dahil malayo siya.
Patuloy sa paglakad and sinusundan niyang babae pero bigla itong huminto nang sumabit ng suot nitong jacket na mahaba sa isang matinik na sanga. Sakto naman na may naapakan ang agent na patay na sanga, at naglikha 'yon ng ingay.
Nang papalingon sa gawi niya ang babae, agad siyang dumapa. Bumilis ang t***k ng puso niya. Imposibleng nakita siya ng babae dahil naka-itim siyang damit at malayo ang distansiya niya rito. Nanatili siyang nakadapa at hindi gumalaw. Makalipas ang ilang minuto, tinaas niya ang ulo at sinilip kung saan huli niyang nakitang nakatayo ang babae. Wala na ro'n ang babae at nakapatay na rin ang dala-dala nitong flashlight.
Dahan-dahan siyang umupo at nagpalinga-linga para hanapin ang babae gamit ang suot niyang goggles pero hindi na niya makita. Nang lumingon siya sa likod niya, may pumalo sa kaniyang ulo kaya nawalan siya ng malay.
Nagising ang agent dahil parang may naramdaman siyang malamig na tubig na binuhos sa ulo niya. Sinubukan niyang gumalaw pero nakatali pala siya sa puno habang nakaupo. Nasa gubat pa rin siya at madilim pa rin. Pero may naaaninag siyang anim na taong nasa harap niya.
Kanina pa pinagmamasdan ni Lyra itong lalaking nahuli niyang sumusunod sa kaniya. Pagkatapos niyang mapaalo ito sa ulo gamit ang kahoy na napulot niya, tinali niya ang mga kamay nito gamit ang suot niyang jacket bago dali-dali siyang bumalik sa tree house para tawagan ang isa sa mga miyembro ng Pahimakas na pumunta sa gubat. Silang lima ang pumunta rito na may dala-dalang pangtali at timba na may lamang tubig.
"Bakit mo ako sinusundan?" tanong ni Lyra.
Kilala ng agent ang boses ng babae, 'yon ang sinusundan niyang target. Hindi na siya nagsalita kaya pinagsusuntok siya ni Bato, 'yong pinakamalaki ang katawan sa limang lalaki.
"Gu-gusto ko siya kaya..." hindi na siya nakapagsalita dahil umuubo na siya ng may kasamang dugo.
"At itong Reyna pa namin ang natipuhan mo," singhal ni Asyo.
Aakmang tatadyakan ito ni Asyo nang hinawakan siya sa braso ni Lyra kaya hindi na niya ito itinuloy. "Saan mo nakuha ang mga 'to?" tanong niya habang hawak 'yong night vision googles niya at baril na Heckler.
Pinailawan ng flashlight ni Taba 'yong hawak niya para makita 'yon ng agent. Naisip ng agent na walang silbi ang magsinungaling pero hindi rin siya aamin.
"Mapapatay ka rin namin, Reyna," 'yon na lamang ang naisip na sabihin ng agent.
Pinagtulungan siyang bugbugin nina Bato at Asyo. Inawat ulit sila ni Lyra kaya tumigil na silang dalawa.
"Pilitin n'yo magsalita bago sumikat ang araw. 'Pag ayaw, alam n'yo na ang gagawin. Basta siguraduhin n'yong malinis at 'di mangangamoy," utos ni Lyra at iniwan na sila.
Mas nagiging delikado na 'tong transaksiyon dahil may involve na mga agents. Sigurado siyang hindi 'yon pulis dahil hindi sila gumagamit ng gano'ng klaseng equipment at firearm. Tanging agents lang ang may puwersa at lakas ng loob na kalabanin ang Pahimakas. Kailangang magdobleng ingat sila at ang pinakaimportante sa lahat, baguhin niya ang plano.