Tatlong araw na mula nang nawawala ang kasamahan niyang agent at malaki ang hinala ni Agent Ricaforte na nahuli ito ni Reyna at baka…
Nakuyom ni Agent Ricaforte ang mga kamay niya habang nakatingin sa malawak at madilim na dagat. Simula kahapon, binabantayan na itong dalampasigan ng mga pulis at agents nang 24 oras. Ngayon, nandito siya para tingnan kung nagbabantay nang maigi ang nakatokang dalawang pulis at agent.
Para mapagtakpan ang totoong dahilan kung bakit mahigpit ang pagbabantay sa dalampasigan ng Isla, may pinakalat na balita na may mga naglipana na mga pirata at maaaring pumunta sila sa Isla. Hanggang ngayon, may pirata pa naman pero kakaunti na lang sila at hindi na gano'n kalakas ang puwersa nila.
Malakas ang kutob ni Agent Ricaforte na alam na ni Reyna na may mga nagkalat na agents sa Isla. Sigurado rin siya na naghihinala na ito na alam na nilang agents ang tungkol do'n sa transaksiyon ng Pahimakas nang mahuli ang kasamahan niya.
Minabuti na ni Agent Ricaforte ang maglagay ng bantay dito sa dalampasigan para ma-monitor na nila ang mga taong papasok sa Isla. Lahat ng mga tao, maliban sa mga taga-rito, na papasok dito ay hinihingan ng I.D., kinakapkapan, iniinspeksiyon ang mga dala nito, at tinatanong ang dahil ng pagpunta sa Isla. Gustong pigilan ni Agent Ricaforte ang naiisip niyang hakbang ni Reyna sa pagdagdag ng mga tauhan lalo na't alam na nito na may mga agents na dito.
Naisip na niyang hulihin na lang si Reyna dahil sapat na 'yong ebidensiyang nakuha niya at kumbinsihin ito na bumaliktad sa ama nito, pero pagkatapos ng nangyari sa kasamahan niya, mas nabuo ang pagdududa sa isip niya at nangingibabaw ang galit. Hindi na siya ang asawa niyang si Lyra kundi ang walang-awa na anak ng Don na si Reyna. Kaaway na niya ito at hindi na asawa.
Nagtagal pa siya ng ilang oras kasama ang nagbabantay bago siya nagdesisyon na umuwi na sa bahay nila. Gaya ng huling dalawang gabi, tahimik ang bahay nila at mukhang tulog na ang lahat nang nakauwi siya.
Pagpasok niya sa kwarto nila, patay na ang ilaw. Naaaninag niya ang asawa na natutulog sa kama. Nagpalit siya ng damit at humiga na nang nakatalikod sa asawa.
Gising pa talaga si Lyra at malungkot na nakatitig sa likod ni Marco. Hindi man lang siya nagawang sulyapan ni Marco. Wala siyang may mahigalap na dahilan kung bakit nanlalamig ito sa kaniya. Hindi naman sila nag-away, sabi nga nito nang huli silang nag-usap, wala naman silang problema.
Umusad siya papalapit kay Marco at pinulupot ang mga kamay niya rito para yakapin ito. Ramdam niya na parang nagulat ito kaya alam niyang gising pa 'to. "Kumain ka na ba, mahal?" tanong niya sa asawa.
"Oo," walang buhay na sagot ni Marco. Gusto man niyang humarap sa asawa at ikulong ito sa mga bisig niya gaya ng nakasanayan na niyang gawin, pero pinigilan niya ang sarili. Sa tuwing nakikita niya ang mukha nito, hindi niya mapigilan ang sarili na magalit. Dahil sa babaeng 'to, may isang buhay ng kasamahan niya ang nawala na naman. Sigurado siyang pinatay nila 'yon.
"Mahal," malambing na sabi ni Lyra at dinukduk pa ang sarili kay Marco habang hinigpitan ang yakap niya rito.
Kung katulad pa rin ng dati, baka dinaganan na ni Marco ang asawa. Hindi naman niya maipagkakaila na tumugon agad ang katawan niya pagkatawag nito ng mahal sa kaniya. Napalagok siya at biglang pinagpawisan nang malapot. Kailangan niyang maging matatag at 'wag maging marupok.
Wala pa rin may maramadaman na reaksiyon si Lyra kay Marco, pero hindi agad siya susuko. Binaba niya ang kamay niya at tinunton papunta sa pagitan ng mga hita nito.
Nakaramdam ng pamilyar na kilabot si Marco na tila naningas ang boung katawan niya. Bago pa maabot ng asawa niya ang pakay nito, hinawakan na niya ang kamay nito.
"Pagod ako," malamig na sabi ni Marco at nilayo ang kamay ng asawa mula sa kaniya.
Naiwan sa ere ang kamay ni Lyra, hindi makapaniwalang tinanggihan siya ni Marco. Sa huli, lumayo na lang si Lyra dahil napahiya at nasaktan siya. Ito ang unang beses na tinanggihan siya ni Marco. Pakiramdam tuloy niya may nagbago, na parang may umusbong na pader sa pagitan nila na hindi niya alam kung paano o saan 'yon. nanggaling.
Medyo nakahinga nang maluwag si Marco, pero mas sumikip ang suot niyang boxer shorts. Hindi na siya hinahawakan ng asawa pero ramdam pa rin niya ang maiinit nitong presensiya. Nahihirapan tuloy si Marco, nahihirapan siyang makahinga. Bumangon siya bigla at iniwan ang asawa sa kwarto. Doon na siya natulog sa matigas na ratan na sofa. Titiisin na lang niya ang sakit sa likod, kaysa sa ang sakit sa puson. Baka hindi rin siya makapagtimpi.
Naiwan si Lyra na nalilito at nasasaktan. Hindi niya mapigilan ang mga luhang kusang nalaglag mula sa kaniyang mga mata. Hindi naman siya iyakin pero pagdating sa asawa, mababaw ang luha niya. Bilang na ang mga araw na magkasama sila pero nagkakaganito pa sila ni Marco.
Pinahid niya ang mga luha niya. Kailangan niyang magpakatatag. Marami pa siyang kailangang ayusin at gawin. Masyadong nagiging kumplikado na ang lahat. Kaunti na lang parang malalaman na ni Marco kung sino talaga siya lalo na't pakiramdam niya nagtutulungan ang mga pulis at agent.
Wala naman siyang kaso kasi malinis siya kung magtrabaho noon kaya hindi nila siya magagalaw. At sa tingin niya, hindi siya ang target nila, kundi ang kargamento ng armas. Sa kung paano nalaman nila ang tungkol sa kargamento, hindi niya alam at wala rin siyang balak alamin. Sa ngayon, kailangan niyang bumuo ng plano para mapigila ang kargamentong makaalis sa Isla nang hindi naghihinala ang Don at ang limang tauhan nito na kasama niya sa Isla.
May naisip na siyang plano, pero kailangan niya ng pangpasabog, ng dinamita. Iisa lang ang alam niyang mapagkukunan dito at bukas ng gabi mapapasakamay sa kaniya 'yon.
Maagang nagising si Marco. Naligo lang siya at umalis na ng bahay nila nang hindi sila nagkikitang mag-asawa. Pagdating niya sa presinto, nagulat pa ang kasamahan niyang pulis dahil magkasunod na araw na lagi siyang maaga kung pumasok. Nagtimpla na lang siya ng kape, tama na 'yon na almusal niya.
Kagaya ng dati, nagpaikot-ikot sila sa bayan sakay ng mobile. Nadidismaya si Marco dahil hanggang ngayon, hindi pa rin nila alam kung sinu-sino ang mga miyembro ng Pahimakas na nandito. May mga pinaghihinalaan na sila at sinusubaybayan 'yon ng mga agent.
Lumipas ang araw ni Marco nang walang aberya. Pagkagabi, pumunta ulit siya sa dalampasigan at sinamahan ang nagbabantay ro'n. Pauwi na siya nang may nagradyo sa kanila na may nangyaring nakawan sa bahay ni Mr. Chen, na isa sa mga negosyante rito sa Isla. Karamihan ng mga mangingisda rito ay sa kaniya nangungupahan ng mga bangka.
Pumunta ro'n si Marco at nalaman niya na nanakawan ng pera at alahas si Mr. Chen. Pinatay raw ng magnanakaw ang aso nitong mabangis na german sheperd. Tiningnan niya ang aso at may tatlong saksak ito sa katawan. Marami na'ng nakagat ang aso ni Mr. Chen, at isa na ro'n ang isang bata na kamuntik na namatay. Kaya ang alam niya, palagi na 'tong nakakaulong.
Hindi maintindihan ni Marco kung bakit siya kinakabahan. Tinawagan niya 'yong agent na nagmamanman sa labas ng bahay nila. Sabi naman nito na nasa loob ng bahay si Lyra. Gayonpaman, hindi pa rin maalis ang kaba sa dibdib niya kaya umalis na siya ro'n at pinaubaya na sa mga pulis na nando'n ang mag-asikaso sa nangyaring nakawan.
Pagka-uwi niya, dumiretso agad siya sa kwarto nila. Lumakas lalo ang kaba niya at bumilis ang t***k ng puso nang hindi nakita ang asawa.. Kumatok siya sa kwarto ng mag-asawang agent. Naalimpungatan pa ang mga ito.
"Nasa'n si Lyra?" tanong ni Marco nang humahangos.
Nagtinginan ang mag-asawa. "Nasa kwarto n'yo. Nakita kong pumasok siya sa kwarto n'yo bago nagpaalam na matutulog na daw siya," sagot ni Nanay Minda.
Lumabas agad si Marco sa bahay nila at pinuntahan ang agent na nakausap niya kanina. "Hindi mo ba nakitang lumabas ang asawa ko?" tanong ni Marco.
Kumunot ang noo ng agent. "'Yong target ba? Ang agila?" tanong niya. Tiningnan siya ng masama nito. "Hi-hindi. Nasa loob lang siya."
Kinuwelyuhan agad siya ni Marco. "Bakit wala siya ro'n sa loob? Nagbantay ka ba nang maayos, ha?"
"Pe-pero wala talaga akong may nakita," giit nito sa kabadong boses.
"Papatay-patay ka kasi. Wala kang silbi," bulyaw ni Marco sabay tulak nang malakas sa agent kaya natumba 'yon.
Lalapitan pa sana ni Marco ang agent pero pinigilan siya ni Tatay Fred. " Tama na 'yan," sabi niya habang hinahawakan ito sa balikat. "Bumalik na tayo sa loob bago pa may makakita sa atin dito," dagdag pa niya.
Nakinig naman si Marco sa kaniya. Naabutan nila sa sala si Nanay Minda na palakad-lakad.
"Saan kaya nagpunta ang batang 'yon?" nag-aalalang tanong ni Nanay Minda.
"Hindi kaya bumalik na siya sa--" hindi na naituloy ni Tatay Fred ang sasabihin niya dahil sinuntok ni Marco ang dingding nila. Buti na lang 'di yon nabutas sa lakas ng suntok nito.
"Hindi... hindi siya pwedeng umalis. May binigay na misyon sa kaniya ang Don at hindi niya pa 'yon nututupad," sabi ni Marco na parang kinukumbinsi ang sarili nito.
Tiningnan ng mag-asawa ang sir nila nang may bahid na pag-aalala. Saksi sila sa kung pa'no nito tratuhin si Lyra. Alam nilang hindi na 'yon pagpapanggap kundi totoong mahal na nito si Lyra.
Tumingin sa labas ng bintana si Marco. Wala siyang maaninag kundi puro kadiliman. Pero wala ro'n ang isip ni Marco kundi sa asawa niyang si Lyra. Magkahalong emosyon ang nararamdaman niya-- galit at higit sa lahat, takot.
Umiling siya nang paulit-ulit habang kinukumbinsi ang sarili. Babalik si Lyra. Babalik amg asawa niya.