NAPANGIWI si Anne nang makita ang matarik at maputik na daan patungo sa Villa Monica. Naroon daw ang Bukid ni Jose, ang farm na papasukan niya ayon sa daddy niya.
Dalawang araw bago i-deklara ni Don Jose Miguel ang sinasabi nitong training niya ay agad nitong pinag-empake si Anne. Pinagdala siya nito ng application form at resume. Siya raw ang mag-a-apply at hindi nito gagamitin ang impluwensiya. Iyon daw ang first step para sa training niya. At kung para saan?
Para matutunan mo kung paano mamuhay nang normal. Kung paano nakaka-survive ang mga ordinaryong tao.
Sumilay ang sarkastikong ngiti sa mga labi ni Anne nang maalala ang paliwanag na iyon ng kaniyang ama. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang sa farm siya nito pagtatrabahuin gayong tapos naman siya ng AB Philosophy. Sabagay, hindi rin naman niya ang gusto ang kursong iyon. Si Don Jose Miguel lang din ang nag-decide na iyon ang kunin niya. Kaya nga hindi sana siya makaka-graduate dahil sa mga failed grades niya kung hindi lang din sa impluwensiya nito. Tourism talaga ang pangarap niyang kurso.
“You can do it, Anne. Wala ka namang hindi kinaya, ‘di ba?” pang-aalo niya sa sarili bago niya muling sinulyapan ang matarik at maputik na kalsada. May bitbit siyang payong. Umaambon-ambon pa kasi dahil sa katatapos lang ng malakas na ulan.
Gusto sana ni Don Jose Miguel na ihatid siya. Kahit hanggang sa kalsadang iyon lang at siya na raw ang mag-isang pupunta ng farm.
Ngunit nakipagmatigasan ang dalaga. Gusto ng daddy niya na matuto siya dahil akala nito wala siyang ibubuga kapag wala siya sa poder nito, ‘di ba? Puwes! Patutunayan niya na mali ito. Uuwi siya na may ipagmamalaki sa ama.
Tutal, pagod na rin naman nang mabuhay si Anne sa anino nito, sa pagiging isang Monteguado.
Huminga muna nang malalim ang dalaga bago siya humakbang paakyat at inapak ang mamahaling high-heeled shoes sa putikan. Parang gusto niyang umiyak nang maramdaman niyang halos lumubog iyon sa putik. Hindi dahil sa nanghihinayang siya sa dolyar na halaga niyon. Kundi natakot siya na baka hindi na siya makaalis at matalsikan pa ng putik ang balat niya. Kung bakit kasi hindi siya nakinig sa daddy niya na magsuot ng pantalon at rain boots. Sinunod pa rin ni Anne ang gusto na mag-mini skirt at crop top.
“Akala ko ba mayaman ang may-ari ng Villa Monica at Bukid ni Jose Farm? Bakit hindi man lang magawang ipaayos itong daan?” inis na kausap ng dalaga sa sarili nang makarating siya sa gitna na puro putik na ang mga binti.
Kung hindi lang talaga siya magmumukhang weak sa harap ni Don Jose Miguel, baka kanina pa siya umatras at umuwi pabalik ng Maynila. Kaso, baka isipin pa niyon na kaya siya hindi umaalis sa poder nito, dahil hindi niya kaya ang mabuhay nang mag-isa.
No way, Dad! I’m done using your money.
“Pero nakakadiri na talaga. Yuck!” Nayayamot na pinunasan ni Anne ng tissue ang putik na tumalsik sa hita niya nang magkamali siya ng apak sa palubog na parte ng lupa. “Saang lupalop ba kasi ng Pilipinas itong farm na ito? Bakit hindi mapaayos-ayos ang daan?”
Kung nakinig lang sana siya sa daddy niya habang nagbibigay ito ng detalye tungkol sa lugar na iyon. Pero hindi, eh. Nagbingi-bingihan na naman ang dalaga. Ang tanging naiwan lang sa memorya niya, number one organic farm daw sa buong Pilipinas ang Bukid ni Jose, hindi lang sa Quezon Province. At isang bilyonaryo raw ang may-ari niyon.
“Number one? Seriously? Eh, parang road to hell itong daan nila,” patuloy na reklamo ng dalaga nang mapatingin siya sa paligid at nakita niya ang matataas na bundok. At kapag nakarating siya sa itaas ng kalsada, siguradong mga bangin ang makikita niya. Magkamali lang siya ng hakbang, sigurado rin na gugulong siya pababa at sasalubong sa kaniya si Kamatayan dahil sa malalaking bato na nadaanan niya kanina. Wala rin siyang natatanaw na kahit isang bahay o establishment. May kubo na yari sa kawayan pero sira-sira naman. “Ngayon lang talaga ako nakarinig ng bilyonaryo raw pero may bulok na property. Tsk!”
Mangiyak-ngiyak na ipinagpatuloy ni Anne ang paglalakad sa gitna ng putikan habang walang tigil ang pag-ambon kaya lalo iyong nagiging maputik. Mabuti na lang at malakas at malamig ang simoy na hangin na humahampas sa balat niya. Hindi siya pinagpapawisan. Ayaw na ayaw pa naman niya na nanlalagkit siya, lalong lalo na ang mukha niya. Kaya nga ingat na ingat siyang malagyan iyon ng putik, kahit putikan na rin ang mga braso niya dahil sa panay na pagkamot. Nangangati na rin kasi siya.
“My God! Malayo pa ba ‘to?” Hindi niya napigilan ang sumigaw nang malakas dahil sa sobrang pagkairita. Halos isang oras na yata siyang naglalakad pero hindi pa rin siya nakakarating sa pinakatuktok ng kalsada. Mayamaya ay natigilan ang dalaga pagkatapos niyang umapak sa lupa at hindi na niya matanggal ang paa niya, kahit anong bawi niya. Iyon pala ay lumubog na sa putikan ang sapatos niya. Ganoon din ang kabila. Anne groaned in disgust. “This is bad. This is really, really… bad.”
Hindi na niya napigilan ang mapaiyak sa sobrang pagkadismaya. Wala na siyang choice kundi ang maglakad ng nakayapak dahil hindi na niya mahugot sa putikan ang mga sapatos kahit anong pilit niya.
Pero nang maramdaman ni Anne ang maaalat na likidong pumatak sa mga labi niya, mabilis niya iyong pinunasan. Napatiim-bagang siya nang maalala kung bakit nasa miserableng sitwasyon siya sa mga oras na iyon. “There’s no one else to blame here but you, dad. This is all your fault. I hate you!” parang bata na sigaw na naman ng dalaga ngunit pinigilan na niya ang maluha.
For her, crying is a sign of weakness. Kaya nga hangga’t maaari ay pinipigilan niya ang maluha, lalo na kapag nasa harap siya ng ibang tao.
Hinding-hindi na siya babalik sa mga panahon na naiiyak na lang siya dahil wala siyang magawa sa tuwing binu-bully siya ng mga kaklase niya sa Italy noong high school siya dahil sa pagiging nerd niya. Araw-araw na kinukuha ang baon niya, sinisira ang mga gamit niya, pinapalinis ng comfort room, tagabitbit ng mga gamit ng mga kaklase niya… At ang pinaka-worst na naranasan niya noon sa mga bully na rason kung bakit muntik na siyang mamatay ay ang pagpapahiya sa kaniya sa prom night nila.
May crush noon si Anne at niyaya siya na maging prom date nito ng gabing iyon. Tuwang-tuwa siya noon. Sa sobrang excitement, humingi pa siya ng tulong sa mommy niya para bumili ng mamahaling gown at magpaayos sa kilalang stylist kahit wala na silang pera. Akala niya kasi talaga noon, may gusto rin sa kaniya ang lalaking iyon. Pero sa mismong prom night, nalaman niya na girlfriend pala nito ang number one na nambu-bully sa kaniya at pinaglaruan lang siya. Pinaniwala si Anne na siya at ang crush niyang iyon ang nanalong Prom Queen and King. Pero pag-akyat nila ng stage, saka siya binuhusan ng pintura sa buong katawan.
Tandang-tanda pa niya noon kung paano siya pinagtawanan at kinuhanan ng picture ng lahat ng mga naroon habang mag-isa siyang nakatayo sa stage na hindi na halos makita dahil sa itim na pinturang ibinuhos sa kaniya. Sumikat pa nga siya sa online dahil sa mga video na in-upload.
That time, hindi pa niya tinatanggap ang sustento mula kay Don Jose Miguel dahil ayaw ng kaniyang ina. Ayaw daw kasi nitong tumanggap ng tulong mula sa dating asawa na babaero. Kaya itinaguyod si Anne ng mommy niya mula sa pagtatrabaho nito bilang isang hotel staff. Pero dahil hindi naman ganoon kalaki ang sinasahod ng kaniyang ina at inaalagaan din nito ang lola niya na may sakit at senior citizen na rin kaya mahirap din ang buhay nila.
May mga araw na pinagsasabay nila ang tanghalian at hapunan para lang makatipid. Halos araw-araw din siyang naglalakad noon kapag pumapasok sa eskuwela dahil saktong pangkain lang ang baon niyang pera. May lumang sasakyan naman sila. Pero iyon ang ginagamit ng mommy niya sa pagpasok sa trabaho, kung saan, madaling araw pa lang ay umaalis na ito. Naranasan nga rin noon ni Anne na magtrabaho sa fast food. Pero pinatigil lang siya ng mommy niya dahil pati sa trabaho, binu-bully din siya.
At lahat ng iyon ay naranasan nilang mag-ina dahil sa pagiging babaero ng ama niya. Nang malaman iyon ng kaniyang ina, agad itong nag-file ng annulment na pinayagan naman ni Don Jose Miguel dahil tanggap nito ang pagkakamali. Umalis silang mag-ina pabalik sa bansang Italy, sa poder ng lola niya.
Ang paghihiwalay na iyon ng kaniyang mga magulang ang isa sa pinakamasakit na parte ng buhay ni Anne. Iyon ang first heartbreak niya. She loved them both. Lalong lalo na ang kaniyang ama na palagi niyang ipinagmamalaki at tinitingala mula pagkabata. Kaya nga daddy’s girl siya noon, eh.
Mas masakit dahil graduation day niya pa noon sa elementary. At imbes na mag-celebrate, bumiyahe silang mag-ina patungong Italy. Her mother was crying that time. Ramdam niya na ayaw nitong umalis at iwan ang asawa. Pero kahit sinong matinong babae, hindi na pipiliin pang makasama ang lalaking kitang-kita mismo ng kaniyang mga mata na nakikipagniig sa ibang babae. At ang mas masakit, sa mismong rest house pa nila sa Batangas, na regalo ni Don Jose Miguel sa asawa noong wedding anniversary nila.
Doon na nagsimulang mamuhi si Anne sa kaniyang ama.
Lalo na at araw-araw niyang nakikita ang paghihirap ng ina dahil sa panlolokong ginawa nito. Matutulog nang umiiyak at gigising nang luhaan. Tapos papasok sa trabaho na mugto ang mga mata at uuwi na parang wala sa sarili. Ramdam noon ng dalaga na kung hindi lang dahil sa kaniya, baka matagal nang sumuko sa buhay ang mommy niya.
Kaya nga nakokonsensiya si Anne sa tuwing nakikita niya na nadadagdagan ang paghihirap at lungkot ng ina kapag umuuwi siyang umiiyak. Lalo na noong isinugod siya nito sa ospital at muntik nang mamatay pagkatapos niyang mag-overdose dahil hindi na niya nakayanan nang pati sa online world ay binu-bully na rin siya.
She promised herself then na hinding-hindi na siya magiging pabigat sa mommy niya.
Doon na na-realize ni Anne na bakit nga ba siya nagpapaapi? Samantalang ang yaman-yaman naman ng daddy niya.
Doon na tinanggap ni Anne ang suporta galing sa kaniyang ama na tinatanggihan ng kaniyang ina kaya inilihim niya. Sa kagustuhan ni Don Jose Miguel na makabawi, ano mang hilingin ng dalaga ay agad-agad nitong ibinibigay. Kahit pa nga alam naman nitong hindi na iyon tama. Pero hindi ibig sabihin niyon ay pinatawad na niya ito.
Dahil hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang namumuhi sa daddy niya.
Simula noon ay nagbago na ng lifestyle si Anne; mula sa pagiging isang friendly-nerd student to mean girl. At nagustuhan naman niya iyon dahil unti-unti siyang tiningala at kinatakutan sa school na iyon. Bawat kumakalaban sa kaniya ay ginagawan niya ng paraan para masira ang buhay.
‘Diyosa’ na nga kung ituring niya ang sarili.
Nasa college na si Anne nang mamatay sa isang vehicular accident ang mommy niya. That was her second heartbreak that almost crushed her heart to death. Doon na nagkaroon ng chance ang Daddy niya na bawiin siya. Hindi ito pumayag na maiwan siya sa kaniyang lola sa Italy dahil wala naman daw itong kakayahan na buhayin siya.
Dahil ayaw na ni Anne na bumalik pa sa dating buhay niya noon na minamaliit lang kaya napilitan siyang sumama kay Don Jose Miguel pauwi ng Pilipinas.
Kaya kung akala ng iba na isa siyang tunay na prinsesa at walang hirap na pinagdaanan kaya ganoon siya kung umasta?
Napakurap-kurap ang dalaga nang maramdaman niya ang paghapdi ng kaniyang lalamunan dahil sa pagpipigil na umiyak habang nakakuyom ang mga kamay. Saka lang niya namalayan na nasa ituktok na pala siya ng matarik na daan. Dinala siya roon dahil sa galit na naramdaman niya sa kaniyanag puso nang maalala ang mga taong nagpahirap sa kaniya noon.
Kasama na ang sariling ama.
“Darn! Ano ba ‘tong napasukan ko?” inis na namang tili ni Anne matapos niyang i-check ang sarili at nakita niya na halos maligo na siya sa putik. Ang makinis at maputi na mukha na lang niya ang natitirang malinis. Thanks, God! Bumuhos kasi ang malakas na ulan. Lalo siyang nanlumo nang makitang puro galos na ang mga paa niya. Humahapdi na rin ang kaniyang mga talampakan. “Kakayanin ko pa kayang maglakad?”
Hindi siya pala-dasal na tao. Pero sa mga oras na iyon, lihim niyang nahiling na sana… biglang may sasakyan ang dumaan at isakay siya.
Ngunit paano iyon mangyayari kung imposibleng madaanan ng kahit anong sasakyan ang dinaanan niya kanina?
Mayamaya, nabuhayan ng pag-asa si Anne nang may marinig siyang ugong ng sasakyan mula sa di-kalayuan. Umaliwalas ang kaniyang magandang mukha nang matanaw niya ang lumang pick-up truck na papunta sa direksiyon niya. Hindi na niya inisip kung saan iyon galing dahil bigla na lang sumulpot. Ang importante, makita siya ng driver niyon at maisakay.
Agad na pumagitna sa kalsada ang dalaga. She waved her hands continuously. Tuwang-tuwa siya nang sa wakas ay makalapit na ang sasakyan. Gumilid siya sa pag-aakalang hihintuan siya ng driver na hindi niya nakikita dahil tinted ang salamin. Ngunit sigurado si Anne na nakita siya ng kung sino mang nasa loob niyon dahil nagdahan-dahan pa ito.
Pero laking gulat ni Anne nang sa halip na huminto, mas binilisan pa ng driver ang pagpapatakbo bago pa man makarating sa malalim na lubak na nasa harapan niya kaya nagtalsikan ang maputik na tubig na naipon doon.
“Sh****t! Oh, my... Oh, my... Oh, my Gooood!” natataranta at malakas na tili ng dalaga nang maramdaman niya na naligo sa mabaho at malapot na tubig ang makinis at maputi niyang mukha.