Three years later…
"WHAT the hell is happening to you, Brianna? Sumosobra ka na! Wala ka na ba talagang kayang ibigay sa’kin kundi sakit ng ulo at kahihiyan? Kung hindi lang kita anak at hindi kita mahal, hinayaan na sana kita na makulong habang buhay!”
Nakasimangot lang at tila walang naririnig si Anne, habang pilit na bina-black out sa harapan niya ang pagwawala ng kaniyang amang si Don Jose Miguel. Namumula na ito sa galit at ume-echo na sa malawak nilang sala ang boses nito habang sinesermunan siya.
Kagagaling lang nila sa presinto kung saan siya nakulong, kasama ang mga kaibigan at one-week boyfriend niya. Ni-raid kasi ng mga pulis ang bahay ng isa sa mga kaibigan niya at nahuli sila na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. Pero hindi naman siya dapat na napasama sa mga nahuli. Dahil hindi naman siya gumagamit niyon at hindi pa niya naranasan kahit kailan.
Ngunit ayaw ng maniwala ng mga pulis, kahit ang daddy ni Anne. Kahit ilang beses na niyang sinabi ang totoo.
Well, kailan pa ba siya pinakinggan ni Don Jose Miguel? Wala na itong ibang alam na paraan ng pagpapakita ng pagmamahal kay Anne maliban sa pagbibigay ng limpak-limpak na salapi o kung ano mang hilingin niya. Ni hindi nga ito nag-abalang tanungin ang dalaga kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nagtatrabaho gayong dalawang taon na siyang graduate sa college. Wala itong ibang inatupag kundi negosyo.
Puro negosyo.
Ni hindi nga alam ni Don Jose Miguel ang isa sa mga dahilan kung bakit sa nakalipas na tatlong taon ay wala pa ring nagbago sa pag-uugali ni Anne. Sa halip, mas lumala pa ang pagiging arogante niya. At ‘yong galit niya sa kaniyang ama ay mas tumindi pa. Lahat ng posibleng ikakasakit ng ulo nito ay ginawa na ng dalaga.
Mula sa pagiging tambay, pagwawaldas ng pera sa walang katapusang gimik at barkada, pagiging playgirl… Pati nga ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay balak na niyang subukan kung hindi lang sila nahuli agad kagabi.
Bukod sa gusto ni Anne na pahirapan ang ama, paraan din niya ang pagiging pariwara para makalimutan ang nangyari noon sa Forbidden, three years ago.
Oo. Tatlong taon na ang lumipas simula nang magpadala siya sa kalasingan niya. Isinuko ni Anne ang kaniyang sarili sa lalaking hindi man lang nagpakilala o nag-abalang magtanggal ng masquerade mask habang inaangkin siya. Nagising na lang siya na wala na ito sa tabi niya. At nang ipagtanong niya sa management ng bar kung sino ang may-ari ng VIP room na iyon ay nabigo siya. Mahigpit daw na pinapangalagaan ng Forbidden ang privacy ng bawat miyembro. Kahit pa nga ginamit na ni Anne ang impluwensiya ng daddy niya, wala pa rin siyang nagawa.
Isang taon din niyang pinahanap sa private investigator ang lalaking iyon pero bigo rin siya. Siguro sinadya talaga ng estrangherong iyon na pagtaguan siya dahil nakuha na nito ang pinaka-iniingatan niyang bagay bilang isang babae.
Hindi lang makapaniwala si Anne na nagpakatanga siya ng gabing iyon. Na nagpadala siya sa bugso ng kaniyang damdamin.
At lalong hindi niya matanggap na may isang lalaki ang tumalikod sa isang Brianna Chanelle Monteguado.
Simula noon ay lalo pang naging rebelde ang dalaga. Halos buwan-buwan siyang nagpapalit ng nobyo para lang makalimot. Unti-unti rin niyang pinatay sa puso niya ang kakaibang paghanga na sa lalaking iyon lang niya naramdaman.
“Punong-puno na ako sa’yo, Brianna! Hindi ko na malunok ang mga kahihiyan at problema na ibinibigay mo sa’kin,” patuloy na sermon ni Don Jose Miguel. Nagpatuloy lang din sa pagbingi-bingihan ang dalaga habang nag-i-scroll sa bagong cellphone niya na kahapon lang ibinigay nito. Dahil alam naman niya na kahit anong galit ng kaniyang ama, kapag sinabi niya na babalik na lang siya sa Italy, agad itong tumitigil. Isa sa kinatatakutan ng daddy niya ang mahiwalay uli siya rito. “Nagkamali ba ako ng pagbibigay ng sobrang pagmamahal at suporta sa'yo, Brianna?"
Napakislot si Anne nang biglang hablutin ni Don Jose Miguel ang hawak niyang cellphone dahil hindi pa rin niya ito pinapansin.
"Stop that damn thing!" napipikon nitong tili bago walang kaabog-kaabog na ibinato iyon sa pader.
Nasundan niya ng tanaw ang tumilapong gadget na dahil sa lakas ng impact kaya nagkapira-piraso. Hindi siya naghinayang kung iyon man ang pinakamahal at pinaka-latest na model ng pinakamahal na brand ng cellphone sa buong mundo. Parang sentimo lang naman ang halaga niyon sa yaman ng daddy niya.
“Kapag hindi ka pa tumigil sa pagsira sa buhay mo, Brianna, ipapadala na kita sa…”
Saka lang tumingin sa ama si Anne nang putulin nito ang sasabihin. Noon lang nito nakuha ang interes niya. “Saan, Dad?” Nang-uuyam na ngumiti siya rito. “Sa Italy? Mas okay nga ‘yon, eh. Kayo lang naman itong pilit akong inilalayo kay Lola. Noon pa man, sinabi ko na sa inyo na hindi ako sasama sa’yo dahil mas gusto kong kasama si Lola.”
Nakita ni Anne ang pagbalatay ng sakit sa kulubot na mukha ng daddy niya. Ramdam niya na tila may kumurot sa puso niya pero agad iyong natakpan ng galit niya rito na ilang taon na niyang kinikimkim.
“Alam ko na nagkamali ako sa inyo noon ng Mommy mo, Brianna. Pero matagal ko na iyong pinagsisisihan.” Bumaba ang tono ng boses nito bago pumiyok. “Ilang taon ko na ring sinusubukan na bumawi sa’yo pero ayaw mo lang akong papasukin sa puso mo.”
“Nagtataka ka, Dad?” Mapait siyang napangiti. “Bata pa lang ako, inidolo at minahal na kita. Pero ano ang ginawa mo? Niloko at sinaktan mo lang kami ni Mommy. Ngayon, magtataka ka kung bakit nawala ang respeto at pagmamahal ko sa inyo?” Tumigil sa pagsasalita si Anne nang maramdaman niya ang paninikip ng kaniyang dibdib. Uminit din ang bawat sulok ng kaniyang mga mata nang maalala ang ina.
Ngunit ang pinakaayaw niya sa lahat ay ang nagmamakaawa at umiiyak sa harapan ng ama. Dahil nagpapaalala lamang iyon sa dating siya na mahina.
At bago pa man mahulog ang mga luha niya ay tumayo na at tumalikod si Anne. Ngunit hindi pa man siya nakakadalawang hakbang, narinig na niya uli ang boses ng ama.
“I love you so much, Brianna. Nangako ako noon sa puntod ng mommy mo na kung hindi man ako nakabawi sa kaniya, sa’yo ko gagawin iyon.” Kuyom ang mga kamay na napahinto siya nang banggitin na naman nito ang kaniyang ina. Ngunit nanatili pa rin siyang nakatalikod sa daddy niya. “Kaya hindi ko hahayaan na habang buhay ka na lang ganiyan. Matanda na ako. Hindi sa lahat ng oras ay kaya kong saluhin ang mga kalokohan mo. I know na mali ang paraan ng pagpapakita ko ng pagmamahal sa’yo. Pero kailangan mong matuto sa buhay habang nandito pa ako. At sisimulan ko iyon sa pagpapadala sa’yo sa Quezon Province…”
Gulat na napalingon si Anne sa ama. “A-anong Quezon Province, Dad? At ano ang gagawin ko sa probinsiya na ‘yon?”
“Kailangan mong magtrabaho sa isang farm doon kung gusto mo pang mabuhay. For one year, wala kang matatanggap na ano mang allowance mula sa’kin. Lahat ng pangangailangan mo ay kukunin mo sa isasahod sa’yo ng farm na iyon. Saka lang kita papayagang bumalik sa poder ko kapag nakita ko nang kaya mo nang mabuhay kahit wala ang yaman ko.”
Her eyes widened. “What?!”