PUNONG-PUNO ng kumpiyansa sa sarili na pumasok sa gusali na iyon si Anne. Itiniklop niya ang payong bago siya umakyat sa hagdan. Ngunit bago pa man siya makahakbang ay isang bulto ng katawan ng lalaki ang nakita niya na sumunod sa kaniya. Napahinto rin ito at napatingin sa kaniya. Nagtama ang kanilang mga mata.
Bakas sa mukha ng dalaga ang pagkagulat. Pero hindi ang mukha ng lalaking kaharap na kasama lang niya sa kubo kanina. “Ano ang ginagawa mo rito? Sinusundan mo ba ako?”
“May tuturuan lang ako ng leksiyon,” malamig na turan nito.
“Tuturuan ng leksiyon? Bakit? Ano pa ba ang trabaho mo rito bukod sa pagiging magsasaka?” She laughed sarcastically. “Punisher?”
He didn’t answer. He just blew a loud and irritated breath before glaring at her. “Mag-a-apply ka, ‘di ba? Bakit ganiyan ang suot mo?”
“What’s wrong with my outfit?” Nagtataka na itinuro pa ni Anne ang sarili. Isang high-waist shorts at hanging blouse ang suot niya. Alam naman niya na hindi iyon angkop sa pag-a-apply ng trabaho. But for Pete’s sake. Farm naman itong papasukan niya at hindi corporate world.
Napatingin siya sa lalaki. Ngayon lang niya napansin na iba na ang suot nito. Isang button down na white long sleeve polo na nakatupi ang mga manggas hanggang siko at Khaki pants and sneakers naman sa pang-ibaba.
Saan ang lakad nito at naka-semi formal attire yata?
Ang totoo niyan, wala namang problema sa suot ng lalaki. Kung guwapo ito kanina kahit naka-Cowboy attire at marungis, mas guwapo ito ngayon na nakaayos at bagong ligo. Mukhang ang bango-bango pa. Hindi lang nagustuhan ni Anne ang ideyang lihim na naman siyang napahanga rito.
“Sa dress code pa lang bagsak ka na.” Ilang minuto pa ang dumaan bago ito nagsalitang muli. Hindi tuloy alam ng dalaga kung nahuli ba siya nito na nakatingin dito. “You still have time. Puwede ka pang magpalit.”
Muntikan nang umarko ang isang kilay ni Anne. Hindi niya akalain na ang magsasakang tulad nito ay marunong din palang mag-English. Parang lalo tuloy itong bumango sa paningin niya sa mga sandaling iyon. Ngunit agad ding napalis dahil sa pangingialam na naman nito.
“Bakit ba napaka-pakialamero mo?” asik niya rito. “Ako naman ang mag-a-apply at hindi naman ikaw ang mag-i-interview sa’kin. Mind your own business, jerk!” Pagkasabi niyon ay mabilis na humakbang na sa hagdan ang dalaga para talikuran ang lalaki.
Kahit malakas ang tiwala niya na makakapasa agad siya, ayaw pa rin ni Anne na masira ang mood niya bago pa man siya humarap sa nagngangalang ‘Sir Cris’ na siyang mag-i-interview daw sa kaniya. Hindi pa niya lubos na kilala ang taong iyon. Baka mapurnada pa ang pagtatrabaho niya sa farm na iyon kapag d-in-ecline nito ang application niya.
PAGDATING na pagdating ni Anne sa second floor ay agad niyang nakita ang pinto na may kalakihan. Sa labas niyon ay may lamesa at may nakaupo na babaeng mukhang sekretarya. Sigurado siya na iyon ang opisina ng ‘Sir Cris’ na iyon dahil wala naman siyang nakikitang ibang pinto maliban doon.
Bago lumapit sa sekretarya ay dumaan muna siya sa ladies’ room nang makita niya iyon. Habang nagre-retouch ng lipstick, nagdalawang isip si Anne kung magpapalit ba ng damit nang maalala niya ang sinabi ng lalaki kanina.
Sa dress code pa lang bagsak ka na.
Tutal, may dala naman siyang formal clothes. Pero nangibabaw ang pride at pagkainis ng dalaga sa lalaking iyon. Baka pumalakpak pa ang tainga nito kapag nakita siya mamaya na sinunod ang utos nito.
Paglabas ng ladies’ room ay hindi sinasadyang hinanap ng kaniyang mga mata ang lalaking iyon. Kahit nagmamadali siyang umakyat sa hagdan kanina, ramdam niya na nakasunod ito sa kaniya. Na-conscious pa nga siya nang slight.
Pero ano kaya ang gagawin niya rito sa second floor? At bakit wala siya rito?
Baka dumaan din ng men’s room. sabat ng kabilang isip ni Anne.
Nagkibit-balikat na lang siya at dumiretso sa lamesa ng sekretarya. Inilabas niya mula sa kaniyang backpack ang resume at iniabot dito.
“Umupo po muna kayo, ma’am. Kadarating lang din po kasi ni Sir Cris,” magalang na sabi ng nagpakilalang sekretarya pagkatapos sabihin ni Anne ang pakay at binasa naman nito ang resume na ibinigay niya. Dahil walang nakalagay na job position sa resume niya kaya tinanong nito kung anong posisyon ang ina-a-apply-an niya. Nagulat ito sa isinagot niya. Pero nagawa pa ring ngumiti sa kaniya. Hindi lang siya gumanti. “Ipo-forward ko na po itong resume n’yo sa loob,” sabi pa nito at saka sinulatan ng job title ang papel niya.
Walang imik na umupo sa visitor’s lounge si Anne habang gumagala ang paningin niya sa paligid. Humanga naman siya sa mga muebles na nakikita ng mga mata niya. Classy and expensive. Kahit ang architectural design ng gusali ay nakakamangha rin. Kahit simple lang, halata namang mamahalin. Walang duda na bilyonaryo nga ang may-ari ng Bukid ni Jose. Dahil kahit ang opisina ng general manager ay halatang pinaglaanan ng oras at pinaggastusan.
Pero bakit kaya ang kalsada na papasok dito ay hindi nito mapaglaanan ng oras at pera?
“Excuse me po, Ma’am. Puwede na raw po kayong pumasok,” nakangiti uli na untag ng sekretarya kay Anne.
Agad siyang umayos ng tayo. Ibinilin muna niya sa sekretarya ang backpack na dala at posturang-postura na lumapit sa pinto ng boss nito. Huminga muna siya nang malalim bago kumatok at pumasok sa loob. Inihanda na niya ang pagbati kahit hindi naman niya iyon ginagawa sa mga taong mas may mababa na estado kumpara sa kaniya.
Sinipat pa muna ni Anne ang sariling damit at siniguradong maayos iyon bago nag-angat ng tingin. “Good afternoon—” Naputol ang iba pa niyang sasabihin dahil sa pamilyar na mukha ng lalaking nakaupo sa nag-iisang executive table sa loob ng opisinang iyon. Awtomatikong nanlaki ang kaniyang mga mata. Her lips parted nang makilala kung sino ang nasa harapan niya, “Ikaw na naman? What are you doing here? Don’t tell me na pati dito ay sinusundan mo ako?” sunod-sunod na tanong ng dalaga, at sa tonong nag-aakusa.
Sa halip na sumagot ay ngumiti lang ito ng nakakaloko. Parang nag-e-enjoy pa sa pagkagulat na nakikita sa mga mata niya.
Nang mapatingin si Anne sa litratong nakapatong sa ibabaw ng table nito at may pangalan na nakasulat sa ilalim niyon ay bigla siyang kinabahan. Hell, no! Muntik na siyang mawalan ng balanse pagkatapos niyang makumpirma ang pagkatao ng lalaking kanina pa nagpapakulo ng dugo niya.
“I-ikaw ang tinatawag nilang ‘Sir Cris’?” gulat na tanong niya. “Ang general manager nitong farm?”
“Good afternoon, Miss…” imbes ay bati nito kay Anne na hindi pa rin nawawala ang nakakalokong ngiti na nakapaskil sa mukha nito. “What’s your name again?”
Napasimangot siya. Hindi niya matanggap na hindi nito natandaan ang maganda niyang pangalan. At saka, nakita naman niya na hawak nito ang resume niya. Hindi man lang ba nito binasa iyon? “B-Brianna Chanelle ‘Anne’ Monteguado,” pagpapakilala niya. Wala na siyang rason pa para itago ang apelyido niya dahil nasa kamay na nito ang resume niya. Hindi naman siguro nito iisipin na siya ang unica hija ni Don Jose Miguel. Hindi lang naman siguro sila ang Monteguado sa buong Pilipinas.
Pero bakit kailangan niyang kabahan ngayong nalaman niya na ang lalaking kanina pa niya sinusungitan ay siya palang hahatol sa kapalaran niya sa farm na iyon?
Paano ka hindi kakabahan kung una pa lang ay lantaran mo nang sinabi na gusto mong maging general manager? Aagawan mo pa siya ng trabaho.
Aba! Malay ba niyang ito pala ang unang tao na kailangan niyang pakisamahan sa lugar na iyon.
“Please have a seat, Miss Monteguado…” Mula sa nakakaloko na anyo ay naging pormal ang mukha ng lalaki nang ituro sa kaniya ang visitor’s chair sa harap ng lamesa nito. “By the way, I’m Crisostomo Villaverde. Ang kasalukuyang general manager ng Bukid ni Jose.”
Crisostomo Villaverde. ulit ng isip ni Anne.
Bakit pati pangalan nito parang ang hot din?
Umupo naman siya at humarap dito. “So, ikaw pala ang general manager dito. What a surprise!”
Hindi nito pinansin ang sarcasm sa boses niya. O baka hindi lang nito nahalata dahil pilit niya iyong pinigilan.
“Ayon dito sa resume mo, nag-a-apply ka bilang isang general manager,” paninimula ni Crisostomo habang binabasa ang resume niya. “Tama ba?” tanong nito nang sulyapan siya sandali.
Hindi alam ni Anne kung ano ang isasagot. Ngayon na nakaharap na niya mismo ang taong gusto niyang agawan ng posisyon ay biglang naumid ang dila niya. Kahit ito pa ang lalaking kanina pa nagpapainit ng ulo niya.
Bigla siyang nahiya pero napatango pa rin. “Y-yes.”
Ilang sandaling pinagtuunan nito ng pansin ang resume niya bago nito binitiwan iyon at pormal na tiningnan siya. “Thank you for submitting your application, Miss Monteguado. I appreciate your interest in a position as a general manager here in Bukid ni Jose. But sad to say, after reviewing your resume, I have decided to decline moving forward in our interview process.”
Naiintindihan naman iyon ni Anne dahil sino ba namang tang* ang tatangggap ng aplikante kung ang kapalit naman niyon ay mawawalan ito ng trabaho. Kaya lang, alam niya na hindi iyon ang tunay na dahilan kung bakit nito d-in-ecline ang application niya. Napatiim-bagang siya nang maalala na naman niya ang sinabi nito kanina.
Sa dress code pa lang bagsak ka na.
“Come on, Mr. Villaverde. You are being unreasonable. Hindi mo puwedeng tanggihan ang application ko dahil lang ganito ang suot ko.”
“Hindi lang ito tungkol sa pananamit mo, Miss Monteguado. Tungkol ito sa reputasyon ng farm. Paano kita tatanggapin na manager kung una pa lang, nakita ko na ang pagiging brat mo?”
“How dare you judge me?” naiinis na pinukpok niya ng kamao ang lamesa nito. Ngayon lang niya ikinagalit na may nagsabi sa kaniya ng brat. “Saan ang professionalism mo do’n kung hindi mo tatanggapin ang application ko dahil lang sinira ko ang sasakyan mo na kasalanan mo naman?”
Malamig na tiningnan siya ni Crisostomo bago muling nagsalita. “I am sorry, Miss Monteguado. Pero wala akong oras para makipagtalo sa’yo. Ginawa ko lang ang trabaho ko. Nag-apply ka at ni-review ko naman ang application mo. Hindi ka lang talaga pumasa sa qualification ng ina-apply-an mong posisyon.”
“Ang sabihin mo, takot ka lang talagang mawalan ng trabaho. Dahil alam mo na mas qualified ako kaysa sa’yo.”
“May katabing farm itong Bukid ni Jose. And I heard na nag-resign ang general manager nila,” malamig pa ring turan nito. “Kung alam mo na qualified ka sa posisyong iyon, puwede kang mag-apply sa kanila. Ipapahatid pa kita sa empleyado ko.” Kumulimlim ang guwapong mukha nito. “Puwede naman akong mag-resign din at magpaubaya. Pero hindi sa katulad mo.”
Iniinsulto ba siya nito? Nakita niya kaya kanina na poultry farm ang tinuttukoy nito. Wala naman kasing ibang farm sa lugar na iyon bukod doon at itong Bukid ni Jose. Pero kung nagkataon na malaki at malawak ang poultry farm na iyon, hindi pa rin papayag si Anne. Mahigpit na ibinilin sa kaniya ni Don Jose Miguel na wala siyang ibang pagtatrabahuan bukod sa Bukid ni Jose.
“Just give me a chance,” pinilit niyang maging kalmado. Hindi puwede na hindi siya matanggap sa farm na iyon. “Patutunayan ko sa’yo na karapat-dapat mo akong i-hire. Mukha lang akong brat pero marami din akong alam na trabaho." Tinutukoy ni Anne ang mga naging experience na niya noon sa Italy bago pa siya nakarating sa kinaroroonan niya ngayon. Tulad na lang ng pagtatrabaho na niya sa fast-food.
Kung kailangan niyang balikan iyon pansamantala para lang magtagumpay sa farm na iyon, gagawin niya.
Hindi siya pinakinggan ni Crisostomo. Tumayo ito at ibinalik kay Anne ang resume niya. “Pasensiya ka na, Miss Monteguado. But my decision is final. Sa iba ka na lang mag-apply. Hindi para sa’yo ang farm na ito.”
Napaunat sa kinauupuan niya ang dalaga nang buksan nito ang pinto ng opisina. Mukhang seryoso talaga ito na paalisin siya. Ramdam niya na pini-personal na siya ng lalaki. Siguro para makabawi sa pagsira niya sa sasakyan nito. Gayon man ay hindi siya papayag na mapaalis sa farm na iyon na walang napapala.
Lumapit siya rito at pinalambot ang anyo. “Mr. Villaverde, please. Kahit anong posisyon o trabaho na lang ang ibigay n’yo sa’kin, willing akong tanggapin iyon. Huwag n’yo lang akong paalisin dito sa Bukid ni Jose.” Sa unang pagkakataon simula nang maging mean siya ay nakiusap si Anne.
At mas nagugustuhan pa niya iyon kaysa ang magmakaawa siya sa daddy niya na kunin na siya at ibalik sa poder nito.
Dahil sa likod ng isip ni Anne, sisiguraduhin niya na makakapaghiganti pa rin siya sa Crisostomo Villaverde na ito kapag nagkaroon siya ng pagkakataon. Basta sa ngayon, kailangan niya ito. Gagamitin muna niya ito saka niya pagbabayarin.
Parang hindi makapaniwala na napatitig sa kaniya ang lalaki. Ngunit hindi agad ito nagsalita na para bang tinatantiya pa kung seryoso ba siya sa sinabi niya, “Sigurado ka? Kahit ano?”
Sa halip na sumagot ay tumaas lang ang kilay ni Anne. “Mukha ba akong nagbibiro? Unless, ikaw itong hindi sigurado.”
“Okay then.” Muli nitong isinara ang pinto ng opisina at naglakad pabalik sa executive table nito. Akala niya ay lalagpasan siya nito. Pero tumigil ito sa harapan niya na may isang hakbang ang layo. Ganoon na lang ang kaba ni Anne nang sipatin siya nito. “Tamang-tama na kulang kami ng mga taga-tanim at taga-tali ng kamatis. Since sinabi mo na okay lang sa’yo ang kahit anong trabaho, bukas na bukas din ay puwede ka nang magsimula. Congratulations. And again, Welcome to Bukid ni Jose, Miss Monteguado.”
Nanlaki ang mga mata ni Anne sa narinig na trabahong inaalok nito sa kaniya. “Ano?!”