Chapter Six

2244 Words
AKALA ni Anne tuluyan na siyang mawawalan ng pag-asa na may tutulong sa kaniya sa miserableng sitwasyon niya sa mga sandaling iyon. Sa bawat minutong lumilipas na nararamdaman niya ang paghapdi ng kaniyang mga talampakan dahil sa mga galos at sa pandidiri sa mga putik sa kaniyang katawan na hindi na niya alam kung paano pa lilinisin, lalo lang tumitindi ang galit niya sa kaniyang ama. “Look what happened, Dad.” She gritted her teeth nang mapansin niya ang maliit na sugat sa kaniyang binti. “Sa tingin mo mapapatawad pa kita?” Sandaling huminto ang dalaga at pinunasan ng panyo ang kaunting dugo na nakita niya mula roon. Lalong nagpuyos ang kalooban niya nang maalala niya ang aroganteng driver na naka-engkuwentro niya kanina. Kung isinakay lang sana siya nito… Mayamaya ay natigilan si Anne nang may marinig siya na ugong ng sasakyan na palapit sa direksyon niya. Mabilis siyang tumayo at tumingin sa pinanggalingan ng tunog na iyon. Kumunot ang noo niya nang makilala ang lumang pick-up truck na sinira niya kanina. Napapitlag siya nang bumusina iyon bago pa man tumigil sa tabi niya. “Ano pa ang hinihintay mo? Sasakay ka ba o hindi?” masungit na sabi ng lalaki nang buksan nito ang salamin sa side niya at sumilip lang nang bahagya. Tumaas ang kilay ni Anne. “Bakit ka bumalik? At bakit mo ako pinapasakay? Akala ko ba wala akong maaasahan na tulong sa’yo dahil sinira ko iyang pangit na sasakyan mo?” Naunahan agad siya ng pride niya. Huli na niya na-realize na baka lalo itong magalit at tuluyan na nga siyang iiwan. Palakas nang palakas pa naman na ang ulan at dumidilim na ang paligid dahil sa maiitim na ulap. Kung puwede lang sana niyang bawiin ang mga sinabi at magpanggap na mabait… “Dahil empleyado ako ng Bukid ni Jose. At ayokong masira ang reputasyon ng farm kapag napahamak ang isang aplikante na gaya mo,” malamig na tugon nito. “Pero kung hindi ako matinong empleyado…” pambibitin nito sa sariling salita. Muntik nang mapangiwi si Anne. Siya? Aplikante lang? Well, ano nga ba ang pakay niya rito? Gusto na niyang lunukin ang pride kahit sa mga oras na iyon lang, at tanggapin ang tulong na inaalok ng lalaki kahit lantaran naman nitong sinabi na napipilitan lang ito. Pero hindi niya talaga kaya. “Thank you na lang. Pero hindi ako tumatanggap ng tulong sa mga napipilitan lang.” Inirapan pa niya ito bago tumalikod at ipinagtuloy ang paglalakad. “Ikaw ang bahala. Basta huwag mong ipagsabi sa mga tao sa farm na hindi kita tinulungan.” Nang marinig niya ang muling pag-andar ng sasakyan ay saka lang nataranta ang dalaga. Mukhang seryoso talaga ang walang hiy* na iwanan siya roon. Huminto siya sa paglalakad at mabilis na pumihit pabalik. Iniharang pa niya ang sarili sa daanan habang nakataas ang dalawang braso para huwag padaanin ang sasakyan. “Okay, fine! Sasama na ako sa’yo. But if I had a choice…” panggagaya niya sa tono nito kanina. Ibinitin din niya ang sariling salita. Bitbit ang payong, lumapit siya sa pinto na nasa passenger’s seat. Nakita niya ang pag-iling ng lalaki. Akala niya hindi siya nito pagbubuksan ng pinto. Gentleman naman pala! “Ihatid mo lang ako sa farm. Babayaran na lang kita kapag sumahod na ako as manager,” puno ng kumpiyansa na sabi ni Anne nang makapasok at makaupo siya sa tabi ng lalaki. Ni hindi siya nag-thank you sa pagbukas nito ng pinto para sa kaniya. Ngunit aminado ang dalaga na agad niyang naramdaman na parang sumikip ang mundo niya dahil sa init ng presensiya nito. Hindi ito sumagot maliban sa mahinang tawa na parang nakakaloko. Tiningnan lang niya ito nang masama pero hindi na nito iyon nakita dahil pinaandar na ang sasakyan. Napasimangot na lang si Anne sa pambabalewala nito sa kaniya. Ni hindi man lang sinulyapan ang legs niya na pinagkrus pa niya. Makinis at maputi pa rin naman ang mga iyon kahit maputik. Samantalang siya, hindi niya napigilan ang sarili na sulyapan ang katabi at pasimpleng sinipat ng tingin. Gosh, this man was really tall. May ibubuga rin kapag itinabi sa mga Italyano at iba pang foreigner na nakasama na niya. Nagmukha ngang masikip ang driver’s seat dahil sa tangkad ng lalaki. Nagmistulang laruan lang din ang manibela na hawak dahil sa malalaking palad nito. “Huwag mo akong titigan habang nagmamaneho.” Napaangat ng mukha ang dalaga nang marinig niya ang sinabing iyon ng lalaki. Napalunok siya nang magtama ang mga mata nilang dalawa. Nakatiim-bagang ito na ikinakunot ng noo niya. “Bakit? Masama na ba ang tumingin sa’yo? And besides, hindi kita tinitingnan, ‘no? Feeling mo naman!” pataray na depensa niya. She hissed before she looked away. Paano ba kasi niya nakita na tinitingnan ko siya? At bakit kaya ang init agad ng ulo sa kaniya ng lalaking ito? First meeting pa lang naman nila. Kadalasan sa mga lalaking unang nakakasalamuha niya ay humahanga na agad kay Anne. Pero itong isang ito, galit na agad sa kaniya bago pa man niya sirain ang sasakyan nito. Kung wala lang talaga siyang kailangan dito, kanina pa niya ito minura nang minura. Ngunit hindi niya papayagan na ito pa ang maging hadlang para magtagumpay siya sa farm na iyon at may maipagmalaki siya sa kaniyang ama pagbalik niya sa Manila. Dahil parang wala namang balak ang lalaki na kausapin siya o kahit magpakilala man lang, ni hindi nga tinanong ang pangalan niya. Kaya inabala na lang ni Anne ang sarili sa pagtingin-tingin sa paligid. Unang dumako ang kaniyang mga mata sa loob ng pick-up truck nito. And she admitted na kahit luma na, malinis at maayos pa rin ang loob niyon. Masarap din sa ilong ang amoy na nalalanghap niya. O sadyang mabango lang ang lalaking katabi niya? Kanina pa niya na pansin na kahit pawisan, nangingibabaw pa rin ang male scent nito na parang ang sarap habulin ng ilong kapag nalanghap. Shut up, Anne. Kailan pa bumaba ang taste mo sa lalaki? mariing saway ng kaniyang isipan. ILANG sandali pa ay natanaw na ni Anne ang karatula na may nakasulat na ‘Welcome to Bukid ni Jose Farm’. At aminado ang dalaga na namangha siya sa nakita ng mga mata niya. Akala niya kasi ay isa lang iyong ordinaryong farm dahil sa kalsada na nadaanan niya kaniya. But Bukid ni Jose was huge and beautiful. Nakakalula ang lawak at magagandang scenery na nadaanan nila. Hindi siya sigurado. Pero sa tantiya niya, mahigit ten hectares ang lawak ng farm. Ang dami na nga nilang nadaanan tulad ng museum, zoo, orchidarium, hydroponics farm, at mga farm-to-table restaurant bago nila narating ang isang maliit na kubo na yari sa pawid at kawayan. At kahit iyon man ay napahanga si Anne. She felt at home nang dalhin siya ng lalaki sa loob niyon. “Dito ka nakatira?” tanong niya nang ilibot niya ang tingin sa paligid. May isang set ng bamboo seat sa sala at center table na gawa rin sa kawayan. May buhay na halaman ang nakalagay sa paso sa gitna niyon. Pati sa ibang sulokng kubo ay may mga halaman din. Kung sino man ang nakatira sa kubo na iyon ay nagpapakita lamang iyon na mahilig ito sa halaman. May puting kurtina ang nakahiwalay sa sala at maliit na kusina. Bukod doon, iisang pinto lang ang napansin ni Anne na marahil ay siyang silid ng nakatira sa kubo na iyon. Bahagyang tumaas ang kilay niya at sulok ng kaniyang labi. Muntik na niyang maibulalas ang paghanga sa bahay na iyon dahil sa sobrang ayos at linis ng paligid. Buti naalala niya na baka doon nga nakatira ang lalaking kasama. Lumaki pa ang ulo kapag pinuri niya. “Sino nga uli ang may-ari nitong farm?” pag-iiba ng tanong ni Anne matapos siyang hindi sagutin ng lalaki. Sa halip ay ang farm na lang ang pinuri niya, “Mukhang hindi naman pala siya kuripot kasi sobrang linis at ganda nitong Bukid ni Jose. Ang lawak-lawak pa. For sure na malaki rin ang kinikita niya rito. Nagtataka lang ako kung bakit ‘yong kalsada na papunta rito, hindi niya mapagawa,” walang preno na komento pa ng dalaga. “O baka naman dahil bulsa lang niya ang mahalaga at wala siyang pake sa mga taong pumapasok dito?” Kung tutuusin, ganoon din naman si Anne. Wala rin naman siyang pake sa mga taong nagtatrabaho at tumatangkilik sa lahat ng kumpanya na pag-aari nila, ‘di ba? Sobrang nainis lang talaga siya sa may-ari nitong farm dahil sa mga naranasan niya ngayong araw. “Tigilan mo na ang pagrereklamo at magpalit ka na bago mo pa madumihan ang sofa ko,” sa halip ay seryosong utos sa kaniya ng lalaki bago ito pumasok sa pinto na nahulaan niya na silid. So, tama nga ang hula niya na sa kubong iyon ito nakatira. Pagbalik ng lalaki, may dala na itong puting tuwalya at toiletries na hindi pa nagagamit. Iniabot nito ang mga iyon sa kaniya habang seryoso pa rin ang mukha. “Paglabas mo ng pinto, may makikita ka pang pinto na yero. Iyon ang banyo.” “W-what? Anong pinto na yero?” Hindi ito sumagot. Mukhang naiinip na ito sa pag-abot ng tuwalya na hindi pa rin tinatanggap ni Anne kaya ipinatong na lang nito iyon sa balikat niya. “Hugasan mong mabuti iyang sugat at mga galos mo para magamot pagkatapos mong maligo. Linisin mo na rin ang banyo bago ka lumabas dahil may ibang gumagamit niyon,” utos pa nito sa kaniya at ibinigay ang toileries bago siya tinalikuran. Pero bago pa man ito makapasok sa kusina ay muli itong bumaling sa kaniya. “Oo nga pala, Welcome dito sa Bukid ni Jose Farm.” Iyon lang at tuloy-tuloy na siyang iniwanan. Naiwan si Anne na kumikibot-kibot ang mga labi. Ano iyon? Pakunsuwelo sa pag-utos-utos nito sa kaniya? How dare him? KUNG hindi lang talaga maayos at malinis ang banyo na pinasukan niya kanina, siguradong puro reklamo na naman sana si Anne. Ngayon lang siya naka-encounter na ang banyo ay nasa labas ng bahay. Dahil nakalimutan niyang dalhin ang backpack na may mga lamang damit niya kaya nakatapis lang ng towel nang lumabas siya ng banyo. Nagulat pa siya nang makitang may mangilan-ngilang kalalakihan sa di-kalayuan ang napahinto sa pagtatanim at napatingin sa kaniya. “What are you staring—” Naputol ang akmang pagsigaw ni Anne nang bigla na lang may humablot sa braso niya at hinila siya papasok sa loob ng kubo. At iyon ay walang iba kundi ang masungit na lalaki. “Get off me, jerk!” asik niya rito nang makapasok sila sa loob. Para kasi siyang napaso sa pagkakadikit ng mga balat nila. Tila may kuryente ang dumaloy sa buong katawan niya na hindi kayang ipaliwanag ng dalaga. At naiinis siya sa kaniyang sarili dahil parang nagustuhan niya ang init na nagmumula roon. Lalo siyang nainis nang maalala na iisang lalaki pa lang ang nagparamdam sa kaniya nang ganoon. Ang estrangherong lalaki na nakilala niya noon sa bar at pinagtaguan siya! “Bakit ka lumabas nang ganiyan ang hitsura mo? Alam mo naman na may mga tao sa labas, ‘di ba?” sita sa kaniya ng lalaki bago pa man siya makadistansiya rito. Bakas ang iritasyon sa mukha nito. “At ano ang gusto mong gawin ko? Lumabas nang nakahubad?” Gumanti rin ng pagsusungit si Anne. “Eh, nasa labas ang banyo mo at naiwan ko rito sa loob ang bag ko.” Hindi ito nakasagot. Pero kung tingnan siya, kulang na lang ay sabihin nitong alangan namang ang banyo pa nito ang mag-a-adjust samantalang siya itong nakikigamit lang. “Wait. Bakit ka ba nagagalit na ganito ang hitsura ko? Ano naman ang pake mo kung rumampa man ako sa labas ng nakatapis lang?” Kinabahan si Anne nang bigla itong humakbang para tawirin ang natitira nilang distansiya hanggang sa gahibla na lang ang pagitan ng kanilang mga mukha. He looked at her intently that almost shivered her spines. Ngunit hindi nagpatinag ang dalaga at matapang na sinalubong pa ang tingin ng lalaki kaysa ang umatras. “You think you’re scary?” taas-noo na sabi pa niya kahit ang totoo ay parang binabayo na ang dibdib niya sa lakas ng t***k ng puso niya. “Hindi porke’t isinakay mo ako at pinagamit ng banyo ay may karapatan ka nang utos-utusan ako at sabihan kung ano ang dapat na gawin ko. As if naman, hindi ko alam na kaya mo lang ito ginagawa dahil natatakot ka na baka tanggalin nga kita sa trabaho kapag naging manager na ako rito.” “Masiyado nga talagang mataas ang tingin mo sarili. Hindi na ako nagtataka kung bakit dito ka napadpad,” makahulugang wika nito bago dumilim na naman ang anyo. Gusto sana niya itong usisain pero nagpigil siya. As if naman na sasagutin siya nito. “Magbihis ka na. Para maihatid na kita sa gusto mong puntahan dito sa farm,” utos na naman nito kay Anne at itinuro ang nag-iisang pinto. Pakatapos ay walang pasabi na iniwan siya. Gusto niyang tumili sa inis dahil wala pang lalaki ang gumawa niyon sa kaniya. Pero bandang huli ay sumunod din naman siya. Natigilan na lang siya nang makarating siya sa loob at napatunayan niyang silid nga iyon ng lalaki. Dahil nakita niya ang checkered long sleeve na suot nito kanina na nakasampay sa likod ng pinto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD